Ngayon, Hindi na Yuyuko ang Pilipino

NGAYON, HINDI HINDI NA YUYUKO ANG PILIPINO

Ni Apolinario Villalobos

 

 

Ang kasaysayan ng Pilipinas ay hitik sa mga kuwentong may kinalaman sa pananakop ng ibang lahi. Nagawa ito dahil ang bansa ay watak-watak…mga islang hindi buo. Nagtagumpay ang mga nagsulputang misyonaryo – Arabo at Kristiyano, kaya nahubog sa panibagong paniniwalang ispiritwal ang kaisipan ng mga ninuno nating pagano.

 

Sa simula pa lamang ay bukod-tanging pananampalatayang Islam ang niyakap ng mga taga-Mindanao na ang katawagan ay Moro. Hindi nagtagumpay ang mga prayleng Kastila na magupo ang mga Moro, na kabaligtaran naman sa Visayas at Luzon kung saan sila ay nagtagumpay. Ang tagumpay na ito ng mga Kastilang misyonaryo ang naging batayan upang palabasing nasakop ng Espanya ang Pilipinas, dahil malaking bahagi ng Mindanao ay hindi naman.

 

Noong panahon ng pananakop ng mga Kastila, ang mga katutubo ay tinawag na “Indio”, at ang mga tinuturing lamang na mga “Pilipino” ay mga Kastilang hinakot sa Maynila at pinatira sa Intramuros. Indio din ang tawag sa mga Mehikano na hinakot sa Pilipinas upang magtrabaho bilang mga utusan at sundalo. Ang mga taga-India namang hinakot din sa Maynila upang pandagdag sa dami ng mga sundalo ay tinawag na “Sepoy”. Ang nakatira sa labas ng Intramuros ay mga Tsino, mga Hapon, at mga katutubo. Sa panahong yon, yumuko ang mga tunay na Pilipino sa Kastila.

 

Kalaunan, ang mga mahihirap nga mga Pilipino at ilang mga mestiso Kastila ay nagkaisa upang labanan ang mga Kastila. Subalit magkaiba ang kanilang layunin. Ang gusto ng mga mayayamang mestiso ay magkaroon lang ng pagbabao upang matanggal ang mapang-abusong pamamalakad ng mga opisyal na itinalaga ng hari sa Maynila. Samantalang, ang mga mahihirap na pinangunahan ni Andres Bonifacio, ang gusto ay kabuuang kalayaan. Hindi sila nagtagumpay.

Nang pumalit ang mga Amerikano ay pinaglaban pa rin ng ilang Pilipino ang layuning makaangkin ng lubusang kalayaan sa pangunguna naman ni Aguinaldo…na hindi pa rin nagtagumpay.

 

Nang tuluyan namang bitiwan ng Amerika ang Pilipinas, kahit mga Pilipino na ang namahala, hindi pa rin nakawala ang Pilipino sa anino ng mga Amerikano. Naging tanyag ang tawag sa Pilipino na “Little brown brother”, at sa mga Amerikano naman ay, “Big Brother”. Mula sa panahon ni Manuel L. Quezon hanggang sa panahon ni Benigno Aquino III, ang imahe ng Pilipinong yumuyuko sa mga Amerikano ay hindi nawala.

 

Ngayon, sa pagsulpot ni Rodrigo Duterte bilang presidente ng Pilipinas, nagkaroon ng pagbabago dahil walang tapang niyang binabanggit na isa sa mga paiiralin niya ay ang pagtayo ng mga Pilipino sa sariling mga paa…. magkaroon ng sariling paninindigan at desisyon. Malaki ang epekto ng sinambit ni Duterte na “who is he” na ang tinutukoy ay si Obama. Sa headline ng isang diyaryo ay nakabandera ang sinabi din niyang, “I am no fan of the US”. Dahil siya ang presidente ng Pilipinas, animo ay kinakatawan na rin niya ang saloobin ng mga Pilipino.

 

Ngayon, taas-noo na nating masabing tuluyan na tayong nakawala sa tanikalang nag-uugnay sa atin sa mga Amerikano. Ito ay pagpapakitang kaya pala nating hindi yumuko sa Amerika!

 

Subali’t sa kabila ng bagong paninindigang nabanggit, hindi nangangahulugang galit ang mga Pilipino sa mga Amerikano, at kahit samahan ng dalawang bansa ay hindi basta mabubuwag dahil sa mga pinirmahang tratado o treaty o kasunduan. Pinagdiinan lang natin ang sariling prinsipyong nakaangkla sa lubos na kalayaan…kaya hindi na basta na lang masisita o mapagsasabihan ang presidente ng Pilipinas ng presidente ng Amerika pagdating sa paggawa ng desisyon.