Pagmamahalang Walang Hanggan (para kay Linda at Gil Carolino)

Pagmamahalang Walang Hanggan

(para kay Linda at Gil Carolino)

Ni Apolinario Villalobos

 

Madali ang magpakita ng pagmamahal

Napakadali ring mag-alay ng mga regalo

At ang magpahiwatig ng tinitibok ng puso

Subali’t mahirap ang tumupad ng mga pangako.

 

May nangangakong pipitas ng mga bituin

Nang sa kandungan ng nililiyag ay maialay

May pangakong katumbas naman ay buhay

Mga pangakong halos kanilang iwinawagayway.

 

Subali’t iba ang namuong pagmamahalan

Sa pagitan nina Linda at Gil na napakatibay

Katatagan nito’y ‘di nangangailangan ng suhay

Dahil nakatakda sa kapalaran nila habang buhay.

 

Pag-ibig na walang hanggan ang natupad

May namayapa man, ang naiwa’y nangako

Na ano man ang mangyari, hindi siya susuko

Matindi man ang sakit, iindahin ng kanyang puso!

 

Ang walang hanggang pag-ibig at pagmamahal

At walang katumbas na makamundong yaman

Alay ni Gil sa nag-iisang Linda upang patunayan –

Ang nakaukit sa puso niya ay kanyang pangalan!