Mga Pangyayaring Muntik nang Maging Kamalasan at Kamatayan Ko

MGA PANGYAYARING MUNTIK NANG

MAGING KAMALASAN AT KAMATAYAN KO

Ni Apolinario Villalobs

 

  1. Noong hindi pa ako nag-aaral sa elementary, habang natutulog ako sa ilalim ng mesang kainan ay natumbahan ako ng bangko at swak pa sa gitna ng noo ko kaya ngayon ay may maliit na parang hiwa o “canal” dito. Naalimpungatan lang ako at maski bukol ay wala kahit yari sa solid na tabla ang bangko na mahaba. Hindi rin ako nakaramdam ng pagkahilo o sakit.

 

  1. Dahil sa pagiging malikot ay ilang beses akong nahulog mula sa mataas na puno at nawalan ng hininga at malay pero ilang sandali lang ay nagigising din. Mahilig din kasi akong maglambitin sa sanga na ang naka-angkla lang ay nakatiklop kong mga tuhod.

 

  1. Noong nasa elementaray na ako (grade 2) ay mahilig din akong maligo sa irrigation canal na para na ring ilog dahil malaki ito at malakas ang agos at isang beses ay muntik na akong malunod dahil hindi pa ako marunong lumangoy noon. Parang may nagtulak sa akin papunta sa mga kumpol ng talahib na nahawakan ko kaya hindi ako natangay ng malakas na agos.

 

  1. Noong nasa Grade Six ako at pinupuntahan ko ang nanay namin sa isang baryo kung saan siya nagbukas ng maliit na tindahan pagkamatay ng tatay namin, ay nakikisakay ako sa mga “pick-up” na sasakyan. Isang beses, nang gusto ko nang bumaba ay hindi narinig ng driver ang sigaw ko kaya tumalon na lang ako…todong lagapak ang inabot ko una ang tagiliran kaya nawalan na naman ako ng hininga at hindi ko matandaan kung paano akong nasaulian nito.

 

  1. Noong second year high school ako ay sa Davao ako nag-aral. Nakitira ako sa pamilya ng kapatid ko sa Ipil, Lanang, na nasa tabing dagat. Kahit “floating” lang ang alam ko at langoy-aso ay naglakas-loob akong sumama sa mga nangingisda tuwing madaling-araw. Nataranta ako nang minsang pumailalim ako sa isang malapad na balsang yari sa kawayan at hindi ko alam kung paanong lumangoy palabas hanggang mawalan ako ng malay. Hindi ko alam kung paano akong napadpad sa tabi ilang metro ang layo mula sa balsa.

 

  1. Noong mag-apply ako sa PAL sa branch nito sa General Santos, nakapasa nga ako pero iniwala naman nila ang mga papeles ko kaya nang magkaroon ng senior panel interview sa Davao ay wala akong naipakita dahil akala ko ay ipo-forward nila ang na-submit ko kaya hindi ako nagdala ng duplicate. Ganoon pa man ay nakalista ang pangalan ko sa talaan ng mga iinterbyuhin kaya tinawagan pa ang General Santos para ma-verify. Natuloy din ang senior panel interview kaya hindi nasayang ang pamasahe ko.

 

 

  1. Nang mag-apply ako sa Tours and Promotions Office ng PAL upang makalipat mula sa Tablas ay na-misplace din ng Administrative Officer ng Regional Office, na si Mr. Salvador Caburian ang mga papeles ko. Malaking pasasalamat ko sa manager ng Tours and Promotions na si Mr. Victor Bernardino nang interbyuhin pa rin niya ako at pinagawa na lang uli ng bagong resume kahit pasado alas singko na.

 

  1. Noong tumira ako sa isang boarding house sa Baclaran, sa sobrang galit ko sa isang mayabang na co-boarder na mahilig umuwi ng madaling araw kaya naiistorbo kami ng pangangalampag niya sa gate, ay muntik ko na itong saksakin, pero di ko alam na may dala rin pala siyang patalim. Mabuti na lang at natalisod siya sa kadena ng asong bumalagbag sa daraanan niya nang susugurin na niya ako. Muntik na niyang masaksak ang sarili niya. Sa sala siya pinatulog ng landlady namin ng gabing yon at kinabukasan ay pinaalis agad siya.

 

  1. Nang umakyat kami (kasama ko ang PAL Mountaineering Club) sa Mt. Hibok-Hibok sa Camiguin Island kahit Biyernes Santo ay gumulong ako pababa nang ilang metro habang nagkanda-untog ang ulo ko sa mga bato. Nakigaya kasi ako sa ibang kasama kong nagpadausdos sa makapal na magkahalong buhangin at abo mula sa tuktok ng bulkan.

 

  1. Noong pasyalan ko ang isang kaibigan sa Baseco Compound, Tondo, inabot ako ng gabi dahil nag-inuman kami sa barung-barong niya. Sarado ang bintana na nasa likuran ko. May narinig akong parang humaging at nakaramdam din ng parang hangin sa bandang kaliwa ng tenga ko. Nang sundan ko ang direksyon ng naramdaman ko ay nakarinig ako ng tunog ng parang bagay na itinusok. Nilapitan ng kaibigan ko ang nakatusok sa dingding na nasa harap ko….palaso (arrow) pala ng ”Indian pana” na lumusot sa bintanang sarado….isang kaso ng “stray arrow”.

 

  1. Nang tumira ako sa Cavite at nagda-drive pa ng kotse (Beetle) ay may inihatid akong inaanak sa inuuwian niyang subdivision. Nang pauwi na ako ay nataranta ako nang makita ko ang isang trak na sumasalubong sa akin kaya wala sa isip kong tinapakan ang selenyador ng gasolina sa halip na preno, at biglang kinabig ang manibela sa kanan kaya tumama ang kotse sa mataas na rampa habang mabilis ang takbo. Nagdilim ang paningin ko, at nahimasmasan ako nang marinig ko ang katok sa salamin ng bintana, ng isang nagmalasakit na nakasaksi. Nakaharap na ang kotse sa malawak na palayang may tubig pero ang binagsakan ng kotse ay nakapagtatakang makapal na bunton (pile) ng uhay ng palay kaya hindi nalubog sa tubig. Tanggal and diver’s watch ko at mga sapatos, pero ang hindi ko maintindihan ay wala akong kahit maliit na gasgas, yon nga lang ay mahigpit pa rin ang pagkahawak ko sa manibela. Ayon sa mga nakakita ay ilang beses daw umikot ang kotse sa ere pero himalang bumagsak nang maayos, at akala nila ay patay na ako.

 

  1. Noong nag-drive pa rin ako ng kotseng tinukoy ko sa #11 mula sa opisina namin sa S&L Building (PAL), hindi ko namalayang naputol pala ang tubo ng brake fluid habang binabayabay ko ang Roxas Boulevard hanggang sa tapat ng Aristocrat Restaurant. Nang pumula ang ilaw ng stop light, saka pa lang ako nilapitan ng humahabol na lalaki upang sabihang may tumutulo mula sa kotse. Pagbaba ko ay nakita ko ang napakahabang “linya” na basa….break fluid pala. Kung hindi nag-red light sa tapat ng Aristocrat Restaurant ay siguradong nadisgrasya ako dahil sa kawalan ng preno.

 

  1. Noong namamasyal ako sa bagong bukas pa lang na resettlement area sa Dasmariἧas, Cavite ay may nakilala akong “runner” ng mga nagbebenta ng marijuana, pero gusto nang magbago kaya panay ang payo ko sa kanya lalo pa at may isa siyang maliit na anak. Tuwing nasa “Area 1” ako ay palagi siyang nasa tabi ko at inihahatid din niya ako sa sakayan ng mga jeep. Pumupunta ako doon dahil sa mga project na pantulong sa mga naging kaibigan ko galing sa Tondo. Noong bumalik ako nang ilang beses ay hindi ko na siya nakita, subalit biglang lumutang sa bahay na pinuntahan ko dahil pista….nagtago pala dahil hinahanting daw ng mga pulis. Nang ihahatid na niya ako sa sakayan ay hinarang kami ng tatlong lalaking mga pulis pala at kinilala ang kaibigan ko sa pamamagitan ng retratong dala nila, pero todo pa rin ang tanggi niya. Mabuti na lang at namukhaan ako ng isa sa mga pulis kaya’t hindi ako isinama. Ang pulis na nakakilala sa akin ay pinsan pala ng kumpare kong madalas kong tulungan. Nang makaalis na sila sakay ng kotse ay bumalik ako sa pinanggalingan kong bahay, subalit hindi pa ako nakakarating ay nakarinig na ako ng mga putok. Ayon sa mga taong nagpasalamat dahil hindi ako isinama ay “salvage” daw ang nangyari….at muntik na akong madamay.

 

Hindi ko lang alam ngayon kung may susunod pang kahalintulad na pangyayari….kung buhay pa ako, iba-blog ko.