Kulog at kidlat

mariaadrizze

Simula ng makilala kita, natuto akong matakot

Matakot sa mga bagay na di ko naman nakikita noon.

Natakot sa paglubog ng araw at natakot na di na magpakita ang buwan.

Natutong matakot sa sariling kulog at kidlat.

Natutong matakot sa sarili kong pagtahan

View original post

Advertisements

Ang Mga Pagkakaiba ng Mga “Private” at Public School Teachers

Ang Mga Pagkakaiba ng Mga “Private” at “Public”  School Teachers

Ni Apolinario Villalobos

 

Iisa ang pagkakatulad ng trabaho ng mga guro, ma-private o ma-public man, at yan ay ang “layunin” ng kanilang ginagawa na magturo. Ang mga pagkakaiba ay nasa uri naman ng kanilang “employer”.

 

Ang employer ng public school teachers ay taong bayan dahil ang suweldo nila ay galing sa buwis. Ang employer naman ng private school teachers ay mga negosyante.

 

Maraming pinagdadaanang “butas” ang pera na kailangan ng mga public school teachers at marami ring sagabal na hindi kontrolado. Ang mga sagabal na ito ay nadadanasan ng mga public school teachers na nakatalaga sa malalayong barangay na ang iba ay nasa paanan o sa gilid ng bundok, at bago marating ay kailangang tumawid pa sa mga ilog. Samantala, ang mga private schools ay karaniwang matatagpuan sa mga barangay ng bayan at lunsod.

 

Kung may mga bagay na kailangan ang mga public school teachers, pupunta sila sa principal na sasangguni naman sa district office, na makikipag-coordinate naman sa mas nakakataas na opisina. KUNG NASAGAD NA PALA ANG BUDGET, NO CHOICE ANG PUBLIC SCHOOL TEACHER KUNDI DUMUKOT SA SARILING BULSA! Samantala, kung may kailangan ang private school teacher para sa pagtuturo, lalapit lang siya sa kanyang employer na negosyante na obligado namang gumastos…dahil negosyo niya ang eskwelahan. Yong isang dating schoolmate ko na may isang eskwelahan na ngayon, siya mismo ang namimili ng mga gamit sa eskwela dahil ayaw daw niyang masira ang quality ng pagtuturo ng kanyang mga teachers.

 

Pagdating sa suweldo, nakakaungos na ang mga public school teachers kahit kaunti dahil nagkaroon sila ng adjustment, pero kulang pa rin kung tutuusin, batay sa kanilang ginagawa. Samantala,  masuwerte ang mga teachers ng mga high-end o “class” na mga private schools na naniningil ng lampas-ulong tuition fees dahil malaki ang suweldo nila.

 

Dahil sa mga nabanggit, dapat ay tumahimik na lang ang mga pumupuna ng negatibo sa ginagawang diskarte ng mga public school teachers upang kahit walang nakukuhang suportang financial mula sa nakatataas sa kanila ay tuloy pa rin sila sa kanilang ginagawa, kaya kalimitan ay gumagastos sila ng sariling pera.  Hindi rin madaling lumapit sa PTA dahil marami nang pinagbawal lalo na pagdating sa contribution. Malabo rin ang pagboluntaryo ng mga magulang na todo-todo ang kayod kaya kulang pa nga kung tutuusin ang buong araw upang kumita para sa kanilang pangangailangan

 

ANG HIRAP KASI SA ILANG PILIPINO NA EWAN KUNG TANGA O NAGTATANGAHAN LANG, MALIMIT NA GINAGAWA AGAD KAPAG MAY PROBLEMA SA ESKWELA AY MAGTANONG NG, “BAKIT HINDI HUMINGI NG BUDGET?”, O DI KAYA AY, “BAKIT HINDI I-INVOLVE ANG PTA?”. THE BEST AY TUMAHIMIK NA LANG SILA!

Mga Napansin Kong Ugali ng Ilang Kababayang Nakatira sa Ibang Bansa

Mga Napansin Kong Ugali ng Ilang Kababayang Nakatira sa Ibang Bansa

Ni Apolinario Villalobos

 

Unang-una, bilib ako sa perception ng mga Pilipinong gumawa agad ng desisyon na lisanin ang Pilipinas at manirahan sa ibang bansa dahil napansin nilang hindi maganda ang pamamalakad sa gobyerno. Totoo naman, dahil sa pag-usad ng panahon ay lalong dumadami ang problema lalo na sa korapsyon. Sa kabila ng kanilang kinalalagyan ngayon, ang ilan sa kanila ay nakakapagpadala pa ng mga impormasyon tungkol sa ginagawa ng mga kababayang NASA AMERIKA AT IBANG BANSA na pilit na nagdidiskaril sa gobyerno ng Pilipinas.

 

Ang hindi maganda ay ang ginagawa ng ilan na naghahambing ng kinalalagyan nila ngayon sa kalagayan ng mga nasa Pilipinas. Mababasa ang takbo ng kanilang isip sa mga comments nila tulad ng, “ano ba kayo diyan….!”, “mabuti pa kami dito….”, “ano ba yang presidente NINYO….”etc.  Ang mga sinasabi nila ay parang asin na ibinudbod sa sugat na nagpapahirap na sa mga Pilipino dito sa Pilipinas.

 

Kung magbalikbayan naman ang ilan, unang napapansin agad ay ang trapik na para bang ikinabigla nila, ganoong maski saang lupalop ng mundo ay nakabalandra sa screen ng TV ang mala-impiyernong kalagayan ng trapik sa Manila, Cebu, Davao at unti-unti na ring nangyayari sa iba pang panig ng bansa. Para bang gusto nilang ipaalam na sila ay balikbayan, bagong dating, galing abroad, etc….sosyal nga naman! Kapag nilapitan ng namamalimos, kunwari ay mabibigla at magsasabi ng , “ano ba yan….bakit ayaw asikasuhin ng DSW?!”….NAKU NAMAN, PARA BANG HINDI NILA ALAM ANG KORAPSYON SA PILIPINAS!

 

Noong sila ay hindi pa nakarating sa ibang bansa kaya lumalanghap DIN ng maruming hangin ng Maynila at iba pang mauunlad kuno na mga lunsod ng Pilipinas, alam na ng mga stateside Pinoy na ito kung anong uri ng bansa meron tayo. Ang nadagdag lang sa landscape ay mga nagtatayugang commercial at condo buildings at pagdami ng mga Intsik na namumuhunan saan mang panig ng bansa…at, pagdagsa ng mga kababayang Badjao sa ilang lunsod. Dahil diyan, huwag na lang sana sila magtaka pa dahil nababalitaan naman sila ng mga kaanak na nasa Pilipinas.

 

Sa isang banda, bilib ako sa mga Pinoy sa abroad na ang layunin ay kumita lang upang makatulong sa mga mahal sa buhay na naiwan sa Pilipinas. Ang payo ko naman na unsolicited o hindi hiningi, yong mga nakalutang sa ere (air) ng bansang tinitirhan nila, huwag nang magdagdag ng pasakit sa mga naiwan sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga binibitiwang unsolicited o hindi hininging arrogant comments, sa halip ay mag-imbita na lang sila ng mga kababayan to join them…join the fun in their new heavenly “home”!

TONDO

TONDO

Ni Apolinario Villalobos

 

Tambakan daw ng mga patapon

Pugad ng mga kapuspalad

Hangganan ng pangarap –

Ng mga taong

Madilim ang hinaharap.

 

Marami na ang sumumpa

Na sa Tondo’y hindi babalik

Nguni’t iba ang tawag

At hila ng ugat

Pilit nagpapaliwanag.

 

Tondo, oh, bakit ba?

Naturingan ka

Na pugad ng dalamhati

Pinagkaitan ng saya

Ng ngiti at ng ganda.

 

Ang lahat ay may pagbabago

Kung may araw, mayroon ding gabi.

Kung may lamig, mayroon ding init

Tulad ng Tondo

Gumaganda, dati’y pangit.

 

Ngayon, iba na siya

Unti-unting nagbabago

Nasisinagan ng pag-asa

Na ang dulot

Ay bagong buhay

At may ligaya!

Ang Ayaw Tumulong Huwag na lang Manlibak ng mga Kapus-palad

Ang Ayaw Tumulong

Huwag Na Lang Manlibak ng mga Kapus-palad

Ni Apolinario Villalobos

 

Napilitan akong sumulat uli tungkol sa subject na ito dahil sa narinig kong pag-uusap ng dalawang babae sa dyip. Galing ako noon sa mga nasunugan kong kaibigan sa Tondong nakatira pansamantala sa isang basketball court ng barangay na hindi kalayuan sa pinangyarihan ng sunog. Habang tumatakbo ang dyip galing sa port area papuntang Divisoria, sinabi ng isang babae sa katabi niya na, “mabuti ngang nasunog ang mga bahay sa Parola dahil pinamumugaran lang ng mga drug addict, mga puta at mga bata madudungis”.

 

Gusto ko mang sumabad, hindi ko na ginawa dahil mukhang mataray ang babaeng nagsalita at siguradong magtatalo lang kami. Mahirap na dahil baka makarating kami sa barangay, mabisto pa kung sino talaga ako dahil kukunin ang pangalan ko. Hindi kasi ako nagpapakilala sa mga taong tinutulungan ko sa Tondo.

 

Ang pinakamasamang ugali ng tao ay ang paglibak sa kapwa nilang kapus-palad o naghihikahos, na ayaw naman nilang tulungan. Palibhasa daw ay hindi mapapagkatiwalaan, madudungis kaya nakakasira ng tanawin, mga magnanakaw, mga puta, mga adik, mga tamad, mga putik ng lipunan.

 

Ang dapat gawin ng mga ayaw tumulong sa mga nangangailangan ay tumahimik na lang at magpakasaya sa yaman nila na pinaghirapan nilang kitain. Pero tulad ng sabi ko, dapat ay huwag manlibak ng mga taong kapos na inaakala nilang nakikibahagi sa kanilang yaman.

Walang may gustong maging mahirap. May sinusuwerte kahit hindi masyadong nagsikap at mayroon ding hindi sinuwerte kahit ang ginamit sa pagsisikap ay mismong karangalan at buhay, kaya nagpuputa at nagnanakaw. Ang mga nagpuputa ay nagkakasakit ng AIDS at ang magnanakaw ay napapatay.

 

Ang nawalan ng ganang magsikap ay siguradong may dahilan kaya huwag silang husgahan agad, tulad ng isang nakausap ko na ilang beses nang nagtrabaho subalit palagi ring biktima ng pagmamaltrato. May mga biktima ring ginawang “tuntungan” ng mga taong gusto lang yumaman…ibig sabihin, ginamit lang sila.

 

May mga taong sinuwerte sa buhay pero sa halip na lumingon sa kanilang pinanggalingan ay nanlibak pa ng mga kaanak at kaibigan na hindi sinuwerte kaya naghihirap. Kung mapansin naman nilang nagsisikap ay sasabihin pang “trying hard” at pati ang mga simpleng pagsasaya na nakikita sa mga larawang naipo-post sa facebook ay nililibak din sa pagtanong ng, “ganyan ba ang naghihirap?…naka make-up pa at magagandang damit ang suot?” Para sa akin, hindi dahilan ang kahirapan upang magpabaya sa pag-ayos ng sarili dahil marami ngayong magagandang damit sa ukayan at mura lang.

 

Dapat alalahanin ng mga may kaya sa buhay na nanlilibak, na ang yaman ay hindi nila madadala kung sila ay patay na. Ang mayayamang nanlilibak ay kumakain ng masasarap, hindi tulad ng mahihirap lalo na ang mga sobrang kapos na ang mga kinakain ay galing sa basurahan. Subalit, magkaiba man ang kanilang pagkain, pagdating sa bituka ng kanilang kinain ay parehong nagiging dumi o tae na mabaho! At, tulad ng mga kinakapos sa buhay, kung mamatay ang mayayamang nanlilibak, kakainin din ng uod ang nabubulok nilang bangkay…. pwera na lang kung na-cremate sila!

 

 

Ang Kasuwapangan ay Kakambal ng Inggit

Ang Kasuwapangan ay Kakambal ng Inggit

Ni Apolinario Villalobos

 

May mga taong ayaw na ngang tumulong sa kapwa ay gusto pang angkinin ang dapat ay itutulong ng kaibigan o kaanak sa iba sa pagtanong na may kasamang panunumbat ng, “paano naman ako?”….kahit obvious na hindi naman talaga niya kailangan ang tulong o di kaya ay nakakaraos naman siya kahit papaano kung ikukumpara sa talagang nangangailangan ng tulong. Napakahabang statement yan, na ang tinutuko ay iisang salita lang…ang “kasuwapangan”. Sa simple pa ring paliwanag, ang paghahangad ng mga bagay na nakalaan para sa iba ay palatandaan ng kasuwapangan.

 

Suwapang ang taong naghahangad ng bahagi sa bawa’t bagay o di kaya ay may kagustuhang magkaroon ng bawa’t bagay na nakikita niya sa iba. Ang ganyang ugali ang tumutugon sa kasabihan sa Ingles na, “living up with the Joneses”, na ibig sabihin ay pakikipagsabayan sa kapwa, sa lahat ng paraan kahit hindi kaya.

 

Ang mataas na antas na kasuwapangan ay korapsyon dahil hindil lang isa o dalawang tao ang pinahihirapan ng isang korap kundi buong sambayanan. Sa antas na ito, ang kasuwapangan na naging korapsyon ay naging kambal na ng pagka-ganid!

 

Dapat ay matuwa tayo kapag nakikita nating nakakaraos ang ating kapwa dahil kabawasan sila sa mga dapat tulungan….hindi sila dapat kainggitan. Sa isang banda naman,  ang mga ganid ay bantad o “numb” na sa mga nakikitang kahirapan ng mga tao dahil sa pagnanakaw nila ng pera sa kaban ng bayan na dapat ay nakalaan sa mga proyektong makabawas man lang sa paghihirap ng mga kapuspalad na Pilipino.