Ang Ulap at Pangarap

Ang  Ulap at Pangarap

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa kalawakan, nakakatuwa silang masdan

Lumulutang, animo bulak, iba’t- ibang anyo

Sa isang iglap ay napakabilis ng pagbabago

Bigay ay ligaya sa nakakaramdan ng siphayo.

 

Sa kalawakang maaliwalas at kulay bughaw

Animo ay mga gasa at mangilan-ngilan lang

Kaya’t sa kanilang kalat-kalat na kanipisan –

Langit ay mistulang hubad kung pagmasdan.

 

Mga puting ulap, minsan ay nagkukulay abo

Badya ay masamang panahon, bagyo’t ulan

Sa kapal, kalawakan nama’y nalalambungan

Na nagdudulot ng pagkulimlim sa kalupaan.

 

Ganyan din ang buhay, mayroong mga ulap –

Sila’y pangarap, maraming hugis, kaaya-aya

Silang sa buhay natin, ang dulot ay pag-asa

At sa bawa’t tao, mga hugis nila ay magkaiba.

 

Subali’t kung mamalasin ang isang nangarap

Ang magandang hugis nito’t kulay ay nag-iiba

Nagiging abo, nalulusaw, hanggang mawala –

Na sa kalooban ng iba, ang dulot ay panghihina.

 

Subali’t hindi dapat manimdim ang nakaranas

Dahil may kasabihang sa kabila nitong mga ulap

Ay may pag-asang nakalaan para sa ating lahat –

Basta magtiyaga upang matamo ang pangarap!

 

Ang Barbero sa Liwasang Bonifacio

Ang Barbero sa Liwasang Bonifacio

Ni Apolinario Villalobos

 

Nakasakay ako sa jeep papuntang Pasay nang matanaw ko ang isang barbero sa isang bahagi ng Liwasang Bonifacio (Lawto Plaza) at hindi alintana ang mga tao sa kanyang paligid habang naggugupit ng buhok. Bumaba ako mula sa jeep upang umusyuso lalo pa at nakita ko ang mga “kalakal” na nakalatag hindi kalayuan sa kanya. Ang mga “kalakal” ay mga junk items na napupulot sa basura o maayos pang gamit na pinagsawaan ng may-ari kaya napapakinabangan pa. Mahalaga ang mga ganitong nakalatag para sa mga taong naghahanap ng mga piyesa ng kung anong gadget na hindi mabibili saan mang tindahan o di kaya mga murang gamit.

 

“Dodong” ang pangalang sinabi ng barbero sa akin at galing daw siya sa Cebu kaya maganda ang usapan namin sa Bisaya. Kanya rin pala ang mga kalakal na nakalatag sa hindi kalayuan. Natiyempuhan ko sa mga nakalatag ang cellphone belt pack na gawa sa soft cowhide at nabili ko sa halagang beinte pesos lang. Nakabili rin ako ng backpack na pang-estudyante na ibibigay ko sa isang bata sa Leveriza, Pasay,  sa halagang treinta pesos. Swerte pa rin ako sa isang pares na safety shoes na pambigay ko sa isang guwardiya sa isang hardware store sa Recto malapit sa Divisoria dahil nakita kong halos nakanganga na ang suwelas ng kaliwang sapatos niya, at nabili ko sa halagang otsenta pesos lang. Ang guwardiyang ito ang tumulong sa amin noong last week ng Nobyembre nang mag-ikot kami ng mga kasama ko sa lugar na yon upang mamigay ng regalo sa mga bata.

 

Dahil sa kahirapan ay natigil si Dodong sa pag-aaral kaya hanggang grade four lang ang inabot niya. Tumulong siya sa kanyang tatay sa pangingisda at kung hindi sila pumapalaot ay nakagawian na niyang umistambay sa bahay ng kapitbahay nilang barbero upang manood habang nanggugupit ito. Madalas din siyang utusan ng barbero na nag-aabot sa kanya ng pera kaya para na rin siyang nagsa-sideline. Sa kapapanood daw niya ng panggugupit ay natuto siya pero ang una niyang ginupitan ay tatay niya. Okey naman daw ang resulta kaya ang sunod niyang ginupitan ay kuya niya. Sa kapapraktis ay natuto na siyang manggupit kaya kung may lakad ang kapitbahay nilang barbero ay sa kanya pinagkakatiwala ang mga kostumer nito.

 

Labing- anim na taong gulang siya nang mamatay ang kanilang tatay kaya lumipat sila ng kanyang nanay sa bahay ng kanyang kuya na may pamilya na. Dahil dagdag pasanin sila, madalas na sa palengke siya umiistambay upang mangargador. Ang bangka kasi nila ay naibenta nang magkasakit ang kanilang tatay. Dahil sa pangangargador, nakakakain siya sa maghapon at nakakakapag-uwi pa ng pagkain para sa kanyang nanay, at kung malaki ang kita ay namamalengke pa siya na ikinatutuwa naman ng kanyang hipag.

 

Nang minsang may magyaya sa kanyang tindero upang maisama sa Maynila dahil bibili ng generator, sumama agad siya. Mula noon, palagi na siyang isinasama hanggang naisipan niyang pumunta sa Maynila na nag-iisa. Masuwete siya at sa barko pa lang ay may nakilala siyang makikipagsapalaran din kaya silang dalawa ang nagsalo sa hirap na dinanas pagdating sa Maynila. Mula sa pantalan ay naglakad sila hanggang sa Divisoria. Tinipid nila ang perang baon kaya madalas ay tumitiyempo sila ng kaning tutong para mahingi at ulam na lang ang babayaran kapag kumain sa mga maliliit na karinderya. Kung minsan daw ay dinadaan nila sa biro ang paghingi ng libreng tutong.

 

Sa kalalakad nila ay nakarating sila sa Liwasang Bonifacio at doon ay nadatnan nila ang iba pang nakipagsapalaran sa Maynila na walang matuluyan kaya kung gabi ay kanya-kanya sila ng hanap ng sulok upang matulugan. May nagbenta sa kanya ng gunting na original na “Solingen” at panggupit talaga ng buhok kaya laking tuwa niya. Ang binili na lang niya ay maliit na salamin at dalawang suklay – full time na barbero na siya! Sa simula, barya barya lang ang tinatanggap niya dahil sa pakisaman at para may maipambayad lang sa may-ari ng banyo sa Intramuros kung saan sila naliligo at naglalaba. Nakakaipon din siya ng pambili ng pagkain. Unti-unti ay nagtaas siya ng singil hanggang naging treinta pesos na. Nang lumaki ang kanyang ipon ay namili na rin siya ng mga kalakal na inaalok sa kanya ng mga “scavenger” at mga istambay na nagtitinda ng gamit, hanggang makaipon siya ng maraming kalakal na nilalatag niya araw-araw.

 

Biniro ko siya na hindi lang siya barbero kundi nagba-buy and sell pa. Kapag nakaipon daw siya ng malaki ay uuwi siya sa probinsiya nila at bibili ng bangka upang makapangisda uli pero manggugupit pa rin daw siya. Excited siya sa pagkuwento dahil makakasama na niya uli ang kanyang nanay.

 

Ang punto ko rito ay ang kaalaman o skill na maaaring pagkikitaan tulad ng natutunan ni Dodong na pagbabarbero kaya kahit dayo siya sa Maynila ay nabuhay siya nang marangal, hindi naging magnanakaw o palaboy. Marami pang ibang skill na maaaring pag-aralan tulad ng pagma-manicure at pedicure, o di kaya ay pagmamasahe at pagda-drive, pati pagluto. Hindi dapat ikahiya ang mga ganitong kaalaman kaya hangga’t bata pa ay mabuting matuto na.

 

 

 

Ang isang Tao ay Puwedeng Maging Lider Batay sa Likas niyang Talino at Ugali

Ang Isang Tao ay Pwedeng Maging Lider

Batay sa Likas Niyang Talino at Ugali

Ni Apolinario Villalobos

Ambisyong palpak ang bumubulag sa isang tao na gustong maging lider kahit sa simula pa lang ay alam niyang hindi niya kayang gawin ito. Hindi masama ang mangarap o mag-ambisyon pero dapat ilagay sa ayos upang hindi pulaan ng iba. Ang ganitong sitwasyon ang nakita, hindi lang ng buong bansa, kundi buong mundo nang magdagsaan sa COMELEC ang mga may ambisyon na maging Presidente ng Pilipinas. Ang nakakabahala ay ang isipin ng mga taga-ibang bansa na kaya pala ganito ang kalagayan natin ay dahil sa mga may sayad sa pag-iisip na gustong maging Presidente. Ang karamihan sa nagparehisitro sa COMELEC ay halatang pinag-aralan ang mga kilos at sasabihin upang makakuha ng atensiyon kaya nagmukhang kawawa dahil pinaglaruan lamang ng mga usisero at taga-media. Sa panahong yon, naabuso na naman ang Kalayaan at Demokrasya dahil sa mga taong hangal at may sayad sa utak. Hindi dapat gamitin ang Demokrasya upang “malayang” gawin ang lahat ng gusto, lalo na ang pagsalaula sa sagradong pagpili ng Presidente ng Pilipinas. Hanggang kaylan tatagal ang ganitong kahinaan ng COMELEC, na sana ay may pinatutupad na mga alituntuning maayos, walang mga butas na nasisilip ng mga taong may diperensiya sa pag-iisip? Repleksiyon ba ang kahinaang ito ng uri ng mga taong nagpapatakbo ng nasabing ahensiya?…nagtatanong lang.

Hindi madaling maging lider ng isang maliit na grupo man lang, lalo na ng buong bansa tulad ng Pilipinas. Mapalad ang isang taong may likas na katalinuhan at ugali na angkop sa pagiging lider, dahil ang mga nakapaligid sa kanya ang kumikilala sa mga ito, kaya hindi na niya kailangan pang ipilit upang mapansin. Lumilitaw ang mga katangian niya sa mga kalagayang hindi inaasahan tulad ng kalamidad at agarang pagbigay ng tulong sa iba kahit sa normal na sitwasyon. Subalit maliban sa dalawang nabanggit na katangian, dapat mayroon din siyang tiyaga, determinasyon o katapangan, at pasensiya. Sa madaling salita, ang isang taong likas na matalino, kahit pa nakapagtapos ng kolehiyo, at mabait, ay mahihirapang maging lider kung wala siyang tiyaga at pasensiya, lalo na kung walang determinasyon o tapang sa pagpapatupad ng mga panukala, o utos na dapat masunod. Ang mga iyon ang maglilinang ng respeto para sa kanya bilang lider.

Si Manny Pacquiao ay isang halimbawang nag-ambisyong makilala ng tao. Natanim sa isip niya ang masidhing pagnanais na maipakitang ang kahirapan ay hindi dapat ituring na hadlang upang umunlad ang isang tao. Nagtagumpay naman siya – sa sports. Subalit naudyukan siya ng mga nakapaligid at may balak gumamit sa kanya, na pwede siyang pumasok sa pulitika na ginawa naman niya at nagtagumpay bilang kongresman ng kanilang lalawigan. Tulad ng inaasahan ay ampaw ang tagumpay niya sa pulitika, walang laman, walang sustansiya dahil nakikita namang hindi niya kaya ang trabaho bilang kongresman. Kung gumagalaw man ang opisina niya, ito ay dahil sa mga taong sinusuwelduhan niya upang gumawa ng mga panukala, kaya hanggang pirma na lamang ang papel niya. Nakita naman ng buong bansa na ang panahon niya ay nagamit sa mga ensayo at pagsabak sa boksing. Hindi pa nakuntento ang mga hangal na umuuto sa kanya, dahil gusto pa siyang patakbuhin bilang presidente ng Pilipinas! Ngayon, dahil sa katanyagan niya sa boksing, sumabak na rin sa pulitika ang iba niyang kaanak, lalo na ang asawa, siyempre, dala kasi ang apelyidong “Pacquiao”.

Masakit na sa tenga ang parang sirang plakang linya ni Pacquiao na, “gusto kong makatulong sa mga kababayan (o kapwa) ko”, dahil malabo itong matutupad kung ang iniisip niya ay “gumawa”  ng mga panukala na maaaring hindi maaprubahan, at kung maaprubahan man ay hindi rin maisasakatuparan tulad ng mga libo-libong panukala na inaagiw sa kongreso at senado dahil walang budget. Kung gusto niyang tumulong, lumabas siya sa pulitika para hindi siya magamit ng ibang pulitiko, magtayo siya ng mga boxing gyms sa buong Pilipinas at Foundation para sa mga scholars, at higit sa lahat, ng mga negosyo upang magkaroon ng mga trabaho… ganoon lang ka-simple at wala pang gagamit sa kanya. Sa madaling salita, pasukin niya ang larangan ng negosyo at maging pilantropo, tulad ni Henry Sy ng SM. Huwag na niyang dagdagan ang mga panlolokong ginagawa ng mga pulitikong nagkaugat na ang mga puwet sa pagkakaupo sa kongreso at senado dahil sa hangaring magpayaman. Huwag na niyang dagdagan ng batik ang nagpuputik nang dumi ng pulitika sa Pilipinas.

Ang tao ay hindi dapat maiinggit sa tagumpay na tinatamo ng iba. Ang ugaling maiinggitin ang lason sa kaisipan ng isang taong baluktot ang takbo ng isip. Tulad ng isang taong nakilala ko na nakabalita lang na tatakbo sa pagka-meyor ang kaklase niyang dating councilor sa kanilang bayan, ay gusto na ring tumakbo para sa nasabing puwesto, dahil hindi hamak na mas matalino daw siya, kaya valedictorian siya noong gumadreyt sila. Sana binalikan niya ang nakaraan nila noog nag-aaral pa sila, dahil nagkuwento ang pinsan niyang kumpare ko, na ang kaklase niyang tatakbo sa pagka-meyor ay magaling makisama, nagkukusa sa pagkilos kung may mga school activities, nangunguna sa sports, at higit sa lahat, may lakas ng loob. Taliwas naman sa ugali ng pinsan niyang makasarili kaya walang barkada, at umiiwas sa mga gawain kung may school activities. Ayaw daw paawat ang pinsan niya kaya nag-file ng candidacy.

Hindi dapat magyabang ang taong may ambisyong maging lider. Walang masamang gumamit ng lakas ng loob sa pagsuong sa pulitika. Lalong maganda kung magsimula sa ibaba, maliban na lang sa mga taong miyembro ng mga pamilyang nakababad na sa pulitika, yong mga tinuturing na “political dynasty”, kaya naging senador, kongresman, gobernador o meyor agad. Subalit para sa mga nag-aambisyon pa lang, dapat ay magsimula sa unang baytang ng pagsisikap – sa pinakamababa, tulad ng barangay o homeowners association o non-government organization (NGO). Doon masusubukan ang kanilang kakayahan at pagkatao kung angkop sila sa mas mataas pang tungkulin. Kung ang taong may ambisyong maging barangay chairman, halimbawa, ay hindi naman pala marunong makisama o tumutulong sa mga kapitbahay, kalimutan na lang niya ang ambisyon at magtraysikel na lamang, sigurado pa ang kita at hindi siya hihingan ng tulong, sa halip ay siya pa ang babayaran….. ng pamasahe.

Humanga at tumulong sa mga kaibigan o mga kakilalang nasa larangan ng pulitika upang lalo pa silang magtagumpay, o di kaya ay kahit sa mga hindi kilala ngunit maganda ang mga hangarin para sa bayan. Kailangang marunong tayong tumanggap ng ating kahinaan at kakulangang mga katangian, kaya hindi tayo pwedeng maging isang epektibong lider. Sa isang banda, kung hanggang suporta lang ang kaya, gawin natin ito ng maayos at taos sa puso, dahil kung hindi matibay ang suporta ng isang lider, magiging dahilan ito ng kanyang pagbagsak, na upang maiwasan ay kinakailangang suportahan, simpleng tulong nga…..mahalaga naman.

Pangarap

Pangarap

Ni Apolinario Villalobos

Ang pangarap ay hindi maiwawaksi ninuman

Dahil itong bahagi ng diwa’y may kahalagahan

Nagpapalakas ng loob sa maalab na pagsikhay

Lakas na kailangan, habang tayo ay nabubuhay.

May nangangarap ng buhay sa loob ng kaharian

Kunwari’y hari, sa ubod-saya niyang  kapaligiran

Sa isang ungos, mga alipi’y  ‘di magkandaugaga

Sa pagsilbi’t pagkilos, lahat ay  nagkakandarapa.

May nangangarap ng yamang hindi mapantayan

Kaya’t lahat na lang ay gagawin, ano mang paraan

Mayroong gumagamit na ng katawan, hindi talino

HIndi bale nang mabuntis, makamit lang ang gusto.

Yong ang hangad ay madaling makuhang yaman

Ang puntirya ay kahit anong  pwesto sa pamahalaan

Naisip kasi nila, saan man sa pamahalaan ay may kita

Depende sa proyektong “lalagakan” ng nakaw na pera.

Mga batang iskwater, aking nakausap naman minsan

Simpleng mga pangarap, laman ng kanilang kaisipan

May gustong maging titser, isa’y pulis, isa’y mensahero –

Mayamang kapitbahay kasi, sa Customs, yon ang trabaho!

Ang pangarap, ‘di lang umiinog sa pera o kaginhawahan

Pati rin sa esperitwal na bagay, o mga gawaing simbahan

Mga pari’y nangangarap din, sana’y dumami ang bumalik

Sa piling ng Diyos, para sa buhay na maaliwalas at tahimik.

Mangarap lang tayo, ito naman ay libre, walang kabayaran

Sa masayang pangarap ang magulong iniisip ay ating palitan

Mahirap kasing sa kaiisip natin ng problemang ubod ng bigat

Baka maikling pisi ng katinuan ay bumigay, dahil ‘di ito sapat!

Pat’s Journey in Life…(for Pat Sulleza Pellero)

Pat’s Journey in Life

(for Pat Sulleza Pelletero)

By Apolinario Villalobos

The gauge of the person’s desire to succeed in life is the degree of his or her enthusiasm in achieving such at all cost. A couple of years ago, I met a girl who at a very young age became a discreet prostitute along Avenida so that she could pursue her studies until she was adopted by a retired couple who treated her like their own. Children in depressed areas that surround Divisoria, a bustling center for wholesaling of local produce, derive earnings by waking up as early as two in the morning to gather vegetable trimmings to be cleaned and sold along the sidewalk. Only when they have sold enough to earn a little for their allowance, do they prepare themselves for school.

There are more inspiring stories that can pinch one’s heart, not for pity but for admiration. One of these is that of Pat’s. Upon graduating from high school, she decided to work for her college studies to lessen the burden of her parents whose income could barely suffice for the needs of their family. When she applied as a Student Assistant in the convent of the Oblates of Notre Dame (OND), she was readily accepted because of her outstanding academic record and remarkable character.

The determination to finish her studies boosted her strength as she faced the task that lay ahead. Though a little shock was felt during the early days of her stay in the convent, she got used to waking up at 4:30AM to start doing the household chores, one of which was braving the early breaking of dawn to buy pan de sal, popular local bread for breakfast. Other things had to be done until before 11:AM as during the time, she had to teach catechism at Tacurong Pilot School until 11:45AM. The remaining fifteen minutes till noon was spent walking her way back to the convent. From noon until two in the afternoon, she had to do other chores, after which she was left with thirty minutes to prepare herself for her classes which started at 2:30PM, until 8:00PM. That was her typical weekdays and weeknights. Saturdays were for laundry and weeding of the garden and doing research. Sundays were of course for the Mass and whatever were left of the chores, and the evenings were for studies.

Hectic was not enough to describe the life of Pat as a Student Assistant, but it prepared her for more pressure when she worked at Ramie Corporation (RamCor) when she graduated. She topped the qualifying exam given by the company for applicants. During the early days of Tacurong, ramie fiber was one of the products that it proudly produced. Another company, Kenram, cultivated the fibrous plant together with kenap. As with the abaca fiber of Albay province, ramie and kenap were among the top exported products of the Philippines, until the plantations in Tacurong were supplanted with African palm.

The time of Pat’s employment at RamCor was also the height of the unrest in the area due to the Muslim-Christian conflict which necessitated the stationing of a contingent of the 12th Infantry Battalion of the Philippine Army. Call it fate, but due to the unrest which caused the arrival of the men in fatigue, Pat met Ed (Eustaquio Edmundo Pellero), a Cebuano, and who was a member of the said contingent. As love can move mountains, so did theirs that also moved aside mountains of apprehensions because of financial limitations.

After her stint at RamCor, Pat taught for a while at the Sultan Kudarat National High School, now a Polytechnic University extension in the province. When the situation in Mindanao improved, the couple went to Manila and finally settled in Cavite. Pat still did her part as a working mother with her employment at the Philippine National Bank, until she finally decided to quit so that she could spend her time attending to the needs of their growing family. The couple is blessed with three offspring, Brendo Amor, Satea Mae, and Jonah Maureen, as well as, grandchildren, Lourdess Gem, Lorcan Gyo and Vaugn Eric Zain.

Pat grew up in a closely-knit family that espoused discipline and fear of God which molded her character as she was growing up. The traits could have been what the OND nuns perceived when she applied for a job as Student Assistant, and by her husband when he wooed her. She tried her best to imbue the same traits to her children who became successful in their chosen careers.

Pat is a town mate and our path crossed through the facebook after more than thirty years. I knew her as a chatty gal when she was in high school and college, making her easy to go along with. She could easily set the mood of conversation into something lively to put everyone at ease. Her satisfaction in life, proved that success is not spelled by money. She was successful in her hard-earned college degree, well-thought conjugal partnership with an equally hardworking guy, having equally well-disciplined offspring and healthy grandchildren, and today, contented as a retiree. All of these, of course, she owes to the only One whom she trusted ever since in her life when she embarked on a journey along its perilous corridor, beset with challenges.

Felizardo Lazado: Katangi-tanging kaibigan…at nakakabilib na Notre Damian

Isa itong tulaysay, sarili kong style sa pagsulat na pantanggal ng umay….hybrid ito ng tula at salaysay, kaya tinawag kong “tulaysay”…

Felizardo Lazado: katangi-tanging kaibigan
…at nakakabilib na Notre Damian
Ni Apolinario Villalobos

Ang una kong napansin sa kanya
Noong una ko siyang makita
Ay ang kanyang pagkamaka-totoo
Palatawa siya, at napaka-maginoo.

Isa si Felizardo sa mga student leaders ng Notre Dame of Tacurong, high school student pa lamang siya. Hindi nawawala sa Dean’s List ang pangalan niya bilang isa sa mga topnotcher. Dahil mahina ang katawan at payatin, hindi nabigyan ng pagkakataon ni G. Ric Jamorabon (istriktong in-charge sa PMT at ROTC), na maging Corp Commandeer ng PMT, kaya ang gamit sa drills ay kahoy na riple, sa halip na tansong sable. Magaling siyang debater at orator, kaya maraming bilib sa kanya, campus personality, wika nga, subali’t among the boys lang dahil nasa kabilang bakod ang mga babaeng Notre Damians at nasa istriktang pagsubaybay ng mga Dominican (O.P.) sisters. Ang amin naman – Boys’ Department ay mga Oblates of Mary Immaculate (OMI) namang mga pari ang nagsusubaybay.

Ding, ang palayaw niya…matunog
At mataginting din kung bibigkasin
Tunog ay kinalembang na batingaw
Na abot sa malayo ang alingawngaw.

Katunog ng pangalan niyang mataginting kung bigkasin ay ang alingawngaw ng batingaw, lalo na ang kanyang halakhak na bigay-todo para hindi mapahiya ang nagkukuwento ng nakakatawa, kahit may pagka-corny ang dating. Simple lang siya kung magsingit ng jokes subali’t may dating dahil mapapa-ihi ka sa pantalon kung mahina ang kontrol mo sa iyong pantog. Malayo ang inaabot ng kanyang halakhak na wari ba ay nagpapahiwatig na nais niyang makapagpasaya ng kapwa, kahit sa pamamagitan man lamang ng kanyang halakhak na hinugot niya ng buong tiyaga mula sa kaibuturan ng kanyang puso – at para ring batingaw na umaalingawngaw.

Malikhain si Ding, magaling sumulat
Kung siya’y nasa mood, tatahimik bigla
At parang nawawala sa sariling nakayuko –
Sandali lang, may naisulat na sa kwaderno!

Normal siyang tao dahil may mga mood tulad ng iba. Sa mga pagkakataong masaya siya, no holds barred kung magbiro siya. Kung bigla namang may maisip na isulat, tatabi na lamang at maglalabas ng notebook at ballpen, sabay sulat, animo ay sinaniban ng ispiritu ng isang namayapang manunulat, kaya hinahayaan na lamang siya ng mga nakakaunawa sa kanya. Nangyari ito nang kami noon ay nasiraan ng sasakyan, galing sa ekskursiyon at pauwi na. Bigla siyang humiwalay at nawala…akala namin ay sumagot siya sa tawag ng kalikasan, pero sabi ng iba, wala naman daw dalang toilet paper. Yon pala, nasa isang sulok ng highway, natatabingan ng mga talahib mula sa init ng papalubog na araw, at nagsusulat.

Hindi niya alam ang salitang maramot
Dahil kapos man ang pamilya nila noon
Itinanim sa isip nila ang salitang “tulong”-
Kailangang ibahagi, ano mang pagkakataon.

Hindi ikinahihiya ni Ding ang kakapusan nila noong bata pa siya, kaya natuto silang magkapatid na magsumikap upang makatapos ng pag-aaral. Naging student assistant siya sa Notre Dame of Tacurong hanggang makatapos siya ng kursong Bachelor of Arts (English/History). Sa kabila ng kakapusan, matulungin si Ding sa abot ng kanyang makakaya. Hindi lang sa pamamagitan ng pera ang ginawa niyang pagtulong sa iba. Marami rin siyang nabigyan ng payo – mga estudyante na hirap din sa buhay, lalo na noong siya ay nagturo na rin, sa Notre Dame din mismo kung saan siya nagtapos. Malaking bagay ang ginawa niyang paggabay, na maliban sa payo ay ang pagpakita ng sarili niya mismo bilang isang halimbawa ng pagsisikap.

Mga salitang umaalagwa sa kanyang utak
Ang nababalangkas ay mga kuwento at tula
Adhikaing hindi titigilan ano mang mangyari
Dahil bigay ng Diyos at kailangang ipamahagi!

Alam ni Ding na ang kakayahan niya sa pagsulat ay galing sa Diyos at siya ay may pakay sa mundo. Hindi niya kailangang pumunta sa Africa upang tumulong sa mga biktima ng ebola virus, lalo pa at sakitin siya, kaya baka siya pa ang i-stretcher bigla at isakay sa ambulansiya, o di kaya ay makipagbakbakan sa mga hinayupak na miyembro ng ISIS sa Syria, o di kaya ay makipagbrilan sa mga buragwit na miyembro ng Abu Sayyaf sa Basilan at Jolo. Alam niyang ang mga linyang kinapapalooban ng mga salitang lumalabas sa kanyang utak ay may ibig sabihin. Kaya saan man siyang dako ng mundo…pinipilit niyang gawin ang sa kanya ay nai-atang noon pa man…kapalarang nakaguhit sa kanyang mga palad. At yan ay hindi mahirap unawain…ang magpakalat ng mga mensahe tungkol sa pagkakaisa at pagmamahalan gamit ang power of the pen.

Pagsisikap: Puhunan ng Buhay Na Hindi Mawawala at Walang Katumbas

Pagsisikap: Puhunan ng Buhay

Na Hindi Mawawala at Walang Katumbas

Ni Apolinario Villalobos

Ang puhunan ng Diyos nang likhain niya ang tao ay ang buhay nito na may kasamang talino. Ang tao naman ay dapat na tumbasan itong ibinigay na puhunan, sa pamamagitan ng pagsisikap. Ang pagsisikap ay likas nang bahagi ng ating pagkatao at naghihintay lamang na mapitik upang magising.

Walang katumbas na halaga ng salapi ang pagsisikap at hindi rin ito mawawala kailanman sa ating pagkatao. Habang may buhay tayo, nasa diwa natin ang pagsisikap upang mabuhay. Ang katanyagan at perang makakamit dahil sa pagsisikap ay maituturing na “tubo”. Ang tubong ito ay dapat na ituring na biyaya na dapat ay ipamahagi, hindi dapat maimbak. Maraming matutulungang tao kung ang mga tubong natamo dahil sa pagsisikap, ay magagamit nang walang pag-imbot.

Ampaw ang buhay na walang pagsisikap, dahil walang katuturan ang pamamalagi sa ibabaw ng mundo. Bawa’t tao ay pinaglaanan ng Diyos ng layunin sa mundo na kailangang matupad. Nagkakaiba ang mga layunin ng mga tao. At, lalo na ang pamamaraan ng pagsisikap upang makamit ang layunin ng bawa’t isa. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo dapat manibugho sa mga nakamit ng iba na sa tingin natin ay nakakahigit sa nakamit natin.

Pagdating ng araw ng pagharap natin sa Kanya, hindi tayo tatanungin nang may panunumbat kung gaano kadaming pera ang ninakaw natin sa kaban ng bayan bilang tiwaling senador o kongresman. Hindi rin tayo tatanungin kung ilang overseas workers ang naloko natin bilang illegal recruiter. Hindi rin tayo tatanungin kung ilang kabataan ang napariwara natin sa pagbenta ng shabu. Ang itatanong lang sa atin ay kung nagamit ba nang maayos ang puhunang ibinigay niya sa atin …kung naging makabuluhan ba ang buhay natin sa mundo…na ang ibig sabihin ay kung pinagsikapan ba nating gawin ito at sa tamang paraan?

Nagawa naman kaya natin?

Pangarap

Pangarap

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang pangarap ay hindi maiwawaksi ninuman

Dahil itong bahagi ng diwa’y may kahalagahan

Nagpapalakas ng loob sa maalab na pagsikhay

Lakas na kailangan, habang tayo ay nabubuhay.

 

May nangangarap ng buhay sa loob ng kaharian

Reyna o hari, ubod saya na kanilang kapaligiran

Sa isang ungos, mga alipi’y  ‘di magkandaugaga

Sa pagsilbi’t pagkilos, halos lahat nagkakandarapa.

 

May nangangarap ng yamang hindi mapantayan

Kaya’t lahat na lang ay gagawin, ano mang paraan

Mayroong gumagamit na ng katawan, hindi talino

HIndi bale nang mabuntis, makamit lang ang gusto.

 

Yong hangad naman ay madaling makuhang yaman

Ang pinuntirya ay ano mang  pwesto sa pamahalaan

Naisip kasi nila, saan man sa pamahalaan ay may kita

Depende sa proyektong “lalagakan” ng nakaw na pera.

 

Mga batang iskwater, aking nakausap naman minsan

Simpleng mga pangarap, laman ng kanilang kaisipan

May gustong maging titser, isa’y pulis, isa’y mensahero –

Mayamang kapitbahay kasi, sa Customs, yon ang trabaho!

 

Ang pangarap, ‘di lang umiinog sa pera o kaginhawahan

Pati rin sa esperitwal na bagay, o mga gawaing simbahan

Mga pari’y nangangarap din, sana’y dumami ang bumalik

Sa piling ng Diyos, para sa buhay na maaliwalas at tahimik.

 

Mangarap lang tayo, ito naman ay libre, walang kabayaran

Sa masayang pangarap- ang magulong iniisip ay ating palitan

Mahirap kasing sa kaiisip natin ng problemang ubod ng bigat

Maikling pisi ng katinuan ng diwa’y bumigay, dahil hindi sapat!