Nanay Nene ng Bacoor (Cavite)

SI NANAY NENE…NAGING SINGLE MOM DAHIL INABANDONA NG IRESPONSABLENG ASAWA…ITINAGUYOD ANG MGA ANAK SA PAGTINDA NG TUYO AT DAING SA LOOB NG MAHIGIT 30 TAON…MINALAS NA ANG PANGANAY NA ANAK AY NAGING ADIK KAYA BUMAGSAK SA KANYANG KALINGA ANG PAGPAPALAKI SA MGA APO….SIYA AY 79 TAON NA NGAYON. ANG PUWESTO NIYA AY NASA ILALIM NG HAGDAN NG PEDESTRIAN OVERPASS SA HARAP NG SM CITY (BACOOR CITY).

 

SIYA AY TAGA –SALINAS, ISANG BAYANG NASA TABING DAGAT SA CAVITE, AT TANYAG SA MGA PRODUKTONG TUYO AT DAING. SA KABILA NG KANYANG EDAD, HINDI PUMAPALYA SI NANAY NENE SA PAGLATAG NG KANYANG MGA PANINDA SA ILALIM NG HAGDA…KAHIT MAY ULAN. GUMAGAWA NA RIN SIYA NGAYON NG PAPAYANG ATSARA UPANG MAIDAGDAG SA KANYANG MGA PANINDA.

 

ILAN PA KAYANG “NANAY NENE” ANG NASA ATING PALIGID?…HINDI TUMITIKLOP ANG MGA TUHOD SA HARAP NG MGA PAGSUBOK SA BUHAY…AT HIGIT SA LAHAT, AY NAGHIRAP DAHIL SA EPEKTO NG DROGA?

nanay-nene

Taos-pusong Serbisyo: tatak ng Lunsod ng Bacoor…salamat kay Nolasco S. Espiritu at Jessica S. Sarino

Taos-pusong Serbisyo : tatak ng Lunsod ng Bacoor

(…salamat kay Nolasco S. Espiritu at Jessica S. Sarino)

ni Apolinario Villalobos

Matagal ko nang narinig ang magagandang kuwento tungkol sa mga nagtatrabaho sa City Hall ng Bacoor. Sinasabi nilang iba ang pakiramdam kapag nasa loob ka na ng bulwagan dahil halos lahat ng mga kawani ay handang sumagot nang walang pagkayamot sa mga tanong. Mararamdaman daw talaga ang taos-pusong pag-asikaso ng mga empleyado sa lahat ng may nilalakad sa City Hall.

Akala ko ay hanggang kuwento lang ang maririnig ko, hanggang sa madanasan ko rin ang sinasabi nilang kakaibang serbisyo nang minsang may nilakad akong mga papeles. Dahil sa kalituhan, pumasok ako sa kuwarto ng mga kawani sa halip na magtanong sa naka-assign sa counter. Mali na ako doon dahil kailangan ko palang kumuha ng number sa Information Desk. Ganoon pa man, pagpasok ko sa kuwarto, ang una kong nakausap ay hindi nag-atubili sa pagbaba muna ng hawak na dokumentong binabasa upang abutin naman ang mga dokumentong hawak ko. Matiyaga niyang binasa ang iniabot ko at pagkatapos ay sumangguni rin sa isa pang kawani. Magkatulong silang nagpaliwanag sa akin tungkol sa hawak kong mga dokumento – sa napakamahinahong paraan, na aaminin kong noon ko pa lang naranasan.

Parehong halos umapaw sa mga nakasalansang dokumento ang mesa ng dalawang nakausap ko, na ibig sabihin ay “hanggang leeg” ang kanilang ginagawa. Sa kabila ng ganoong kalagayan, nangako pa rin sila na maaasikaso agad ang nilalakad ko. Ang pagkakamali ko ay humirit pa ako ng pakiusap na baka pwede akong maghintay. Lumabas tuloy na hindi ko sila inunawa sa kabila ng nakatambak nilang trabaho. Sa halip na mainis sa ginawa ko ay malumanay pa rin silang nakiusap na bumalik ako kinabukasan. Ni hindi nila binanggit ang sangkaterbang dokumentong unang naipila sa kanilang mesa.

Nagulat ako nang malaman kong ang una ko palang nakausap ay mismong hepe ng departamento ng Assessor’s Office, na si G. Nolasco S. Espiritu. Humanga ako sa kanya dahil hindi man lang niya ako ini-refer sa isa sa mga staff niya. Ang kinausap naman niyang nakaupo sa harap niya ay si Bb. Jessica S. Sarino, Assessment Clerk III. Pareho silang maaliwalas ang mukha sa kabila ng sangkaterbang dokumentong kailangang asikasuhin, kaya nawala ang lahat ng agam-agam ko na baka mahirapan ako sa pagkuha ng kailangan kong dokumento. Napatunayan ko ang kanilang katapatan sa binitiwang pangako dahil kinabukasan ay nakuha ko rin ang dokumento.

Malaking bagay para sa kliyente ng isang opisina, ma-gobyerno man o ma-pribado, ang malumanay na pag-asikaso sa kanyang pangangailangan. Naipapakita ito ng empleyado sa pamamagitan ng maaliwalas na mukha at pakikipag-usap na may halong pang-unawa. Hindi maiwasan ng mga kliyenteng magkaroon ng pag-alinlangan at agam-agam  sa maaaring mangyari sa nilalakad nilang dokumento. Kaya ang malinaw at malumanay na paliwanag na ginawa nina G. Espiritu at Bb. Sarino ay nakatulong ng malaki upang mawala ang aking pag-alinlangan at naramdamang kaba.

Sa isang banda naman,  hindi ko maiwasang bigyan ng pansin, na sa kabila ng masikip nilang kalagayan, maliksi pa rin sa pagkilos ang mga empleyado. Mabuti na lamang at magkakaroon na rin sila ng maluwag na opisina sa bagong City Hall ng lunsod na nasa Molino Boulevard, pagkalampas lang ng St. Dominic Hospital. Ito ang magiging pamana ni mayor Strike Revilla sa mga taga-Bacoor, sa pagtatapos ng kanyang panunungkulan.

Ang mga katulad nina G. Espiritu at Bb. Sarino ay dapat tularan ng mga nagtatrabaho sa gobyerno, lalo pa at sa panahon ngayon ay sunud-sunod ang mga pagbatikos na nangyayari sa kanila. Idagdag pa diyan ang hindi magandang imahe ng kasalukuyang administrasyon, kaya nadadamay ang ibang maganda naman ang ginagawa. Sa isang bagong lunsod tulad ng Bacoor na may makulay at madugong kasaysayan kaya nakakahatak ng mga turistang lokal at dayuhan, mahalaga ang isa o ilang tatak na magbibigay ng alaala. Sa ginawa nina G. Espiritu at Bb. Sarino, ang tumatak sa aking isip ay ang taos-puso nilang pagtupad ng kanilang tungkulin…na magiging tatak na rin ng lunsod ng Bacoor.

Emma…single Mom na mapagpaubaya at may malasakit sa kapwa

Emma…Single Mom na Mapagpaubaya

At may Malasakit sa Kapwa

(para kay Emma Mendoza-Duragos)

Ni Apolinario Villalobos

Palangiti si Emma at masayahin, hindi dahil kinukubli niya ang mabigat na pasanin bilang single mom, kundi dahil likas na siyang ganyan noon pa man daw na bata siya. Maliban sa aura niyang masaya, maayos din siya sa sarili. Noong na-confine siya sa ospital upang operahan sa matris, animo ay bisita siya sa ospital sa halip na pasyente dahil, bukod sa pakikipag-usap sa ibang pasyente, ay kuntodo make-up din siya at nakabihis pa. Ngayong meron siyang maliit na karinderya, kung mamalengke at humarap sa mga kostumer, ganoon pa rin siya – maayos ang sarili at naka-make-up. Hindi siya tulad ng ibang carinderista na nanlilimahid at amoy suka dahil sa pawis.

Single mom si Emma, pero hindi biyuda. Nagkaroon lang ng kaunting hindi pagkakaunawaan silang mag- asawa. Ganoon pa man, pinilit ni Emmang magpakumbaba sa pagsunod sa probinsiya ng asawa na nakausap naman niya ng maayos. Naiwan sa kalinga ni Emma ang bunsong anak na nasa Grade 7, at sa kabila ng nangyari sa kanila ng kanyang asawa, malapit sa kanya ang mga kamag-anak nito sa kanya. Hindi rin siya nagtanim ng sama ng loob sa asawa, at lalong hindi niya isinara ang pinto ng bahay nila sa pag-uwi nito.

Noong unang mga araw na naiwan siya, wala siyang pinagkitaang permanente hanggang maisipan niyang magbukas ng maliit na karinderya dahil dati na rin naman silang pumasok na mag-asawa sa ganitong negosyo. Sa awa ng Diyos ay tinangkilik ang mga niluluto ni Emma na ang puwesto ay nasa bakuran lang bahay nila.

Malaki ang kailangang kitain ni Emma upang matustusan ang pag-aaral ng anak, pati na ang ibang gastusin sa bahay. Subalit sa kabila nito, ay nagawa pa rin niyang kumalinga ng isang batang babaeng hirap paaralin ng mga magulang. Tumutulong ito sa kanya at tinutulungan din niya sa pag-aaral. Anak din ang turing niya dito. Pinapasa-Diyos niya ang lahat, yan ang sabi niya sa akin nang minsang mag-usap kami habang namumungay pa ang mga mata sa antok. Gumigising siya, kasama ang kapatid na si Baby, bandang alas-tres ng madaling araw upang simulan ang pagluluto dahil alas-sais pa lamang ay dagsa na ang mamimili.

Ni minsan ay hindi ko nakitang nakasimangot ang may lipstick na mga labi ni Emma…palagi siyang nakangiti sa pagharap sa ibang tao. Ang umaapaw na kasiyahan sa puso ay ipinamamahagi niya tuwing may kausap siyang may problema. Ang palagi niyang payo na ginawa na rin niya sa akin ay, huwag pansinin ang problema, dahil magkakaroon din daw ito ng lunas pagdating ng panahon. Subalit hindi ito nangangahulugang magpapabaya na ang isang taong may problema.

Bukod sa kanyang karinderya, abala din si Emma sa mga gawain bilang opisyal ng religious group na Holy Face of Jesus, at bilang Presidente ng sangay sa Barangay Real Dos ng St. Martin de Porres Pastoral Council. Ang mga regular na gawain ng Holy Face ay ang pagdasal ng nobena at rosary, at sa mga pinaglalamayang namayapa.

Ang pinaka-utang na loob ko kay Emma pati sa kanyang kapatid na si Baby ay ang pagsita nila sa akin tuwing ako ay nawawala sa porma, o yung hindi ko alam ay nagtataas na pala ako ng boses kapag naiinis o nagagalit. Ayaw siguro nila akong mamatay agad dahil sa high blood pressure, kaya nahalata kong iniiwasan nila kung minsan na makibahagi ng mga kuwentong alam nilang ikatataas ng presyon ko. Ang nabanggit ay isa sa mga bagay na gusto ng mga kaibigan ni Emma sa kanya…may taos-pusong pagmamalasakit sa mga kaibigan, sa halip na siya ang pagmalasakitan o kaawaan na ayaw niyang mangyari. Buo ang kanyang loob na isa sa mga katangian ng mga taga-Maragondon isang makasaysayang bayan ng Cavite.

Popoy…(para kay Daniel Earl “Popoy” Defante)

Popoy
(para kay Daniel Earl “Popoy” Defante)
Ni Apolinario “Bot” Villalobos

Sa murang gulang, buong tapang na namuhay
Sinuong ang mga pagsubok upang magtagumpay
Kapos man sa karaniwang mga pangangailangan
‘Di nawalan ng pag-asa, salat man sa pinag-aralan.

Hindi naringgan ng pagdaing, kahit siya’y gulapay
Tahimik niyang nilabanan, mga balakid sa buhay
‘Di nakitaan ng pagkabahala ang kanyang mukha
Dahil alam na laging sa likod niya ang Manlilikha.

Iba si Popoy…talagang iba siya, lahat ay may sabi
Kahit sa pagtulong sa kapwa, ‘di siya nag-aatubili
Sa abot ng kanyang makakaya, kahit walang pera
Sa ibang paraan, pagtulong sa kapwa’y pinapakita.

Magalang sa nakakatanda, magiliw sa nakababata
Madaling lapitan, taos sa puso’ng pagtulong sa iba
Iyan si Popoy itinuring na anak, kapatid at kaibigan
Dahil sa kagandahan ng ugali’y hindi makakalimutan!

Ang “Taga-akay” ng Barangay Real 2, Bacoor…Jun Kamatoy

Ang “Taga-akay” ng Barangay Real 2, Bacoor
…Jun Kamatoy
Ni Apolinario Villalobos

Isa siyang retiradong manager ng Philippine Airlines. Subali’t bago siya umangat sa puwestong nabanggit ay marami din siyang nilusutang mga pagsubok. Ang kanya namang ama ay isa sa mga mga naunang mekaniko ng nasabing airline. Dahil halos sapat lang sa mga pangunahing panganailangan ng pamilya ang kinikita ng kanyang ama, silang magkakapatid ay napilitang gumawa ng paraan upang makapagpatuloy ng kanilang pag-aaral.

Ang unang trabaho ni Jun sa Philippine Airlines ay sa departamento ng Catering. Napasabak siya sa mga trabaho sa kusina bilang katulong ng mga chef. Dahil sa pagtitiyaga ay nalipat si Jun sa ibang trabaho hanggang makarating sa Flight Operations, kung saan ay nagkaroon ng responsibilidad sa paggawa ng iskedyul ng mga Flight Attendants, piloto, at mismong mga eroplano. Hindi kalaunan ay naging manager siya sa nasabing Departamento, hanggang sa abutin siya dito ng retirement.

Nang mapatira sa Perpetual Village 5 ng Barangay Real 2, sa lunsod ng Bacoor, napansin agad ang hindi niya pagiging palakibo. Matipid sa salita subalit hindi nagkulang sa pakisama, na animo ay nananantiya o nakikiramdam sa bago niyang komunidad. Nang maging kampante, napahinuhod siyang maging presidente ng Homeowners’ Association. Naging aktibo rin siyang maging Lay Minister ng simbahan ng parukya ng San Martin de Porres at miyembro ng Crusaders of the Holy Face of Jesus, kasama ang kanyang asawa.

Lingid sa kaalaman ng kanyang mga kaibigan, may mga unti-unting naaakay si Jun tungo sa landas na kanyang tinatahak. Ang isa sa kanila ay may sakit na epilepsy at madalas hindi maunawaan ng mga kapitbahay dahil naging bugnutin at naging mapili ng pinagkakatiwalaan. Dahil sa sakit na epilepsy, kung minsan ay basta na lang ito nahihilo at natutumba. At dahil sa kalagayan ay madalas na lang din itong mag-isa sa pag-alala na baka abutin ng pagkahilo sa mga alanganing lugar.

Hindi inalintana ni Jun Kamatoy ang mga hadlang sa kanyang balak na bandang huli ay naging matagumpay dahil sa pamamagitan niya ay nabigyan ng pagkakataon ang inaakay niyang tao upang maging isang Lay Minister. Sa tuwa ng mga nakaalam, may mga nagbigay sa inaakay na tao, ng mga kailangang itim na pantalon, puting damit, at sapatos. Nitong huling mga araw halos hindi na inaatake ang nasabing tao ng epilepsy, at dahil natuwa sa mga pangyayari ang mga kapitbahay, tinatawag nila ito kung may ipapagawa sa kanilang bahay.

Ang isa pang inakay ni Jun Kamatoy ay barkada niya na dina-dialysis sa kasalukuyan. Matagal na panahon ding hindi nakakapagsimba ang nasabing tao. Subalit marami pa rin ang nakaalala na ang taong ito at ang kanyang asawa ang nag-donate ng isang religious item na ginagamit sa chapel ng Real 2. May isa silang kabarkada na naging pastor ng born again Christian group, subalit nabigong magpabago sa sinasabi kong taong nalihis ang landas. Nang si Jun Kamatoy na ang sumubok sa pag-akay, buong pagpakumbabang nakinig sa kanya ang kanyang barkada.

Si Jun Kamatoy ay nagpapagaling din sa sakit na kanser sa colon…stage four. Inoperahan siya upang matanggal ang tumor. Dahil positibo ang kanyang pananaw at hindi pinanghinaan ng loob, marami ang nakakapansing mabilis ang kanyang paggaling. Subali’t para kay Jun, may sakit man siya o wala, nagpapagaling man o hindi, tuloy pa rin ang paghanap niya ng mga taong maaakay niya patungo sa tamang daan. At, sa kabila ng kanyang sitwasyon, umako rin siya ng responsibilidad bilang Auditor ng Seniors Citizens organization ng Barangay Real 2.

Sana marami pang tao, Katoliko man o hindi ang tumulad sa kanya.

Nelia

Nelia

(para kay Nelia Gumiit)

 

Ni Apolinario Villalobos

 

 

Mga hakbang na halos ay kanyang bilangin

At wari sa kanya’y nagpapalutang sa hangin

Kampante at nagtitiwala sa kanyang paligid

Kaya’t di na niya kailangan pang magmasid.

 

Di tulad ng ibang babaeng maraming dahilan

Upang pantanggal ng bagot ay mapagbigyan

Si Nelia ay iba, walang luho, simple’t mabait –

Kapiraso mang kahilingan ay di niya iginigiit.

 

Araw –araw ay hindi nawawalan ng panahon

Upang kanyang magamit, maglingkod sa Poon

Inuunawa naman ng mahal na asawa’t mga anak

Kabaitang di talaga matatawaran at  mahahamak.

 

Sa paglipas ng mahigit nang dalawampung taon

Pagliban ay di ginawa masama man ang panahon

Yan si Nelia, pambihirang babae na katula-tularan

Na maski minsang pagsimangot ay hindi nakitaan.

 

 

 

(Nelia is a Mother Butler of the St. Martin de Porres parish church

in Bacoor, Cavite for more than twenty years now. Not even a burning

fever can prevent her from diligently fulfilling her spiritual duties

almost every day.)

 

 

 

 

 

Sa Pag-usad ng Panahon

Sa Pag-Usad ng Panahon

(Para kay Dowie Ramirez)

 

Ni Apolinario “Bot” Villalobos

 

 

Lahat ng nilalang ay may takdang katapusan

Wala ni isa man ang nakakaalam kung kelan

Ang tanggapin itong katotohanan ay mahalaga

Nang mapasalamatan, bawa’t bigay na biyaya.

 

Buhay ay natatangay sa pag-usad ng panahon

Patungo sa Kanyang piling sa dako pa roon

Kaya bawat sandali sa ating buhay ay mahalaga

Dapat bigyang kabuluhan at di na maibabalik pa.

 

Hindi maaaring sabihing mga nangyari sa buhay

May magaganda at meron namang walang saysay

Dahil bawa’t isa sa atin, may itinakdang gaganapin

Kaya lahat ay nangyari ayon sa Kanyang alituntunin.

 

Sa huling sandali ng ating buhay, dapat magpasalamat

Ang tanggapin kung ano man ang itinakda ay nararapat

Dahil lahat tayo ay nilalang lamang ng Mahal na Poon –

Takdang katapusa’y hinihintay sa pag-usad ng panahon.

 

 

(Mula sa nagmamahal na asawa, mga anak, mga apo, mga kamag-anak, mga kaibigan, at Future Team)