Ang Addiction, Harakiri, at Dangal

Ang Addiction,  Harakiri, at Dangal

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang addiction ay hindi limitado lang sa alak, sigarilyo at droga. Sa Pilipinas, may mga maidadagdag pa sa listahan: addiction sa pera, addiction sa pagsinungaling, at addiction sa cellphone.

 

Ang mga sintomas ng addiction sa pera ay ang hindi makontrol na paggalaw ng mga hinlalaki (thumb) at hintuturo (thumb) sa pagkiskisan na animo ay nagbibilang ng pera, pagkataranta kapag nakarinig na kalansing ng baryang nahulog, panlalaki ng mga mata kapag pinag-uusapan ang pera, at madalas na pagkadulas sa pagsabi ng “how much are you”, sa halip na “how are you”. Talamak itong sakit sa Kongreso at Senado at iba pang mga ahensiya ng gobyerno na palaging may project (na pinagkikitaan).

 

Ang mga sintomas naman ng addiction sa pagsisinungaling ay ang hindi nawawalang ngiti sa mga labi upang ipakita sa iba na malinis ang kanyang budhi at isip, pagsambit ng pangalan ng Diyos na idinudugtong sa mga pangako, pagbanggit ng kidlat, kulog, malusaw, mamatay, at iba pang kahindik-hindik na mga salita upang idiin ang katotohanan kuno ng mga sinabi niya at yong iba ay binebetsinan pa ng “peks man” at “cross my heart”, at ang pinakamalinaw na palatandaan ay ang walang kabuhay-buhay at hindi kumukurap na mga matang nandidilat habang nagsasalita sa harap ng camera dahil nag-aalala na baka madulas ang kanyang dila.

 

At, ang addiction naman sa cellphone ay may mga sintomas na paggalaw-galaw ng hinlalaki na animo ay may pinipindot. Napapansin din ang hindi mapalagay na pagkilos ng addict kapag ang katabi ay may kausap sa cellphone dahil parang may nag-uutos sa kanyang agawin ang cellphone upang siya naman ang makipag-usap. Napapakislot din itong uri ng addict kapag may naririnig na tunog ng cellphone, na sinasabayan pa ng pagdidila ng mga labi na para bang natatakam sa pagkain. At sa isang tahanan, malalaman kung may mga addict sa cellphone kapag may nagbabangayan na maririnig hanggang kalye dahil sa pagwawala ng mga anak na gustong magkaroon ng mga bagong cellphone.

 

Kung dangal naman ang pag-uusapan, matindi ang mga Hapon sa pag-alaga nito. Nagpapakamatay sila kapag nadungisan ang kanilang dangal. Yong mga nasa gobyerno ng Japan, na nabigla o hindi sinasadyang nakagawa ng masama ay nagpapatiwakal agad kahit hindi pa nasisimulan ang imbestigasyon.

 

Kung sa Pilipinas mangyayari ang pagpapatiwalak o pagharakiri ng mga nagkasalang government officials, siguradong walang matitira….mula sa pinakamataas na puwesto hanggang sa ibaba. Pero hindi nangyayari, dahil sinanay ang mga Pilipino ng mga prayle o Spanish friars noong panahon ng mga Kastila sa paniniwalang kahit sangkaterba ang kasalanan, lusaw ang mga ito sa paulit-ulit na pagdasal ng Our Father, Hail Mary, at I Believe in God,  na ipinapataw sa nagkumpisal. Kaya ngayon, tingnan ninyong mabuti kung sino ang mga mahilig gumawa ng mga kasalanan na nakaluklok sa kawawang gobyerno ng Pilipinas!…hindi ba silang mga nananalig sa kumpisal?…dahil pagkatapos ng mga penance ay gagawa uli sila ng mga kasalanan!

Ang Marijuana

Ang Marijuana

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa kahiligan ng Pilipinong makisabay sa mga nangyayari sa ibang bansa, pati ang paggamit ng marijuana bilang gamot ay pinagpipilitan na rin. Ang Amerika nga kung saan ay mayroong estado na nag-legalize ito, ay nagsasabi na hindi pa lubusang tiyak kung may maganda ngang resultang makukuha bilang gamot dahil nakaka-adik, ang ilang Pilipino na padalus-dalos ay nag-aastang kumpleto na sa kaalaman tungkol sa damong ito.

 

Ang isang pinakadelikadong maaaring mangyari kung i-legalize ito sa Pilipinas ay ang pag-abuso nito. Pinagpipilitan na hindi daw. Ang mga makulit ay hindi yata nagbabasa ng mga diyaryo tungkol sa mga nakumpiskang shabu… legal ang pagkakumpiska ng mga taong gobyerno, subalit saan humantong ang iba? – sa kalye, binenta ng mga tiwaling mga tauhan mismo ng ahensiya. Ibig sabihin hindi maaasahan ang sistema ng Pilipinas tungkol sa mga bagay na nasisilip na maaaring pagkitaan. Maabilidad ang mga tiwaling Pilipino. Ang kaban nga ng bayan kahit na bantay –sarado napagnanakawan pa!

 

Kung sakali, anong ahensiya ang magsi-secure ng marijuana? Department of Health ba? Problema yan…dahil ang ahensiya ay marami ding problema na hindi nga nila masolusyunan tulad ng mga expired na gamot at kakulangan ng health workers, to name a few, dadagdagan pa ng mga bulto ng marijuana na pangangalagaan nila.

 

Kung sakali pa rin, siguro ang simbahan na lang ang pakiusapang mangalaga. Ang problema naman, ang simbahan ay may mga problema din tungkol sa mga pari nila na hindi masawata sa fund-raising para sa mga shrine daw, at kung anu-ano pa. Baka maisipan ng mga tiwaling pari na magbenta na rin nito upang may pangtustos sa mayamanin nilang lifestyle.

 

At, huling sakali pa, ano ang gagawin sa mga taong nagamot sa sakit ngunit naging dependent naman o adik sa marijuana? Siguro may balak magpagawa ang grupong ito ng mga drug den sa iba’t ibang lugar ng bansa, para sa mga “sustaining” users na pinaglalaban nila!