Elena Constantino: Vendor sa Luneta

Elena Constantino: Vendor sa Luneta

Ni Apolinario Villalobos

 

Nasumpungan ko ang puwesto ni Aling Elena (Constantino) isang umagang naglibot ako sa Luneta upang makita ang mga pagbabago. Madaling araw pa lang ay naglibot na ako kaya natiyempuhan ko ang mga grupo ng nagsu-zumba. Hindi lang pala isang grupo ang nagsu-zumba, kundi lima. Nandoon pa rin ang grupo ng mga Intsik na na nagta-tai chi, at ang mga grupo ng ballroom dancers.

 

Malinis na ngayon ang mga palikuran ng Luneta, hindi nangangamoy- ihi tulad noon. Limang piso ang entrance fee. Unang nagbubukas ang palikuran sa may dako ng kubo ng Security personnel. Ang iba pa ay matatagpuan sa tapat ng Manila Hotel, likod ng National Historical Institute at tapat ng Children’s Museum.

 

Dahil sa pagod ko sa kaiikot, naghanap ako ng isang tahimik na mapagpahingahan at mabibilhan din ng kape. Ang nasa isip ko ay isa sa mga “stalls” na nagtitinda ng snacks, at dito ko nakita ang puwesto ni Aling Elena. Kahit pupungas-pungas pa halos dahil kagigising lang ay ipinaghanda niya ako ng kape. Marami siyang natirang pagkain tulad ng nilagang itlog at mga sandwich. Upang mabawasan ang maraming tirang nilagang itlog ay kumain ako ng tatlo.

 

Noon pa man ay may isyu na sa mga vendor ng Luneta. Ilang beses na silang pinagbawalang magtinda sa loob, pinayagan din bandang huli, pinagbawalan uli, pinayagan na naman, etc. Kung limang beses na ay meron na sigurong ganitong parang see-saw na desisyon ang National Parks Development Committee. Sa ngayon, ang upa sa isang stall na ang sukat ay malaki lang ng kaunti sa isang ordinaryong kariton, binubungan at nilagyan ng dingding, pinto at bintana ay Php50 isang araw. Subalit sa liit ng puwesto na sasabitan ng mga chicherya, sa tantiya ko ay hindi aabot sa Php100 isang araw ang tutubuin ng nagtitinda. Kaya ang ginawa nila, pati si Aling Elena ay nagkanya-kanyang lagay ng extension na gawa sa telang habong o tarpaulin. Bawal din daw ang maglagay ng mesa at upuan, pati ang pagluto, maliban lang sa pagpapakulo ng tubig na pang-kape. Subalit tulad ng isang taong nagigipit, nagbakasakali na lang sila sa paggawa ng mga ipinagbabawal upang kumita ng maayos at masambot ang araw-araw na upa.

 

Inamin ni Aling Elena na ilang beses na rin siyang naipunan ng bayaring upa kaya lahat ng paraan ay ginawa niya upang mabayaran ang namamahalang komite sa Luneta. Ang problema niya ay kung panahon ng tag-ulan, at mga pangkaraniwang araw  mula Lunes hanggang Biyernes kung kaylan ay maswerte na raw siya kung makabenta ng limang balot ng chicherya. Ang tubo sa isang balot ng chicherya ay mula piso hanggang limang piso. Kung makabuo siya ng pambayad sa isang araw, wala na halos natitira para sa kanyang pagkain. Hindi nalalayo ang kalagayan niya sa mga nagtitinda gamit ang bilao sa bangketa ng mga palengke….gutom din, kaya wala na talagang magawa si Aling Elena kundi ang magtiyaga. Okey naman daw ang kinikitang tubo na umaabot sa Php200 isang araw kung weekend, lalo na ngayong pasko.

 

Nagulat lang ako nang sabihin niya na may isa pala siyang apo na pinapaaral sa Mindoro. Nabasa siguro niya ang isip ko kaya siya na ang nagkusang magsabi na hindi siya pinababayaan ng Diyos dahil kahit papaano ay nairaraos niya dahil mura lang ang tuition sa probinsiya at may pinagkikitaan din kahit kaunti ang apo niya na nasa first year college. Wala siyang gastos sa pamasahe dahil sa maliit na puwesto na rin siya natutulog. Ganito na raw ang buhay niya sa Manila mula pa noong 1972 pagkatapos niyang mag-asawa sa gulang na labing-pito.

 

Mahigit pitumpong taon na si Aling Elena at marami na rin daw siyang nararamdaman lalo na sa kanyang mga kasu-kasuan (joints), pero tuloy pa rin siya sa kanyang ginagawa dahil baka lang daw magkasakit siya kung siya ay tumigil. Hindi rin siya kikita sa Mindoro dahil tag-gutom din daw doon at palaging binabaha ang bayan nila.

 

Upang kumita pa si Aling Elena, naka-tatlong mugs ako ng kapeng ininom at ang tatlong itlog ay dinagdagan ko pa ng dalawa, bumili rin ako ng sampung balot ng chicherya na inilagay ko sa bag para sa mga batang pupuntahan ko. Nang paalis na ako ay may dumating na babaeng may bitbit na mga nakataling tilapia, nahuli raw sa Manila Bay. Inalok si Aling Elena na umiling lang dahil nga naman ang kinita ay ang binayad ko pa lang. Dahil napansin kong nagtitinda din siya ng ulam, ako na lang ang nagbayad upang mailuto niya agad, mura lang kasi sa halagang Php60 at sabi ng nagtinda ay tumitimbang daw lahat ng isang kilo.

 

Mabuti na lang at naantala ang pag-alis ko dahil sa pagdating ng babaeng nagtinda ng tilapia. Naalala ko tuloy na kunan ng litrato si Aling Elena na nagpaunlak naman. Mula sa puwesto ni Aling Elena ay naglakad na ako patungo sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)….

IMG7217

 

 

 

Imelda Torres: Ang Babaeng “Barker” o Taga-tawag sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)

Imelda Torres: Ang Babaeng “Barker” o Taga-tawag

sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang “barker” ay taga-tawag ng mga pasahero at taga-sigaw ng destinasyon ng sasakyang pampubliko tulad ng bus, jeepney o van. Siya rin ang namamahala sa maayos na pag-upo ng mga pasahero. Kung minsan, ang tawag sa kanya ay  “dispatcher”, subalit iba sa talagang “dispatcher” sa istasyon ng bus na konektado sa kumpanya. Kung nakapila ang mga jeep o van na itinatawag ng “barker”, siya rin ang taga-kolekta ng pamasahe at kapag inabot na niya sa driver ang nalikom na pera, ay saka pa lang siya aabutan ng bayad sa kanyang serbisyo. Ang bayad naman sa “barker” ay hindi pare-pareho, depende sa dami ng pumipilang sasakyan at lugar ng pilahan. Mayroong inaabutan ng Php20.00 at ang pinakamalaki ay Php30.00.

 

Ang mga nakapila sa Liwasang Bonifacio ay mga aircon van na biyaheng Sucat (Paraἧaque) at Alabang (Muntinglupa). Ang pilahang ito ay hawak ni Imelda Torres, 65 na taong gulang. Taong 1972 pa lamang ay nagtatawag na siya dito….panahon ng Martial Law sa ilalim ni Ferdinand Marcos. Nang panahong yon, ang sabi niya, napakaganda ng Manila Metropolitan Theater na tanaw lamang kung saan kami nakaupo. Ngayon, ang paligid nito ay mapanghi dahil ginawang ihian at ang mga dingding na natuklapan na ng pintura ay sinalaula ng mga istambay sa pamamagitan ng pag-spray paint ng pangalan ng gang nila.

 

Ligtas daw noon ang pamamasyal sa paligid ng liwasan dahil palaging may umaaligid na mga pulis kahit sa gabi. Kahit abutin siya ng dis-oras ng gabi sa pagtatawag, hindi siya natatakot sa paglakad pauwi sa tinitirhan niya sa kalapit lang na Intramuros. Ang kinikita niya ang ikinabuhay niya sa apat niyang anak noong maliliit pa sila. Ngayon, ang isa ay nasa Japan na. Ang iba pa niyang mga anak ay may mga sarili nang pamilya.

 

Pinakamalinis na kita ni Aling Imelda ay Php200 isang araw. Napapagkasya niya ang halagang ito sa kanyang mga pangangailangan sa araw-araw. Hindi na siya nagluluto dahil mag-isa lang naman siya at sa maghapon ay nasa liwasan siya, kung saan ay maraming karinderya na mura lang ang panindang mga pagkain. Ang tanging luho niya sa katawan ay ang minsanang manicure at pedicure, at ilang alahas na pilak sa mga daliri at braso.

 

Sa gulang niyang 65, wala nang mahihiling pa si Aling Imelda na kailangang gastusan ng malaking halaga. Masaya siya dahil ang mga anak at apo niya ay nakakakain sa tamang oras, hindi nga lang maluho ang mga pagkain. Ang kalaban lang niya ay ang paminsan-minsang dumadapong sakit tulad ng sipon at lagnat. Ganoon pa man, kahit halos namamalat na siya dahil sa biglang pagkakaroon ng lagnat o sipon ay hindi pa rin siya tumitigil sa pagtawag, tulad nang umagang nag-usap kami. Sayang din nga naman ang kikitain niya kung palalampasin niya.

 

Mabuti na lang at pumayag siyang kunan ko ng litrato, pero tinapat ko siya na igagawa ko siya ng kuwento at ilalagay ko sa internet. Natawa siya nang sabihin kong baka mabasa ng anak niya sa Japan ang isusulat ko tungkol sa kanya.

Nang iwanan ko siya upang ituloy ang paglakad papunta sa Avenida (Sta. Cruz), narinig ko uli ang boses niya na tumatawag ng mga pasahero. Habang naglalakad ako, naalala ko ang nanay namin na nagtatawag ng mga mamimili upang lumapit sa mga inilatag niyang ukay-ukay tuwing araw ng tiyangge sa bayan namin, noong maliit pa ako….

IMG7162

Ang Kagitingan ng Babae

Ang Kagitingan ng Babae
Ni Apolinario Villalobos

Kung babasahin ang Bibliya, nakatala doon sa sinasabing alamat ng paraiso, na ang dahilan ng pagsuway ni Adan sa utos ng Diyos ay babae, si Eba. Kung sinasabi din na silang dalawa ay binigyan ng malayang kaisipan, ang ginawa ni Eba ay ang paggamit nito dahil sa kagustuhan niyang mahigitan ang kaalaman ng Diyos. Masisisi ba natin siya? Kung ang kaisipang ibinigay ng Diyos sa mga una niyang nilalang ay hindi malaya, hindi sana nagpatukso si Eba sa ulupong, at si Adan ay hindi nagpadala sa pangbubuyo ni Eba. Sa ginawa ni Eba, ipinakita niya ang lakas ng kanyang loob na magpairal ng kanyang saloobin, kaya pati ang Manlilikha ay nakaya niyang suwayin. At, kung hindi napalayas ang tatlo (kasama ang ulupong) mula sa paraiso, hindi sana nagkaroon ng pagkakataon ang tao na masubukan ang kanyang katatagan sa harap ng mga pagsubok na ibinigay ng Diyos.

Sa kasaysayan, maraming mga Ebang nagpakita ng kanilang katapangan, katatagan at kagitingan. Unahin na natin si Maria na sinasabing ina ni Hesukristo. Nagpakita siya ng katatagan sa pagharap sa nakasisilaw na anyo ng anghel nang pagsabihan siya nito na dadalhin niya sa kanyang sinapupunan ang manunubos ng mundo. Hindi siya nalito at natakot, sa halip ay tinanggap niya ang anunsyo ng buong puso at katatagan, at sa kabila ng nakatakda nilang pagsasama bilang mag-asa ni Jose.

Marami na rin ang mga naging bayaning babae, at ang pinakamatunog na pangalan ay si Santa Juana (St. Joan), na maski sa kaliitan ay nagawa pa rin niyang pangunahan ang isa sa pinakamadugong pag-aklas laban sa mapanupil na hari noong kapanahunan niya na humantong sa pagsunog sa kanya habang nakatali sa isang tulos. At sa makabagong panahon, ang isa sa pinakarespetadong pinuno ng bansa ay si Indira Gandhi na hanggang ngayon ay itinuturing na simbolo ng talino ng mga kababaehan.

Sa Inglatera, nagkaroon din ng babaeng pinuno, si Margaret Thacher, na kinilala sa kahusayan niya sa pagharap sa mga bantang pinakita ng kalapit nilang mga bansa. Sa Pilipinas, naman ay merong Corazon Aquino na sa kabila ng kakulangan ng kaalaman sa pagpapatakbo ng gobyerno ay buong tapang na umako ng mga responsibilidad sa ngalan ng kalayaan. Sa kasaysayan ng Pilipinas, nababanggit ang kagitinigan ni Gabriela Silang, Teodora Alonzo at marami pang iba, at sa isa pang alamat, si Prinsesa Urduja.

Marami pang mga kwento ng kagitingan ang umiinog sa katauhan ng mga babae, mga matatawag na ring bayani at martir na pilit nilabanan ang lungkot dahil sa pansamantalang pagkakalayo mula sa mga pamilya, kumita lamang ng maayos sa ibang bansa. Sila ang mga binubugbog at pinagsasamantalahan ng mga amo, at kung malasin ay isinasakay sa eroplano bilang cargo dahil nasa loob na ng kabaong, maiuwi lamang sa Pilipinas. Sila ang mga babaeng halos pigilan ang mga kamay ng orasan, magkaroon lamang ng mahabang pagkakataon upang kumita sa pinapasukang beerh house bilang receptionist o mananayaw. Sila ang mga babaeng maghapong nakatayo sa mga mall bilang mga dispatsadura. Sila rin ang mga babaeng hanggang ngayon ay nasa kabundukan at pilit na pinaglalaban ang mga karapatan ng mga inaapi. At sila ang mga babae na halos maputol ang hininga sa pag-ere, mailabas lamang ang isang buhay mula sa kanilang sinapupunan.

Sila ang ating mga anak, asawa, kapatid, pinsan, tiyahin, pamangkin, ina, lola, kapitbahay, kasambahay – mga nilalang na malimit hindi maunawaan, kaya kung minsan, ang tanging paraan upang mabawasan ang sama ng loob, ay ang pag-iyak na lamang. Subali’t hindi na ngayon, dahil unti-unti na ring kinikilala ang kanilang kagitingan at dahil diyan, nagkakaroon na rin ng imahe na dapat igalang.

Ang Dalawang Babae ng Maragondon…(para kay Emma Mendoza-Duragos at Ellen Mendoza-Deala)

Isang pagsaludo sa mga kababaehan, ngayong Marso, International Women’s Month…

Ang Dalawang Babae ng Maragondon
(para kay Emma Mendoza- Duragos at Ellen Mendoza- Deala)
Ni Apolinario Villalobos

Magkapatid silang sa mundo’y isinilang
At magkatulad ang sinapit na kapalaran
Hindi mawari kung bakit sa kanila’y dumating
Kapalaran na ang may mahinang loob, di kakayanin.

Sa simula’y maganda ang tinamasang buhay
Hindi kapapansinan ng kung ano mang lumbay
Akala nila kaligayang tinamasa ay hindi mapapatid
Hanggang dumating ang sigalot na naging balakid.

Marami ang nag-akala magpapaka-martir ang dalawa
Subali’t taliwas sa inaasahan lalo na ng mga tsismosa
Ang dalawa’y nagsikap, nagpakita ng angking tapang
Tulad ng ibang taga-Maragondon, kung saan sila isinilang.

Kayod mula sa madaling araw, hanggang abutin ng gabi
Ang isa’y hahangos upang datnan murang bilihin sa palengke
Ang isa, sa pagpadyak ng traysikad hindi magkandaugaga
Sa pagdeliber ng mineral water na kanya naming binebenta.

May isa din silang negosyo, isang karinderya, maliit na kainan
Na ginawa din ng mga kaibigan na pahingahan, tambayan
Ano pa nga ba at ang dalawang magkapatid ay hindi nalumbay
Dahil sila’y napapaligaran ng mababait na mga kapitbahay.

Nakakabilib silang dalawa, ang isa ay si Baby, at ang isa, si Emma
Dahil sa ugali nilang sa iba ay talagang mahirap na makita
Marahil ang pagiging maka-Diyos nila ang kanilang gabay
Sa pagtahak sa masalimuot at lubak-lubak na landas ng buhay.