Mga Kawawang Filipino Senior Citizens

Mga Kawawang Filipino Senior Citizens

Ni Apolinario Villalobos

 

Nakakainis lang isipin na kung para sa mga kurakot, ay may pera, pero kung sa mga may papalipas nang panahon- ang mga senyor… dalawang libong piso na pandagdag sa pensiyon ay dinedbol pa ng papanaog na presidenteng si Pnoy Aquino. Ironically, may panukala ang SSS na itaas ang sahod ng mga executives nila, pero pumalag ito sa dalawang libong pisong dagdag sa pensiyon ng mga miyembro dahil wala raw pondo.  Hindi ba malaking insulto yan sa katalinuhan ng mga Pilipino na palagi na lang ginagawang tanga ng mga hangal at tiwaling namumuno sa ibang  ahensiya ng gobyerno?

 

Hindi lang yan….napakarami pang mga senyor ang mga “able”, may kakayahan, o malakas pa na magpakita ng gilas sa trabaho pero hindi binibigyan ng pagkakataon dahil yon nga….senyor na raw kasi kaya hindi na “dapat” magtrabaho. Paanong magkaganoon, kung ang retirement age ng mga pulis at sundalo ay wala pang 60, at maraming lampas nang 65 na taon pero maliksi pa sa ibang wala pang kwarenta na matamlay dahil ang alam lang na gawin ay manood ng TV kung pumasok na ang mga anak sa eskwela at ang asawa ay sa trabaho, o di kaya ay mag-casino, o mag-ball room dancing, o mag-good time lang sa gabi.

 

Ang mga tumatandang magulang ay nahihiyang “humingi” ng pera sa mga anak. Okey lang sana kung ang mga anak ay kapos din kaya wala talagang maibigay. Subalit para sa mga pilosopo at walang utang na loob na mga anak,  obligasyon daw ng mga magulang ang magpalaki sa mga anak, at least man lang, hanggang umabot sa legal age na 18. Ang kaso lang, may mga magulang na nasobrahan na yata sa obligasyong ito kaya hindi nila naisip ang sariling kapakanan pagdating ng katandaan nila kaya walang naipon man lang habang pilit na iginagapang ang mga anak na ang gustong kurso ay engineering, medicine, Law, etc. Nang maging propesyonal ang mga walang utang na loob na anak, ang mga “mapagmahal” na mga magulang ay naging pulubi naman kaya naiwang nakanganga!

 

Marami akong nakausap na mga matandang sa kalye nakatira na pinalayas daw sila ng mga anak dahil sa panginginig ng kamay nila ay nakakabasag sila ng gamit…pinalayas sila mula sa sarili nilang bahay ng mga suwail na anak na titulado at may kotse na hindi man lang natikmang sakyan ng matanda nilang magulang!

 

May mga nakausap din ako na ang mga maintenance na gamot na tableta ay hinahati para ang isang piraso ay magkasya sa dalawang araw. Mayroon ding walang pambili dahil ang pensiyon ay wala pang tatlong libo isang buwan. Ang iba pa ay nahihiyang magsabi sa anak na palitan o i-refund ang perang nadudukot upang maipambaon sa pagpasok ng apo sa eskwela, kaya walang natitirang pambili ng gamot na pang-maintenance. Ang nakakaiyak ay kuwento ng mga magulang na pinagtataguan ng pagkain ng mga anak, o di kaya ay hindi man lang maipakilala sa mga bisita nilang sosyal!

 

Mabuti na lang dahil kahit papaano ay mga establisemyento tulad ng SM Shoemart malls na nagbibigay sa mga senyor ng trabaho bilang “Mall Receptionists”, at lunsod tulad ng Las Piἧas na humihirang sa kanila upang maging street sweepers. Kaylan kaya susunod ang iba?