Congratulations kay Secretary Lina!
…lalo niyang pinasabog ang damdamin ng mga Pilipino
laban sa administrasyon!
ni Apolinario Villalobos
Malamang ay nagtitinginan ang mga taga-Malakanyang sa ginawang pambulabog ni Lina, bagong Komisyoner ng Bureau of Customs (BoC) sa nananahimik na mga OFW, na ang mga pamilya ay naghihirap at nagngingitngit na sa galit kay Pnoy dahil sa mga nangyayaring korapsyon na naging sanhi ng nakawan sa kaban ng bayan at kagutuman.
Ang tanong: PLANTED BA SI LINA NG OPOSISYON? Kung ang sagot ay OO…magaling sila!
Ayaw ko nang banggitin kung paanong nag-umpisa ang mga Lina sa kanilang mga negosyo dahil hahaba lang ang blog na ito…at isa pa, marami na rin ang nakakaalam. Tulad ng ibang “matitibay” ang kapit sa kanilang kinalalagyan ngayon, palipat-lipat din sila ng mga bakod, mula pa noong panahon ni Marcos.
Hindi inalintana ng administrasyon ni Pnoy ang sasabihin ng mga tao at mga kakumpetisyon sa negosyo ng cargo forwarding ang pagtalaga kay Lina bilang bagong Komisyoner ng BoC, dahil sa mga koneksyon nito sa iba’t ibang negosyo na may kinalaman sa cargo forwarding. Mapapaniwalaan ba naman ang sinabi nilang “pinutol” na nito ang kanyang mga koneksyon? Sino ba naman ang matinong magsasakripisyo ng pinaghirapang mga negosyo upang ipagpalit sa isang masalimuot na puwesto sa ilalim ng administrasyong uuga-uga ang pundasyon at iilang buwan na lang ang natitira sa pagpatakbo ng bansa…at kuwestiyonable pa ang mga accomplishments, kaya ang mga kandidadto sa 2016 ay mahihina?
Kung ang pinagbabasehan ni Lina ng kanyang nakakabiglang plano ay ang dating batas na ginawa ni Marcos, dapat ay nagkunsulta muna siya sa mga senador dahil ang maselang isyu ay may kinalaman sa lehislasyon na trabaho ng senado. Hinayaan muna sana niyang may gagawing bagong batas na dadaan sa proseso na siya naman niyang gagamiting batayan. At wala nang magrereklamo dahil may mga gagawing konsultasyon din sa mga grupong may kinalaman sa isyu ng balikbayan box. Yan ay kung talagang “tapat” ang kanyang “layunin” na kumita ang BoC para sa gobyerno. Subalit magkano lang ba ang kikitain sa isyu ng balikbayan box kung ikukumpara sa mga nakakalusot na mga kontrabando, na sinasabi ng marami na pinapalusot ng mga tiwali sa kagawaran?…na ang iba ay basura pa!!!!
Sinasabi ng BoC na sinisingitan ng mga OFW ang mga kahon ng mga mamahaling bagay para sa kanilang pamilya at yong iba ay nagagamit pa para sa droga. Bakit ngayon pa lang sila bumili ng scanning machines at bakit hindi sila gumamit ng sniffing dogs sa mismong BoC noon pa man? Sa kasalukuyang proseso, hinahayaan ng BoC ang pag-scan ng mga kahon sa mga receiving freight forwarding companies. Para bang sinabi nila na para wala nang tanungan at busisi-an, gamitin ang mga kumpanya na identified kay Lina.
Ang tungkol naman sa mga branded items na sinisingit daw, gaano kalawak ang kaalaman ng mga taga-BoC na original ang mga ito, ganoong alam naman nila na 8 out of 10 sa mga “branded” na produkto sa panahon ngayon ay peke? Nag-training ba sila para dito? At lalong walang sinabi ang mga shampoo, sabon, toothpaste, lumang damit, “Gucci” bag, sapatos, gamit na cellphone, at maraming pang iba na iniipon pagkatapos mabili sa mga “sale” upang makapuno ng isang kahon na nangyayari sa loob ng halos dalawang buwan kung ikumpara sa bilyon-bilyong pisong pinupuslit gamit ang malalaking container vans, at mga mamahaling kotse na idinadaan sa malalayong pantalan ng bansa!
Hindi pa ba kuntento ang gobyerno sa mga remittances ng mga OFW na ang iba ay nabubugbog at napapatay ng mga amo nila sa ibang bansa? Hanggang sa ganitong bagay ba ay bantad pa rin ang damdamin ng pangulo sa kalagayan ng mga OFW na itinuturing na makabagong bayani, at ang mga remittance ay isa sa mga inaasahan ng bansa? Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin nauunawaan ng gobyerno na kaya nangibang bansa ang mga Pilipino ay dahil walang trabaho sa bansa o kung meron man ay kontraktwal na ang sahod ay hindi sapat?
Malamang kung hindi sa banta na talagang lalangawin ang Liberal Party sa darating na eleksiyon ay hindi nagpasabi si Pnoy na huwag munang ituloy ang balak ng BoC. Pero, sorry na lang siya dahil sa kasabihan sa Ingles na: “the harm has been done”.
Ngayon, dahil sa ginawa ni Lina, dalawa ang problema ng Malakanyang: i-check kung planted siya ng oposisyon, at ang kampanya ng mga OFW kasama ang mga naghihirap nilang pamilya at mga kaibigan na ibasura lahat ng mga tatakbo sa ilalaim ng Liberal Party!
Dapat alalahanin na lahat ay nangyayari pagdating sa pulitika – kahit patayan ng magkakapamilya! At ang palipat-lipat ng mga pulitiko sa iba’t ibang “bakuran” ay isa pang malaking pruweba!