Ang Basketball Tournament ng JPLS TODA (Barangay Real 2, Bacoor City)

ANG BASKETBALL TOURNAMENT

NG JPLS TODA (BARANGGAY REAL 2, BACOOR CITY)

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang Justinville/Perpetual/Luzville/Silver Homes Tricycle Operators and Drivers Association (JPLS TODA) ay nagsikap na magdaos ng simpleng basketball tournament sa abot ng makakaya nito. Hindi sila gaanong nangalap ng mga donasyon, maliban na lang sa mga tropeo. Ang kaunting pagkain at mineral water ay gastos ng mga miyembro at opisyal. Ang bayad naman sa professional na mga referee ay may malaking discount. Nakatulong din ng malaki ang basketball court ng Silver Homes 1 na walang bubong at libreng nagamit. Nagtiis man sa init ng araw ay enjoy pa rin ang mga team na naglaro sa elimination rounds dahil idinaos  sa hapon kung kaylan matumal ang biyahe. Ang championship game lang ang idinaos sa gabi ng Sabado, December 12 upang malaman kung alin sa natirang tatlong team na “White”, “Green”, at “Blue” ang magiging champion. Inabot din ng apat na Sabado at Linggong palaro o mahigit isang buwan, bago umabot sa araw ng championship na paglalabanan ng nasabing tatlong team.

 

Nakakamangha ang pagkamasigasig ng mga organizers at mga miyembro dahil sa kabila ng halos walang pahinga nilang biyahe na kung minsan ay inaabot ng gabi ay pinilit nilang maidaos ang tournament.  At, sa kabila pa rin ito ng pinagkasyang budget. Pagpapakita nila ito ng kanilang tapat na pakikipagtulungan sa programa ng lokal na pamahalaang lunsod ng Bacoor na sa ngayon ay nasa pamamahala ni mayor Lani Mercardo-Revilla. Ang nasabing programa ay idinaan sa Barangay Real 2 na nasa pamamahala naman ni Kapitan BJ Aganus. Sagot din ng samahan ang tournament sa panawagan ng bagong presidente, Rodrigo Duterte na gamitin ang libreng panahon sa mga bagay na makabuluhan sa halip na sa droga.

 

Tulad ng mga drayber ng jeep at bus, silang mga traysikel naman ang minamaneho ay hindi rin ligtas sa mga hinalang gumagamit ng shabu dahil sa paniwalang nakakatulong ito upang makatagal daw sila sa puyatan. Totoo man o hindi, ang mahalaga ay pinapatunayan ng asosasyon na wala ni isa mang adik sa kanila o talamak ang pagkagumon sa nasabing bisyo. Wala ni isa mang kasong may nawalan ng katinuan mula sa kanilang hanay dahil sa droga, tulad ng mga nababalitaang nangyayari sa ibang lugar.

 

Ang mga opisyal ng JPLS TODA ay sina, Danny Sagenes (Presidente); Freddie Casil (Bise-Presidente); Davis Sagenes (Kalihim); Rolly Guevarra (Ingat-yaman). Si Danny Sagenes ay nakaka-siyam nang taon bilang presidente dahil nakitaan siya ng sigasig na ang hangad ay maisulong ang kasiyahan at kapakanan ng mga miyembro. Bukod sa tournament, nagdadaos din ang samahan ng Christmas party kung kaya ng budget mula sa buwanang ambag ng mga miyembro dahil sa mga bibilhing pagkain at regalong ipapa-raffle. At, dahil maganda ang kanilang layunin, kalimitan ay may mga homeowners na nagkukusang magbigay ng donasyon. Hindi rin nawawala ang donasyon mula sa barangay at pamahalaang lunsod ng Bacoor.

 

Ang mga ginagawa ng samahan ay ikinatutuwa naman ng mga homeowners ng barangay Real 2 na panatag ang nararamdaman…taliwas sa mga nangyayari sa ibang barangay kung saan ay atubili ang mga umuuwi ng dis-oras ng gabi at sumasakay sa traysikel.

 

Ang Imahen ng “Lady of Guadalupe” ng Barangay Real 2 (Bacoor City, Cavite)…simbolo ng matibay na pananampalataya at pagkakaisa

Ang Imahen ng “Lady of Guadalupe”

ng Barangay Real 2 (Bacoor City, Cavite)

…simbolo ng matibay na pananampalataya at pagkakaisa

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang imahen ng Birhen ng Guadalupe ang itinuturing na isa sa mga may naipamalas na milagro sa mga mananampalatayang Kristiyano.  Ang imahen ay unang nakilala sa Guadalupe, Mexico dahil sa mga milagrong ipinamalas niya sa mga katutubo kaya ang mga Mehikanong kasama sa mga paglalayag ng mga galleon mula noong 1400s ay nagdadala nito upang maging “tagapagligtas” nila kung magkaroon sila ng sakuna sa karagatan.

 

Sa Pilipinas, ang unang nakilalang imahen ng Guadalupe ay ang nakaluklok sa Guadalupe Church, sa Guadalupe Nuevo, Makati City. Itinuturing din itong mapaghimala kaya maraming debotong dumadayo sa nasabing simbahan upang ito ay hingan ng tulong. Ang pinakapiyesta ng “Lady of Guadalupe” ay tuwing ika-12 ng Disyembre.

 

Sa Cavite, may imahen ng nasabing Birhen sa Barangay Real Dos, Bacoor City, sa maliit na subdivision ng Perpetual Village 5 at nakaluklok sa Multi-purpose Hall nito, na itinuturing nang “chapel” dahil dito rin nakaluklok ang iba pang imahen ng Birheng Maria at Hesus. Ang imahen ay donasyon ng mag-asawang Glo at Ed de Leon noong 2013 nang italaga ng parukyang San Martin de Porres ang nasabing birhen bilang patron ng nabanggit na barangay. Bukod sa imahen ng nasabing Birhen, ang mag-asawa ay nag-donate din ng imahen ng Itim na Nazareno, Christ the King, at mga gamit pang-Misa ng pari. Ang mag-asawa din ang nagpa-ayos ng mga sirang bahagi ng “chapel” at nagpalit ng pintura nito noong nabanggit na taon. Payak ang nasabing “chapel”, may kaliitan din subalit hindi hadlang ang mga kapintasang  ito upang umigting ang pananampalataya ng mga taong taga-barangay at mga karatig lugar na dumadalo sa Misa tuwing Linggo.

 

Mula nang mailuklok ang birhen sa nasabing barangay, kapansin-pansin ang pagkaroon ng dagdag sa bilang ng mga dumadalo sa Misa tuwing Linggo. Nagkaroon din ng dagdag- inspirasyon kaya lalong sumigla ang pagkilos ng mga religious crusaders ng Holy Face of Jesus na namamahala sa imahen. Ang grupong ito ang nagbubuklod sa mga mananampalatayang Katoliko na taga- loob at labas ng barangay dahil sa pinapakita ng mga miyembro na walang kapagurang pagdasal sa mga lamay sa pakiusap ng namatayan, pamumuno sa pagdasal ng novena at rosaryo sa kapilya tuwing Huwebes ng dapithapon, at pakikiisa sa mga pagtitipong ispiritwal sa parukya ng San Martin de Porres tulad ng paghahatid ng imahen ng Birheng Maria sa mga bahay na gustong magpabisita sa kanya. Ang lahat ng mga nabanggit ay ginagawa ng grupo sa ngalan ng sakripisyo dahil lahat sila ay nagkakanya-kanyang gastos kung may lakad o  tuwing may prusisyon sa parukya. Ang grupo ay pinangungunahan ngayon ni Lydia Libed, bilang Presidente. Nakikipag-ugnayan si Gng. Libed sa namumuno ng Pastoral Council ng Real Dos na si Emma Duragos, na nagsisilbi namang kinatawan ng parukya sa barangay.

 

Nakadagdag ng lakas na ispiritwal ng barangay ang chorale group ng mga kabataan at young adults na kumakanta tuwing may okasyon para sa patron at tuwing Linggo na araw ng Misa. Ang grupong ito na pinamumunuan ni Arianne Lorenzana ay madalas ding maimbita sa mga Misang idinadaos sa labas ng barangay. Ang tumatayo namang mother/adviser nila ay si Norma Besa na bukod sa nagpapakain sa mga miyembro tuwing may practice ay takbuhan din nila upang hingan ng payo. Hindi rin nagpapabaya si Norma sa pagkukusa ng tulong sa pagpalit ng mga bulaklak na alay sa patron at iba pang pangangailangan nito.

 

Umaagapay sa mga grupong nabanggit si Louie Eguia, presidente ng Perpetual Village 5 Homeowners Association, na ang pinagkakaabalahan sa kasalukuyan ay ang proyektong pagpapasemento ng harapan ng kapilya dahil sa dumadaming maninimba tuwing Linggo na umaapaw hanggang sa labas, bukod pa sa pagpapaayos ng bubong nito. Ayon kay ginoong Eguia, ang donasyon sa pagpasemento ng harapan ng kapilya ay manggagaling sa gobernador ng Cavite na si Jonvic Remulla, at ang pagpapaayos ng bubong ay manggagaling naman sa gaganaping “bingo social” na proyekto ng PV5 Homeowners Association. At tulad ng dapat asahan, ang maybahay niyang si Edna naman ang nagbibigay ng hindi matawarang suporta sa kanya sa lahat ng kanyang mga ginagawa, kasama na ang pag-follow up ng mga dokumento sa iba’t ibang opisina, para sa mga proyekto.

 

At sa abot naman ng makakaya ng Barangay Real Dos, ang Chairman nitong si ginoong BJ Aganus ay nakaalalay, mula sa pagbigay ng marshall tuwing magdaraos ng prosesyon at seguridad naman para sa iba pang mga kahalintulad na okasyon. Ang iba pang sakop ng patrong Lady of Guadalupe ng Real Dos ay ang Luzville subdivision, Silver Homes 1 and 2, at ang Arevalo Compound.

 

Ang nais kong ipakita rito ay ang maaliwalas na pakikipag-ugnayan sa isa’t isa ng mga grupo at opisyal sa Real Dos sa ngalan ng patron na “Lady of Guadalupe”, patunay na ang nagkakaroon ng pagkakaisa kung ang mga tao ay may matibay na pananampalataya na nagpapaigting ng respeto sa isa’t isa.

 

Ang Feeding Program ng Barangay Real Dos, Bacoor City, Cavite…hindi pinagmamalaki ng tarpaulin!

Ang Feeding Program ng Barangay Real 2

Bacoor City, Cavite…hindi pinagmamalaki ng tarpaulin!

Ni Apolinario Villalobos

Mabuti na lamang at natunugan ko isang hapon ang gagawing feeding program o mas gusto kong tawaging “food sharing” ng Barangay Real 2. Nakiusap ako kay Kagawad Ana Lyn Sagenes na baka pwede akong magmasid ng kanilang gagawin. Angkop na angkop ang gagawin ko dahil sa mga napapabalitang “food poisoning” ng mga kabataang beneficiary ng feeding programs, na ang pinakahuli ay ini-sponsor ng isang malaking NGO.

Tulad ng nabanggit ko noon sa mga naunang blog, Real 2 ang may pinakamaliit na budget sa buong Bacoor at curious ako kung paano nilang gagawing makibahagi ng palasak nang pagkaing lugaw sa mga kabataan. Chicken arroz caldo ang kanilang ihahanda at gabi pa lang ay nagayat na ang mga sangkap, pati ang manok na nahimay na rin. Ang paghanda ay ginawa nina Kagawad Lando Sagenes, Danny Sagenes, Ana Lyn Sagenes, at Baby Diala. Nakaistambay naman ang mga Tanod Bayan na sina Lito Alegonza at Ed Belmonte na nagsilbing mga runner para sa iba pang mga pangangailangan. Ilang sandali pa ay dumating din si Kagawad Rhea Endaya. Napag-alaman ko na tuwing magpi-feeding program ay sila mismo ang nagluluto at hindi pinagkakatiwala sa iba.

Kinabukasan nang alas dos, isinalang na nila ang lugaw sa tatlong malalaking kaldero na sa tantiya nila, bago mag-alas kwatro ay maluluto na. Nang oras na yon naman ay siya namang pagdating ni Barangay Chairman BJ Aganus na nag-check ng mga iba pang kakailanganin bago magsisimula, tatlumpung minuto makalipas ang alas otso ng umaga.

Unang pinuntahan ng grupo ang tatlong clusters sa Arevalo Compound na katabi ng exclusive subdivision na Meadowood. Dinagsa sila ng maraming bata lalo na at araw ng Sabado, walang pasok sa eskwela. Umabot din sa halos dalawang daan ang kabuuhang dumagsa sa tatlong clusters ng mga taal na Kabitenyo, bago pa man nagkaroon ng mga subdivision. Pinuntahan din ang Padua cluster na dikit na rin sa Meadowood. Ang kinikilalang “patriarch” o “ama” ng cluster na ito si Magno Padua, panganay sa magkakapatid na Padua na nagsaka sa lupang kinatitirikan ng Meadowood Subdivision. Dito na rin nakapagpahinga ang grupo na ang iba’y halatang hiningal na subalit ang kapansin-pansin ay pamumula ng mga mata dahil sa kawalan ng tulog.

Huli nilang pinuntahan ang Luzville bandang alas diyes na, kung saan ay matatagpuan pa rin ang isang depressed area. Ilang sandali lang pagdating nila, nagsidagsaan na rin ang mga bata…magkakapatid na magkahawak- kamay at magkakalaro na nagtutulakan pa sa pagkuha ng lugaw dahil sa hiya. Subalit nang matikman na ang lugaw, malinaw na nagustuhan nila kaya halos lahat sila ay kung ilang beses bumalik upang humingi pa.

Ang grupo ng “feeders” ay walang ingay kung kumilos, walang kantiyawan, may isa o dalawa lamang na sumisigaw upang humikayat ng iba pang mga kabataan. At, ang matindi….kahit walang meryenda ay walang nagpaparinig o nagpaparamdam man lang ng gutom. Ayaw siguro nilang pakialaman ang lugaw dahil para lang talaga sa mga bata ang kanilang inihanda. Ang pinakahuling naobserbahan ko ang nagkumpirma sa iniisip ko noon pa man, na talagang pilit nilang pinagkakasya ang budget para sa pakain ng mga bata, kaya maski isang coke solo man lang ay wala akong nakitang binili si Chairman BJ, para siguro ipabatid na ang lakad ay hindi kainan o meryendahan kundi sakripesyo para sa mga kabataan.

Hindi na ako nagtanong kung magkano ang budget para sa tinantiya kong halos apat na raang kabataan mula sa Arevalo compound hanggang sa Luzville. Siyanga pala, ang Arevalo Compound ay hindi naman talaga “compound” kundi kumpol ng maliliit na bahay lamang sa lupaing ang orihinal na may-ari ay ang Arevalo family.

Sa liit ng budget ng barangay, gusto ko mang gawin ay hindi na ako nagtanong kung may petty cash din ba sila para sa mga sariling motorcycles na ginagamit sa emergency o lakad na hindi man emergency ay may kinalaman sa operasyon ng barangay. Inunawa ko na lang na dahil sa priority nilang mga proyekto ay halos wala na ngang natitirang pangkape man lang para sa mga Tanod Bayan kung magronda sila sa gabi. Nagpapasalamat na lang ang barangay kung sila ay datnan ng donasyong kape o pagkain para sa mga nagroronda.  Ibig sabihin, obvious na ang mga may-ari ng mga motorcycle ay nagkakanya-kanya sa pagbili ng gasolina, na malaking kabawasan din sa kanilang kakarampot na “sweldo”.

Maliban kay Pojie Reyes na may importanteng lakad kaya hindi nakasama sa feeding program, ang mga kagawad na nakasali ay sina: Ana Lyn Sagenes, Rea Endaya, Lando Padua, Elena Diala, Danny Sagenes, at Fer Sagenes; mga Tanob Bayan na sina: Ed Belmonte, Gary Sanchez, at Lito Alegonza; at volunteer na si Analiza Ballesteros. Masayang ibinahagi ni Chairman Aganus na sa kabila ng kakarampot nilang budget, tuluy-tuloy ang kanilang feeding program. Halatang iniiwasan din nila ang publicity dahil wala silang ginagamit na tarpaulin para ibando ang kanilang ginagawa. Nagpasalamat nga ako dahil hindi ako pinagbawalang gumawa ng blog tungkol sa ginawa nila.

Dalawang depressed areas ang nasasakop ng Barangay Real Dos kaya ang sabi ni Mr. Aganus, ay welcome ang anumang mga donasyon para sa mga bata, tulad ng notebook, mga lapis, mga bag pang-eskwela, at sa feeding program naman ay bigas na panlugaw ang uri. Nagluluto din ang barangay para sa mga evacuees sa panahon ng baha na ang pinaka-apektado ay ang mga taga-Luzville na nasa tabi ng ilog.

Maaaring ipadala ang mga donasyon, naka-address kay:

Mr. BJ Aganus

Chairman, Barangay Real 2

Bacoor City, Cavite.

Ang Barangay Real Dos…ng Bacoor City, Cavite

Ang Barangay Real Dos
…ng Bacoor City, Cavite
Ni Apolinario Villalobos

Hindi madali ang mamuno dahil kailangan ang paninimbang upang walang masaktan o magsabing sila ay pinabayaan. Sa isang barangay, halos lahat ay magkakilala, kaya ang turingan ay magkakapamilya, lalo na sa isang maliit na barangay tulad ng Real Dos ng Bacoor, Cavite City.

Ang Barangay Real Dos, ay pinamumunuan ng pinakabatang Chairman sa buong lunsod, si BJ Aganus, at inaalalayan ng may kabataan ding mga Kagawad. Sa kabila ng maliit nilang pondo mula sa buwis na binabahagi ng pamahalaang lunsod ay nagawa pa rin nilang magpatupad ng mga proyekto. Maganda ang nagkaisa nilang panuntunan na hindi dapat patagalin ang paghawak ng pondo hangga’t maaari dahil maraming dapat paggagastusan na kailangan ng mga ka-barangay nila.

Inumpisahan ng bagong grupo ang kanilang mga proyekto sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa homeowners’ association ng Perpetual Village 5 kung saan matatagpuan ang Barangay Hall, sa paglunsad ng mga proyektong pang-kabataan upang magamit ang bagong gawang basketball court. Ibinalik din ang regular na schedule sa paghakot ng basura.

Bumili sila ng bankang gawa sa fiberglass upang magamit sa pag-rescue tuwing may baha; dinagdagan ang bilang ng radio units na mag-uugnay sa mga tanod at opisyal ng barangay; pinalitan ang mga ilaw-kalye na ordinaryong bombilya, ng makabagong LED lights, upang makatipid sa konsumo ng kuryente, at inasahan ding tatagal ang mga ito; nagkaroon din ng libreng gamutan.

Ang mga plastik na mesa na pinapahiram sa mga ka-barangay kung may okasyon ay pinalitan ng gawa sa matibay na stainless steel sheets. Kaya, hindi man sinasadyang maulanan, ang mga mesa ay sigurado nang tatagal. Dinagdagan din nila ang mga trapal na ginagamit lalo na kung may pinaglalamayan.

Ang pinakahuli nilang ginawa ay ang pagpabubong ng nakatiwangwang na lote sa magkabilang gilid ng Barangay Hall. Ang nasa kanlurang bahagi ay nagagamit na ngayon kung may pagpupulong kahit na umuulan at tirik ang araw. Ang silangang bahagi naman ay lalagyan ng mga upuan upang may mapagpahingahan ang mga taong pumipila para sa serbisyo ng barangay health center.

Kinakausap din ni Barangay Chairman Aganus ng personal ang mga pasaway sa barangay, lalo pa at ang iba sa kanila ay halos kasinggulang lamang niya…na epektibo naman, dahil na rin sa pakisama. Walang masamang tinapay para sa Barangay Chairman dahil lahat ay gusto niyang bigyan ng pagkakataon upang magbago, magkaroon ng kabuluhan at respeto sa sarili. Hindi man niya sabihin, makikita sa ginagawa niya na mangyayari lamang ang pagkakaroon ng respeto sa sarili ang isang tao, kung siya ay bibigyan ng pagkakataon at halaga.

Nakakatuwa ring malaman na kahit kapos kung ituring ang allowance ng mga Barangay tanod ay hindi sila naaapektuhan nito. Nakikita kasi nila na lahat silang nasa pamamahala ni Chairman Aganus ay parehong nagsasakripisyo, maipatupad lang ang sinumpaan at itinalagang responsibilidad sa kanila.

Ang nakakatawag ng pansin ay ang pinapairal ng grupo ni Chairman Aganus na “bayanihan spirit”. Sa pamamagitan nito, basta may lumapit sa kanila upang humingi ng tulong, kahit hindi ka-barangay, ay agad nilang inaaksyunan. Maraming beses na ring nahingan ng tulong si Chairman Aganus ng mga hindi taga-Real Dos, upang gumawa ng follow up sa City Hall. Maganda ang patakaran nila dahil hindi naman ito pakikialam sa ibang barangay. Kung hindi kasi sila umaksyon sa mga request ng hindi taga-Real Dos ay lalabas na tinataboy nila ang mga ito…isang impresyon na ayaw nilang mangyari. Ganoon din ang paliwanag ni Chairman Aganus na nagsabing, pinakikiusapan lang naman daw siya, at isinasabay na niya ang mga follow-up sa mga gagawin kung nasa City Hall siya. Kung tutuusin nga naman, magkakasama ang mga magkakatabing barangay sa iisang administrasyon ng Bacoor, kaya hindi magandang nagkakanya-kanya sila sa pagkilos…sa halip ay dapat magtulungan.

Kung ihahambing sa malalaking barangay, masasabing napakaliit ng mga proyekto ng grupo ni Chairman Aganus, subalit, para sa mga taga-Barangay Real Dos, ang mga ito ay napakahalaga. Wala rin naman silang magagawa dahil pinagkakasya lamang nila ang pondong itinatalaga ng pamahalaang lunsod. At, ang pinakamahalaga, ay nagpupursige sila sa abot ng kanilang makakaya.

Pinatunayan ng Barangay Real Dos, na ang matatag na samahan ng mga bumubuo sa isang barangay ang nagsisilbing pinakapundasyon ng isang barangay kahit maliit ang pondo. Malaking tulong nga ang pondo, subalit aanhin naman ito kung pagtatalunan lamang na maaaring humantong pa sa siraan? Ang nagsisilbi namang “pandilig” sa pundasyong ito upang lalo pag tumatag at lumago ay ang katatagan din ng namumuno at mga nakakaganang pagpuna ng ibang tao, lalo na ng mga nasasakupan. Sa huling nabanggit, tanggap naman nila na hindi lahat ay nabibigyan nila ng kasiyahan, subalit wala silang magagawa dahil sa limitasyon ng kanilang kakayahan at pondo.

Yan ang Real Dos….maliit nga siksik naman sa samahan…kapos nga sa budget, mayaman naman sa pagkukusa… mga kabataan nga ang namumuno, puno naman ang mga puso ng pagmamalasakit sa kapwa!