Ang Nanay naming Matapang at Mahilig Mag-ampon

Ang Nanay naming Matapang at Mahilig Mag-ampon

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang pangalan niya ay Angelica pero ang palayaw niya ay “Ica”. Bunso siya at nag-iisang babae sa kanilang magkakapatid. Mabait siya pero matapang dahil kahit maliit ay marunong humawak ng itak kaya sa palengke noong maliit pa ako, kung saan may puwesto kami ng tuyo pero nalugi kaya nauwi sila ng tatay namin sa paglatag sa lupa ng ukay-ukay, ay pinangingilagan siya.

 

Naalala ko noong nasa Grade 1 ako, nagkagulo sa isang inuman ng tuba malapit sa puwesto namin dahil sa isang lasing na nagwala. Daanan ang puwesto namin papunta sa inuman ng tuba, kaya halos naglaglagan ang mga tuyo dahil sa dagsa ng mga taong nagtakbuhan. Sa inis ng nanay namin, kinuha ang itak na nakatago sa ilalim ng bangko at sinugod ang nagwawalang lasing. Nang makita siya ay parang nahimasmasan dahil kilala pala siya nito. Lalong natakot ang lasing nang makita ang itak na hawak ng nanay namin. Ang may-ari naman ng puwesto ay hindi mahagilap dahil tumakbo daw at nagtago, kaya ang nanay namin ang nag-utos sa lasing na linisin ang mga kalat tulad ng nabasag na mga maliit na garapong kung tawagin ay “Bol” na ginagamit sa pag-inom ng tuba. Ang “Bol” ay tatak ng garapong galing sa America noon at ang dating laman ay minatamis yata. Antigo na ito ngayon at mahal kung bilhin sa antique shop.

 

Nang kumandidato ang nakakatanda niyang kapatid bilang Vice-Mayor, pati ang pamilya namin ay nadamay sa mga intriga. Sa inis niya ay nag-research kung sino ang nagpasimuno ng isang intriga at nang malaman niya ay sinugod sa bahay at hinamon ng away sa kalsada. Binantaan din niyang huwag nang dumaan sa tapat namin at huwag na huwag daw magpakita sa kanya. Nagkaroon ng problema ang intrigera dahil ang bahay namin ay nasa tapat lang ng plasa kaya kung may libreng sine, ay nagtatakip ito ng turban sa ulo at mukha upang hindi makilala ng nanay namin na mahilig ding manood ng libreng sine. Ayaw makialam ng nanay namin sa pulitika at ito ang itinanim niya sa aming isip dahil para sa kanya na naunawaan din namin, sisirain lang ng pulitika ang magandang samahan ng magkakamag-anak at magkakaibigan na ang isip ay nakatuon sa hangad na makaupo sa puwesto sa anumang paraan.

 

Isang gabi ay nakita ko sila ng tatay namin na nagbibilang ng mga lumang pilak na perang Kastila na matagal na nilang naipon. Kinabukasan pinalitan ng kumpare nila ang mga pilak na pera ng bago. Pambayad pala sa naipong utang na dahilan kung bakit wala nang nagdatingang bagong stock ng mga tuyo galing sa Iloilo. Nalaman ko ring marami pala silang pinautang ng paninda na hindi nabayaran kaya nalugi ang negosyo. Sa bagay na ito, hindi ko nakitaan ng tapang ang nanay namin upang maningil dahil sa awa sa mga umutang…mga kapos din daw kasi tulad naming. Hindi nagtagal, ibinenta nila ang puwesto namin.

 

Noong ukay-ukay na ang ibinenta ng magulang namin, sinubukan din nilang dumayo sa ibang bayan. Isang gabing dumating sila galing sa dinayong tiyangge, may kasama silang buntis. Sa kuwentong narinig ko isinama nila ang babaeng nakita nilang palakad-lakad sa palengke ng Tulunan, ang dinayong bayan nang araw na yon, dahil baka daw “ihulog” ng babae ang anak niya. Ang “ihulog” ay “ilaglag”sa Tagalog o sa Ingles ay i-“abort”. Pero dahil bata pa ako ang na-imagine ko ay ang gagawin ng babae na “ihuhulog” ang anak niya sa bangin! Inampon namin ang babae hanggang sa manganak. Nang umabot na ang anak niya sa gulang na apat na taon ay pinayagan siya ng nanay namin na bumalik sa Tulunan.

 

Isang beses naman, nang naghuhugas ako ng mga reject na tuyo upang matanggal ang namuong asin ay may nakita akong batang apat na taong gulang lang yata, umiiyak sa tabi ng public toilet. Nag-iisa lang siya at ayaw sumagot sa mga tanong ko kaya sinundo ko ang nanay ko. Isinama niya ang bata sa puwesto namin at inutusan ang kuya ko na maghanap ng pulis sa palengke upang sabihan na may batang “napulot” at nasa puwesto namin. Hanggang magsara na kami ng puwesto, ay wala pa ring kumuha sa bata kaya isinama na namin sa pag-uwi. Araw-araw siyang isinasama sa puwesto upang makita ng kung sino mang nakakakilala. Nang magdesisyon ang nanay naming ampunin na ang bata ay saka naman siya nakita ng tiyuhin. Sa pag-uwi nila ay sumama kami ng nanay ko at nagdala pa kami ng maraming tuyo upang pasalubong sa mga magulang. Nakatira pala sila sa bulubundukin ng Magon malapit na sa boundary ng South Cotabato, kaya napasabak kami ng “hiking” na inabot din ng ilang oras dahil napakadalang pa ang mga sasakyan noon. Nakabalik kami sa palengke bandang hapon na. Inihatid kami ng tatay ng bata dahil sa bigat ng pinabaon sa aming maraming bayabas at guyabano.

 

Nang umuwi naman ang nanay namin galing sa Bantayan Island (Cebu) mula sa pagdalo sa pista ng nagmimilagro daw na Sto. Niἧo, may kasama siyang isang batang babae na ulila at limang taong gulang. Naging kapamilya namin ang bata hanggang sa siya ay isinama uli sa Bantayan noong mag-sasampung taon gulang na. Hindi na siya naisama pag-uwi ng nanay namin dahil nang makita daw ang bata ng isang tiyahin ay binawi. Wala namang nagawa ang nanay namin kundi ang umuwing luhaan.

 

Hindi lang tao ang nakahiligang ampunin ng nanay namin dahil nang minsang umuwi siya ay may napulot siyang tuta na nangangalkal sa basurahan ng isang bakery na nadaanan niya. Hindi pa ako nag-aaral noon kaya naging kalaro ko ang tuta hanggang sa ito ay lumaki. Ang pinaka-puwesto ng aso tuwing gabi ay ang balkonahe namin. Isang umaga ay nakita namin siyang patay at kagat pa ang leeg ng isang asong patay din at ang bunganga ay umaapaw sa laway, palatandaang ito ay isang asong ulol. Nakaakyat pala sa balkonahe ang asong ulol at kung hindi napatay ng aso namin ay malamang na kami ang nabiktima pagbukas namin ng pinto nang umagang yon.

 

Kung buhay ang nanay namin ngayon, malamang ay naipagpatayo namin siya ng isang maliit na “halfway home” para sa mga gusto niyang ampunin kahit pansamantala, pati na rin siguro ng isang maliit ding “pet shelter”. Pero masaya na rin ako dahil alam kong inampon din siya doon sa “itaas”.

The Best Ways to Show Gratitude

The Best Ways to Show Gratitude

By Apolinario Villalobos

Benefactors may be generally classified into two: individual and institution. The individual may be classified further into two: discreet and obviously selfish. There is no problem with the institutions which may be government agencies or non-government organizations (NGO), because their projects need to be publicized so that people, especially, their donors will know where the donated money and commodities go.

The obviously selfish individual benefactors could be politicians, attention-hungry career and show business personalities, or any attention-hungry person who does selfies every time he or she extends a helping hand. On the other hand, the discreet benefactors are those who would rather keep their identity confidential because of their limited resources, hence, the consistency of their projects are dependent on the availability of funds. The latter do not even give their real name to their beneficiaries.

While receiving help gives much relief to the needy, it is important to know how gratitude should be properly expressed. Those who received help from institutions should not despise what have been given to them, if they are not what they have expected, except when they are spoiled food items from government agencies that should be reported immediately. In fairness to the NGOs, they have no habit of giving spoiled food items to the victims of calamities, that the Department of Social Welfare is wont to do, based on reports. If there is an opportunity available to share the information through the social media, such as, facebook, by all means, it should be done. The same should also be made for sincerely given unspoiled foods.

Individuals who are given financial assistance should put the money to proper use as originally intended. If the help is for reviving a losing business, so be it….and, should not be used in buying a tour package to Boracay. If the money is intended for the tuition fee, it should not be used to buy a new cellphone. If the money is intended for medicine, it should not be used to buy groceries, etc. Using the financial assistance in some other ways, other than its original intention is tantamount to fooling the benefactor.

Discreet benefactors always tell their beneficiaries to pass on the help to others, and this should be respected. The beneficiary will only irritate the benefactor of this kind, if he insists on returning the favor to the latter. If there is an added request to keep the act of charity a secret, then, this should be respected, too.

But the greatest and the best way to show gratitude for the help received from any of the abovementioned benefactors, is by praying for them, be their intention is sincere or selfish.

Taos-pusong Serbisyo: tatak ng Lunsod ng Bacoor…salamat kay Nolasco S. Espiritu at Jessica S. Sarino

Taos-pusong Serbisyo : tatak ng Lunsod ng Bacoor

(…salamat kay Nolasco S. Espiritu at Jessica S. Sarino)

ni Apolinario Villalobos

Matagal ko nang narinig ang magagandang kuwento tungkol sa mga nagtatrabaho sa City Hall ng Bacoor. Sinasabi nilang iba ang pakiramdam kapag nasa loob ka na ng bulwagan dahil halos lahat ng mga kawani ay handang sumagot nang walang pagkayamot sa mga tanong. Mararamdaman daw talaga ang taos-pusong pag-asikaso ng mga empleyado sa lahat ng may nilalakad sa City Hall.

Akala ko ay hanggang kuwento lang ang maririnig ko, hanggang sa madanasan ko rin ang sinasabi nilang kakaibang serbisyo nang minsang may nilakad akong mga papeles. Dahil sa kalituhan, pumasok ako sa kuwarto ng mga kawani sa halip na magtanong sa naka-assign sa counter. Mali na ako doon dahil kailangan ko palang kumuha ng number sa Information Desk. Ganoon pa man, pagpasok ko sa kuwarto, ang una kong nakausap ay hindi nag-atubili sa pagbaba muna ng hawak na dokumentong binabasa upang abutin naman ang mga dokumentong hawak ko. Matiyaga niyang binasa ang iniabot ko at pagkatapos ay sumangguni rin sa isa pang kawani. Magkatulong silang nagpaliwanag sa akin tungkol sa hawak kong mga dokumento – sa napakamahinahong paraan, na aaminin kong noon ko pa lang naranasan.

Parehong halos umapaw sa mga nakasalansang dokumento ang mesa ng dalawang nakausap ko, na ibig sabihin ay “hanggang leeg” ang kanilang ginagawa. Sa kabila ng ganoong kalagayan, nangako pa rin sila na maaasikaso agad ang nilalakad ko. Ang pagkakamali ko ay humirit pa ako ng pakiusap na baka pwede akong maghintay. Lumabas tuloy na hindi ko sila inunawa sa kabila ng nakatambak nilang trabaho. Sa halip na mainis sa ginawa ko ay malumanay pa rin silang nakiusap na bumalik ako kinabukasan. Ni hindi nila binanggit ang sangkaterbang dokumentong unang naipila sa kanilang mesa.

Nagulat ako nang malaman kong ang una ko palang nakausap ay mismong hepe ng departamento ng Assessor’s Office, na si G. Nolasco S. Espiritu. Humanga ako sa kanya dahil hindi man lang niya ako ini-refer sa isa sa mga staff niya. Ang kinausap naman niyang nakaupo sa harap niya ay si Bb. Jessica S. Sarino, Assessment Clerk III. Pareho silang maaliwalas ang mukha sa kabila ng sangkaterbang dokumentong kailangang asikasuhin, kaya nawala ang lahat ng agam-agam ko na baka mahirapan ako sa pagkuha ng kailangan kong dokumento. Napatunayan ko ang kanilang katapatan sa binitiwang pangako dahil kinabukasan ay nakuha ko rin ang dokumento.

Malaking bagay para sa kliyente ng isang opisina, ma-gobyerno man o ma-pribado, ang malumanay na pag-asikaso sa kanyang pangangailangan. Naipapakita ito ng empleyado sa pamamagitan ng maaliwalas na mukha at pakikipag-usap na may halong pang-unawa. Hindi maiwasan ng mga kliyenteng magkaroon ng pag-alinlangan at agam-agam  sa maaaring mangyari sa nilalakad nilang dokumento. Kaya ang malinaw at malumanay na paliwanag na ginawa nina G. Espiritu at Bb. Sarino ay nakatulong ng malaki upang mawala ang aking pag-alinlangan at naramdamang kaba.

Sa isang banda naman,  hindi ko maiwasang bigyan ng pansin, na sa kabila ng masikip nilang kalagayan, maliksi pa rin sa pagkilos ang mga empleyado. Mabuti na lamang at magkakaroon na rin sila ng maluwag na opisina sa bagong City Hall ng lunsod na nasa Molino Boulevard, pagkalampas lang ng St. Dominic Hospital. Ito ang magiging pamana ni mayor Strike Revilla sa mga taga-Bacoor, sa pagtatapos ng kanyang panunungkulan.

Ang mga katulad nina G. Espiritu at Bb. Sarino ay dapat tularan ng mga nagtatrabaho sa gobyerno, lalo pa at sa panahon ngayon ay sunud-sunod ang mga pagbatikos na nangyayari sa kanila. Idagdag pa diyan ang hindi magandang imahe ng kasalukuyang administrasyon, kaya nadadamay ang ibang maganda naman ang ginagawa. Sa isang bagong lunsod tulad ng Bacoor na may makulay at madugong kasaysayan kaya nakakahatak ng mga turistang lokal at dayuhan, mahalaga ang isa o ilang tatak na magbibigay ng alaala. Sa ginawa nina G. Espiritu at Bb. Sarino, ang tumatak sa aking isip ay ang taos-puso nilang pagtupad ng kanilang tungkulin…na magiging tatak na rin ng lunsod ng Bacoor.

Ang “Pagbabarya” o “Pagsusukli” sa Tulong na Natanggap

Ang “Pagbabarya” o “Pagsusukli”

Sa Tulong na Natanggap

ni Apolinario Villalobos

 

May mga taong kung tumulong sa kapwa ay nagsasabi na hindi na kailangang ibalik sa kanila ang kanilang naitulong. Nakagawian namang sa pagbalik ng tulong o pagtanaw ng utang na loob, kailangang ang katumbas ay katulad ng naitulong. Kung hindi talaga maiiwasan, ang  mga natulungan na hindi kayang magbalik ng katumbas ng tulong na natanggap nila ay nagsasabi na “babaryahan” o “susuklian” na lang nila, na ang ibig sabihin ay hihimayin ang halaga ng tulong sa mas maliit na katumbas na makakaya nilang ibalik. At kung hindi man maibalik sa tumulong ay maaaring ipasa naman sa iba. Ang huling nabanggit ay magandang paraan sa pagpapakalat ng adhikain ng pagtulong sa kapwa sa ano mang paraan.

 

May mga natulungan naman na sa halip na magpasalamat  ay kinukutya pa ang uri ng tulong na ibinigay sa kanila. Tulad na lang ng nangyari sa isang basketball gym na pinuntahan ng grupo namin na boluntaryong tumulong sa mga nasalanta ng baha, kung saan ay nakarinig ako ng parunggit ng isang babaeng kasama ng mga biktima. Ang sabi niya ay may amoy ang bigas na ibinigay. Sinabi ko na ang bigas ay NFA, hindi commercial rice na karaniwang mabango. Noong minsan ding kumain ako sa isang karinderya, may mag-ina na dumating, subali’t matagal silang patingin-tingin lang sa naka-display na mga ulam. Dahil inakala kong kapos sa pambayad, inalok ko sila ng mga ulam na sa tantiya ko ay kaya pa ng natira kong pera. Nang omorder ako ng monggo at piniritong galunggong para sa kanila, sabi ng nanay, “huwag na lang, iyan din ang ulam namin kagabi, nakakasawa na”, sabay alis. Ang ulam ko naman noon ay monggo lang dahil nagtitipid ako.

 

Ang pinakamagandang paraan ng pagtulong sa kapwa ay ang hindi pagpapakilala ng sarili. Pagsasabihan na lang ang mga natulungan na ipasa sa iba ang tulong kung magkaroon sila ng pagkakataon. Sa pamamagitan nito ay mapipilitan ang mga natulungan na talagang sa iba ipasa ang tulong dahil hindi nga nila kilala ang nagbigay. Sa isang banda, kung ang namamagi ng tulong ay kilala nang mga grupo na ang turing sa kanila ay instrumento lamang ng mga taong gustong tumulong, kailangan ang pagpapakilala para malaman ng mga nag-ambag ng mga tulong na talagang naipamamahagi ng maayos ang ibinigay nila. Pero dapat ang ipakilala ay ang grupo, hindi ang namumunong tao o mga tao.

 

May mga tao namang nanunumbat kung ang mga natulungan nila ay hindi tumatanaw ng utang na loob. Ito ang ugali ng mga pulitiko na ang isang paraan ng panunumbat ay ang hindi pag-asikaso sa mga pangangailangan ng mga taong hindi bomoto sa kanila sa kabila ng pamimigay nila ng pera sa mga ito sa panahon ng kanilang  pangangampanya.

 

Ang pinakadapat alalahanin palagi na dapat pasalamatan ng mga Romano Katoliko ayon sa kanilang paniniwala ay si Hesukristo na nagbuwis ng buhay para sa sangkatauhan. Subali’t nakakalungkot isiping may iba sa kanila na naniniwalang sa panahong ito, hindi na “uso” si Hesukristo dahil dahil meron na silang pera na magagamit pagdating ng kanilang pangangailangan.  Naharangan ng kinang ng pera ang kanilang paningin kaya hindi na nila matanaw ang isa pang mahalagang pangangailangan ng tao…ang bagay na ispiritwal.