Ang Malaking Puso ni Baby Eugenio…may karinderya sa Fort Santiago (Intramuros, Manila)

Ang Malaking Puso ni Baby Eugenio

…may karinderya sa Fort Santiago (Intramuros)

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa unang tingin, aakalaing suplada si Baby dahil tisayin ang mukha at halos hindi ngumingiti, subalit kapag nakausap na ay saka pa lang makikita ang tunay niyang pagkatao – malumanay magsalita at hindi man ngumingiti ng todo ay madadama sa kanyang pananalita ang kababaan ng loob.

 

Nang umagang napasyal ako sa Fort Santiago, napadaan muna ako sa kanyang karinderya sa gate ng parking lot at habang nagkakape ako ay biglang napunta ang usapan namin tungkol sa buhay, lalo na ang kanyang mga karanasan sa pagpalipat-lipat ng puwesto. Ayon sa kanya, dati ay isa siyang typical na sidewalk vendor dahil nagtitinda siya sa mga maluluwag na puwesto tulad ng nasa likod ng Immigration Bureau, Ancar Building, gilid ng Jollibee at UPL Building, hanggang sa natiyempuhan niya ang puwesto sa gate ng parking lot ng Fort Santiago. Nalula ako nang sabihin niyang 46,000 pesos ang upa niya sa isang buwan sa puwesto. Upang makahabol sa bayarin, maliban sa pagluluto ng mga ulam, tsitserya, kape, soft drinks, at biscuit, ay pinangasiwaan na rin niya ang pag-asikaso sa parking lot.

 

Habang tinutulungan siya ng hipag niyang si Bing sa pagluluto at pagsisilbi sa mga customer, tumutulong naman si Arbi na anak ni Bing sa pag-asikaso sa parking lot. Pero kapag kasagsagan na ng pagsilbi ng pagkain at iba pang mga gawain sa karinderya ay saka naglalabasan ang iba pang umaalalay kay Baby.

 

Mabuti na lang at medyo nakuha ko ang kalooban at tiwala ni Baby kaya maluwag siyang nagkuwento tungkol sa buhay niya. Ang asawa na dati ay nagtatrabaho sa National Treasury, ngayon ay nagpapahinga na lang sa bahay dahil humina ang katawan at nagpapa-dialysis isang beses isang linggo. Sa kabuuhan, dalawampu’t apat ang nasa kalinga ni Baby – mga tinutulungan niya at bilang ganti ay tumutulong din sa kanya. Anim dati ang anak niya, subalit namatay ang panganay na kambal, kaya ang natira ay apat.

 

Labing-siyam na taong gulang si Baby ng mag-asawa. Tubong Masantol, Pampanga, siya ay nakipagsapalaran sa Maynila hanggang sa magkaroon ng pamilya. Ang nakakabilib ay ang ibinahagi niya sa aking kuwento tungkol sa mga taga-ibang probinsiyang nakipagsapalaran sa Maynila na ang iba ay mga seafarer na umistambay habang naghihintay ng tawag mula sa inaaplayang manning agency para sumakay sa barko, at kanyang kinalinga. Sa Intramuros ay marami ang ganitong mga nakikipagsapalaran sa Maynila dahil hindi kalayuan sa Fort Santiago ay ang opisina ng union nila. Marami ring mga manning agencies ng seafarers sa loob ng Intramuros. Upang makalibre sa tirahan at pagkain ay tumutulong-tulong sila sa karinderya, hanggang sa sila ay makasakay ng barko. Ang ibang seafarers na galing sa probinsiya ay napansin kong umiistambay naman sa Luneta o di kaya ay sa isang lugar na itinalaga sa kanila, sa labas ng National Library of the Philippines.

 

Ano pa nga ba at ang karinderya ni Baby ay mistulang “halfway home” o “bahay-kalinga” ng mga probinsiyanong seafarers. Hindi na maalala ni Baby kung ilan na ang kanyang natulungan na ang ibang nakakaalala sa kanyang kabutihan ay bumabalik upang magpasalamat, subalit ang iba naman ay tuluyang nakalimot sa minsan ay tinirhan nilang karinderya sa Fort Santiago. Nangyari ang ganitong pagkakawanggawa sa loob ng limang taon hanggang ngayon, sapul nang siya ay mapapuwesto sa bukana ng Fort Santiago.

 

Para kay Baby, na ngayon ay 58 taong gulang, pangkaraniwan na sa kanya ang pag-alalay sa kapwa o maging maluwag sa kanilang pangangailangan. Napatunayan ko ito nang biglang may lumapit sa kanya upang magtanong kung pwede silang kumain sa karinderya subalit hindi bibili ng pagkain dahil may baon sila. Walang patumpik-tumpik na pumayag si Baby, kahit pa sinabi ng nagpaalam na dalawampu sila. Ibig sabihin ay gagamitin nila lahat ng mesa at silya, kaya walang magagamit ang mga kostumer. Pero bale-wala kay Baby ang lahat…okey pa rin sa kanya. Mabuti na lang at napansin ng hipag niya na ang porma ng grupo ay parang sasali sa programa para kay Jose Rizal dahil nang araw na yon, December 30, ay paggunita ng kanyang kamatayan, kaya iminungkahi niya sa lider ng grupo na upang hindi sila mahirapan ay sa piknikan, sa loob na mismo ng Fort Santiago sila kumain dahil mas presko at marami ring mesa at upuan, at ang lalong mahalaga ay ilang hakbang na lang sila sa lugar na pagdadausan ng programa kung saan sila ay kasali.

 

Ibinahagi ni Baby na hindi man siya mayaman sa pera, ay mayaman naman siya sa pakisama. Natutuwa na siya sa sitwasyon niyang ganoon. Mahalaga sa kanya ang pagtulong sa kapwa bilang pasasalamat sa Diyos dahil sa ibinigay sa kanyang mga biyaya. Nakapagpundar na silang mag-asawa ng isang bahay na katamtaman lang ang laki sa Molino, Bacoor City (Cavite).

Imelda Torres: Ang Babaeng “Barker” o Taga-tawag sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)

Imelda Torres: Ang Babaeng “Barker” o Taga-tawag

sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang “barker” ay taga-tawag ng mga pasahero at taga-sigaw ng destinasyon ng sasakyang pampubliko tulad ng bus, jeepney o van. Siya rin ang namamahala sa maayos na pag-upo ng mga pasahero. Kung minsan, ang tawag sa kanya ay  “dispatcher”, subalit iba sa talagang “dispatcher” sa istasyon ng bus na konektado sa kumpanya. Kung nakapila ang mga jeep o van na itinatawag ng “barker”, siya rin ang taga-kolekta ng pamasahe at kapag inabot na niya sa driver ang nalikom na pera, ay saka pa lang siya aabutan ng bayad sa kanyang serbisyo. Ang bayad naman sa “barker” ay hindi pare-pareho, depende sa dami ng pumipilang sasakyan at lugar ng pilahan. Mayroong inaabutan ng Php20.00 at ang pinakamalaki ay Php30.00.

 

Ang mga nakapila sa Liwasang Bonifacio ay mga aircon van na biyaheng Sucat (Paraἧaque) at Alabang (Muntinglupa). Ang pilahang ito ay hawak ni Imelda Torres, 65 na taong gulang. Taong 1972 pa lamang ay nagtatawag na siya dito….panahon ng Martial Law sa ilalim ni Ferdinand Marcos. Nang panahong yon, ang sabi niya, napakaganda ng Manila Metropolitan Theater na tanaw lamang kung saan kami nakaupo. Ngayon, ang paligid nito ay mapanghi dahil ginawang ihian at ang mga dingding na natuklapan na ng pintura ay sinalaula ng mga istambay sa pamamagitan ng pag-spray paint ng pangalan ng gang nila.

 

Ligtas daw noon ang pamamasyal sa paligid ng liwasan dahil palaging may umaaligid na mga pulis kahit sa gabi. Kahit abutin siya ng dis-oras ng gabi sa pagtatawag, hindi siya natatakot sa paglakad pauwi sa tinitirhan niya sa kalapit lang na Intramuros. Ang kinikita niya ang ikinabuhay niya sa apat niyang anak noong maliliit pa sila. Ngayon, ang isa ay nasa Japan na. Ang iba pa niyang mga anak ay may mga sarili nang pamilya.

 

Pinakamalinis na kita ni Aling Imelda ay Php200 isang araw. Napapagkasya niya ang halagang ito sa kanyang mga pangangailangan sa araw-araw. Hindi na siya nagluluto dahil mag-isa lang naman siya at sa maghapon ay nasa liwasan siya, kung saan ay maraming karinderya na mura lang ang panindang mga pagkain. Ang tanging luho niya sa katawan ay ang minsanang manicure at pedicure, at ilang alahas na pilak sa mga daliri at braso.

 

Sa gulang niyang 65, wala nang mahihiling pa si Aling Imelda na kailangang gastusan ng malaking halaga. Masaya siya dahil ang mga anak at apo niya ay nakakakain sa tamang oras, hindi nga lang maluho ang mga pagkain. Ang kalaban lang niya ay ang paminsan-minsang dumadapong sakit tulad ng sipon at lagnat. Ganoon pa man, kahit halos namamalat na siya dahil sa biglang pagkakaroon ng lagnat o sipon ay hindi pa rin siya tumitigil sa pagtawag, tulad nang umagang nag-usap kami. Sayang din nga naman ang kikitain niya kung palalampasin niya.

 

Mabuti na lang at pumayag siyang kunan ko ng litrato, pero tinapat ko siya na igagawa ko siya ng kuwento at ilalagay ko sa internet. Natawa siya nang sabihin kong baka mabasa ng anak niya sa Japan ang isusulat ko tungkol sa kanya.

Nang iwanan ko siya upang ituloy ang paglakad papunta sa Avenida (Sta. Cruz), narinig ko uli ang boses niya na tumatawag ng mga pasahero. Habang naglalakad ako, naalala ko ang nanay namin na nagtatawag ng mga mamimili upang lumapit sa mga inilatag niyang ukay-ukay tuwing araw ng tiyangge sa bayan namin, noong maliit pa ako….

IMG7162

Mga Payak na Lutong Maragondeno

Mga Payak na Lutong Maragondeῆo

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi tulad ng ibang bansa na ang maipagmamalaki lamang ay mga natatanging taal na pagkain at pamamaraan sa pagluto o recipe, ang sa Pilipinas, bukod sa pagkakaroon ng huling nabanggit, ay mayroon ding mga hango sa pamamaraan ng mga mananakop. Subali’t mayroong mga rehiyon at probinsiya na nakapagpanatili ng sarili nilang mga lutuin. Isa na diyan ang Maragondon, isang bayan ng Cavite.

 

Kung anong dagundong mayroon ang pangalan ng bayan, ay ganoon din ang mga sariling lutuin nito. Ayon kay Gng. Emma Mendoza Duragos, isang caterer na taga- Maragondon, ang mga lutong Maragondeῆo ay binabatay sa mga kung ano lang ang mahahagilap sa paligid, subali’t nagagawan ng paraan upang maging malasa at malinamnam. Ang kapayakan sa paghanda ng mga ito ang dahilan kung bakit marami ang nahalinang matuto sa paghanda ng mga nabubukod tanging pagkaing Maragondeῆo.

 

Ang piniritong lumpiya halimbawa ay kaunti lamang ang mga sangkap tulad ng singkamas o hilaw na papaya o kung talagang espesyal ay ubod ng niyog, carrot o kamoteng dilaw, sibuyas bombay o dahon, at konting pamentang durog. Ang manamis-namis na lasa ay galing sa sangkap na carrot o kamote.

 

Sa mga pinaasim na lutuin tulad ng paksiw o sinigang na isda, ang pinakamahalagang sangkap ay kamyas lamang. Ganito rin ang ginagawa sa sinigang na baboy o baka, subali’t may dagdag na ilang patak ng sukang niyog. Hindi hinahaluan ang mga ito ng mga rekadong ginagamit sa mga lutuing intsik o Indiyano.

 

Ang monggo na itinuturing na pang-Biyernes na ulam, ay pinapakuluan ng matagal upang talagang lumambot at hinahalong mabuti upang lumapot. Hinahaluan ito ng kung anong gulay ang maaaring makalap sa paligid tulad ng dahon at talbos ng ligaw na ampalaya o malunggay. Palasak sa Maragondon ang paghalo ng dinurog na tsitsarong balat ng baboy sa nilagang monggo na lalong nagpapatingkad ng lasa nito.

 

Ang manok na sarsiyado ay niluluto muna ng bahagya sa pinagbabaran nitong mga sangkap upang masigurong manuot ang lasa sa laman, at pinipirito din ng bahagya upang mawala ang lansa. Binibigyan nila ng halaga ang luya sa pagluto ng sarsiyadong manok, baka at isda, upang matanggal ang lansa sa mga ito.

 

Hindi maiwasang mapag-usapan ang mga payak o simpleng pagluluto sa panahong ito dahil sa kahirapan ng buhay. Napatunayan ng mga taga-Maragondon na simple man ang paraan sa paghanda ng mga pagkain nila, nagagawan nila ito ng paraan upang maging masarap. Ginagamit ni Gng. Duragos ang kaalaman niya sa mga paraang Maragondeῆo sa pagluto, sa kanyang hanapbuhay bilang caterer at karinderyista sa loob ng isang subdivision na dinadayo dahil sa murang halaga ng mga ulam at sarap ng mga ito. Kung kinakailangan o kung pinapakiusap ng nagpapa-cater, nagluluto rin si Gng. Duragos ng mga ulam na naimpluwensiyahan ng Kastila at Hapon. Subali’t may paraan siya upang pumaibabaw pa rin ang timplang Maragondeῆo na natutunan niya mula noong siya ay bata pa. Ang paraang ito o “twist” ay nauuso sa makabagong “cuisine”. Ang malungkot lamang ay ayaw niyang ipamahagi ang mga paraan ng pagtimpla dahil “trade secret” daw. May gumaya na daw kasi subali’t sa halip na magpasalamat ay siniraan pa siya. Naging bahagi na ng  adhikain ni Gng. Duragos sa pagluto ang paniniwalang hindi kailangang gumastos ng malaki upang makatikim ng masarap na pagkain…at yan ay napatunayan niya.