Sina Alex at Feliza Viray…nagsimula sa banana cue, ngayon may packed meals na

SINA ALEX AT FELIZA VIRAY…NAGSIMULA SA BANANA CUE

NGAYON MAY PACKED MEALS NA

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa tagal ng panahon na pagtayming kong makausap ang suki kong kinakainan ng sinangag at tuyo sa Baclaran, natiyempuhan ko rin siya isang umaga dahil maaga akong dumaan sa kanyang puwesto. Kariton lang ang gamit ni Alex sa pagtinda ng mga “packed meals” – kumbinasyon ng sinangag at mga ulam na piniritong itlog, tuyo, tortang talong, piniritong isda, at hot dog. Dahil inaalalayan na siya ng dalawang lalaking anak, mayroon na rin siyang binebentang kape at tsitserya.

 

Mahigit isang dekada nang street food vendor si Alex na nang magsimula ay katulong ang asawang si Feliza (Alcober) dahil maliliit pa noon ang kanilang mga anak. Nagsimula sila sa iilang pirasong banana cue, hanggang maisipan nilang magtinda ng mga pang-almusal na pagkain kaya sinimulan nilang magluto rin ng “sinangag-on-the-spot” sa isang maliit na kawali, piniritong tuyo, hotdog at itlog  na pinagkasyang ilatag sa maliit na karitong may butas para sa kalan na de-gaas (kerosene). Sa ganoong kalagayan ko sila unang nakita kaya bumilib ako sa pagtutulungan nilang mag-asawa at tiyaga.  Noon pa man ay pinag-aagawan na ng mga empleyado ng mga tindahan sa bahaging yon ng Baclaran ang mga niluto nilang pang-almusal na ang iba ay pinababalot upang maging tanghalian dahil bago mag-alas diyes ay ubos na ang paninda nila. Upang hindi masayang ang panahon, sa hapon ay banana cue naman ang binibenta nila.

 

Nang makita ko uli si Alex makalipas ang ilang taon ay malaki na ang kariton at nadagdagan na rin ang mga ulam dahil sa pagdami na rin ng mga suki. Pinapakita kasi niya ang pagluto ng mga pagkain “on the spot” mismo para walang duda na talagang malinis ang mga ito. Hindi ko siya matiyempuhang makausap dahil sa dami ng mga kostumer niya kaya natuwa ako nang isang umaga ay makakuha ako ng tiyempo kung kaylan ay ang dalawa niyang mga lalaking anak ang umaalalay sa kanya. Tulad ng mag-asawa ay palangiti rin ang kanilang mga anak kaya nakakahatak sila ng mga kostumer.

 

Napagtapos na nina Alex at Feliza si JC sa kolehiyo at ang isa ay magtatapos na rin. Ang iba pa ay nasa high school….at ang lahat ng gastusin ay galing sa maliit nilang negosyo. Isang halimbawa ang mag-asawa sa pagpapatunay na kung ang isang taong masigasig, matiyaga at marunong humawak ng pera ay talagang may mararating.

BACLARAN STREET FOOD