Salvador Caburian, Jr….”Cabu” ng Philippine Airlines

Salvador Caburian, Jr.

…”Cabu” ng Philippine Airlines

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang unang pag-usap namin ni “Cabu” ay nangyari noong bigyan niya ako ng Trip Pass papuntang Tablas station na first assignment ko nang matanggap ako sa PAL. Akala ko ay istrikto siya hanggang biruin niya ako tungkol sa unang karanasan ko sa pagsakay sa eroplano. Nagkuwento pala sa kanya si Ludwig “Bud” Aseoche tungkol sa kung paano akong gininaw ng todo sa flight mula Davao dahil wala akong jacket na suot noon, kundi manipis na t-shirt lang. Si Bud ang “escort” ng mga recruit galing sa Davao at mismong sa tabi niya ako nakaupo. Sa awa niya, ay pinagamit niya sa akin ang suot niyang jacket. Mga fresh graduates kami noon at dahil nag-alala rin siguro para sa amin si Mr. James Hannen na Director ng Mindanao Sales Area, ay pinasamahan kami kay Bud Aseoche.

 

Nang mag-apply naman ako sa Tours and Promotions ay kay “Cabu” ko ibinigay ang mga dokumento ko para i-submit sana kay Mr. Vic Bernardino, pero iniwala naman niya, kaya lalong hindi ko siya nakalimutan. Ang sama ng loob ko ay nawala nang malipat na ako sa Manila dahil nalaman kong maawain pala siya. Ang Tours and Promotions Office ay nasa lumang Domestic Airport, at ang Regional Office naman kung saan siya nag-oopisina ay katapat lang ng Administrative Offices Building (AOB) na ngayon ay Data Center Building (DCB) na. Madalas akong pumunta sa kanya para kumuha ng Trip Pass na gagamitin sa mga biyahe ko bilang Editor ng TOPIC Magazine. May mga pagkakataong wala akong pocket money dahil umasa lang ako sa regular per diem na mawi-withdraw ko sa istasyon kung may nabenta nang mga tiket, kaya pinahihiram niya ako ng kahit kaunting halaga.

 

Pinapayuhan din ako noon ni “Cabu” tungkol sa mga istasyong pupuntahan ko lalo na ang mga maliliit upang makapaghanda ako tungkol sa mga pwede kong makain. Alam kasi niyang kung isda ay hanggang sapsap o dilis lang ako. Lalo akong napalapit sa kanya nang lumipat ang mga opisina namin sa Vernida building 1 (Legaspi St., Greenbelt, Makati) mula sa AOB dahil siya ang nagbibigay sa akin ng tip kung nasa mood si Mr. Paloma na pumirma ng mga dokumentong “handcarried”, hindi na kailangan pang ilagay sa “incoming tray”. Alam din kasi niya ang ugali kong apurado at makulit. Nang ipakita sa akin ni Mr. Paloma ang mga na-clip na contributions ko sa mga diyaryo at magazines, sinabi niyang si “Cabu” ang ang nagbanggit sa kanya tungkol sa mga ito kaya inutusan niya ang secretary niyang si Bill Trinidad na palaging mag-check sa mga sinu-supply na mga diyaryo sa office niya. May mga pagkakataon din noong hindi ko natututukan ang mga Travel Order na dapat mapirmahan agad ni Mr. Paloma, kaya sa kanya ko pinagbibilin, at panatag ang loob ko dahil kahit nakauwi na ako, kinabukasan, siguradong ang mga ito ay nakapaloob na sa brown folder at nasa ibabaw na ng mesa ko.

 

Si “Cabu” na Administrative Manager ang pinaka-“kanang kamay” ni Mr. Paloma noon na Regional Vice-President naman ng Philippines and Guam. Ang hindi ko alam ay popular din pala siya sa iba pang opisina sa Vernida Building 1, kaya kilalang-kilala ang tandem nila ni Mr. Paloma. Sa puntong ito, ewan ko lang kung maaalala ng pinakahuli kong boss na si Mr. Archie Lacson, nang sabihan niya akong alalayan ko siya….ako kunwari ay si “Cabu” at siya (Lacson) naman ay si Mr. Paloma o “Tatang”. Kapo-promote lang ni Mr. Lacson noon bilang Regional Vice-President ng Philippines and Guam. Dalawa kasi sila ni Mr. Dave Lim (ngayon ay Senior Vice-President), na Director naman ng ISP ang pinagsisilbihan ko bilang Assistant. Gusto ni Mr. Lacson na sa kanya na lang ako mag-concentrate sa pag-alalay dahil sa nadagdag na trabahong sumasaklaw sa mga domestic stations.  Dahil sa nangyari ay nakiusap naman ako sa namayapa na naming kasama na si Miguel Estrada na pumalit sa puwesto ko upang umalalay kay Mr. Dave Lim.  Nang banggitin ni Mr. Lacson si “Cabu” ay noon ko lalong naunawaan ang impact ng kanyang pagkatao dahil pati si Mr. Lacson ay napabilib niya. Mula noon ay pinandigan ko na lang ang naging tradisyong tandem nina Mr. Paloma at Mr. Caburian…na ipinagpatuloy namin ni Mr. Lacson, at sa palagay ko ay hindi naman yata kami napahiya.