Mahal naming Brian…

Mahal Naming Brian…
(para kay Brian Arevalo Padua)
Ni Apolinario Villalobos

Ayaw naming isipin na ika’y wala na
Para sa amin ika’y kapiling pa rin namin
Nakatanaw sa kawalan, nag-iisip ng malalim
Tahimik, pangiti-ngiti, damdamin ay tinitiim.

Sa murang gulang, mga hamon kinaya mong harapin
Di man namin dinig, alam naming ika’y nananalangin
Na sa pag-usad ng panahon ay iyong malampasan
Mga pagsubok na araw-araw pilit mong pinapasan.

Ayaw naming magpaalam sa iyo, mahal naming Brian
Ayaw naming isipin na sa isang iglap, ikaw ay lumisan
Nguni’t lahat ng pangyayari sa mundo ay may dahilan
Kaya’t lahat ng ito, tanggap namin, kahi’t may kahirapan.

Kristel Mae…..for Kristel Mae “Mhai” Padasas

Kristel Mae
(for Kristel Mae “Mhai” Padasas)
ni Apolinario Villalobos

mga pangarap na sa isang iglap
ay nalusaw nang hindi sinasadya
patunay na ang buhay sa mundo
ay hindi hawak ng sino mang tao

ang buhay, wari’y parang kandila
‘di man mahipan, ito’y nalulusaw
kaya ang tanglaw nito’y nawawala
na sa paligid ay dilim ang nalilikha

may kabuluhan naman ang kandila –
na sa paligid ang dulot ay liwanag
hangga’t ito’y malusaw, o mahipan
at magdudulot naman ng kadiliman

sa nangyari kay Kristel Mae sa Tacloban
marami ang nagitla at di makapaniwala
nguni’t kung ginusto ng Diyos ang lahat
walang makakahadlang kung nararapat

ang ilang araw na kanyang naiambag
ay naging bahagi ng dakilang gawain
‘di mawawala sa isipan ng mga mahal
dahil para sa taong turing nila’y banal!

(Kristel Mae “Mhai” Padasas was a Monitoring and Evaluation Officer of the Catholic Relief Service (CRS), and was a volunteer during the papal visit. She was hit by a scaffolding that collapsed due to strong wind at the site in Tacloban where Pope Francis officiated a Mass. She reached the age of 27 without having been spoiled despite her being an only daughter of hardworking parents. Her mother works in Hongkong. She was characterized by friends as humble, jolly and compassionate, finding satisfaction in her involvement in humanitarian and civic activities.)