Rederson: Kahit Hirap sa Pagkontrol ng Ulo sa Pag-iling, tuloy pa rin sa Pagtraysikad

Rederson: Kahit Hirap sa Pagkontrol ng Ulo sa Pag-iling

Tuloy pa rin sa Pagta-traysikad

Ni Apolinario Villalobos

 

Halos tin-edyer pa lang si “Red”, palayaw ni Rederson Rivera, subalit hindi ito naging hadlang upang siya ay magsikap, at lalong hindi naging hadlang ang kanyang sakit na palsy kaya hirap siya sa pagkontrol ng pag-iling ng kanyang ulo. Nang unang sumakay ako sa kanya, muntik pa akong mainis nang sabihan ko siya ng direksiyon tungo sa pupuntahan ko dahil napansin kong panay ang iling niya habang nakangiti…akala ko ay niloloko niya ako.

 

Nang umagang yon na sumakay ako sa kanya sa kanto ng Baltao Drive sa Pasay City, hindi pa raw siya nakakapag-almusal dahil medyo madilim pa lang ay pumila na siya. Nag-aabang daw siya ng maski dalawang pasahero para may pambili siya ng almusal. Nagkukuwento siya ng pautal habang nagsisikad kaya may kasamang hingal ang kanyang mga salita. Hiwalay daw ang kanyang mga magulang, at siya ay napunta sa kanyang tatay pero wala naman daw itong trabaho dahil mahina ang katawan, kaya lumalabas na siya pa ang sumusuporta dito. Dahil naging interesado ako sa kanyang kuwento, tumigil muna kami sa isang kainan sa tabi ng kalsada upang maibili ko siya ng almusal. Pinagbalot ko na rin siya ng pagkain para sa tatay niya.

 

Sinubukan daw niyang mag-aral pero nahirapan siya dahil sa kanyang kalagayan palagi daw siyang tinutukso kaya nang magkaroon ng pagkakataong makapagtraysikad ay sinunggaban na niya. Sa simula ay wala pa daw tiwala sa kanya ang may-ari ng traysikad dahil maliban sa kaliitan ng katawan niya ay may sakit siyang palsy, kaya baka daw hindi niya makontrol ang direksiyon ng traysikel. Subalit, sa kapipilit ay pinagbigyan din siya, lalo pa at alam din ng may-ari ng traysikad ang kuwento ng buhay niya. Todo kayod daw siya dahil nag-iipon siya upang makabili ng mga bagay na gusto niya tulad ng cellphone, maliban pa sa mga gamot ng tatay niya, at pagkain nila sa araw-araw.

 

Nang mga sumunod na pagbalik ko ay hindi ko siya natataymingan, kaya nagtanong ako sa ibang nagtatraysikad din tungkol sa kanya at sinabi nilang bilib nga daw sila dito. Ang problema nga lang ay may mga kaibigan daw itong nang-uuto sa kanya kaya nababawasan ang ipon niya o kung minsan ay nawawalan pa siya ng pera.

 

Pero isang beses ay inabot ko si Red na bumibili din ng malunggay pan de sal na binibili ko para sa kaibigan kong pinapasyalan sa lugar na yon. Nasa likuran niya ako kaya hindi niya ako napansin, pero pansing-pansin ko naman ang walang tigil na pag-iling ng ulo niya. Pagkatapos niyang magbayad ay saka niya ako napansin kaya nakita ko na naman ang kanyang ngiti na may kasamang kagat ng labi. Kahit alam niyang bibili ako ng pan de sal ay inalok pa rin niya ako ng kanyang nabili. Mabuti na lang at nagkita kami kaya nagkaroon ako ng pagkakataong iabot sa kanya ang ipinangako ko noon pa na palagi kong dala kung pupunta ako sa Baltao.

 

Nang makilala ko si Red, naalala ko ang anak ng kaibigan ko. Matanda lang siguro ito ng ilang taon kay Red, pero siya ay malusog, at sa kabila nito ay nagbabayad pa ng oras sa gym upang magbuhat ng barbell kaya lumaki ang katawan. Araw-araw, ang oras ng gising ng mapalad na taong ito ay alas nuwebe o alas diyes ng umaga dahil napupuyat sa kai-intenet. Samantala, si Red na payatot ay gumigising ng alas singko upang mag-abang ng pasahero at upang may pambili ng almusal nilang mag-ama ay kailangang makapaghatid ng dalawang pashero man lang.