Nang Sumaya at Mapaluha si “Mamang” dahil sa Electric Organ na Second Hand

NANG SUMAYA AT MAPALUHA SI “MAMANG”

DAHIL SA ELECTRIC ORGAN NA SECOND HAND

Ni Apolinario Villalobos

 

Nai-blog ko na noon si “Mamang” na ang tunay na pangalan ay Erlando Almaez Ayuste. Tulad ng sinabi ko noon sa blog, nag-iisa sa buhay si Mamang at ang pinagkikitaan ay ang paggawa ng mga alahas na beads at pagtinda ng kape sa bangketa ng F. Torres St., sa Sta. Cruz district ng Manila. Nakakalibre siya ng tirahan dahil siya ang pinangasiwa ng may-ari ng tinitirhan niyang lumang commercial/residential building. Kasama sa responsibilidad niya ay ang paglinis dito. Sa labas lang ng pinto ng building nagpupuwesto si Mamang gamit ang isang lumang maliit na mesang pinapatungan niya ng mga tasa para sa tinitindang kape at mga materyales sa paggawa ng bead jewelries. Ang dinidispleyhan ng ilan lamang sa mga nagawa niyang alahas ay ang poste kung saan nakasabit ang mga ito, pero kung may gustong tumingin ng iba pa ay saka niya nilalabas upang mapagpilian. Mura ang benta niya ng mga alahas at madalas ding wala siyang benta kaya ang inaasahan niya ay ang kape.

 

Natutong tumepa ng teklado ng piyano si Mamang sa pamamagitan ng pagmasid sa piyanista ng simbahan ng Sta. Cruz church. May organ siya noon subalit nasira ng baha, kaya mula noon ay hanggang pangarap na lang ang kanyang ginagawa tuwing makita niya ang mga musical scores na naipon niya. Tuwing mag-usap kami ay palagi niyang nababanggit ang masasayang araw niya noong may organ pa siya.

 

Noong November 11, nang pasyalan ko siya ay masaya niyang ibinalitang magbi-bertdey siya at aabot na siya sa gulang na 80 taon, subalit naging matamlay uli nang banggitin niya ang organ. At, dahil sa desperasyon ay nasabi niya na gusto niyang sumulat kay presidente Duterte upang humingi ng tulong sa pagkaroon ng organ. Muntik na akong mabilaukan ng kape sa sinabi niya, pero dahil nakita kong seryoso talaga siya ay nangako akong ako na ang gagawa ng sulat niya at sisiguraduhin kong makabagbag-damdamin. Talagang bilib siya sa pagka-mahirap ni presidente Duterte kaya may pagka-inosente na pati ang pangarap niyang organ ay gusto niyang ilapit dito. Hanggang sa umuwi ako ay hindi nawala sa isip ko ang sinabi ni Mamang dahil awang-awa ako sa kanya, lalo pa at simple lang ang pinapangarap upang sumaya siya kahit nag-iisa sa buhay at hindi na rin siya tatagal sa mundo.

 

Nang banggitin ko isang umaga, sa isang kaibigan ang tungkol kay Mamang sabay tanong kung may kakilala siyang nagbebenta ng pinagsawaang organ ay nabanggit niya ang ginagamit niyang may kaunting diperensiya – biyak sa isang kanto at isang teklado sa bandang “itaas” o isa sa higher notes na  hindi tumutunog. Sa sobrang tuwa ko ay sinabi kong pwede na, kahit hindi pa niya sinasabi kung ibebenta niya ito at kung magkano. Lalo akong natuwa nang pumayag siya kahit wala pa kaming napag-usapang presyo. Isinama ako ng kaibigan ko sa loob ng bahay at tinesting ang organ na buo nga.

 

Nang hapong yon ay binalikan ko si Mamang at pinangakuang  ihahatid ko ang organ kinabukasan, Sabado ng madaling araw, bandang alas singko. Naisip ko yon upang makaiwas sa trapik mula sa Cavite, at ang pinakamahirap ay ang paghagilap ng malaking taksi na dapat ay ang modelong “Avanza” dahil hindi ko na tinanggal ang pagkakabit ng mga bahagi o ini-dismantle.

 

Kinabukasan, alas dos pa lang ng madaling araw ay gumising na ako upang maghanda, pero tiyempo namang umulan subalit naging ambon na lamang bandang alas kuwatro, kaya nakapag-abang ako ng taksi sa highway at dahil madalang, ay inabot ako ng lampas alas kuwatro bago nakakuha. Sa madaling salita ay nakarating ako kay Mamang pasado alas singko na. Kahit umaambon ay napansin kong nagpapakulo siya ng tubig sa lutuan niyang ginagamitan ng gaas (kerosene) sa bangketa para sa ibebentang kape. Alas kuwatro pa lang pala ng madaling araw ay inabangan na niya ako, kaya mabuti na lang at natuloy ang paghatid ko ng organ.

 

Maluha-luha pero tuwang-tuwa si Mamang habang hinihimas ang organ. Ayaw ko sanang gawin dahil sa pangakong hindi ko kukunan ng retrato ang mga nababahaginan ng biyaya, subalit naalala kong nabigyan ko pala siya ng printed copy ng unang blog ko sa kanya at nandoon ang tunay kong pangalan, kaya itinuloy ko na lang ang pagkodak sa kanyang nakatayo sa likod ng organ dahil nang madaling araw na yon ay naka-shorts lang siya. Masaya kaming nagkuwentuhan tungkol sa mga unang tutugtugin niyang piyesa. Next na project ko sa kanya ay ang paghagilap ng mga piyesa upang maipandagdag sa collection niya.

 

Ang nakakatuwa kay Mamang ay hindi niya alintana ang pagiging otsenta anyos na niya dahil hanggang ngayon ay nagsisilbi pa rin siya sa simbahan bilang miyembro ng Sta. Cruz Church Choir.

 

(Huwag sanang isipin ng mga nakakabasa nito na mayaman ako dahil nagagawan naman ng paraan kung paanong ang biyayang tulad ng pinangarap ni Mamang ay matatamo….maraming paraan.)

1-mamang