Lalong Nilulubog ni Napenas ang Sarili sa Pagdududa dahil sa kanyang Pambobola at Paghuhugas-kamay

Lalong Nilulubog ni Napeῆas ang Sarili Sa Pagdududa
dahil sa kanyang Pambobola at Paghuhugas-kamay
ni Apolinario Villalobos

Gustong bilugin ni Napeῆas ang ulo ng mga Pilipino, sa pagsabi na “daan-daan” ang napatay ng SAF. Paano nilang nabilang ang mga nalagas na mga kalaban ganoong hilong talilong sila sa paghanap ng mapagkukublihan dahil sa ginawang ambush? At isa pa, halos pumuputok pa lang ang araw nang mga sandaling nagkaroon ng palitan ng putok! Ang galing naman nila dahil tuwing putok nila ay iniisip agad na may tinamaang kalaban. Ang gustong mangyari ni Napeῆas ay pahupain ang galit ng mga kapamilya at ibang miyembro ng SAF sa kanya, kaya panay ang puri niya sa mga lumusob na SAF sa Mamasapano, lalo na sa mga nasawing 44 at mga nasugatan. Pinapalabas niya na tagumpay ang operasyon subalit matindi ang kapalit na kamatayan nga ng 44 at pagkasugat ng marami pa. Maski hindi niya sabihin ito, talagang bayani ang turing ng mga Pilipino sa mga pinatay na 44 SAF commandos. Tumigil na nga siya!

Naghugas- kamay naman siya nang ituro ang sisi sa Armed Forces na hindi tumulong sa kanila. Ang tinuran ay tahasan namang itinanggi ng tagapagsalita ng Armed Forces. Malinaw na talagang may nagpapalakas ng loob sa kanya…sino ito o sinu-sino ang mga ito? Bandang huli, ang inaasahan niya o ng sinasandalan niya na tagumpay sa pagsisinungaling, pambobola at paghuhugas-kamay ay nag-boomerang kaya nagmukhang tanga si Napeῆas, gumaralgal ang boses sa pagpaliwanag. Kung may nagpaasa sa kanya na maski tanggalan siya ng pension kung mag-retire siya, maswerte siya dahil milyonaryo na rin naman ang backer niya.

Yan ang hirap sa gobyerno ng Pilipinas. Dahil hantaran ang ginagawang paghuhugas-kamay ng mga sangkot sa kaso at binibetsinan pa ng pambobola, akala ng iba pa sa kanila, sa lahat ng pagkakataon ay makakalusot sila.

Ang Pagsasamantala sa Kapwa

Ang Pagsasamantala sa Kapwa
Ni Apolinario Villalobos

Nagtuturuan kung kanino nagsisimula ang pagsasamantala – kung sa tao bang nagpapaubaya o sa taong nananamantala. May kasabihan kasing kung walang magpapasamantala ay walang magsasamantala. Ang ganitong kasabihan ang tila ba ay ginagamit ng mga tiwali upang makapagsamantala sa kanilang kapwa, dahil para sa kanila ay “ginusto” naman ng napagsamantalahan.

Kung mamimilosopo sa pananaw na ito, maaaring sabihin na bahala na ang karma sa namantala, at bahala na rin ang Diyos sa napagsamantalahan. At kung nagkaalmahan, dahil hindi nakatiis ang napagsamantalahan, gulo ang resulta – giyera, patayan. May mga taong ayaw maging santo kaya umaalma kung kailangang kalusin na ang abuso ng kapwa.

Maraming anyo ang pananamantala. Isa na dito ang kagutuman dahil ang biyayang dapat ay naibahagi sa lahat ay kinamkam ng iilan kaya ang hindi nakakuha ng bahagi ay pagnganga sa kawalan ang inabot. Hindi dahilan ang kawalan ng pinag-aralan ng iba upang sila ay pagsamantalahan. Kung hindi ninakaw ng mga tiwali sa pamahalaan ang dapat sana ay bahagi ng iba, nagkaroon sana ng maayos na mga programa para sa kanila.

Pagsasamantala rin ang hindi pagtupad sa tungkulin bilang pangkaraniwang mamamayan, empleyado sa pribadong kumpanya o gobyerno, lalo na ang mga opisyal. Pagsira ng tiwala sa kanila ng mga taong dapat ay kanilang sinisilbihan ng maayos ang uri ng kanilang pananamantala. Ito ang malaking isyu sa Pilipinas dahil sa talamak na nakawan sa kaban ng bayan at panloloko ng mga opisyal na nagpapatupad ng mga proyekto. Sa pribadong sektor naman ay talamak ang pananamantala ng mga negosyante sa maya’t maya ay pagtaas ng presyo ng kanilang mga kalakal. Pananamantala naman ang ginagawa ng mga empleyado sa mga madalas nilang pagliban o pagpasok ng late sa trabaho dahil sa hang-over o dahil tinatamad lang.

Sa usaping ispiritwal naman, pinagsasamantalahan natin ang kabaitan ng Diyos sa paulit-ulit na paggawa ng kasalanan, dahil naitanim sa isip na mag-confess lamang sa pari ay pwede na uling manamantala, o di kaya ay maglakad ng paluhod mula sa pinto ng simbahan hanggang altar, o di kaya ay magpakita sa iba na animo ay taimtim na nagrorosaryo, o di kaya ay “magtapon” ng pera sa lata ng pulubi o magbigay ng halos ay panis nang pagkain sa namamalimos ay “mabait” na. Sa ginagawang ito, ay tahasang niloloko ang Diyos na akala ng iba ay bulag. Walang patawad ang tao sa ginagawang pananamantala…pati Diyos ay walang takot na pinapatos!