Ang Basketball Tournament ng JPLS TODA (Barangay Real 2, Bacoor City)

ANG BASKETBALL TOURNAMENT

NG JPLS TODA (BARANGGAY REAL 2, BACOOR CITY)

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang Justinville/Perpetual/Luzville/Silver Homes Tricycle Operators and Drivers Association (JPLS TODA) ay nagsikap na magdaos ng simpleng basketball tournament sa abot ng makakaya nito. Hindi sila gaanong nangalap ng mga donasyon, maliban na lang sa mga tropeo. Ang kaunting pagkain at mineral water ay gastos ng mga miyembro at opisyal. Ang bayad naman sa professional na mga referee ay may malaking discount. Nakatulong din ng malaki ang basketball court ng Silver Homes 1 na walang bubong at libreng nagamit. Nagtiis man sa init ng araw ay enjoy pa rin ang mga team na naglaro sa elimination rounds dahil idinaos  sa hapon kung kaylan matumal ang biyahe. Ang championship game lang ang idinaos sa gabi ng Sabado, December 12 upang malaman kung alin sa natirang tatlong team na “White”, “Green”, at “Blue” ang magiging champion. Inabot din ng apat na Sabado at Linggong palaro o mahigit isang buwan, bago umabot sa araw ng championship na paglalabanan ng nasabing tatlong team.

 

Nakakamangha ang pagkamasigasig ng mga organizers at mga miyembro dahil sa kabila ng halos walang pahinga nilang biyahe na kung minsan ay inaabot ng gabi ay pinilit nilang maidaos ang tournament.  At, sa kabila pa rin ito ng pinagkasyang budget. Pagpapakita nila ito ng kanilang tapat na pakikipagtulungan sa programa ng lokal na pamahalaang lunsod ng Bacoor na sa ngayon ay nasa pamamahala ni mayor Lani Mercardo-Revilla. Ang nasabing programa ay idinaan sa Barangay Real 2 na nasa pamamahala naman ni Kapitan BJ Aganus. Sagot din ng samahan ang tournament sa panawagan ng bagong presidente, Rodrigo Duterte na gamitin ang libreng panahon sa mga bagay na makabuluhan sa halip na sa droga.

 

Tulad ng mga drayber ng jeep at bus, silang mga traysikel naman ang minamaneho ay hindi rin ligtas sa mga hinalang gumagamit ng shabu dahil sa paniwalang nakakatulong ito upang makatagal daw sila sa puyatan. Totoo man o hindi, ang mahalaga ay pinapatunayan ng asosasyon na wala ni isa mang adik sa kanila o talamak ang pagkagumon sa nasabing bisyo. Wala ni isa mang kasong may nawalan ng katinuan mula sa kanilang hanay dahil sa droga, tulad ng mga nababalitaang nangyayari sa ibang lugar.

 

Ang mga opisyal ng JPLS TODA ay sina, Danny Sagenes (Presidente); Freddie Casil (Bise-Presidente); Davis Sagenes (Kalihim); Rolly Guevarra (Ingat-yaman). Si Danny Sagenes ay nakaka-siyam nang taon bilang presidente dahil nakitaan siya ng sigasig na ang hangad ay maisulong ang kasiyahan at kapakanan ng mga miyembro. Bukod sa tournament, nagdadaos din ang samahan ng Christmas party kung kaya ng budget mula sa buwanang ambag ng mga miyembro dahil sa mga bibilhing pagkain at regalong ipapa-raffle. At, dahil maganda ang kanilang layunin, kalimitan ay may mga homeowners na nagkukusang magbigay ng donasyon. Hindi rin nawawala ang donasyon mula sa barangay at pamahalaang lunsod ng Bacoor.

 

Ang mga ginagawa ng samahan ay ikinatutuwa naman ng mga homeowners ng barangay Real 2 na panatag ang nararamdaman…taliwas sa mga nangyayari sa ibang barangay kung saan ay atubili ang mga umuuwi ng dis-oras ng gabi at sumasakay sa traysikel.

 

Ika-9 ng Mayo Eleksiyon 2016…at tulong ng BJ Volunteer Team ng Real Dos (Bacoor City)

Ika-9 ng Mayo Eleksiyon 2016

…at tulong ng BJ Volunteer Team ng Real Dos (Bacoor City)

Ni Apolinario Villalobos

 

Tulad ng dati inagahan ko ang pagpunta sa presinto ng botohan para sa barangay Real Dos sa Real Elementary School, upang magmasid. Di tulad ng nakaraang mga eleksiyon na may mga upuan sa labas ng mga kuwarto, nitojg nakaraang eleksiyon ay wala ni isa mang magamit ang mga botante lalo na ang mga senior citizens. Nang magkomento ako, tiyempong may dumaang titser at nagsabing, “hindi pa ho inilalabas”. Subalit sa oras na yon, mag-aalas otso na imposible nang maglabas pa sila ng mga upuan dahil nagdadatingan na ang mga botante. Upang ma-check kung naglabas ng mga upuan, bumalik ako bandang alas-diyes…wala pa rin. Inunawa ko na lang ang mga titser na talagang hindi magkandaugaga sa pag-asikaso sa mga botante.

 

Ang masaklap ay iisang listahan lang ang inilagay sa labas ng bawat kuwarto bilang batayan ng mga botante kung saang cluster sila nakatalaga. In fairness sa mga titser, may ginawa silang numbering system pero hindi rin nasunod dahil sa biglang pagdagsa ng mga botante kaya kawawa ang volunteer na na-assign sa listahan dahil sa sabay-sabay na mga tanong.

 

Mainit sa labas ng mga presinto dahil walang tolda at marami na rin ang nairita dahil hindi makita ang pangalan nila sa listahan. Sa puntong ito, kumilos na ang mga volunteers ng Barangay Real Dos sa pamumuno ng kapitan, si BJ Aganus. Sa labas ng eswelahan na malayo sa mga presinto alinsunod sa batas ng COMELEC, nagtayo ng tolda sa bakuran ng mga Guerrero na nagpaunlak sa paggamit pati ng kuryente para sa laptop.

 

Ang mga taga-Real Dos na nalilito ay ginabayan papunta sa tolda ng Real Dos upang i-double check ang “kinaroroonan” ng kanilang pangalan sa listahan na binigay ng COMELEC. Dahil sa nangyari, hindi na nila kailangang makipagtulakan pa sa labas ng mga voting precinct ang mga botante upang malaman kung saan sila assigned. Ito ang official list na pinamahagi sa mga barangay kung saan ay nakalagay ang pangalan ng mga botante at kanilang presinto. Dahil sa ginawa nina Kapitan BJ, napabilis ang pagboto ng mga taga-Real Dos. Hindi na nila kailangan pang tumayo sa ilalim ng init ng araw habag naghihintay ng pagkakataong matanong ang COMELEC volunteer kung saang presinto nakalista ang kanilang pangalan.

 

Dahil sa ginawa nina Kapitan BJ, nabawasan ang pagkainis ng mga botante. Nagpaliwanag din ang kapitan tungkol sa inasahang dami ng mga botante na dapat ay nagpa-bio sa COMELEC pero hindi nila ginawa kaya ang inasahang numero ay hindi inabot. Dahil sa ginawa niya ay kumalma ang mga botante na kahit papaano ay naunawaan ang mga pangyayari. Nabawasan din ang galit nila sa COMELEC.

 

Ang Feeding Program ng Barangay Real Dos, Bacoor City, Cavite…hindi pinagmamalaki ng tarpaulin!

Ang Feeding Program ng Barangay Real 2

Bacoor City, Cavite…hindi pinagmamalaki ng tarpaulin!

Ni Apolinario Villalobos

Mabuti na lamang at natunugan ko isang hapon ang gagawing feeding program o mas gusto kong tawaging “food sharing” ng Barangay Real 2. Nakiusap ako kay Kagawad Ana Lyn Sagenes na baka pwede akong magmasid ng kanilang gagawin. Angkop na angkop ang gagawin ko dahil sa mga napapabalitang “food poisoning” ng mga kabataang beneficiary ng feeding programs, na ang pinakahuli ay ini-sponsor ng isang malaking NGO.

Tulad ng nabanggit ko noon sa mga naunang blog, Real 2 ang may pinakamaliit na budget sa buong Bacoor at curious ako kung paano nilang gagawing makibahagi ng palasak nang pagkaing lugaw sa mga kabataan. Chicken arroz caldo ang kanilang ihahanda at gabi pa lang ay nagayat na ang mga sangkap, pati ang manok na nahimay na rin. Ang paghanda ay ginawa nina Kagawad Lando Sagenes, Danny Sagenes, Ana Lyn Sagenes, at Baby Diala. Nakaistambay naman ang mga Tanod Bayan na sina Lito Alegonza at Ed Belmonte na nagsilbing mga runner para sa iba pang mga pangangailangan. Ilang sandali pa ay dumating din si Kagawad Rhea Endaya. Napag-alaman ko na tuwing magpi-feeding program ay sila mismo ang nagluluto at hindi pinagkakatiwala sa iba.

Kinabukasan nang alas dos, isinalang na nila ang lugaw sa tatlong malalaking kaldero na sa tantiya nila, bago mag-alas kwatro ay maluluto na. Nang oras na yon naman ay siya namang pagdating ni Barangay Chairman BJ Aganus na nag-check ng mga iba pang kakailanganin bago magsisimula, tatlumpung minuto makalipas ang alas otso ng umaga.

Unang pinuntahan ng grupo ang tatlong clusters sa Arevalo Compound na katabi ng exclusive subdivision na Meadowood. Dinagsa sila ng maraming bata lalo na at araw ng Sabado, walang pasok sa eskwela. Umabot din sa halos dalawang daan ang kabuuhang dumagsa sa tatlong clusters ng mga taal na Kabitenyo, bago pa man nagkaroon ng mga subdivision. Pinuntahan din ang Padua cluster na dikit na rin sa Meadowood. Ang kinikilalang “patriarch” o “ama” ng cluster na ito si Magno Padua, panganay sa magkakapatid na Padua na nagsaka sa lupang kinatitirikan ng Meadowood Subdivision. Dito na rin nakapagpahinga ang grupo na ang iba’y halatang hiningal na subalit ang kapansin-pansin ay pamumula ng mga mata dahil sa kawalan ng tulog.

Huli nilang pinuntahan ang Luzville bandang alas diyes na, kung saan ay matatagpuan pa rin ang isang depressed area. Ilang sandali lang pagdating nila, nagsidagsaan na rin ang mga bata…magkakapatid na magkahawak- kamay at magkakalaro na nagtutulakan pa sa pagkuha ng lugaw dahil sa hiya. Subalit nang matikman na ang lugaw, malinaw na nagustuhan nila kaya halos lahat sila ay kung ilang beses bumalik upang humingi pa.

Ang grupo ng “feeders” ay walang ingay kung kumilos, walang kantiyawan, may isa o dalawa lamang na sumisigaw upang humikayat ng iba pang mga kabataan. At, ang matindi….kahit walang meryenda ay walang nagpaparinig o nagpaparamdam man lang ng gutom. Ayaw siguro nilang pakialaman ang lugaw dahil para lang talaga sa mga bata ang kanilang inihanda. Ang pinakahuling naobserbahan ko ang nagkumpirma sa iniisip ko noon pa man, na talagang pilit nilang pinagkakasya ang budget para sa pakain ng mga bata, kaya maski isang coke solo man lang ay wala akong nakitang binili si Chairman BJ, para siguro ipabatid na ang lakad ay hindi kainan o meryendahan kundi sakripesyo para sa mga kabataan.

Hindi na ako nagtanong kung magkano ang budget para sa tinantiya kong halos apat na raang kabataan mula sa Arevalo compound hanggang sa Luzville. Siyanga pala, ang Arevalo Compound ay hindi naman talaga “compound” kundi kumpol ng maliliit na bahay lamang sa lupaing ang orihinal na may-ari ay ang Arevalo family.

Sa liit ng budget ng barangay, gusto ko mang gawin ay hindi na ako nagtanong kung may petty cash din ba sila para sa mga sariling motorcycles na ginagamit sa emergency o lakad na hindi man emergency ay may kinalaman sa operasyon ng barangay. Inunawa ko na lang na dahil sa priority nilang mga proyekto ay halos wala na ngang natitirang pangkape man lang para sa mga Tanod Bayan kung magronda sila sa gabi. Nagpapasalamat na lang ang barangay kung sila ay datnan ng donasyong kape o pagkain para sa mga nagroronda.  Ibig sabihin, obvious na ang mga may-ari ng mga motorcycle ay nagkakanya-kanya sa pagbili ng gasolina, na malaking kabawasan din sa kanilang kakarampot na “sweldo”.

Maliban kay Pojie Reyes na may importanteng lakad kaya hindi nakasama sa feeding program, ang mga kagawad na nakasali ay sina: Ana Lyn Sagenes, Rea Endaya, Lando Padua, Elena Diala, Danny Sagenes, at Fer Sagenes; mga Tanob Bayan na sina: Ed Belmonte, Gary Sanchez, at Lito Alegonza; at volunteer na si Analiza Ballesteros. Masayang ibinahagi ni Chairman Aganus na sa kabila ng kakarampot nilang budget, tuluy-tuloy ang kanilang feeding program. Halatang iniiwasan din nila ang publicity dahil wala silang ginagamit na tarpaulin para ibando ang kanilang ginagawa. Nagpasalamat nga ako dahil hindi ako pinagbawalang gumawa ng blog tungkol sa ginawa nila.

Dalawang depressed areas ang nasasakop ng Barangay Real Dos kaya ang sabi ni Mr. Aganus, ay welcome ang anumang mga donasyon para sa mga bata, tulad ng notebook, mga lapis, mga bag pang-eskwela, at sa feeding program naman ay bigas na panlugaw ang uri. Nagluluto din ang barangay para sa mga evacuees sa panahon ng baha na ang pinaka-apektado ay ang mga taga-Luzville na nasa tabi ng ilog.

Maaaring ipadala ang mga donasyon, naka-address kay:

Mr. BJ Aganus

Chairman, Barangay Real 2

Bacoor City, Cavite.

Ang Barangay Real Dos…ng Bacoor City, Cavite

Ang Barangay Real Dos
…ng Bacoor City, Cavite
Ni Apolinario Villalobos

Hindi madali ang mamuno dahil kailangan ang paninimbang upang walang masaktan o magsabing sila ay pinabayaan. Sa isang barangay, halos lahat ay magkakilala, kaya ang turingan ay magkakapamilya, lalo na sa isang maliit na barangay tulad ng Real Dos ng Bacoor, Cavite City.

Ang Barangay Real Dos, ay pinamumunuan ng pinakabatang Chairman sa buong lunsod, si BJ Aganus, at inaalalayan ng may kabataan ding mga Kagawad. Sa kabila ng maliit nilang pondo mula sa buwis na binabahagi ng pamahalaang lunsod ay nagawa pa rin nilang magpatupad ng mga proyekto. Maganda ang nagkaisa nilang panuntunan na hindi dapat patagalin ang paghawak ng pondo hangga’t maaari dahil maraming dapat paggagastusan na kailangan ng mga ka-barangay nila.

Inumpisahan ng bagong grupo ang kanilang mga proyekto sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa homeowners’ association ng Perpetual Village 5 kung saan matatagpuan ang Barangay Hall, sa paglunsad ng mga proyektong pang-kabataan upang magamit ang bagong gawang basketball court. Ibinalik din ang regular na schedule sa paghakot ng basura.

Bumili sila ng bankang gawa sa fiberglass upang magamit sa pag-rescue tuwing may baha; dinagdagan ang bilang ng radio units na mag-uugnay sa mga tanod at opisyal ng barangay; pinalitan ang mga ilaw-kalye na ordinaryong bombilya, ng makabagong LED lights, upang makatipid sa konsumo ng kuryente, at inasahan ding tatagal ang mga ito; nagkaroon din ng libreng gamutan.

Ang mga plastik na mesa na pinapahiram sa mga ka-barangay kung may okasyon ay pinalitan ng gawa sa matibay na stainless steel sheets. Kaya, hindi man sinasadyang maulanan, ang mga mesa ay sigurado nang tatagal. Dinagdagan din nila ang mga trapal na ginagamit lalo na kung may pinaglalamayan.

Ang pinakahuli nilang ginawa ay ang pagpabubong ng nakatiwangwang na lote sa magkabilang gilid ng Barangay Hall. Ang nasa kanlurang bahagi ay nagagamit na ngayon kung may pagpupulong kahit na umuulan at tirik ang araw. Ang silangang bahagi naman ay lalagyan ng mga upuan upang may mapagpahingahan ang mga taong pumipila para sa serbisyo ng barangay health center.

Kinakausap din ni Barangay Chairman Aganus ng personal ang mga pasaway sa barangay, lalo pa at ang iba sa kanila ay halos kasinggulang lamang niya…na epektibo naman, dahil na rin sa pakisama. Walang masamang tinapay para sa Barangay Chairman dahil lahat ay gusto niyang bigyan ng pagkakataon upang magbago, magkaroon ng kabuluhan at respeto sa sarili. Hindi man niya sabihin, makikita sa ginagawa niya na mangyayari lamang ang pagkakaroon ng respeto sa sarili ang isang tao, kung siya ay bibigyan ng pagkakataon at halaga.

Nakakatuwa ring malaman na kahit kapos kung ituring ang allowance ng mga Barangay tanod ay hindi sila naaapektuhan nito. Nakikita kasi nila na lahat silang nasa pamamahala ni Chairman Aganus ay parehong nagsasakripisyo, maipatupad lang ang sinumpaan at itinalagang responsibilidad sa kanila.

Ang nakakatawag ng pansin ay ang pinapairal ng grupo ni Chairman Aganus na “bayanihan spirit”. Sa pamamagitan nito, basta may lumapit sa kanila upang humingi ng tulong, kahit hindi ka-barangay, ay agad nilang inaaksyunan. Maraming beses na ring nahingan ng tulong si Chairman Aganus ng mga hindi taga-Real Dos, upang gumawa ng follow up sa City Hall. Maganda ang patakaran nila dahil hindi naman ito pakikialam sa ibang barangay. Kung hindi kasi sila umaksyon sa mga request ng hindi taga-Real Dos ay lalabas na tinataboy nila ang mga ito…isang impresyon na ayaw nilang mangyari. Ganoon din ang paliwanag ni Chairman Aganus na nagsabing, pinakikiusapan lang naman daw siya, at isinasabay na niya ang mga follow-up sa mga gagawin kung nasa City Hall siya. Kung tutuusin nga naman, magkakasama ang mga magkakatabing barangay sa iisang administrasyon ng Bacoor, kaya hindi magandang nagkakanya-kanya sila sa pagkilos…sa halip ay dapat magtulungan.

Kung ihahambing sa malalaking barangay, masasabing napakaliit ng mga proyekto ng grupo ni Chairman Aganus, subalit, para sa mga taga-Barangay Real Dos, ang mga ito ay napakahalaga. Wala rin naman silang magagawa dahil pinagkakasya lamang nila ang pondong itinatalaga ng pamahalaang lunsod. At, ang pinakamahalaga, ay nagpupursige sila sa abot ng kanilang makakaya.

Pinatunayan ng Barangay Real Dos, na ang matatag na samahan ng mga bumubuo sa isang barangay ang nagsisilbing pinakapundasyon ng isang barangay kahit maliit ang pondo. Malaking tulong nga ang pondo, subalit aanhin naman ito kung pagtatalunan lamang na maaaring humantong pa sa siraan? Ang nagsisilbi namang “pandilig” sa pundasyong ito upang lalo pag tumatag at lumago ay ang katatagan din ng namumuno at mga nakakaganang pagpuna ng ibang tao, lalo na ng mga nasasakupan. Sa huling nabanggit, tanggap naman nila na hindi lahat ay nabibigyan nila ng kasiyahan, subalit wala silang magagawa dahil sa limitasyon ng kanilang kakayahan at pondo.

Yan ang Real Dos….maliit nga siksik naman sa samahan…kapos nga sa budget, mayaman naman sa pagkukusa… mga kabataan nga ang namumuno, puno naman ang mga puso ng pagmamalasakit sa kapwa!

BJ Calawigan Aganus: Ang “Cool” na Chairman ng Barangay Real Dos, Bacoor City

BJ Calawigan Aganus: Ang “Cool” na
Chairman ng Barangay Real Dos, Bacoor City
Ni Apolinario Villalobos

Ang pinakamahirap na isulat ay tungkol sa isang tao, lalo pa at buhay pa ito, dahil ang isang maling salita na mababanggit ay lilikha na ng malaking reklamo o di naman kaya ay pagtatampo. Subalit iba kung ang buhay ng taong gagawan ng kuwento ay nasubaybayan na mabuti ng magsusulat. Kaya sa katulad ni BJ Calawigan Aganus na ngayon ay Chairman ng Barangay Real Dos, ng Bacoor City, Cavite, ako ay kampante dahil maski papaano ay nasubaybayan ko ang kanyang paglaki.

Mula pa noong kanyang kabataan ay hindi nagbago ang ugali niyang mapagpakumbaba at may mahinahon na boses, walang angas o yabang. At lalong higit ay magalang sa mga nakakatanda. Dumadayo siya sa aming subdivision upang maglaro ng pingpong sa Multi-purpose Hall, dahil wala pa noong basketball court, at ang subdivision naman nila ay bagong developed pa lamang kaya ang ibang bahagi ay bukid pa rin. Ang pinakamalayong narating nila ng kanyang mga kabarkada na taga-amin din ay ang bukid sa bandang silangan ng aming subdivision. Sa lugar na ito kasi ay maraming gagamba, at may maliit na sapang maraming tilapia, hito at dalag. At sa pagkakaalam ko, kahit na may hitsura siya o porma, hindi siya ang tipong mahilig manligaw. At ang pinakamahalagang alam ko tungkol sa kanya ay ang pagtrabaho niya sa murang gulang kaysa maigugol sa barkada ang kanyang panahon. In fairness sa kanya, hindi pa rin naman nagbago ang pakikitungo niya sa kanyang mga kababata at mga kabarkada kahit ngayong Barangay Chairman na siya.

Lumaki siya sa isang tahanan na ang pinairal ay respeto at disiplina, lalo na’t ang kanyang ama, si Cesar ay sumasakay sa barko at kung “bumaba” upang magbakasyon ay sa loob ng isang buwan lamang. Dahil sa ganoong sitwasyon, naipairal ng kanyang ina na si Sophie ang disiplina na dinala ni BJ hanggang ngayong may sarili na siyang pamilya.

Sa gulang na halos dalawampu’t apat na taon pa lamang ay nahirang siyang isa sa mga Konsehal ng Real Dos, ang pinakabata sa konseho. Nakitaan siya ng tiyaga hindi lang ng kanyang mga kasamang opisyal. Kaya sa pagtapos ng termino ng Barangay Chairman na si Vill Alcantara, ay hindi na pinagtakhan ang kanyang pagtakbo dahil na rin sa pambubuyo ng mga taong may tiwala sa kanya. At, tulad ng inaasahan, siya ay nanalo bilang Barangay Chairman.

Ngayon, sa gulang na halos tatlumpo’t dalawa, pinipilit ni BJ na magampanan ang mga responsibilidad ng isang Barangay Chairman sa kabila ng kaliitan ng badyet dahil ang Barangay Real Dos ay siyang pinakamaliit sa sukat at badyet sa buong Bacoor. Maraming problema ang barangay na ibinahagi niya sa pinakahuling balitaktakan na nangyari para sa lahat ng nasasakupan noong ika-21 ng Marso. Buong pagpakumbaba siyang humiling ng pang-unawa sa mga nakadalo. Ang mga lumabas namang mga komento at tanong ay buong hinahon at pagpakumbaba pa ring kanyang sinagot. Katulong niya sa pagpaliwanag sina Kagawad Elena Diala at Kagawad Pojie Reyes na may mga nakatalaga ding proyekto para sa barangay.

Sa naturang miting, hindi naiwasang may maglabas ng mga hiling para sa kani-kanilang subdivision. Upang maipaabot sa mga ka-barangay ang kanyang pagiging patas, ang hindi ko makalimutang sinabi niya ay: “may hiling din nga po ang nanay ko para sa kalye namin, pero hindi ko pinagbigyan dahil mas gusto kong unahin ang iba na mas nangangailangan”. Ang linyang yon ang nag-udyok sa aking gumawa nitong blog. Naalala ko ang kasabihang naging popular noong panahon ni Marcos na “what are we in power for” at noong panahon ni Erap Estrada na “weather, weather lang yan” na ibig sabihin ay “ panahon namin ngayon… hintayin ninyo ang panahon ninyo”. Nagbigay inspirasyon sa akin ang sinabi ni BJ, dahil naisip ko na sa panahon ngayon, meron pa palang opisyal ng gobyerno na hindi korap.

Tadtad ng akusasyong may kinalaman sa korapsyon ang gobyerno, at hindi madali ang maging opisyal dahil iisipin agad ng ibang ikaw ay korap din. Alam ni BJ ang kanyang pinasok. Sarado Katoliko ang kanyang pamilya. Sa pakipag-usap ko sa kanyang nanay, nabanggit nito na ang unang paalala niya sa kanyang anak ay ang pag-iwas sa anumang bagay na ikasisira ng pangalan nila, na ibig sabihin ay huwag na huwag niyang idildil ang kanyang daliri sa mga bagay na may kinalaman sa korapsyon. Idiniin niya ang paalala sa pagsabi na kung ganoon din lang ang mangyayari, mabuti pang bumaba na lang siya sa puwesto.

Mapalad si BJ si pagkaroon ng asawa na siyang nagbibigay sa kanya ng inspirasyon, si Kat Ramos, tubong Cavite. Ang nanay naman niyang tubong Tigbauan, Iloilo, bukod sa malambing ay masikap din kaya nagtugma ang mga ugali nila ng kanyang manugang na masinop din sa buhay. Ang tatay naman niya ay tubong Batac, Ilocos Norte – isang Ilocano, kilala sa pagiging maingat sa paghawak ng pera na malamang ay namana rin ni BJ.

Katuwang ni BJ ang mga hindi nagrereklamo at masisipag ding kagawad ng Barangay sa kabila ng maliit nilang allowance na kulang pang panggastos sa pang-araw araw na pangangailangan ng kanilang pamilya. Ang Barangay Real Dos ay kinaaniban ng mga subdibisyong Perpertual Village 5, Luzville, Silver Homes 1 at Silver Homes 2, at ito ang pinakabagong barangay ng Bacoor, na tulad ng nasabi ko na ay may pinakamaliit na budget, kaya talagang hindi biro ang ginagawa ng mga opisyal na pagkasyahin ang anumang budget na maitalaga.

Ang pinakahuling proyektong naipatupad ng kasalukuyang administrasyon ng Barangay na una nang naihain noong panahon ni Barangay Chairman Alcantara, ay ang pagpasemento ng natitirang tatlong kalsada ng Perpetual Village 5, na ang suporta ay nakalap naman mula kay Gobernador Jonvic Remulla. Ang iba pang mga proyekto ng barangay ayon kay Chairman BJ ay ang paglilinis ng ilog na magsusuporta sa programa ng city government tungkol sa nature conservation, sanitation at beautification. Bukod pa dito ay ang paglalagay ng mga CCTV camera sa paligid ng Barangay, at ang pagpapa-igting ng mga alituntunin na may kinalaman sa seguridad at droga. Handa rin ayon sa kanya ang Barangay, magkaroon man ng baha dahil ito ay nasa tabing-ilog, at bilang patunay ay ang naka-istambay na isang malaking bangka na galing kay Mayor Strike Revilla.

Napatunayan sa Real Dos na hindi kailangang “trapo” o tradisyonal politician ang isang tao upang maging isang epektibong opisyal…at yan ay sa katauhan ng tinaguriang “Cool Barangay Chairman” – si BJ Calawigan Aganus. Ang “B” pala sa “BJ” ay Brian kaya ang buong pangalan niya ay Brian Calawigan Aganus, for the record. Ang “J” naman ay saka nyo na malalaman.

(NOTE: Hindi ako nakahingi ng abiso kay G. BJ Aganus, sa isinulat kong ito at nagdadasal na lamang ako na sana ay huwag sumama ang loob niya dahil sa pakikialam ko sa kanyang buhay.)