Manalig nang Walang Pag-alinlangan at Huwag Pairalin ang Kayabangan

Manalig nang Walang Pag-alinlangan

At Huwag Pairalin ang Kayabangan

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi madali ang basta na lang maniwala sa mga bagay na hindi nakikita. Lalong hindi madaling gawin ito  ng isang tao na ang palagay sa sarili ay “napakatalino” na dahil sa maraming kaalamang nakuha sa mga sa mga libro at mga ibinahagi sa kanya ng mga guro. Subali’t paano na kung may mga katanungang hindi kayang sagutin maski ng agham o siyensiya? Basta na lamang ba itong ipagkibit-balikat at isasantabi?

 

Hangga’t may bahid ng pag-alinlangan, halimbawa,  ang pananalig ng isang tao sa Pinakamakapangyarihan sa lahat, hindi mamamayani ang takot sa kanyang puso sa paggawa ng masama dahil sa kanyang kaisipan, walang nagbabantay sa kanya, walang manunumbat, at siya lamang ang tanging nakakaalam kung ano ang tama o mali. Mas gugustuhin pa niyang mamayani ang kanyang pananalig sa mga batas ng pamahalaan.

 

Hindi maikakaila ang tibay ng mga bagay na tinatakan ng mga simbolo at kasulatan na may kinalaman sa Manlilikha. Sa kabila ng kung ilang libong taon na ang lumipas, may mga bahagi pa ring natira upang patunayan na ang mga nakasaad sa Bibliya ay totoo. Dahil sa tuluy-tuloy na pananaliksik, tuloy din ang pagtambad sa mata ng tao ang mga katunayan na noong unang panahon pa man ay nandiyan na Siya at pilit nagpapahiwatig ng di-masukat Niyang kapangyarihan. Maraming mga nadiskubre ang hindi maipaliwanag hanggang ngayon na sa halip na pagtuunan ng pansin, ay mas pinili ng taong laktawan at pagtuunan ng pansin ang paghalughog sa napakalawak na kalangitan gamit ang sarili niyang kaalaman. Nag-aalinlangan ang taong umamin na may Isang napakamakapangyarihan sa lahat na siyang dahilan ng mga hindi maipaliwanag na mga bagay sa sanlibutan at sa kalawakan.

 

Gusto ng taong mas kilalanin ang kanyang kakayahan at kaalaman kaya kung anu-ano na lang ang kanyang ginagawa tulad ng pagbuhay ng isang patay sa pamamagitan ng pagpapatibok ng puso nito gamit ang isang makina, pagpupunla ng isang buhay gamit ang isang bahagi ng tao na matagal nang namayapa, pagbabago ng mga likas na katangian ng mga tanim at hayop, paggawa ng mga sasakyang nakakarating sa ibang planeta, at iba upang maihalintulad siya sa Diyos.

 

Subali’t sa kabila ng mga kaalaman ng tao para ipakita na siya man ay maaaring umaktong Diyos, bakit hindi pa rin niya mapigilan ang mga dilubyo na dulot ng  mga mapaminsalang baha, bagyo at lindol? Bakit hindi  niya mapigilan ang pag-alburuto ng mga bulkan sa pagpakawala ng kanilang kinukuyom na lakas na pinaghalong abo, mga bato at apoy? Bakit hindi niya  maawat ang pagtigang ng lupa sa ibang kontinente upang magresulta sa malawakang gutom dahil sa pagkalanta ng mga pananim? Bakit hindi niya mapigilan ang pagsibol ng mga bagong sakit na nagdudulot ng pinsala sa iba’t ibang dako ng mundo?

 

Saan hahantong ang kayabangan ng tao? Bakit hindi na lang niya pairalin ang pananalig na walang pag-alinlangan nang sa gayon, kahi’t papaano ay matanggap niya na ang mga nangyayari sa kanyang kapaligiran ay hindi saklaw ng kaalaman niyang may hangganan?

 

Dahil nananaig ang kayabangan kaysa pananalig, ang tao ay hindi magkakaroon ng takot sa puso , kaya siya ay makakagawa ng masama sa kapwa. At lalong hangga’t  nasa kaisipan niya ang magdiyus-diyosan, ang mundo ay hindi magkakaroon ng katahimikan …dahil hindi lang iisang tao ang may ganitong paniniwala…marami – silang  gustong umangat sa pamamagitan ng pagtapak sa karapatan ng iba…silang mga lango sa kapangyarihang dulot ng pera, kaalaman, at katungkulan!