Mga Kuwento ng Tagumpay at ang Inutil na Educational System ng Pilipinas

Mga Kuwento ng Tagumpay at ang Inutil na

Educational System ng Pilipinas

Ni Apolinario Villalobos

 

Dahil sa pagputok ng balita tungkol sa disgrasyang inabot ng mga estudyanteng patungo sana sa Tanay (Rizal), kanya-kanya na namang hugas-kamay ang mga ahensiyang may kinalaman sa edukasyon. Sa tindi ng pagkawalang puso ng may-ari ng eskwelahan, nagsalita pa ang isa sa kanilang opisyal na ipagpapatuloy pa rin daw ang sinasabi nilang leadership training. Mabuti na lang at may kumilos upang ito ay mapigilan dahil sa tindi ng ngitngit ng mga magulang ng mga namatay, nasugatan, at mga nakaligtas.

 

Wala na talagang pinagbago ang CHED at DepEd dahil hanggang ngayon ay wala pa rin silang ginagawa upang matigil na ang walang silbing mga field trip at kung anu-ano pang kataranduhan ng mga private schools na hatala namang ginagamit lang para sa junket. Pwede namang gumamit ng documentary films na kuha sa aktwal na pasilidad na gusto nilang pasyalan, bakit hindi nila gawin? Ang sinasabi ng iba ay nakakalibre daw ang ilang titser at opisyal ng eskwelahan sa pagsama sa mga estudyanteng gumagastos ng kung ilang libong piso para lang “makapasa”. At ang matindi, ay ginagamit pa ito ng ibang eskwelahan upang pagkitaan! Kung pinatigil man ang mga walang silbing “field trips”, ito ay PANSAMANTALA na naman!

 

Walang silbi ang diploma sa panahong ito dahil karamihan ng meron nito ay wagas na nagsasabing pampayabalang lang daw naman nila, at sa pag-apply ng trabaho, bahala na daw kung may makita o wala . May alam akong walang interes sa pag-apply kaya apat na taon mula nang makatapos ay istambay pa rin. Kung babae naman, nagkandalosyang na sa kapapanganak ay ni hindi man lang nakapasok maski probationary job. Ang kailangan sa panahong ito ay tiyaga at sipag na maaaring dagdagan ng diskarte. Yong iba ay namumuhunan lang ng laway o “sales talk”, pero kumikita….pero wala silang diploma. Hindi nangangahulugang ayaw ko nang mag-aral o makapagtapos ng kurso ang mga kabataan. Ang ibig kong sabihin dito ay baguhin ang pananaw tungkol sa edukasyon at ang sistema upang hindi mahirapan ang mga estudyante at mga magulang…hindi yong eskwelahan lang ang kumikita.

 

Merong mga eskwelahan na sumisingil ng “security fee”, pero wala naman silang security guard. Ang para naman sa mga magulang, kung hindi kaya ang gastos sa kolehiyo halimbawa, bakit hindi ipasok ang anak sa TESDA? Ang masaklap pa dito, dahil sa K-12 program, sa halip na 4 na taon lang ang high school at pagkatapos ay pwede nang mag-vocational school na mura, nagkaroon pa ng dagdag na gastos sa extended high school na tinawag na “senior high school” na bukod sa mahal na tuition ay halos wala ring napapag-aralan ang mga bata.

 

May isa akong kaibigan na nagkuwentong ang nanay nila ay hanggang Grade Four ang inabot subalit naging matagumpay bilang negosyante na ang inumpisahan ay isang maliit na sari-sari store. Lahat silang pitong magkakapatid ay nakapagtapos ng mga matataas at mamahaling kurso tulad ng “Engineering”. Noong nasa elementary pa daw siya, tinuturuan niya ang nanay nila kung paano isulat ang tamang spelling ng mga pangalan ng produktong tinitinda. At, ang nakakatuwa, madalas daw umutang sa kanila ang principal ng kanilang eskwelahan…at lahat ng mga titser niya! Ang sabing pabiro sa kanya ng nanay niya minsan, “….kita mo na, kung naging principal ako, hindi ko kayo napag-aral lahat…”.

 

Yong isa ko pang kilala, hindi rin nakatapos ng high school kaya nagtanim ng palay at mais at namili pa ng mga ito, pati bigas bilang negosyo. Ngayon, may gilingan siya ng palay at mais at dumami na rin ang mga taniman ng palay, at may international resort pa na sikat sa internet!

 

Yong nakausap kong babae sa isang karinderya sa Sta. Cruz (Manila), akala ko ay katulong, yon pala ay may-ari. Hanggang Grade Two ang inabot subalit may karinderya pa sa Blumentritt, Cubao, Pasay at Baclaran. Yong isa namang akala ko ay driver ng isang SUV na mamahalin, yon pala ay mismong may-ari at ang malaking junk shop sa di-kalayuan ay kanya….hindi rin siya nakatapos ng high school.

 

Masama mang sabihin, pero karamihan sa mga kabataan ngayon ay lulong o adik sa mga gadget at barkada kaya maski simpleng report na gagamitan ng English ay hindi magawa….at karamihan ay mayayabang pa.  Makapag-submit man ng project na ni-research daw ay kinopya pa pati tuldok (period) at kudlit (comma) sa internet. Kaya pagkatapos gastusan ng magulang, pagkakuha ng diploma at maisabit sa dingding, balik uli sa mga bisyo – barkada, basketball, lakwatsa, at gadgets. Ang mga masisisi diyan ay mismong mga magulang at ang inutil na educational system ng Pilipinas!

 

 

Advertisements