Maawain, Maunawain, Mahiyain, at Mapagmalasakit ang Wikang Pilipino

Maawain, Maunawain, Mahiyain, at Mapagmalasakit

ang Wikang Filipino

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang wikang Filipino ay mayroong mga katagang “medyo” (it seems), “hindi gaano” (not much of…), at “siguro” (sort of, maybe). Ang mga katagang yan ang nagpapalambot ng kahulugan ng nga pantukoy na kataga, tulad ng “pangit”, “mapait”, “mabaho”, “masama”, atbp. Hindi maunawaan kung bakit nahihiya ang Pilipino sa diretsahang pagbigkas ng mga pantukoy na kahit masamang pakinggan ay totoo naman.

 

Kawalan ng katapatan para sa isang tao ang hindi pagsasabi ng totoo na dapat sana ay nakakatulong sa pinagsasabihan upang matutong tumanggap ng katotohanan kung napatunayan naman, at upang magbago siya kung kailangan. Sa isyu ng kagandahan o kapangitan batay sa mapagkunwaring batayan, alam naman ng lahat kung ano ang “kagandahan ng kalooban” at “panlabas na kagandahan”. Upang hindi lumabas na nagsisinungaling, huwag na lang magbanggit ng katagang “ganda” o “gwapo” kung may mga nakikinig na mga taong hindi naman talaga guwapo o maganda…huwag rin magbanggit ng katagang “pangit”, kung dudugtungan din lang ng “medyo”, at pampalubag ng kalooban na “nasa kalooban ang kagandahan ng tao”.

 

Kung talagang korap ang isang pulitiko, diretsahan nang sabihin ito. Huwang nang magpaikot-ikot pa dahil lamang nakikinabang din pala ang nagsasalita pagdating ng panahong nagkakabentahan ng boto. (Pareho lang pala sila!) Kung talagang maganda ang isang babae, sabihin din ito ng buong katapatan upang hindi mapagsabihang naiinggit lang ang nagsasalita kaya nag-aalangan siya sa pagpuri.

 

Maraming taga- media ang mahilig din sa paggamit ng “medyo” kung sila ay bumabatikos ng ibang tao, lalo na mga pulitiko. Ang nakalimutan nila ay walang “medyo” sa kasong libel, kaya gumamit man sila o hindi nito sa hindi nila mapatunayang bintang, kakasuhan pa rin sila, kaya, lubus-lubusin na nila kung matapang sila. Ang mga harap-harapan namang pinupuri na matalino, subalit mahiyain, ay namumula pang sasagot ng: “medyo lang po”. Kung sabihan namang pagbutihin pa ang ipinapakitang galing, sumasama naman ang loob dahil mahirap daw i-satisfy ang naghuhusga.

 

Kahit walang patumangga ang kurakutan sa gobyerno na nagresulta sa kahirapan ay lumalabas pa rin ang  “ medyo” tuwing may iniinterbyu. Tulad nang interbyuhin sa radyo ang isang nanay na tinanong kung nahihirapan sila sa buhay. Sinagot niya ito ng matamis na “medyo”. Ayaw niya sigurong marinig sya ng mga kapitbahay nila at malaman na talagang naghihirap ang kanyang pamilya, dahil hindi naman ito ang pinapakita niya kahit tadtad na sila ng utang. Dahil “siguro” dito, ang mga wala namang budhing pulitiko at opisyal ng gobyerno ay talagang nilubos na ang pagnanakaw…with true feelings pa…talagang wagas sa kalooban! Samantala, ang mga kinukunan naman ng retrato na mga taga- iskwater, ay pabebe pang nagpo-pose!

Ang Pagtanggal ng Pambansang Wika mula sa mga Aralin dahil lamang sa K to 12 program ng CHED

Ang Pagtanggal ng Pambansang Wika mula sa mga aralin
dahil lamang sa K to 12 program ng CHED
ni Apolinario Villalobos

Umaabot na sa sukdulan ang pagkasira ng sistema ng edukasyon ng Pilipinas dahil sa balak ng CHED na pagtanggal ng Pambansang Wika mula sa mga aralin ng mga estudyante dahil lamang sa pagpapatupad ng K to 12 program na tinututulan ng mga magulang, kabataan, at pati na ng maraming titser.

Nakakagulat ito dahil nawawala na yata sa porma ang mga namumuno ng ahensiyang dapat ay naghuhubog ng kaisipan ng mga kabataang Pilipino. Bakit isasakripisyo ang Pambansang Wika na dapat ay ituring na pinakadiwa ng ating kultura? Kung papansinin, marami pa ngang dapat matutunan ang mga estudyante na sa katigasan ng ulo ay ni hindi mabigkas nang tama ang letrang “R” kung magsalita sa Pilipino, dahil pinipilit ng mga ito ang bigkas-Amerikano, kaya pilit na pinapalambot ang nabanggit na letra.

Dapat ay tutukan din ng CHED ang kahinaan sa pagtuturo ng mga paaralan na hindi man lang matawag ang pansin ng mga estudyanteng lumilihis sa kagandahang asal dahil din sa hindi na nila pagturo ng tradisyonal na “Good Manners and Right Conduct”.

Ang elementarya ay napakakritikal na yugto sa paglinang ng pagkatao ng isang estudyante. Ang yugtong ito ay dapat matatag dahil dito itutuntong ang isa pang yugto na kinapapalooban ng mga dapat matutunan sa kolehiyo upang mabuo ang kaalaman tungo sa napiling propesyon. At, ang lubos na kaalaman sa Pambansang Wika ay magpapatibay sa pagkatao ng isang estudyante bilang Pilipino.

Ang nakakabahala pa sa inaasal ng CHED ay ang matunog na kawalan ng kahandaan ng mga paaralan upang maipatupad ng maayos ang pinipilit na K to 12 program. Dahil lang sa panggagaya sa ibang bansa, asahan na ang malaking bulilyaso ng CHED – gagastos ng malaki sa isang programang walang kahihinatnan.