Sa Isyu pa rin ng Bangsamoro Basic Law…hantad na ang kuwestiyon sa papel ng Malaysia

Sa Isyu pa rin Bangsamoro Basic Law

…hantad na ang kuwestiyon sa papel ng Malaysia

Ni Apolinario Villalobos

Noon pa man ay nagtaka na ako kung bakit kinuha ng gobyerno ang Malaysia bilang “third party” o mediator sa usaping BBL, ganoong napakaliwanag ng mga sumusunod na dahilan kung bakit hindi dapat:

  • May pinagtatalunang kaso ang Pilipinas at Malaysia tungkol sa pagmamay-ari ng Sabah, at tulad ng China gumamit din ng ampaw na historical facts ang Malaysia. Tulad ng China, ayaw din ng Malaysia na may mamagitang international court sa usapin.
  • Kalat sa internet ang sinabi ni Iqbal na ang orihinal na biyahe dapat noon ni Ninoy Aquino ay papunta muna sa Malaysia kung saan ay magkikita sila, hindi diretso sa Maynila kung saan siya ay pinatay. Kung sa Malaysia siya nakarating, malamang na kinanlong siya ng Malaysian government na galit kay Ferdinand Marcos na siyang may ideya ng pag-agaw sa Sabah gamit ang mga recruits na sinanay sa Corregidor at kalaunan ay na-massacre, at tinaguriang “Jabidah massacre”. Ang nagbulgar ng planong pagbawi ng Pilipinas mula sa Malaysia ay si Ninoy Aquino na noon ay senador. Ang pagbulgar na ito ang dahilan ng “Jabidah Massacre”. Kung hindi ito binulgar ni Ninoy, malamang ay nabawi na ng Pilipinas ang Sabah.
  • Binulgar ni Nur Misuari ng MNLF na sinusupurtahan sila ng Malaysia sa layunin nilang ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas na hanggang ngayon ay adhikain nila. Kaya, personal akong nagulat nang malaman kong ang orihinal na BBL ay tila patungo sa pagiging hiwalay na estado. Kapag nagkaganoon ay madali na ring isama sa federation ng Malaysia ang Mindanao kung sakali. Kung hindi man maisama ay maaaring mas malaki ang magiging pakikipagtulungan ng hiwalay na Mindanao sa Malaysia dahil sa magkaparehong kultura at relihiyon ng dalawa. Ang malaking isyu sa Mindanao ay ang hindi matawarang likas na yaman nito na hindi pa “nailalabas”. Sa kabila ng yamang ito, naghihirap pa rin ang mga Muslim sa Mindanao, na ginamit na malaking dahilan upang magkaroon ng Bangsamoro. Lumalabas na napapabayaan ng central government ng Pilipinas ang Mindanao.

Nang banggitin ko sa mga isinulat ko noon ang banta ng Malaysia sa BBL, tahimik ang Senado at nagkaroon na ng seremonya sa pag-apruba ng BBL “in principle”. Tahimik ang lahat, subalit  dahil malapit na ang eleksiyon, nabanggit na ito ni senador Marcos, lalo na ang tungkol sa Malaysia…. at marami na rin ang nakikisawsaw!

Hindi Matatahimik ang Mindanao, kahit may peace agreement na…

Hindi Matatahimik ang Mindanao
kahit may peace agreement na…
ni Apolinario Villalobos

Ang sinasabing massacre sa Mamasapano, Maguindanao noong January 25, Linggo, kung saan ay nasawi ang 44 na pulis at nasugatan ang iba pa, ay palatandaan na hindi magkakaroon ng katahimikan sa Mindanao kahit pa mayroon nang peace agreement. Ang sinasabi ng mga taga-gobyerno at MILF na misencounter daw ay hindi kapani-paniwala dahil inabot ang palitan ng putok ng mahigit sampung oras. Sa paliwanag ng mga eksperto, kung misencounter, dapat sandali lang ang nangyaring palitan ng putok dahil aatras ang isa sa mga grupo kung nakilala nito ang mga kabarilan na hindi naman pala kaaway. Ang nangyari, kahit nakabulagta na ang mga pulis ay pinagbabaril pa ng MILF at pinagnakawan pa!

Ang pakay ng mga pulis ay nasa loob ng teritoryo ng MILF, at ito ay terorista. Hindi puwedeng hindi ito alam ng MILF. Sana, kung gusto ng MILF ay kapayapaan, noon pa lang, sila na mismo ang gumawa ng paraan upang ito ay mahuli at isinurender sa pamahalaan, kahit pa nasa pangangalaga siya ng breakaway group na BIFF. At ang isa pang malaking tanong ay kung bakit hinahayaan ng MILF na manatili ang BIFF sa kanilang teritoryo gayong alam nitong tinutugis ito ng hukbong sandatahan ng Pilipinas dahil ang turing nga ay terorista.

Hangga’t hindi napaplantsa ang mga gusot ng pinag-uusapang Bangsamoro Basic Law, hindi ito dapat lagdaan. Kung sakaling ipilit ang lagdaan kahit hilaw, hindi rin ito maipapatupad agad dahil siguradong may maghahain ng TRO muna na susundan naman ng kaso dahil sa mga sasabihing butas ng mga probisyon. Kung makalusot man, maipatupad at pupunduhan ng malaki, ang mga kritiko nito na hindi nabiyayaan, kahit mga kasama pa ng MILF ay siguradong parang buwitre na aaligid upang makatiyempo ng mapupuna na gagamiting dahilan sa paghihiwalay sa nasabing grupo. Breakaway group na naman na magiging problema ng mga taga-Mindanao!

Ang paghiwalay ng BIFF mula sa MILF ay tanda na hindi malakas at epektibo ang kasalukuyang pamunuan ng huling nabanggit na grupo, kaya asahan, na kung sakaling makalusot at matuloy ang peace agreement, ay may iba pang grupong titiwalag at hahasik ng perhuwisyo. Ilan pa kayang breakaway groups ang mabubuo?

Ang nakakabahala ay kung sakaling mayroon na ngang Bangsamoro sa Mindanao, pero may mga breakaway at terrorist groups na hindi kayang masawata ng MILF, siguradong dito magtatago ang mga terorista na maghahasik ng perhuwisyo sa ibang panig ng bansa. Maaaring Bangsamoro na ang gagamiting sentro sa paggawa ng mga bomba na gagamitin sa terroristic activities sa bansa. Sa simpleng salita, gagawing “hideout” ng mga terorista ang Bangsamoro kung saan sila ay untouchable. Ang pagtago ng matagal ng isang foreign terrorist sa balwarte ng MILF ay isang malaking pruweba na maaaring mangyari itong agam-agam. Kaya ano pang kapayapaan ang maaasahan ng mga taga-Mindanao?

Walang aasahang pagsuplong sa mga nakatagong terorista. Kaya bang isuplong ng isang anak ang kanyang ama?…ng isang pinsan ang kanyang pinsan?…ng isang pamangkin ang kanyang tiyuhin na nagpalaki sa kanya?….ng isang asawa ang ama ng kanyang mga anak? MAS MALAPOT ANG DUGO KAYSA TUBIG…na ibig sabihin ay, “blood is thicker than water”.