Dalawang Masikap na Single Moms, Masaya at Kuntento sa Buhay…sina Hilda Ibayne at Tess Quintance

Happy Women’s Month!

 

Dalawang Masikap na Single Moms, Masaya at Kuntento sa Buhay

…sina Hilda Ibayne at Tess Quintance

Ni Apolinario Villalobos

 

Maraming single moms ang naninirahan sa Maynila kung saan ay maraming oportunidad kaya nakakaraos sila kahit papaano basta masipag lang, tulad nina Hilda Ibayne at Tess Quintance.

 

Si HILDA ay nakapuwesto sa isang sulok ng Avenida (Sta. Cruz) at ang pinagkikitaan ay paglilinis ng mga kuko sa kamay at paa, bilang manikurista. Suki niya ang mga “Avenida cruisers”, mga nagtitinda ng aliw (prostitute) na nasa mga puwesto na nila sa kahabaan ng Avenida 7AM pala.  Php50 ang singil niya sa pedicure o manicure at kung “set” o manicure at pedicure ang gagawin ay pwedeng tawaran. Kung walang nagpapalinis ng mga kuko, nagre-repair naman siya ng mga sandal at sapatos, at nagtitinda ng kendi at sigarilyo.

 

Nang kausapin ko siya isang umaga ay nagre-repair siya ng isang pares na sandal. Taong 2000 pa daw siya “sapatera” halos katitin-edyer pa lang niya at tatay niya ang nagtiyagang magturo sa kanya. Nang makipag-live siya sa isang sapatero din, pinaubaya sa kanila ng kanyang tatay ang puwesto. Subalit pagkatapos siyang maanakan ng tatlo ay iniwan na daw siya ng kinasama niya at umuwi na ito sa Cebu. Sa halip na mapanghinaan ng loob, nag-aral siyang maglinis nang kuko at bumili ng mga gamit. Kalaunan ay nagkaroon na siya ng mga suki. Upang madagdagan ang kinikita sa paglilinis ng mga kuko, nagre-repair pa rin siya ng mga sapatos at sandal, at nagtinda na rin ng sigarilyo at kendi.

 

Ang mga anak niyang nasa hustong gulang na upang mag-aral ay pumapasok. Ang panganay niya ay 11 na taong gulang, sinundan ng 9 na taong gulang, at ang bunso ay 6 na taong gulang naman. Sa awa daw ng Diyos ay nakakaraos silang mag-iina, yon nga lang, dahil sa K-12 program ng DECS ay nadagdagan ang kanyang pasanin. Ayon kay Hilda, pinipilit niyang umuwi sa barung-barong nila sa Baseco Compound (Tondo) bago kumagat ang dilim upang makapaghanda ng hapunan nila. Kuntento siya sa buhay at walang sinisisi sa kanyang kalagayan. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay makatapos ang kanyang mga anak maski senior high school man lang.

 

Si TESS naman ay nakapuwesto sa Quiapo, labasan ng shrine o luklukan ng Black Nazarene. Nakausap ko siya nang bumili ako ng underwear na napag-alaman kong sarili pala nilang gawa, subalit nilagyan lang ng etekita ng isang kilalang brand. Dahil kaunti lang nakalatag ay nagtanong ako kung sapat ang kanyang kinikita niya na sinagot naman niya ng okey lang daw. Mga tira daw ang inilatag niya mula sa mga dinileber niya sa mga kostumer na may mga puwesto. Tulad ni Hilda, iniwan din si Tess ng kanyang kinakasamang pulis pagkatapos nilang magkaroon ng 7 anak. Taong 2013 nang iwanan silang mag-iina ng kanyang asawa upang makisama sa ibang babae.

 

Sa simula ay hindi niya alam ang gagawin nang iwanan sila ng pulis. Mabuti na lang daw ay may nagyaya sa kanyang pumasok sa isang patahian na malapit lang sa kanila. Todong pagtitipid ang ginawa nilang mag-iina kaya pati pag-aaral ng mga anak ay naapektuhan dahil mas binigyan niya ng halaga ang mga gastos para sa pagkain at upa sa tinitirhang kuwarto. Nang maging bihasa o esksperto na sa pagtabas at pagtahi ay naglakas-loob siyang umutang upang may maipambili ng makina. Tumulong sa kanya ang apat niyang nakakatandang mga anak sa pagtahi ng mga simpleng damit pambata at kalaunan pati mga underwear ay sinubukan na rin nilang gawin. Ang mga nakakabatang anak naman ay nagpatuloy sa pag-aral.

 

Ang panganay niyang anak na tumutulong din sa pagtabas ay nagtitinda na rin ng mga alahas na pilak na sinasabay ang pagbenta tuwing mag-deliver siya ng mga ino-order na mga underwear. Nakakapag-deliver daw sila sa Baclaran, Pasig, Bulacan at Caloocan. Pabulong niyang sinabi na ngayong maysakit daw ang dati niyang asawa ay lumalapit ito sa kanya upang humingi ng pambili ng gamot, at binibigyan daw naman niya. Nang tanungin ko kung saan siya humugot ng lakas upang makaraos silang mag-iina, itinuro niya ang simbahan ng Quiapo. Nakatira silang mag-iina sa Taguig (Rizal).

 

Sina Hilda at Tess ay mga halimbawa ng tunay na pagsisikap ng tao…nagtitiyaga at hindi umasa kahit kanino, at ang bukod-tanging hiningi sa Diyos ay madagdagan pa ang lakas ng kalooban at katawan…hindi pera. Wala rin silang kinimkim na galit sa dati nilang asawa. Kabaligtaran sila ng ibang babae na kahit nakahiga na sa salapi ay hindi pa rin kuntento sa buhay, kaya upang lumago pa ang kanilang yaman ay nagnanakaw sa kaban ng bayan o nanloloko ng kapwa. May isa ngang babae na bukod sa nang-agaw ng asawa ay nagkanlong (protect) pa ng mga drug lord kaya sagana siya sa sustento hanggang sa maikulong. Yong iba pa ay hindi alam ang gagawin sa sobra-sobrang pera kaya kung anu-ano ang mga pinaggagawa sa katawan upang mabago ang ginawa ng Diyos, kinarma naman kaya ang iba ay tumabingi ang ilong, nagkaroon ng nana (pus) ang suso at puwet dahil sa inilagay na silicone, o nagkaroon pa ng kanser!

 

Si Jomong…scavenger na may ginintuang puso

SI JOMONG…scavenger na may ginintuang puso

Ni Apolinario Villalobos

 

Una kong nakita si Jomong sa F. Torres mahigit sampung taon na ang nakaraan. Malinis at maayos pa ang kanyang pananamit at ang buhok na hindi pa gaanong mahaba ay nakapungos na. Parang napadayo lang siya noon upang magbenta ng relos at pilak. Madalas din siyang ngumiti noon habang nakikipagtawaran. Subalit makalipas ang ilang taon ay unti-unti na siyang naging madungis, yon pala ay sa bangketa na siya natutulog. At, nitong mga araw ay may kariton na rin siya kung saan ay nakatambak ang mga gamit niyang dala niya saan ma siya pumunta.

 

Nang umagang nagkakape ako sa isang bangketa ay nakita ko si Jomong na tumutulong sa pagbukas ng puwesto ng isang sidewalk vendor. Pagkatapos ay nagwalis siya sa kalsada kaya makalipas lang ang halos isang oras ay malinis na ang bahaging yon ng F. Torres St.

 

Hindi na masyadong nagsasalita si Jomong at halos hindi na rin ngumingiti, pero dahil namumukhaan na niya ako ay malakas ang loob kong tanungin ko siya tungkol sa kanyang pinanggalingan. Nabanggit lang niya ang isang lugar sa Zambales at dahil hindi ko sigurado ang pagbaybay ay hindi ko na lang isusulat. Sa kabila ng katipiran niya sa pagsagot ng mga tanong ko ay nalaman kong wala siyang naiwang pamilya sa probinsiya. Nagbakasakali lang daw siya sa Maynia pero kahit naging palaboy dahil hindi sinuwerte ay hindi na siya bumalik sa probinsiya.

 

Kumikita siya sa pamumulot ng mga kalakal sa basurahan na nabebenta sa junk shop. Ang madalas niyang tulugan ay ang bangketa sa Avenida dahil hindi gaanong istrikto ang mga guwardiya doon. Napansin kong totoo nga dahil tuwing dadaan ako sa madaling araw sa Avenida ay nakikita ko ang mga helera ng mga natutulog na mga “babaeng Avenida” na ang tawag ko ay “mga hamog” dahil para silang dew drops na nakikita sa mga bangketa pagdating ng umaga sa paglipas ng malamig na magdamag.

 

Isang umagang dumaan uli ako sa tinatambayan ni Jomong ay natiyempuhan ko siyang nagpapakain ng isang batang babae na sa tantiya ko ay dalawang taon gulang, anak daw ng babaeng nagtitinda ng “buraot” o junk items sa bangketang yon. Ipinagbilin sa kanya ang bata dahil titingin lang ito sa basurahan ng isang popular na nagtitinda ng sandwich at baka may makitang pwedeng pang-almusal nilang mag-ina. Bumili siya ng pan de sal at kape para sa kanila ng bata mula sa kinita niya sa pagbenta ng kalakal (junks). Bumili na rin ako ng kape ko at ibinili ng Milo at ilang balot ng biscuit ang bata na pwedeng itabi para sa tanghali.

 

Habang nagkakape kami, tinanong ko siya kung may balak pa siyang umuwi sa probinsiya, ang sabi niya ay “oo”…kaya ang sabi ko sa kanya ay may pag-uusapan kami sa susunod naming pagkikita dahil balak ko ring kausapin ang ina ng bata.

 

img8361

 

 

 

Imelda Torres: Ang Babaeng “Barker” o Taga-tawag sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)

Imelda Torres: Ang Babaeng “Barker” o Taga-tawag

sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang “barker” ay taga-tawag ng mga pasahero at taga-sigaw ng destinasyon ng sasakyang pampubliko tulad ng bus, jeepney o van. Siya rin ang namamahala sa maayos na pag-upo ng mga pasahero. Kung minsan, ang tawag sa kanya ay  “dispatcher”, subalit iba sa talagang “dispatcher” sa istasyon ng bus na konektado sa kumpanya. Kung nakapila ang mga jeep o van na itinatawag ng “barker”, siya rin ang taga-kolekta ng pamasahe at kapag inabot na niya sa driver ang nalikom na pera, ay saka pa lang siya aabutan ng bayad sa kanyang serbisyo. Ang bayad naman sa “barker” ay hindi pare-pareho, depende sa dami ng pumipilang sasakyan at lugar ng pilahan. Mayroong inaabutan ng Php20.00 at ang pinakamalaki ay Php30.00.

 

Ang mga nakapila sa Liwasang Bonifacio ay mga aircon van na biyaheng Sucat (Paraἧaque) at Alabang (Muntinglupa). Ang pilahang ito ay hawak ni Imelda Torres, 65 na taong gulang. Taong 1972 pa lamang ay nagtatawag na siya dito….panahon ng Martial Law sa ilalim ni Ferdinand Marcos. Nang panahong yon, ang sabi niya, napakaganda ng Manila Metropolitan Theater na tanaw lamang kung saan kami nakaupo. Ngayon, ang paligid nito ay mapanghi dahil ginawang ihian at ang mga dingding na natuklapan na ng pintura ay sinalaula ng mga istambay sa pamamagitan ng pag-spray paint ng pangalan ng gang nila.

 

Ligtas daw noon ang pamamasyal sa paligid ng liwasan dahil palaging may umaaligid na mga pulis kahit sa gabi. Kahit abutin siya ng dis-oras ng gabi sa pagtatawag, hindi siya natatakot sa paglakad pauwi sa tinitirhan niya sa kalapit lang na Intramuros. Ang kinikita niya ang ikinabuhay niya sa apat niyang anak noong maliliit pa sila. Ngayon, ang isa ay nasa Japan na. Ang iba pa niyang mga anak ay may mga sarili nang pamilya.

 

Pinakamalinis na kita ni Aling Imelda ay Php200 isang araw. Napapagkasya niya ang halagang ito sa kanyang mga pangangailangan sa araw-araw. Hindi na siya nagluluto dahil mag-isa lang naman siya at sa maghapon ay nasa liwasan siya, kung saan ay maraming karinderya na mura lang ang panindang mga pagkain. Ang tanging luho niya sa katawan ay ang minsanang manicure at pedicure, at ilang alahas na pilak sa mga daliri at braso.

 

Sa gulang niyang 65, wala nang mahihiling pa si Aling Imelda na kailangang gastusan ng malaking halaga. Masaya siya dahil ang mga anak at apo niya ay nakakakain sa tamang oras, hindi nga lang maluho ang mga pagkain. Ang kalaban lang niya ay ang paminsan-minsang dumadapong sakit tulad ng sipon at lagnat. Ganoon pa man, kahit halos namamalat na siya dahil sa biglang pagkakaroon ng lagnat o sipon ay hindi pa rin siya tumitigil sa pagtawag, tulad nang umagang nag-usap kami. Sayang din nga naman ang kikitain niya kung palalampasin niya.

 

Mabuti na lang at pumayag siyang kunan ko ng litrato, pero tinapat ko siya na igagawa ko siya ng kuwento at ilalagay ko sa internet. Natawa siya nang sabihin kong baka mabasa ng anak niya sa Japan ang isusulat ko tungkol sa kanya.

Nang iwanan ko siya upang ituloy ang paglakad papunta sa Avenida (Sta. Cruz), narinig ko uli ang boses niya na tumatawag ng mga pasahero. Habang naglalakad ako, naalala ko ang nanay namin na nagtatawag ng mga mamimili upang lumapit sa mga inilatag niyang ukay-ukay tuwing araw ng tiyangge sa bayan namin, noong maliit pa ako….

IMG7162

Ang Maging Bargain Hunter

Ang Maging Bargain Hunter

Ni Apolinario Villalobos

 

Isa sa mga prinsipyo ko sa buhay ay ang pagtitipid. Nakalakhan ko kasi ang kahirapan kaya nasanay na ako. Sa pamimili sa mga regular na outlets tulad ng department stores, inuuna kong puntahan ang mga bargain section. Kung mamalengke naman, sa mga de-bilao ako bumibili dahil nakatipid na ako, nakatulong pa sa mga bata o matandang nagtitinda.

 

Nang minsan pumunta ako sa isang maliit na department store, pasara na sila at dahil last day ng sale, nakipagsiksikan ako. May nabili akong isang pares na sapatos, tiyempo naman dahil brown na kailangan ko talaga, 50% discounted pa, at dahil madalian, pasara na kasi sila, sandali ko lang tiningnan bago binalot. Kinabukasan nang ilabas ko upang isuot, nagulat ako dahil ang kaliwa ay dark brown, at ang kanan ay light brown, hindi rin magkasing-taas ang mga takong, yon nga lang pareho ang design talaga. Noon ko naalala na medyo may kadiliman sa section ng mga sapatos ng department store. Noon ko rin tinanggap ang katotohanang humihina na talaga ang paningin ko.

 

Ang Recto naman na kilalang bilihan ng mga second hand books, sinubukan kong pasyalan upang mamili ng old issues ng National Geographic. Nang pauwi na ako, may nasalubong akong tin-edyer na may dalang maliit na supot na plastic, laman ay apat na pirasong family size na Colgate. Sabi ng bata, pabenta ng nanay niya. Inakala ko agad na baka na-shoplift kaya tinanggihan ko subali’t nagmakaawa ang bata dahil pambili daw ng bigas. Binili ko na lang, dinagdagan ko pa ang bayad dahil sa awa. Pagdating sa bahay, inilabas ko ang isa at itinabi upang magamit namin kapag naubos na ang kasalukuyang ginagamit, at ang tatlo ay pinamigay ko sa mga kumpare ko. Kinabukasan sabi ng isang kumpareng nabigyan ko, matigas daw ang Colgate, pinakita sa akin at nang pindutin ko matigas nga. May lumabas nga pero katas. Yon pala, sobra-sobrang expired na kaya tumigas sa tube. Pinagbabawi ko ang mga pinamigay ko at upang mabawi naman ang pagkahiya, inimbita ko ang mga nabigyan ko sa bahay upang mag-inuman na lang. Naging triple ang gastos ko dahil ang lakas uminom ng mga kumpare ko.

 

Hindi ko lang maalala kung anong buwan noong mapadaan ako sa isang Chinese shrine sa Harrison St. ng Pasay. May nakita akong maraming tao sa labas, puro Chinese, maraming mga pagkaing dala. Akala ko may “tiyangge” sa loob kaya pumasok ako maski siksikan. Halos mahilo ako sa amoy ng mga nasindihang joss sticks. Tiniis ko lang dahil gusto kong makabili ng mga binabargen kung saan man sila nakapwesto. Sa loob, nagtaka ako dahil wala akong makitang pwestong nagbebenta at ang tinutumbok ng mga pila ay malaking altar kung saan ay nilalagay ang mga nasindihang joss sticks. May nag-abot sa akin ng dalawang may sindi na, kaya nakigaya na lang ako at yumuku-yuko na rin ng ilang beses sa harap ng altar bago ko inilagay ang may sinding mga joss sticks sa lagayan. Malaking pasalamat ko nang nakalabas ako, subali’t basa sa pawis ang t-shirt na dumikit na sa aking katawan. Noon ko nalaman na araw pala ng patay nila!

 

Mahilig din ako sa pabango kaya isa ito sa mga hinahanting ko sa mga “sale”. Noong minsang pumunta ako sa Sta. Cruz, malapit sa Avenida upang sumama sa kaibigan kong photographer na kukuha ng shots ng mga nasunog na magkakatabing building, may nakita akong nakalatag sa isang di kalayuang bangketa – mga pabango, at “agaw” daw sa sunog. Dahil mura at kilala ang mga tatak, bumili ako ng dalawa, pang-reserba. Tatlong linggo nakalipas, nakita ko na naman ang tindera malapit sa isang nasunog na bahay sa Taft Avenue, naglatag na naman ng mga pabango. Nagsi-sales talk sa mga tao, “agaw” daw sa sunog ang mga paninda niya, itinuro ang sunog na bahay. May nahalata ako dahil ang tinuturong nasunog ay bahay, hindi department store tulad noong una ko siyang makita sa Sta. Cruz. Pagdating ko sa bahay, tsinek ko ang mga pabangong nabili ko sa tindera noon. Laking gulat ko dahil ang naamoy ko ay iisang klase na parang may halong kalamansi pa, kahit magkaiba pa ang ang tatak ng dalawang bote! Mga peke pala at ginawang dahilan ang sunog upang lumabas na original ang mga pabango!

 

Sa Avenida pa rin, nakabili ako ng maraming BIC ballpen na mura, galing daw kasi sa bodega. Puro nasa “original” na lagayan pang may tatak din. Tinodo ko na ang pagbili para ipamigay sa mga anak ng mga kaibigan kong nag-aaral. Pagdating sa bahay, pinagbubuksan ko ang mga lagayan upang paghati-hatiin sa mga bata. Sinubukan kong gamitin ang isa…ayaw sumulat at maganit, hindi dumudulas sa papel. Tinesting ko ang lahat…at nalaman ko na ang lahat ay hindi sumusulat…expired at tumigas tulad din ng Colgate na nabili ko noon!

 

Sa kabila ng mga nakakagutay-budget na mga pangyayari sa aking buhay, hindi pa rin ako nadadala. Itinuturing ko na lang silang mga kulay na nagpapatingkad sa aking buhay upang hindi ito maging monochrome…na kung sa pagkain naman, para silang Magic Sarap o vetsin na nagdadagdag ng lasa. Ang payo ko lang…huwag akong gayahin.

Mga Adventure sa Manila

Mga Adventure sa Manila

Ni Apolinario Villalobos

 

Nang una akong tumapak sa Manila ay nang dumating ako galing sa Davao kasama ang iba pang mga aplikante na magti-training sa PAL. Escort namin ang namayapa nang si Bud Aseoche. Kasama ko sa grupo sina Abet Yu, Boy Asistido, Rey Porras, at Fred Derequito. Hilong-hilo ako paglapag ng eroplano sa airport – culture shock! Diretso kami sa boarding house sa Baclaran, malapit sa Airport Road na namumutiktik ng mga beer house.

 

Dahil tinipid ko ang training allowance, hindi ako namasyal tuwing weekend na walang pasok sa training center. Isang beses dahil sa tindi ng hatak ng adventure, sinubukan kong lumabas ng boarding house at sumakay ng DM Transit. Namangha ako dahil noon pa lang ako nakakita ng “konduktor” ng bus na babae. Animo karton sa pagkatigas ang uniporme dahil sa almirol. Panay lang ang tingin ko sa labas bintana – window tripping. Nang lumapit ang konduktora, nagbayad ako. Ilang beses din siyang lumapit…panay din ang bayad ko, tatlong beses! Yon pala, ang paglapit niya ay para lang makita ang tiket ko kaya nakalahad ang kamay niya, subali’t dahil di ko alam, hindi ko pinapakita ang tiket, at bayad lang ako ng bayad, tanggap naman siya ng tanggap!

 

Narinig ko sa kwentuhan ang Avenida, maganda raw. Sinubukan ko ring puntahan. Sa kalalakad ko, nakarating ako sa Ongpin St. na bahagi na pala ng Chinatown. Namangha uli ako. May nakahalata yatang manggagantso, nilapitan ako sabay pakita ng isang retrato – maganda ang babae, tsinita. Tanong niya kung type ko raw. Dahil kabado ako, tumanggi ako, pero sa kapipilit niya at curiosity ko na rin, sumama ako. Malayo ang nilakad namin bago makarating sa Trinidad St.,  na kahanay pa rin ng Avenida pero malayo na sa sentro. Sabi ng bugaw, pahinga daw muna sa kwarto, sabay turo ng pinto. Dahil napagod ako, tumuloy na ako at humiga sa kama, pero hindi ko binuksan ang ilaw. Maya-maya pa may pumasok, malakas ang amoy ng pabango, lumapit at minasa-masahe ako. Bandang huli, pumayag ako sa sandaling masahe. Pilit niyang sinasabit ang pantalon ko sa isang bahagi ng dingding pero hindi ako pumayag kaya itinabi ko sa unan. Nang umabot sa puntong may nasalat ako sa kanya, nagalit ako at nasipa ko siya. Bumalandra siya sa dingding at sabay noon, may nabuksang butas na ang takip ay umiikot pala! Nataranta din ang “babae” at lumabas ng kwarto, ni hindi ko nakita ang mukha dahil madilim sa kwarto.  

 

Nagmura ako kunwari habang nagsusuot ng pantalon, t-shirt, at sapatos. Ang brief at medyas ibinulsa ko na lang dahil hahabulin ko nga ang “kaguwang”.  Hinanap ko rin ang bugaw na tumakbo palang palabas ng maliit na bahay. Susundan ko sana subali’t nakita kong pagdating sa kanto, may apat na siyang kasama, kaya ako naman ang nagmadaling umalis at pumunta agad sa bus stop. Nang may dumaan, sakay agad ako nang hindi man lang nagtanong kung saan papunta ang bus. Nakahalata yata ang konduktor na bagong salta ako kaya siya na ang nagbanggit ng mga lugar na pwedeng babaan. Pinili ko ang Luneta. Dahil sa naghalong niyerbiyos at pagod, bumili ako ng softdrink sa isang kiosk, habang tinitingnan ako ng mga tao. Naawa yata ang tindero, sabi sa akin, “sir, baligtad ho ang t-shirt nyo…”. Noon  ko pa lang naalala na hindi ko rin naisuot ang medyas at brief ko. Sa comfort room ng Luneta na rin ako nag-ayos ng sarili upang magmukhang disente uli. Nagpasalamat ako sa pangyayari dahil narating ko ang Luneta for the first time. Three weeks after, may nabasa ako sa diyaryo, reklamo ng lalaki na doon din dinala pero nadukutan dahil pumayag siyang isabit ang pantaloon niya sa dingding na may butas pala! Ang nagmasahe, bakla…kaya pala may nasalat ako noon.

 

Hindi pa rin ako nadala. Quiapo naman ang sunod kong pinuntahan. Madaling puntahan dahil sa landmark na malaking simbahang Katoliko. Habang naglalakad ako, may lumapit sa aking may dalang nakarolyo….pabulong na sinabing bold magazines daw. Buy one take one daw at nakabalot na. Mura kaya binili ko subali’t nang bubuksan ko para tingnan, sabi ng nagbenta sa bahay ko na lang daw buksan at baka mahuli kami ng pulis, bawal kasi. Sa boarding house, nang buksan ko, para akong pinagsakluban ng langit dahil ang nakabalot pala ay dalawang issue ng Liwayway. Akala ko ay Playboy man lang o Penthouse na pwede ko ring  i-share  sa mga kasama ko.

 

Dahil sa mga adventure na yon, nabawasan ang pinaka-iingatan at tinitipid kong allowance. Pero okey lang. Inisip ko na lang na para akong nagbayad sa isang tour guide….