Salamin ng Buhay

Salamin ng Buhay

ni Apolinario B Villalobos

 

 

Hindi nakikita ng tao ang kanyang mukha hangga’t hindi siya tumingin sa salamin. Sa ganoong pagkakataon pa lamang niya makikita ang kabuuhan ng kanyang mukha, na siya pala ay may dungis na dapat niyang punasan upang matanggal… na siya pala ay may nunal sa ilalim ng kaliwang mata… na siya pala ay may mga ngipin na hindi pantay… na siya pala ay may matamis na ngiti, atbp.

 

Sa araw-araw nating pamumuhay, kailangan din nating magkaroon ng “salamin” upang malaman kung may mga ginawa tayo na hindi maganda, masagwa, o mabuti. Sa pagkakataong ito, ang “salamin” natin ay ang ating kapwa. Sa kanila natin masasalamin at malalaman na may mga ginawa tayo na masagwa pala kaya dapat nating iwasang gawin uli. Sa mga ginawa din nila natin masasalamin ang mga kabutihang ginawa na natin, nguni’t hindi natin alam.

 

Nguni’t may bisa lamang ang paggamit natin ng ating kapwa bilang salamin kung kaya nating tanggapin ang ating kamalian. Hangga’t hindi natin ito kayang gawin, hanggang papuri na lamang tayo kung may makikita tayong magandang ginawa ng ating kapwa at pangkukutya sa kanila kung gumawa sila ng masama – na ginawa din pala natin. Dahil diyan ay walang silbi ang ating pananalamin sa pamamagitan ng ating kapwa.

 

Sa mga pagkakataong dapat ay mayroon tayong natutunan pero pinalampas natin, wala tayong dapat sisihin kundi ang sarili natin – kung tayo ay naghihirap dahil sa palaging kakapusan sa pera, may mga suwail na anak, nawalan ng trabaho, hiniwalayan ng asawa, atbp.

 

Magsisi man tayo…ay huli na.