Sa Pag-spoil ng Anak, Dusa ang Matatamo

SA PAG-SPOIL NG ANAK, DUSA ANG MATATAMO

Ni Apolinario Villalobos

 

Mali ang panuntunan ng ilang mga magulang ng mahirap na pamilya na gustong gumawa ng lahat ng paraan upang hindi madanasan ng anak ang hirap na dinanas nila. Dahil diyan, habang lumalaki ang anak ay ni hindi man lang ito nakadanas na mautusang maghugas ng pinggan o magligpit ng pinagkainan o magwalis ng sahig. May mga magulang ding ayaw magpakain sa anak ng gulay o tuyo, kaya di bale nang mangutang basta makabili lang ng hotdog o di kaya ay madala palagi sa Jolibee ang anak upang makakain ng hamburger at ispageti.

 

Habang lumalaki ang anak, lalong tumitindi ang pag-spoil ng mga magulang na may maling panuntunan. Kahit halos wala nang pamalengke, may mga magulang na sa kagustuhang hindi kuno magmumukhang kawawa ang anak kapag kasama ang mga kalaro ay ibibili ito ng mamahaling laruan kahit nakatambak lang ang mga naipong iba. Sa pagpasok sa eskwela, dapat ay naka-aircon van na school service sa halip na tricycle upang class ang dating dahil mahal nila ang anak. Ayaw ding pakainin ng kaning lamig o sinangag na tawag ng spoiled na anak ay “lumang kanin”.

 

Tungkol sa bagay na ito, may isa akong kaibigan na pinagyayabang pa sa pagkuwento ang tungkol sa nagagalit na anak kapag nakita siyang nagsasapaw ng kaning lamig sa sinaing. Kapag ganoon ang ginawa niya, natatawa pang sinasabi ng kaibigan kong ayaw nang kumain ng anak kung hindi ipag-oorder ng pizza-for-delivery. Minsan namang namasyal ako ng maaga sa kumpare ko, pinakape ako at dahil maliit ang bahay, ang pinaka-sala ay kainan na rin nila. Nakita ko ang nakahaing almusal na sinangag, tuyo at piniritong talong. Nang tawagin na nila ang anak ay nagtanong pa ito kung may bagong sinaing, at nang sabihang, may sinangag naman, ang sagot ng anak ay, “yuck!”.

 

May isa akong alam na pamilyang naghirap dahil sa pag-spoil ng tatlo nilang anak. Naremata na ang bahay ay nakademanda pa sila ng estapa dahil sa hindi pagbayad ng utang. Resulta ang mga nabanggit dahil sa luho ng mga anak. Kahit ordinaryong empleyado ang tatay, bumili ng kotse at iginapang ang buwanang bayad, upang may “service” na magamit sa pagpasok sa eskwela ang mga anak, kahit hindi naman mahirap ang mag-commute mula sa kanila dahil sa dami ng jeep at bus na dumadaan. Nakatapos ang panganay pero nag-asawa agad at sa kanila pa tumira, at ang masaklap, parehong walang trabaho! Ang pangalawa ay nakatapos pero adik naman kaya tamad maghanap ng trabaho. Ang bunso ay nasa high school pa.

 

Ang misis ay may kanser sa matris kaya matindi ang gamutan. Nawalan din ang tatay ng trabaho dahil ang pinagtrabahuhang travel agency ay nagsara kaya nagdrive na lang ng Uber car. Isinanla nila sa kaibigan ang bahay subalit dahil sa taas ng interes na 3% kada buwan ay umabot sa puntong hindi na nila ito kayang tubusin kaya na-remata. Nakiusap ang mag-asawang mangungupahan na lang upang hindi mapaalis. Pumayag naman ang kaibigan sa halagang 6thousand kada buwan. Tumigil sa pag-aral ang high school na anak, at nalaman nilang nahatak ng barkada upang mag-call boy kaya pala halos hindi na ito umuuwi, hanggang sa magpaalam na itong magbo-board daw sa Pasay sa barkada niya dahil may mapapasukan daw siya malapit doon.

 

Kaya ko nalaman ang kuwento ng kaibigan ko ay sa akin niya unang inalok ang bahay nila noong isinasanla pa lang nila ito pero tumanggi ako. Kaylan lang ay nagkita uli kami upang sabihan akong patay na ang misis niya at humihingi ng tulong upang maiuwi sa probinsiya ang bangkay. Hindi na ako nagtanong tungkol sa mga anak niya.

 

Maraming ganyang kuwento ngayon, subalit ang masaklap ay nagmamaang-maangan ang iba na hindi daw nangyayari sa kanila DAHIL HINDI DAW NILA INI-SPOIL ANG ANAK NILA….kaya?