Agos ng Buhay….para kay Jose “Direk Joecar” N. Carreon

Agos ng Buhay
(para kay Jose “Direk Joecar” N. Carreon)

Ni Apolinario Villalobos

Sa pagdaloy ng agos ng buhay
Hindi tiyak kung ano ang matatangay
Maaaring ito’y mabubulasaw, umalon-alon
Dahil sa mga bato’t bumabagsak na dahon.

Ano man ang humarang sa agos
Dike man ito o saplad, akala’y maayos
Hindi tatagal sa agos, nagpipilit, umaalma
Parang taong naglalabas ng mga nadarama.

Yan ang buhay ng taong matalino
May matingkad sa pagkabusilak na puso
Tahimik man at matipid sa mga pananalita
Walang yabang, kaya mahal ng kanyang kapwa.

Buhay na payak, kanya’y nilakhan
Hinubog din sa maaliwalas na tahanan
Bihira ang ganyang taong hinog sa panahon
At, yan si “Direk Joecar”… o Jose Nadal Carreon!

(Halaw ang tula mula sa kuwento nina Gene at Maggie Asuncion…
At alay din ng “MIGHTY MITES GROUP” ng University of the Philippines High, Class ’60)

(Posted in facebook, penpowersong.wordpress.com, and penpowersong.blogspot.com)

Ang Mga Ritwal ng Buhay

Ang Mga Ritwal ng Buhay

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa araw-araw nating pamumuhay, ang mga ginagawa natin ay mga ritwal na naging bahagi na nito. Mayroong mga naidadagdag subalit dahil hindi nakasanayan ng iba ay hindi naipapagpatuloy, kaya hindi nangyayari ang inaasahang resulta ng mga ito para sa ikabubuti ng kanilang buhay.

Tuwing umaga, dapat gawing regular ang pagtalima sa tawag ng kalikasan. Ito ay mahalagang panawagan upang tayo ay pumasyal sa isang maliit na kwartong mayroong upuan na may butas kung saan sinu-shoot ang sama ng loob. May ibang tamad gawin ito kaya naiipunan ng lason sa bituka at ang resulta? …cancer at iba pa. Maipon ba naman sa loob ng katawan ang mabantot na dumi o ebak, ano ang inaasahang mangyayari dito?…alangan namang maging pabango! Kapag nagkaroon na, saka magsisisi. Totoong namamana ang sakit subalit kung nag-iingat ay hindi ito magiging malala at makokontrol pa.

Ang paghahanda ng mga halamang gamot na pakukuluan upang mainom ang tubig na pinagpakuluan bilang tsa tuwing umaga, ay kadalasang hindi napapagtiyagaan ng karamihan. Nakakatamad daw ang pumitas ng mga talbos at dahon, at magpapakulo pa. Yong iba naman ay nahihiya at baka sabihin daw ng mga makakakita na naghihirap na sila. Pampigil sana ang tsa sa pagkakaroon ng sakit, lalo na ng kanser subalit dahil hindi napapagtiyagaang gawin, ang mga taong may tendency nito ay nagkakaroon na nga, kaya humantong sa matinding gamutan at operasyon…kung minsan ay kamatayan.

Ang pakikipag-usap sa taong hindi kapalagayan ng loob ay isang ritwal na kailangang gawin upang maiwasan ang samaan ng loob na kadalasan ang dahilan ay napakababaw. Dapat isantabi ang pride at ang kayabangan, lalo na kung ang mga sangkot ay kapamilya at kaibigan simula pa noong kabataan.

Ang paglinis at paghimay ng mga gulay – mga paghahanda, na kailangang gawin ng matiyaga, ay ayaw ng iba. Ang gusto lang nila ay bigyan sila ng luto na. Kung sila ang masusunod, okey na ang piniritong langgonisa, itlog, o tuyo. Kung tamad pa ring magbukas ng kalan, bibili na lang sa karinderya ng lutong adobo o piniritong isda, pati kanin. Kaya sa halip na makatipid, nagiging magastos at magtataka pa sila kung bakit hindi nagkakasya ang kita ng kanilang asawa.

Ang pagpapasalamat sa Kanya tuwing gumising sa umaga ay kadalasang hindi rin nagagawa ng marami. Ano ba naman yong magsambit ng “thank you, Lord” bago magmumog. May kilala akong, ang unang ginagawa sa umaga paggising ay mangalampag ng ibang taong kasama sa bahay upang gumising din. Kapag may hindi nagustuhan ay magmumura, kaya lumalabas na sinimulan niya ang araw niya sa pagmumura.

Bago matulog, dapat ay nagri-review ng mga nangyari sa maghapon upang malaman kung tama ba ang mga ginawa, at upang mapag-isipan ang mga gagawin kinabukasan. Kung kinakailangang gumawa ng listahan, dapat gawin upang hindi magkalimutan. Subalit mas gusto pa ng iba na mataranta pagkagising sa umaga dahil marami palang dapat gawin. May kilala pa rin ako na paggising sa umaga ay kinakausap ang sarili, sabay tanong ng: ano ba ang gagawin ko? At, kung walang maisip, napapalipas niya ang kalahating araw na wala talagang ginagawa, at pagdating ng hapon saka pa lang maalala ang mga mahahalagang bagay na dapat pala ay ginawa niya.

Bahagi na ng buhay ng tao ang ritwal. Sa ligawan pa lang ay may ritwal na, madrama pa, upang magkapalagayan ng loob na hahantong sa kasalan na isa ring ritwal na kung sa iba ay exciting, sa iba naman ay nakakabahala. Kapag nabuntis ang babae, napakaraming ritwal na ginagawa upang hindi makunan. Sa pagkakataong manganganak na, may mga ritwal din. Kung Kristiyano ang magulang, may ritwal din para sa bata upang maging kaisa nila sa pananampalataya. May mga ritwal na sinusunod para lumaking maayos ang bata – mula sa pagpainom ng gamot, pagpakain, pag-enroll sa eskwela, at iba pa. Hanggang sa makarating na rin ito sa panahon ng ligawan.

Sa bingit ng kamatayan, ang isang tao ay dumadaan din sa isang ritwal upang masigurong malinis ang tatahakin niyang daan patungo sa buhay na walang hanggan. Habang pinaglalamayan may ritwal din sa padasal. Kung susunugin naman ang mga labi, may ritwal din ng cremation. Hanggang sa paglibing, may ritwal pa ring sinusunod. Kaya para sa mga simple lang ang iniisip habang nabubuhay…ang buhay ay ritwal-ritwal lamang.

Ang Kahabaan ng Buhay

Ang Kahabaan ng Buhay

Ni Apolinario Villalobos

 

Dalawang kasabihan ang alam ko tungkol sa kahabaan ng buhay, ang tungkol sa pusa na may siyam na buhay daw, at ang tungkol sa masamang damo na matagal daw mamatay. Nabanggit ko ito dahil sa mga pangyayari mula pa noong ako ay bata pa na nagdulot ng kapahamakan sa akin.

 

Noong ako ay wala pa sa gulang upang mag-aral, natumbahan ako ng bangko habang natutulog sa ilalim ng mesang kainan. Swak sa aking noo ang gilid ng bangko na nagpagising sa akin subali’t sandali lang ang sakit na naramdaman ko. Iyon nga lang naalimpungatan ako. Hanggang ngayon, may mababaw na gatla ang gitna ng aking noo. Nang minsan namang umakyat ako sa puno ng balimbing ng aming kapitbahay ang isang sangang nahawakan ko ay tuyo pala kaya ito ay naputol at ako ay nahulog, unang tumama ang aking likod kaya naudlot ang aking paghinga ng ilang sandali. Kinabukasan, bumitin akong patiwarik sa puno ng aming kaimito, nakaangkla lamang ang mga nakatiklop na paa sa sanga, dahil ginaya ko ang napanood kong flying trapeze sa karnabal. Nahulog ako, dibdib naman ang nauna.

 

Noong nasa grade 1 ako, sumama akong maligo sa isang maliit na “ilog” (actually, malalim at malaking irrigation canal ito). Hindi ako marunong lumangoy subali’t dahil may nakita akong ibang bata na naglalangoy-aso, naisip kong kaya ko rin kaya lumundag ako sa tubig, lampas tao pala at malakas pa ang agos. Habang inaanod ako, panay naman inom ko ng tubig, hindi makasigaw pero kumakaway, kaya kinawayan din ako ng iba. Mabuti na lang at sumabit ako sa mga nakalaylay na mga talahib na agad kong kinapitan. Sa bahay naman, lumusot ako sa sahig na kawayan ng aming batalan, diretso sa maburak na lupa. Naligo na lang ako at nang magtanungan kung bakit may butas ang batalan, hindi ako kumibo, maski pa sa akin sila nakatingin.

 

Noong minsang natulog ako na suot ang malaking shorts ng aking kuya, ginamitan ko ng imperdible ang garter upang mahigpitan ang baywang. Nagising ako bandang madaling araw dahil may naramdaman akong sakit sa aking tagiliran. Iyon pala, nakalas ang imperdible at bumaon ang talim sa buto ko sa balakang. Nabunot ko nga subali’t medyo may kahirapan. Nang tanungin ako kung bakit may dugo ang shorts kinabukasan, sinabi ko na lang na nasugatan ang baywang ko sa tindi ng kamot.

 

Noong na-assign ako sa Romblon nang pumasok ako sa PAL, ugali kong maligo sa dagat na ilang hakbang lang ang layo mula sa bahay na tinirhan naming mga empleyado. Isang hapong malalaki ang alon, pinilit ko pa ring lumangoy kaya natangay ako sa malayo. Mabuti na lang at may dumaang mangingisda kaya isinakay ako sa bangka niya at dinala sa tabi. Naging kainuman ko ng tuba ang mangingisda mula noon.

 

Nang inilipat ako sa Maynila mula sa Romblon, napatira ako sa Paraῆaque at dahil sa pakikisama ko, madalas akong makipag-inuman sa mga istambay. Isang beses nahaluan kami sa inuman ng isang makulit. Sa inis ko binigwasan ko siya pero dahil nakainom ako, hindi ko tinamaan ang gusto kong tamaan, mali pa ang porma ng kamao ko, kaya ang nangyari mata niya ang pumutok, lumubog naman ang dalawang “knuckle bones” ko, may pilay ako sa kamay at sumikip pa ang dibdib ko sa sobrang galit kaya itinakbo ako sa ospital. Mabuti daw nadala agad ako dahil heart attack pala ang inabot ko. Tumakas din ako mula sa ospital, kaya muntik na akong matanggal sa trabaho.

 

Nang magkaroon ako ng second hand na “beetle” (Volkswagen) na sasakyan, tatlo ang hindi magandang karanasan ko sa pagmaneho nito. Una ay nang masira ang daluyan ng langis patungo sa brake nito na ang tagas ay nagsimula pala pag-alis ko pa lang sa opisina hanggang umabot sa unang traffic light na tinigilan ko sa Roxas Boulevard. Mabuti na lang at nakita ng cigarette vendor kaya itinabi ko. Sumunod ay nang mabangga ako ng rumaragasang sasakyan mula sa isang intersection, at ang pangatlo ay nang lumipad ako sa ere at umikot ng dalawang beses bago lumapag sa maputik na palayan dahil sa pag-iwas sa trak na sumalubong sa akin, nag-overtake kasi siya sa sinusundan niyang kotse. Ang pangyayari ay nakita ng mga istambay at akala nila ay patay na ako. Sandaling black out ang nadanasan ko. Nakahawak pa rin ako sa manibela pero nakalas sa braso ko ang aking relo pati mga sapatos ko ay sa likod ng kotse ko na nakita. Inabot kong umiindayog pa ang rosary na bigay ni Celso Dapo, kasama ko sa trabaho, na binili niya sa Jerusalem noong pumunta siya doon. Ang rosary ay gawa sa olive wood, at ang isang “decade” nito ay sobra ng isang butil…na itinuring kong signos ng isa pang buhay para sa akin.

 

Sa isang lugar naman sa Cavite na ginawang relocation site ng mga naunang iskwater mula sa Tondo noong dekada otsenta, may isang grupo ng mga pamilya na madalas kong pasyalan dahil sa proyekto kong “goat dispersal”. Maaga pa umiinom na ang karamihan sa mga kalalakihan. May isang taong naging malapit sa akin at nagtapat na tagabili daw siya ng droga ng isang grupo, pero gusto na niyang magbago. Tinutukan ko siya at ang pamilya niya upang matulungan ng lubos. Ang hindi ko alam, markado na pala siya at balak nang itumba, kaya matagal siyang nawala upang magtago. Ang mali niya ay nang bumalik dahil may nagsabi sa kanya na makikipiyesta daw ako sa lugar nila. Ugali na kasi niyang ihatid ako sa hintayan ng jeep kapag ako ay pauwi na. Nang gabing iyon na ihahatid na niya ako, hinarang kami ng isang kotse na binabaan ng tatlong lalaking may mga mahahabang baril at kinaladkad siya upang ipasok sa nasabing kotse. Nang humarang ako, itinulak ako ng isa sa kanila sabay sabing sumunod na lang daw ako. Nang mahimasmasan ako sa pagkatulala, bumalik ako sa bahay na aking pinanggalingan, subalit iilang hakbang pa lang ang nagawa ko, may narinig na kong sunud-sunod na mga putok. Sabi nila, na-salvage daw ang kaibigan ko, nadamay siguro ako kung pinairal ko ang kakulitan ko.

 

Kasama ako sa grupong PAL Mountaineering Club. Noong umakyat kami sa Mt. Hibok-Hibok sa Camiguin, araw na Biyernes trese, gumulong ako sa mabatong dalisdis nito dahil nakipaghabulan ako sa mga kasama ko habang pababa na kami. Tumilapon ang kamerang dala ko, ang backpack at relo. Dalawang beses tumama ang ulo ko sa malalaking bato. Nahilo ako at matagal bago makatayo nang tumigil ako sa paggulong. May naramdaman akong kirot sa kaliwang bahagi ng ulo ko pero hindi ko pinansin dahil wala namang dugo. Ngayon, bumabalik ang kirot tuwing matindi ang init o kung makalog maski bahagya ang ulo ko.

 

Sa Quiapo, noong minsang mamasyal ako, may nadaanan akong nagkakagulong umpukan ng mga tao. Nag-uusyuso pala sa isang nagwawalang babae na may kutsilyo at halatang lasing. Nagsisisigaw at umiiyak dahil niloko daw siya ng isang lalaki, binuntis pa siya. Pati pulis hindi makalapit. Nang marinig ko siyang magmura sa Bisayang Cebuano, naisip kong kausapin siya sa dialect na yon, sumagot naman nguni’t pasigaw. Nang palagay ko ay nakukuha ko ang tiwala niya, nilapitan ko at sinubukang kunin ang kutsilyo, nguni’t matagal bago ibinigay, nag-amba pang ako ay sasaksakin. Nang naibigay na sa akin ang kutsilyo, niyakap ko siya at ipinasok sa isang malapit na restaurant upang kausapin. Halos hindi kami magkaintindihan dahil panay ang iyak niya, minumura pati ang Maynila. Hinuthutan kasi siya ng lalaki at kaya siya nandoon ay upang hulihin niya sa pinupuntahang babae, subali’t hindi niya inabutan. Nang may mabanggit siya tungkol sa balak niyang pag-uwi na lang, sinabi kong handa akong bigyan siya ng pamasahe at baon. Doon pa lang siya nahimasmasan. Inihatid ko siya sa boarding house niya sa Sampaloc at kinabukasan, maaga pa ay sinundo ko upang ihatid sa piyer upang sumakay sa barkong biyaheng patungo sa Cebu. Nagpasalamat ako sa boss kong inutangan ko ng pera.

 

Kung magbabalik-tanaw ako, malaki ang pasalamat ko na sa probinsiya ako nakapagtapos ng pag-aaral kahi’t nakapasa ako sa scholarship exam ng Mindanao State Univesity (MSU) sa Marawi Cit at UP-Diliman. May scholarship nga wala namang perang pang-allowance, kaya sa amin na ako nag-aral. Dahil sa ugali at mga prinsipyo ko, ngayon ko naisip na malamang hindi ako nakapagtapos ng kolehiyo at malamang napasama ako sa mga grupong makakaliwa kung sa MSU o UP ako nag-aral. At, malamang sa malamang….patay na ako at nakabaon sa walang tandang hukay sa dalisdis ng hindi matukoy na bundok.

 

Noong panahong patapos na ako ng kolehiyo at bago pa lang ibinaba ang Martial Law, pinatawag lahat ng mga estudyante sa plasa upang makinig sa paliwanag ng mayor tungkol sa layunin ni Marcos. Pagkatapos niyang magsalita, nagtanong siya kung mayroon sa hanay ng mga estudyanteng gustong ring magsalita, itinulak ako ng mga classmate ko sa stage. Habang nagsasalita ako, nasa tabi ko ang mayor at narinig ko ang tanong sa kanya ng kanyang bodyguard na: “ano mayor, desisyunan ko na ini? (ano mayor, dedesisyunan ko na ito?)”. Sabi ng mayor, huwag dahil kilala ko ang pamilya ng batang ito. Subali’t sandali lang may narinig nang mga putok mula sa hindi kalayuan. Mabuti na lang hinila ako ng mga classmate ko pababa ng stage. Nalaman namin, nanakot lang pala ang nagpaputok na isa sa mga bodyguard ng mayor.

 

Hindi pa rin ako nadala. Nang pumunta ang isang babaeng popular na makakaliwa sa amin, upang mangampanya laban sa Martial Law, “nakulong” siya at hindi makalabas sa dami ng checkpoints. Kinausap ako ng isang madre upang hingan ng tulong. Nakahanap ako ng jeep na masasakyan niya, awa ng Diyos, nakalusot siya sa dalawang checkpoints dahil may kasamang mga madre. Ako naman binuntutan mula noon ng MISG.

 

Napakarami pang gusot ang aking napasukan dahil sa katakawan ko sa adventure pero nagpapasalamat ako at nakakaya pa ng pising hawak ko. Kung minsan, hindi maintindihan ang buhay…

 

 

Ang Mabuhay in this World (fusion poetry)

Ang Mabuhay in this World

By Apolinario Villalobos

 

Ang mundo is not really full of roses

Not every moment is with happiness

Makulimlim din minsan ang paligid

Nagbabadya ng lungkot nitong bahid.

 

Maganda na sana noong unang time

When paradise was there yet…sublime

But, mahina si Adan, bumigay kay Eve –

Pinalayas tuloy, napatira sa mga yungib!

 

“Maghirap upang mabuhay” was the sumpa

Nakatatak sa dugo, one painful na pamana

Kasalanang tinubos naman by  Christ Jesus

When on Mt. Calvary, he died on the cross!

 

As we live in this slowly dying world, tiis lang

Not only humans suffer, marami ding nilalang

Nandiyan also ang mga trees, fishes, at hayop

Lahat tayong mga nilalang, hirap, nagdarahop.

 

Walang magandang gawin but to say, “salamat”-

Salitang ulit-ulitin mang ilang beses ay ‘di sapat

Hintayin lang our last moment sa planetang ito

And, where we’ll go, depends sa ating pagkatao!

 

Mga Panahon ng Buhay

Mga Panahon ng Buhay

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi lamang kalikasan ang may mga panahon na kung sa isang bansa tulad ng Pilipinas ay ang panahon ng tagtuyot o tag-init at panahon ng tag-ulan. Ang buhay man ay may mga  panahon din na dumadating sa iba’t ibang yugto nito.

 

Ang mga yugtong dinadatnan ng iba’t ibang panahon ay nagbibigay ng magagandang kulay at nagsisilbing pagsubok sa kakayahan ng tao sa kanyang pagpupumilit na maabot ang kanyang layunin. Dahil dito, hindi lahat ng panahon ay kaiga-igaya…mayroon ding makabagbag-damdamin o nakakapanlumo.

 

Ang panahon ng kabataan ang pinakamaselang yugto ng buhay ng tao dahil sa panahong ito hinuhubog ang kanyang pagkatao. Malaki ang papel na ginagampanan ng magulang at kapaligiran sa paghubog ng kabataan. Kasama na rin dito ang mga guro at paaralan. Dito dapat natututuhan ng kabataan ang mga magagandang kaugalian lalo na ang paggalang. Para sa kanyang ispiritwal na aspeto, malaking bagay ang nagagawa ng pagiging maka-Diyos ng magulang o paaralan.

 

Mula sa pagiging bata, ang tao ay tutuntong sa yugto ng adolensiya o pagiging tin-edyer kung saan ay may mga pagkakataon na siya ay malilito kung kanino papanig – sa barkada ba na palagi niyang natatakbuhan at nakakaugnayan o magulang na maski nagbigay ng buhay sa kanya ay sa wari niya, hindi niya “mapagkatiwalaan” tungkol sa ilang bagay. Kung matibay ang pundasyon niya bilang bata, hindi siya basta na lang matitinag mula sa mga nakalakhan nang gawi na naaayon sa kabutihan. Subali’t kung naging pabaya ang magulang at mga guro o paaralan na nakalimot nang magturo ng mga magagandang asal, hindi malayong siya ay mahila ng kanyang mga barkada tungo sa daang baluktot.

 

Ang panahon ng pagiging nasa tamang gulang ay yugto kung saan ay gagawa ng maselang desisyon ang tao kung siya ba ay papasan na ng responsibilidad na maghahanda sa kanya bilang magulang na may sariling tahanan para sa darating na mga supling. Mabigat sa kalooban para sa iba ang basta na lang iwanan ang tahanan kung saan siya ay iniluwal at lumaki sa kalinga ng mga magulang at mga nakakatandang kapatid. Subali’t dahil sa sinusundang ikot ng buhay, hindi maaaring siya ay mag-atubili kung siya ay handa na rin lang.  Sa panahong ito maaalala ng tao ang hirap na dinanas ng magulang upang siya ay mapalaki ng maayos at hindi salat sa mga pangangailangan – dahil gagawin na rin niya para sa kanyang mga supling.

 

Ang panahon ng katandaan ay siyang naghahanda sa tao upang magpaalam sa mundo. Sa mga naniniwala sa Diyos na nagpapaalala na dapat putulin ang mga kaugnayan sa mga bagay na materyal habang nabubuhay sa mundo, abut-abot ang kanilang pamamahagi ng mga yamang naipon. Subali’t ang ibang hindi maatim na iwanan ang kanilang mga yaman ay nahihirapang magpaalam dahil sa bigat nga mga ito bilang bagahe na nakaatang sa kanilang mga balikat – nadadaig sila ng panghihinayang.

 

Ang mga panahong nabanggit ay nakukulayan ng saya o lungkot, depende sa pananaw ng tao. Kung ang tao ay hindi naghahangad ng luho, o masaya na sa kaunting kaginhawahan, lahat ng yugto sa buhay niya ay nakukulayan ng kasiyahan. Subali’t kung kabaligtaran naman ng nabanggit ang pananaw ng tao, dahil ang gusto niya ay umangat ang kanyang kabuhayan ng todo-todo para magkaroon siya ng pakiramdam na animo siya ay nakatayo sa isang mataas na tore, ano mang dami ng yaman ay hindi makakapagbigay sa kanya ng kasiyahan sa lahat ng panahon ng kanyang buhay.

 

Ang dalawang pananaw na ito ng tao na sumasaklaw sa lahat ng mga panahong dumarating sa kanyang buhay ang nagpapainog ng kanyang mundo. Kaya dahil may mga tao na gustong saklawan ang karapatan ng iba, masiyahan lamang, nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan. Ang resulta ay digmaan at mga maliitang girian. Kung alin sa dalawa ang iiral pagdating ng kabuuhang panahon ng mundo…walang makakapagsabi.

 

 

Paglalakbay sa Karagatan ng Buhay

Paglalakbay sa Karagatan ng Buhay

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi madali ang maglakbay sa karagatan ng buhay

Kailangang ang bangkang sasakyan ay dapat matibay

Dapat handa sa mga sasalungating alon na ga-bundok

At ihip ng hanging ‘di malaman kung saan galing sulok.

 

Ang paghahanda sa paglakbay ay hindi madaling gawin

Mayroong mga alituntuni’t gabay na dapat laging sundin

Dahil sa munting pagkakamaling ‘di na talaga mababawi

Kapahamakan o kamatayan, ang napakasakit nitong sukli.

 

Ganyan ang buhay na kung ituring ay isa na ring karagatan

Malawak na’y maalon pa, maraming badyang kapahamakan

Mga pagsubok kung wariin  minsa’y ‘di kayang malampasan

At kung nakaya, galak na nadarama’y halos walang pagsidlan.

 

Pagpapasya’y atin, direksyon ng timon ay kung saan ipapaling

Kung mabuo man, dapat lang siguraduhing talagang magaling

Dahil mahirap kung ang sinundang direksyon ay hindi mabago –

Hindi makaya ng mahinang katawan, sa timon ay magkambyo.

 

Mga desisyon sa ating buhay, dapat ay pinag-aaralang mabuti

Hindi patumpik-tumpik na pagsisisihan lamang sa bandang huli

Tulad ng karagatan, ang buhay ay nabubulahaw din ng mga unos

Mga pagsubok na harapin ma’y buong tapang at ‘di padalos-dalos! 

 

 

 

Sa Pag-usad ng Panahon

Sa Pag-Usad ng Panahon

(Para kay Dowie Ramirez)

 

Ni Apolinario “Bot” Villalobos

 

 

Lahat ng nilalang ay may takdang katapusan

Wala ni isa man ang nakakaalam kung kelan

Ang tanggapin itong katotohanan ay mahalaga

Nang mapasalamatan, bawa’t bigay na biyaya.

 

Buhay ay natatangay sa pag-usad ng panahon

Patungo sa Kanyang piling sa dako pa roon

Kaya bawat sandali sa ating buhay ay mahalaga

Dapat bigyang kabuluhan at di na maibabalik pa.

 

Hindi maaaring sabihing mga nangyari sa buhay

May magaganda at meron namang walang saysay

Dahil bawa’t isa sa atin, may itinakdang gaganapin

Kaya lahat ay nangyari ayon sa Kanyang alituntunin.

 

Sa huling sandali ng ating buhay, dapat magpasalamat

Ang tanggapin kung ano man ang itinakda ay nararapat

Dahil lahat tayo ay nilalang lamang ng Mahal na Poon –

Takdang katapusa’y hinihintay sa pag-usad ng panahon.

 

 

(Mula sa nagmamahal na asawa, mga anak, mga apo, mga kamag-anak, mga kaibigan, at Future Team)

 

Pamanang Alaala ni Dowie Ramirez

Pamanang Alaala ni Dowie Ramirez

Ni Apolinario Villalobos

Isang taong may matipid na ngiti’t tinging nagtatanong
Makakagaanang loob ninuman sa unang pagkakataon
‘Yan si Dowie na sa buhay ay may simpleng pangarap –
Makitang pamilya’y masaya’t matagumpay ang mga anak.

Sumibol sa Paco, isang makasaysayang pook ng Maynila
Lumaki sa tahanang matatag na binuo ng pagmamahalan
Mga masikap na magulang, sa kanya’y hindi nagkulang
Sukdulan mang pangangailangan niya ay kanilang igapang.

Kindergarten ng parukong Peñafrancia sa Plaza de la Virgen
Una niyang niyapakan upang matutong bumasa ng abakada
Eskwelahang sa mga kabataan ng Paco’y nagdulot ng pag-asa –
Naging unang tatak sa kanyang kaisipan, kaya hindi napariwara.

Sabihin man na ang buhay noon ni Dowie ay hindi marangya
Busog naman ang kanyang puso ng mga pangaral ng ina’t ama
Kaya sa murang edad, buhay niya, sa magandang asal ay nahubog
Isang paghanda upang sa susuunging agos ng buhay ay di’ malunod.

Elementarya ng Celedonio Salvador, ang sa kanya’y tumugaygay
Sa patuloy na paghakbang sa mga landas ng masalimuot na buhay
Buhay elementarya’y nagkaroon din ng kulay, dala ng kabataan
Mga kapilyuhang sa iba’y nagpaluha, na talagang hindi maiwasan.

High school daw ang pinakamasaya at pinakamalungkot, sabi nila
Dito lalong nagkakalapit mga mag-aaral, nangangako sa isa’t isa
Kaya sa Manuel A. Roxas, kung saan siya’y nag-aral, nagtiyaga
Marami rin siyang naiwang matatamis at makukulay na mga alaala.

Bata pa lamang ay nakitaan siya ng hilig at galing sa pagbasketbol
Kaya pagtuntong ng kolehiyo, napasama sa varsity scholarship roll
Kursong pangkomersiyo ang napisil na pagsunugan ng mga kilay
Bilang paghahanda sa patuloy niyang pagtahak sa landas ng buhay.

Sa Unibersidad ng Maynila, ginugol ang mga huling taon ng pag-aaral
Sinabayan ng paglaro ng basketbol na sa pagsisikap ay naging sandalan
Sa pagsikap siya’y di nagsisi’t nakamit din ang minimithing kaalaman
Na siya niyang ginamit upang huling bahagi ng pag-aaral ay makamtan.

Ang pinakamaningning na bahagi ng ating buhay ay tungkol sa pag-ibig
Ganyan ang nangyari nang makitang muli ni Dowie ang kababatang irog –
Siya si Ma. Cristina Javier, na “Baby” ang palayaw, babaeng magiliw
Kaya’t maski musmos pa lang sila noon, si Dowie sa kanya’y aliw na aliw!

Pinagtiyap ng pagkakataon ang muli nilang pagkikita sa tagal ng panahon
Dahil naudlot ang pagsasama noong sa ika-apat na baytang sila’y naghiwalay
Lumipat ng tirahan sina Dowie, napalayo sa kanya na sa Paco pa rin nakatira
Kaya mga masasaya nilang araw, pareho nilang sa gunita na lamang inalala.

Kung sa kwento ng pelikula, ang buhay ng dalawa’y may suspense na kasama
Basketball na laro ang dahilan kung paanong silang dalawa’y muling nagpangita
Si Baby ay ‘muse” ng isang basketball team na kalaban naman ng team ni Dowie
Na talaga namang nakakabagbag damdamin at nakakakiliting isang pangyayari.

Ano pa nga ba at dahil sa basketbol, ang buhay ng dalawa’y muling nag-ugpong
Walang sinayang na panahon, si Dowie, todong panligaw ay masidhing ginawa
Kaya hindi naglaon, binigay din ni Baby ang matagal na inasam na pagsang-ayon
Na kinalaunan, sa isang di man marangyang kasalan, ang dalawa ay humantong.

Abril, ika-14 na araw nito at taong isang libo’t siyam na raan pitumpo at tatlo
Nang pagbuhulin ng dalawa ang tali na sa kanila’y animo tanikalang mag-uugnay
Dagdag pa ang sumpa na sa hirap at ginhawa, sila ay taos-pusong magsasama
Pangakong nagpatibay ng pagmamahalan at tiwala na sa harap ng Diyos itinakda.

Pitong supling, sa kanila ay ipinagkaloob ng Panginoon – mga bunga ng pag-ibig
Nauna si Alvin, sinundan ni Zerimar, ni Dovie Khristine, pati nina Arol at Gilbert
Humabol sina Giarpi at Yna Charisse upang mabuo ang pamilyang tigib ng saya
Kaya ang magsing-irog, kinakapos man kung minsan ay wala nang mahihiling pa.

Anim na malulusog namang apo ang kalaunan sa buhay nila ay nagbigay ligaya
Sina Aaron, Zherhyl, Andrei, Andrew, Aldridge, at si Zainang makulit talaga
Mga anghel sa buhay nila at animo’y mga tala sa kalawakan na kumukutitap –
Nagbibigay lakas upang sa kalagitnaan ng buhay nila ay patuloy silang magsikap.

Sa pagbalik-tanaw, siya ay ipinanganak, ika-dalawampu’t anim, Setyembre 1953
At bumalik sa Lumikha buwan ng Nobyembre, ika-siyam, at taon namang 2013
Hindi nagpabaya bilang mapagmahal na asawa at sa mga anak ay butihing ama –
Iniwan niya’y matamis na alaala sa lahat…pamanang walang katumbas na halaga!

(Si Dowie Ramirez o “DR” ay napalapit sa ibang tao dahil sa larong basketball. Dahil sa pagmamahal na ito sa naturang laro, natulungan niya ang kanyang sarili upang maipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo- isang klase ng pagsisikap na dapat tularan ng mga kabataan ngayon, upang hindi umasa na lamang sa mga magulang, lalo na sa mga nagpipilit na mairaos ang mga pang-araw araw na pangangailangan ng pamilya. Sa salitang Ingles, isa siyang “self-made man”, walang inasahan kundi ang sariling galing at kakayahan. Tulad ng ibang nag-asawa sa murang gulang, siya at si Baby ay nakaranas din ng mga hindi matawarang pagsikap upang mapanatili ang kaayusan ng kanilang tahanan sa pamamagitan ng walang sawang pagtrabaho. Mapalad siyang nakarating sa Al Khobar, KSA, at nakapagtrabaho sa loob ng tatlong taon. Si Baby naman ay natuto ng mga trabaho sa parlor tulad ng pag-manicure at pedicure, at iba pang maaaring mapagkitaan.

Noong 1983, nagtrabaho siya bilang isa sa mga kawani ni Mayor Victor Miranda. Tumagal siya dito ng anim na taon. Taong 1989 naman, kinuha siya bilang staff ni Vice-Mayor Rosette Miranda-Fernando at tumagal siya dito ng tatlong taon. Taong 1993, naging personal driver siya ni Mayor Strike Revilla, at ang pinakahuli niyang trabaho hanggang sa siya ay mamayapa ay sa opisina naman ng kasalukuyang Vice-Mayor ng City of Bacoor, si Bb. Karen Sarino – Evaristo.

Sa kagustuhan niyang makatulong sa mga kabataan, gumugol siya ng panahon upang magturo ng basketball sa Barangay Real 2 ng Lunsod ng Bacoor, lalo na sa Perpetual Village 5 kung saan siya ay madalas na tumambay. Sa kalaunan, ang mga kabataan ding ito na ang iba ngayon ay may sarili nang pamilya, ay naturuan din niyang mag – referee sa basketball. Kaya, ngayon maipagmamalaki na silang kasama sa lupon ng mga professional na mga referee sa Lunsod ng Bacoor, na kinikilala hanggang sa national level. Alaala sa kanya ng mga kabataang ito ang pangalang “D Future” para sa basketball team nila. Ang alaala’y nakatatak sa diwa at puso ng bawa’t kasapi ng D’ Future, na kanilang dadalhin…saan man sila mapunta… isang alaala na hindi kailangang itatak sa kung saan…na sa muli ay masasabing walang katumbas na halaga. Ito ay isang alaala na ituturing nilang lakas na siyang magtutulak sa kanila upang pag-ibayuhin pa ang pagsisikap para marating hangad nilang tagumpay.)

Ang Mabuhay sa Mundo

Ang Mabuhay sa Mundo

Ni Apolinario Villalobos

Sa dami ng mga pagsubok na kailangang harapin
Ang mabuhay sa mundo ay talagang napakahirap –
Sa nagdarahop man o mayaman, ito ay nangyayari
Dapat unawaing katotohanan na walang pinipili.

Lahat umaasam na marating, tugatog ng tagumpay
Ginagawa ang lahat sa kahi’t anong kaparaanan
Mayroong nagtagumpay, subali’t mayroong kapalit
Mga hagupit sa buhay na tinanggap, maski masakit.

Para sa iba, pera ang katumbas ng mithing tagumpay
Para sa iba, ang makilala sa isang laranga’y sapat na
Ang iba naman, mga kaibigan ang gustong mapadami
Kaya sa pakikipagharap, pinipilit nilang magkunwari.

Merong madaling malasing sa nakamtang tagumpay
Mga paa’y halos ayaw nang ibalik sa lupang niyapakan
Animo’y mga kulisap na sa paglipad ay sabik na sabik –
Sa pinagmulang kahirapan, ayaw tumingin at bumalik.

Meron namang sa perang nakamal animo ay nabaliw
Hindi malaman ang gawin kung ibangko ba o gastusin
Sa kasamaang palad, kadalasa’y mawawaldas lang pala
Sa isang iglap, pera’y naglaho, hindi binigyang halaga.

Ang masaklap sa buhay, palaging sa huli ang pagsisisi
Laging may dahilan kung bakit sa paghakba’y nagkamali
Kalimitan, ang lahat ng pangyayari ay hindi matanggap –
Na dahil sa katangahan, nawalang saysay, mga pagsisikap!