Si Ate Amber ng 94.5 FM, RADIO NATIN…sa lunsod ng Tacurong (Sultan Kudarat)

SI ATE AMBER ng 94.5 FM, RADIO NATIN….sa lunsod ng Tacurong

Ni Apolinario Villalobos

 

Nakadaupang-palad ko siya sa unang meeting ng City Tourism Coucil ilang buwan na ang nakaraan. Nagpalitan kami ng mga numero ng cellphone pagkatapos ng meeting subalit ang ipinangako kung pagbisita sa istasyon nila ay hindi natutupad dahil sa hindi maiwasang commitments. Palagi nga lang akong nare-remind tuwing marinig ko ang boses niya sa radio ng mga puwesto sa palengke. At dahil pareho kaming nagpa-follow sa isa’t isa pagdating sa facebook, biglang susulpot kung minsan sa messenger ng computer ko ang notice na “live” siya.

 

Mahiyain si Ate Amber at siya daw mismo ay nagtaka kung paano na-transform ang kanyang pagkatao upang maging palasalita hanggang magamit niya ito upang maging DJ ng Radyo Natin…94.5 FM. Wala daw sa lahi nila ang may skill sa public speaking….siya pa lang, kaya maski kapamilya niya ay nagulat nang mapasok niya ang daigdig ng broadcast. Maliban sa pagdi-DJ, nagho-host din siya ng mga events. Apat na taon na siyang nagho-host ng  “Kantahan ng Kabataan” na inii-sponsor ng lunsod ng Tacurong.

 

Ayon sa kanya, umiiba raw ang kanyang pagkatao kapag nasa stage na siya at may hawak na microphone…nalulusaw ang kanyang hiya…nagiging fearless. Kulang na lang siguro ay sabihin niya sa audience na, “hoy, makinig kayo sa akin”. Ganoon din siya kapag nasa loob ng booth sa istasyon at ang kaharap ay mikropono. Napag-isip niya na ang pagiging masaya niya na malalaman sa timbre ng kanyang boses ay siyang tanging paraan upang mabigyang kasiyahan ang kanyang mga fans na walang sawang tumatangkilik sa kanya.

 

Ang tinatamasa niyang tagumpay ayon sa kanya ay hindi nagpagaang ng kanyang pagkatao upang lumutang sa ere. Nasa lupa pa rin ang kanyang dalawang paa. Siya pa rin ang babaeng DJ na ang pagngiti ay sinasabayan ng pag-twinkle ng kanyang mga mata…at para sa mga nakikinig sa radio, ay “yong babaeng may mataginting na boses”…..si Ate Amber NATIN!

Military Style na Pagbigkas ng Mga Letra at Iba Pang Napupuna sa Mga Reporters

Military Style sa Pagbigkas ng mga Letra

At Iba Pang Napupuna sa mga Reporters

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang radio ay isa sa pinakainaasahan ng mga mamamayan pagdating sa balita. At dahil tinitingala ang mga brodkaster, may pagtitiwala at respeto kung sila ay ituring. Marami ring natututuhan sa kanila ang mga nakikinig, kaya dapat silang mag-ingat dahil ang nakikinig sa kanila ay hindi lang matatanda kundi pati na mga bata.

 

Upang maiwasan ang kalituhan o pagkainis sa panig ng mga nakikinig, maaari sigurong obserbahan ng mga pamunuan ng mga istasyon kung tama ang ginagawa ng kanilang mga brodkaster- yong mga nakatalaga sa istasyon o mga anchor at yong mga nagbibigay ng ulat mula sa labas. May mga bagay kasi na kailangang dapat baguhin sa kanilang ginagawa upang sila ay lalong maging epektibong tagapamahayag.

 

Isa sa kapuna-puna ay ang pagbigkas nila ng mga letra, na sa halip na sa pamamaraang ordinaryo, ay ginagawa nila ayon sa style ng military. Halimbawa ang “A”, na binibigkas nila bilang “alpha”, ang “B” na binibigkas nilang “bravo”, ang “C” na binibigkas nilang “Charlie”, at iba pang mga letra. Ginagawa nila ito ng may kayabangan pa, na animo, pinangangalandakan na may kaalaman sila sa bagay na ito at ang iba ay wala. Hindi man lang nila naisip na ang nakikinig sa kanila ay mga walang kamuwang-muwang sa mga bagay na ito. Maraming college students ang hindi kumuha ng ROTC kaya walang alam sa ganito, yon pa kayang mga ordinaryong mamamayan na hindi man lang nakatuntong ng high school o elementarya. Ginagawa ito ng mga field reporters kapag nagbibigkas ng mga plaka ng sasakyan kung may matiyempuhan silang aksidente at nirereport nila sa kanilang istasyon, at iba pang ulat na may kasamang numero. Kung hindi maiwasang banggitin sa style ng military ang mga letra, maaari siguro nilang ulitin subalit sa ordinaryong paraan na pa-Tagalog o pa-English.

 

Minsan tuloy, sa isang dyip na nasakyan ko, narinig ang ganitong klase ng pagrerepot tungkol sa isang disgrasya at binanggit ang mga numero sa plaka ng kotse, sabi ng katabi kong matanda, “kawawa naman yong mga pasahero na sina Charlie, Delta at Omega”.

 

May mga mamamahayag din na nagrereport ng mga insidente sa kanilang istasyon, ng  mga nangyari sa mga malls o commercial establishments. Kumpleto ang report, maliban lang sa eksaktong pinangyarihan ng insidente. Binabanggit ang siyudad na halimbawa ay Pasay o Makati o Cubao, pero pagdating sa eksaktong lugar, ang sinasabi lang ay “dito sa isang malaking mall” o “dito sa isang malaking commercial establishment”. Dahil ba iniiwasan nilang malibre sa advertisement ang mall o commercial establishment kapag nabanggit, kaya ayaw nilang gawin? Paanong lilinaw ang kanilang report kung sadyang hindi nila babanggitin ang eksaktong lugar? Aba’y mabuti pa sigurong hindi na lang sila nagreport!

 

May mga reporters din na sa kagustuhang makakalap ng scoop ay namimilit ng mga impormasyon sa mga pulis subalit hindi nila iniisip na ang ginagawa nila ay maaaring maglagay sa alanganin ng imbestigasyong ginagawa o magpapahamak sa mga pulis na gumagawa ng operasyon. May mga programa din sa telebisyon na ipinapakita pa ang mga gagawin sa pag-raid halimbawa ng drug den o lugar na pinagtataguan ng mga criminal. Ang mga istratehiyang ginagamit ng pulis ay hindi dapat ipinapaalam sa publiko para hindi mabisto ng masasamang tao.

 

Ano pa nga ba’t sa ngalan ng pamamahayag, lahat na lang ay gagawin para sa pansariling kapakanan ng mga reporters, na kalimitan ay may basbas ng kanilang istasyon. Sana man lang ay magkaroon ng maski kaunting pag-iingat ang mga mamamahayag at kanilang mga istasyon upang hindi umabot sa pagsisisi o sisihan kung may pumalpak man sa pagpapalaganap ng mga balita o gagawing operasyon.