Si Jose Escribano…dating meyor ng Tacurong (Sultan Kudarat, Mindanao, Philippines)

Si Jose Escribano…dating meyor ng Tacurong

Ni Apolinario Villalobos

 

Bago naging meyor si Jose Escribano ay nagkaroon na ng iba pa ang bayan namin na dating baryo ng Buluan. Hindi gaanong natandaan ang unang mayor, pero sa pagkabanggit sa akin ng isang matandang nakausap ko ay isang “Guerrero” daw. Ang mga baryong mauunlad nang panahong yon maliban sa Tacurong na ang dating pangalan ay Pamansang, ay San Manuel at San Pablo kung saan karamihang nakatira ay mga Ilocano.

 

Dayo naman si Jose Escribano na galing sa Igbaras, Iloilo. At nang panahong yon pa rin, ang ibang pamilyang dayuhan na naaalala ko at itinuturing na mga Kristiyanong pioneer ay ang mga, Lapuz, Paraico, Bernardo, de la Cruz, Paclibar, Ballena, Nicolo, Palmes, Catudan, Velasco, Valdez, Guillermo, Panes, Pauya, Subaldo, Arzagon, Grimaldo, Garcia, Barroquillo, Limbungan, Lucentales, Cordero, Betita, Magbanua, Cordero,Travilla, Saludes, Rapacon, Pernato, Dayon, Cajandig, Besana, Lagon, Gomez, Custodio, Arendon, Albenio, Aniversario, Ferrer, Fajardo, Collado, Cargo, Rapacon, Sotto, Dajay, at Purisima.

 

Nakagisnan ko na lang na meyor si Escribano (mas popular na tawag sa kanya), dahil inabot ko siya noong dekada sisenta. Kung pumunta ako sa tambakan ng munisipyo upang mamulot ng tinggang pangselyo (sealing lead) ng mail bags na galing sa Post Office ay nakikita ko siya sa balkonahe ng lumang munisipyo na humihitit ng tabako. Wala akong kamuwangan sa pulitika noon kaya hindi ko nabigyan ng kahalagahan ang kanyang pagka-meyor dahil tuwing makikita ko siya sa balkonahe ay tinatawag ko lang siyang “Escribano”. Kumakaway naman at ngumingiti pa.

 

Nang mag-elementaray na ako ay nalaman ko na ang kanyang pagkatao…. mabagsik pala siya. Ang mga magnanakaw na nahuhuli ay pinapakain ng tae sa inudoro ng kubeta ng munisipyo. Nilulublob ang ulo nila sa inudorong pinagamit muna at hindi ini-flush. Mahilig din siyang manapok on-the-spot ng mga may kasalanan, kahit pulis.  Kaya siguro noong maliit pa ako ay wala ako halos nalamang may mga nakawan sa amin. May nagkuwento sa akin na ang hindi lang niya mapakialaman noon ay si “ tatay Usteng (Aguilar)” na nakatira sa baryo Rajah Muda.

 

Noong panahon din niya nagkaroon ng mga sintu-sinto sa amin, sina Juan, Aida, at Alip. Minsan ay nakita kong may inutusan siya upang bigyan ng biscuit si Juan. Noong panahon ding yon, tuwing Linggo ay may “amateur” (singing contest) sa plaza. Lahat ng contestant ay may regalo agad na isang supot ng tinapay na donation ng Garcia Bakery. Dahil walang kuryente, ang pailaw ay galing sa isang generator na ang ingay ay mas malakas pa sa boses ng kumakanta. Ang may boses na disintunado ay binabatingtingan upang tumigil na pero may regalong isang supot na tinapay. Ang palaging nananalo noon ay isang babaeng may apelyidong “Betita”. Kalaunan ay nakilala rin ang galing nina Grace Perales, at Eufemia Alcon.

 

Nagpagawa si Escribano ng swimming pool sa isang bahagi ng plaza namin. Wala naman masyadong gumagamit maliban sa Kastilang si “Mr. Fernandez” dahil talaga palang atleta ito at swimming ang linya niya, at magaling pang mag-dive. Pinagawa ang swimming pool para sa kasiyahan ng mga mamamayan. Ang mga kinuha niyang bumbero ay marunong tumugtog ng mga instrumento ng combo na kanyang itinatag at pinangalanang “Fireband”. Nagkaroon ng dalawang combo, at ang isa ay dumayo pa sa mga beer house at night club sa Manila. Sa panahong yon sila nakapag-recruit ng mga babaeng mang-aawit mula sa Maynila na dinala sa bayan namin. Isa sa mga dinala nilang singer ay si Helen.

 

Sikat ang bayan namin dahil sa “Fireband”  at magagaling na mga singers tulad ni Lito  na ang kinakanta ay mga pinasikat ng mga grupong “Bee Gees” at “Animals” (nagpasikat sa awit na “House of the Rising Sun”). Palagi silang iniimbita upang tumugtog sa mg kapistahan, at nakakarating pa sa Cotabato City. Malaking bagay ang kinikita nila sa pagtugtog dahil allowance lang naman ang binibigay sa kanila bilang mga bumbero. At upang lubusang mapakinabangan ang combo, nagpatayo rin si Escribano ng “night club” (sa panahon ngayon ay category lang ng beer house) sa palengke malapit sa katayan (slaughterhouse). Dahil sa night club na ang tawag ay “Kayumanggi”, napilitan ang mga nagtitinda sa palengke na panatilihing malinis at walang amoy ang bahaging yon ng palengke na dating tinatambakan ng basura.

 

Nang maghanap si Claudio Estante, ang nagtatag ng DSW sa bayan namin ng magiging assistant niya, sa opisina ni Escribano siya pumunta upang humingi ng reference. Halos lahat ng tinanong niya ay ako ang binanggit kaya ako ang nakuha. Nakilalal ako sa opisina ng meyor dahil tuwing may operation-Linis ang school namin sa paligid ng palengke ay palaging ako ang nagko-coordinate sa opisina ng meyor. Dahil diyan, pwedeng sabihing nakatulong ang opisina ni Escribano sa pagsimula ng informal kong career dahil nang panahong yon ay nasa third year college pa lang ako.  Ang sentro ng evacuation noon dahil sa labanan sa pagitan ng mga “Black Shirts” (Muslim) at “Ilagẳ” (Christians), ay ang bayan namin. Taga-consolidate ako ng listahan ng mga evacuees na dinadala sa DSW Regional Office sa Davao, at ang trabaho ko ay tuwing Sabado lang at Linggo pero hanggang gabi naman at ang ilaw na gamit ko ay “petromax”. Nang panahon ding yon namayagpag si “Toothpick”, lider ng mga “Ilagẳ”. Marami rin akong mga classmate na “Ilaga” na ang pagkakakilanlan ay ang malakas na amoy ng “X-7”, mumurahing pabango na may halong isang bagay upang maging agimat at upang maging epektibo ay tuwing Biyernes lang sila kung maligo.

 

Nang ideklara ang Martial Law ay nasa fourth college year na ako. Pinatawag ni Escribano lahat ng mga estudyante ng mga eskwelahan sa bayan namin upang i-meeting sa plaza. Ang layunin niya ay magpaliwanag tungkol sa Martial Law. Ang hindi niya alam ay may isang babaeng kalaban si Marcos na napapunta sa bayan namin at nangampanya laban sa Martial Law pero naipit dahil inabot ng deklarasyon kaya hindi makalabas, pero ako ang gumawa ng paraan upang makalusot sa mga outpost hanggang makabalik siya sa Maynila.

 

Nang nasa plaza na ang lahat ng mga estudyante, nagsimula na siyang magpaliwanag pero nalabuan ang lahat. Ang masama, nang magtanong siya kung sino ang gustong magtanong, ako ang itinulak ng mga kasama ko dahil nagkataong nakapuwesto kami sa harap ng stage. Dahil wala akong magawa ay nagsimula na akong magtanong subalit nawala ako sa sarili at nakalimutan kong meyor ang kaharap ko dahil panay pagbabara ang ginawa ko sa bawa’t paliwanag niya. Ang isang close-in bodyguard ay hindi yata nakatiis kaya lumapit sa kanya at nagbulong pero narinig ko pa rin, na ang sabi ay: “ano, mayor tapuson ko na ini?” (ano, mayor tatapusin ko na ito?), na ang tinutukoy ay ako. Pero narinig ko naman ang sagot sa kanya ni Escribano na, “indi… kilala ko pamilya sini” (huwag… kilala ko ang pamilya nito). Ang tiyuhin ko kasi ay vice-mayor niya. Magtatanong pa sana ako, pero biglang may nagpaputok kaya nagkagulo na. May humila sa akin mula sa stage at halos pagapang kaming lumayo. Mula noon sinundan na ako mula sa bahay hanggang sa eskwelahan ng isang “PSG” ni Marcos. Ang grupo pala ng “PSG” ay nangupahan sa bahay lang ng mga Guillermo malapit sa school namin.

 

Bago ako umalis sa amin ay pinatay ang municipal judge namin, si Judge Wenceslao Valdez, sa loob ng simbahang Katoliko. Isa siya sa mga mahigpit na kalaban ni Escribano. Matagal ang imbestigasyon subalit bandang huli ay lumabas din ang resulta na nagturo kay Escribano bilang may pakana. Nahuli din daw ang inatasan o “triggerman” na bumaril.

 

Ngayon, 2016, ang bayan namin ay isa nang maunlad na lunsod sa pangangasiwa ni Mayor Lina Montilla. Wala na ang swimming pool at gumanda na rin ang liwasan. Bago na ang bulwagang panlunsod, subalit hindi giniba ang dating munisipyo na nasa likod lang nito kaya ang inudorong pinaglulubluban ng ulo ng mga magnanakaw ay nandoon pa rin.