Mga Lubak at iba pa…sa Tuwid na Daan

Mga Lubak at iba pa…sa Tuwid na Daan

ni Apolinario Villalobos

 

Maihahalintulad ang buhay sa binabagtas na daan

Maaring ito ay tuwid, liku-liko, paahon o palusong

Sa araw-araw nating pamumuhay sa mundong ito

Bumabagtas tayo ng daan…hindi alam saan patungo.

 

Sa pakikibaka sa buhay ay para rin tayong tumatahak

Ng daan na hindi lang baku-bako dahil sa mga lubak

Marami ring mga sagabal – mga bato at minsa’y tinik

Na kung di maiwasa’y magdudulot ng sugat…masakit.

 

Kung minsan naman, ang daang tinatahak ay liku-liko

Para ring buhay na maraming dinadaanang pagsubok

Kung minsan ay mga pasakit na pabigat sa ating balikat

Na kailangang tiising pasanin, kahi’t dusa ang kaakibat.

 

Minsan nang may taong nag-anyaya, samahan daw siya

Sa pagbagtas sa tuwid na daa’t sinabi pa niyang nakangiti

Pangako’y puno ng kaginhawahan sa buhay, animo totoo

Subali’t kalauna’y nabatid, daa’y may lambong na siphayo!

 

Ang daa’y diretso nga, nguni’t tadtad naman ng mga lubak

Marami ring bato, tinik ng mga damo, ipot, at kung ano pa

Marami na ngang sagabal, umaalingasaw pa sa kabantutan

Kaya sa pagbagtas nitong daan daw niya, sinong gaganahan?

 

Hindi na lang sana siya nangako, dahil lahat ng daa’y masukal

Maraming sagabal dahil ito ay parang buhay, hindi matiwasay

Upang makaraos, depende na sa pagkapursigido ng isang tao

Kaya, kung Diyos nga ay hindi nangangako ng tuwid na daan –

…ito pa kayang isang tao na wala pang napatunayan?

 

Ang Laptop Kong Bungi…ka-partner ko sa pagbatikos at pagpuri

Ang Laptop Kong Bungi

…ka-partner ko sa pagbatikos at pagpuri

Ni Apolinario Villalobos

 

Wala siyang teklado para sa letrang “M” subalit subok ang tibay dahil kahit bahayan ng langgam ang mga kalamnan ay hindi sumusurender maski pa maghapong gamitin. Ilang taon din siyang nagtiis sa pagtipa ko sa teklado ng kanyang mga letra at simbolo, yon nga lang, pagdating sa bunging bahagi para sa letrang “M” ay kailangang maingat ang aking pagpindot. Malaki ang utang na loob ko sa laptop na ito dahil lahat ng mga saloobin ko ay kinakaya niyang ipunin…i-absorb, kaya siguro kung mayroon lang siyang bituka baka palagi siyang nagsusuka, o di kaya kung may puso, ay matagal na siyang na-heart attack. Kahit halos mamuwalan na siya sa mga pinapakain kong nakakasuka at nakaka-heart attack na mga isyu, ay hindi siya nanghihina man lang.

 

Ang problema lang ay ang colonial niyang mentality dahil may mga salitang Pilipino na pinagpipilitan niyang baybayin sa Ingles kaya kailangan kong basahin nang paulit-ulit ang mga naisulat niya upang ang “namin” ay hindi maging “naming”, o di kaya ang “hindi maging” ay hindi maging “hind imaging”, ang “letra” ay hindi maging “letre”, at marami pang ibang salitang Pilipino na tinatarantado niya….sutil kasi.

 

Minsan ko na rin siyang nadunggol dahil sa sobrang antok nang bumagsak ang noo ko sa kanya, subalit hindi siya nagreklamo kahit sa pamamagitan ng pag-kuryente man lang sa akin. Nalaman kong nasaktan ko siya nang maramdaman ko sa aking pisngi ang kanyang pag-overheat makalipas ang dalawang oras ng pagkakatulog. Literally, I slept on my laptop! Siguro kung nakakatawa lang ang butiki ay hinalakhakan na ako dahil sa hindi kalayuan ay may nakita akong dalawa na halos hindi gumagalaw dahil siguro nagulat, pero nagpulasan nang tiningnan ko sila ng masama.

 

Hindi mitsa ng buhay ko ang aking mahal na laptop dahil old-fashion siya, luma na kasi, kaya kahit bitbitin ko siyang hubad, ibig sabihin ay hindi nakalagay sa bag, walang magkaka-interes. Parang babae rin na dahil naitatago ng pagka-old fashion ang kanyang ganda, siya ay malayo sa posibilidad na magahasa! Kaya ang mga babae ay hindi dapat magpakita ng motibo o pag-anyaya upang magahasa…magpaka-simple o magpaka-old fashion din kahit minsan….maliban na lang ang mga desperada!

 

Para ring tao ang aking laptop na nag-undergo ng operasyon at pagtapal dahil marami na rin siyang diperensiya maliban sa pagkabungi. Ang dating ayaw pumermanenteng pagtayo ng screen kaya nilalagyan ko pa ng suporta sa likod, ay naremedyuhan ng isang doktor ng mga laptop – may ginalaw sa kasu-kasuan o joints nito kaya nakakatayo na ngayon nang tiyeso. Ang dating sugat sa gilid dahil nabasag ay natapalan na rin ng karton kaya ngayon ay buo na siya – good as new!

 

Ang kuwento ng laptop ko ay maihahalintulad din sa kuwento ng alagang hayop na pinagkakautangan dapat ng loob ng nag-aalaga dahil sa dulot nilang therapeutic relief, o di kaya ay iba pang bagay na napakinabangan para sa araw-araw na pamumuhay. May utang na loob tayo sa kanila. Hindi sila dapat binabale-wala nang basta-basta pagkatapos pagsawaan o kapag nagkaroon ng bago, lalo na ngayong pasko.

 

Hindi din dapat ganyan ang mag-asawa na pagkalipas ng maraming taon ay basta na lang makaramdam ng pagkasawa sa isa’t isa, kaya nagkakanya-kanya na sa pagrampa upang maghanap ng ibang mapagparausan. O di kaya ay ibang mga anak na pagkatapos iluwal ng ina at palakihin ng ama ay walang pakundangan kung sila ay balewalain o ikahiya sa ibang tao dahil walang pinag-aralan o di kaya ay hindi maganda o guwapo tulad ng mga magulang ng mga kaibigan nila, o di kaya ay amoy pawis dahil sa pagtinda sa palengke, hindi tulad ng magulang ng classmate nila na nagtatrabaho sa aircon na opisina.

 

Pairalin natin ang utang na loob. Magbago tayo….bilang pasalubong sa bagong taong 2016!

laptop kong bungi

 

 

 

Ang Mga Taong Hindi Marunong Mangalaga ng Tulong at Mga Walang Pinag-aralan Subali’t Maayos ang Buhay

Ang Mga Taong Hindi Marunong Mangalaga ng Tulong

At Mga Walang Pinag-aralan Subalit Maayos ang Buhay

Ni Apolinario Villalobos

 

Dapat lang na hindi ibalik sa taong tumulong sa iba ang itinulong niya sa mga ito. Ibig sabihin ang tulong ay hindi dapat ituring na “utang” ng taong tinulungan. Ang dapat gawin ng isang tinulungan ay ipasa sa iba ang tulong na napakinabangan niya. Subalit iba ang usapan kapag ang tinulungan ay hindi marunong mangalaga ng itinulong sa kanya tulad ng mga sumusunod na kuwento:

 

#1…..Tungkol ito sa isa kong kaibigang seafarer, mayroon siyang malaking bahay na hinuhulugan at may dalawang anak na nag-aaral. Noon ay hindi hamak na malaki ang kita niya kung ihambing sa kinikita ng hindi sumasakay sa barko. Ang masama lang ay mayabang siya at galante tuwing magbakasyon at mahilig bumili ng mga bagay na naide-display niya upang masabing marami siyang pera. Kalimitan, makalipas ang dalawang buwang bakasyon, isa-isa na ring nawawala ang mga gamit dahil kung hindi naisanla ay naibenta…at sa akin tumatakbo upang umutang. Palagi ko siyang pinapayuhan, at oo naman siya ng oo. Ngayong nagkaedad, halos wala nang kumpanyang tumanggap sa kanya, kaya  nataranta dahil ang bahay pala ay hindi regular na nababayaran sa SSS kaya malaki ang naipong arrears. Ang anak na babae ay isang teen-aged mom dahil nabuntis high school pa lang, at ang panganay na lalaking anak ay puro tattoo ang katawan at laman ng kalye. Ang asawa naman na suki ng mga parlor ay halos walang expression ang mukha dahil kung ilang beses nang inineksiyunan ng  gamot na pampatanggal ng kulubot, kaya sa biglang tingin ay mukhang tanga. Ilang beses siyang lumapit sa akin upang umutang, subalit nagmatigas ako. Nang magalit, pinaalala ko sa kanya ang mga utang niyang niyang hindi ko nasingil dahil idinaan na lang niya sa “kalimot”.

 

#2…..Isa pa ring kaibigan ang inabutan ko ng tulong na pandagdag sa puhunan niya sa pagba-buy and sell ng mga prutas. Nang lumakas ang negosyo, biglang umarangkada sa pagbukas naman ng isang karinderya dahil naiinggit yata sa mga kaibigang may ganitong negosyo. Minalas sa mga taong tinanggap niya upang tumulong dahil puro kupit ang inabot niya. Wala pang anim na buwan, bumagsak na ang karinderya ay may utang pa siya sa inupahang puwesto. Pinahiram ko pa ng ilang beses subalit hindi pa rin natuto dahil nagbukas uli ng karinderya na talaga namang hindi niya nakokontrol ang pagpatakbo. Lumipas ang isang taon bago kami nagkita uli….balik siya sa wala. Nang subukan niyang “humiram” uli sa akin, tumanggi na akong tumulong. Tulad ng inaasahan ko, nagtampo at nagalit kaya iniwasan na ako.

 

Iba naman ang kuwento ng mga taong nakatira sa bangketa na ang ikinabubuhay ay pamumulot ng mapapakinabangang basura. Yong isang pamilya na naabutan ng pera, bumili agad ng mga scrap na kahoy, tatlong gulong na pang-kariton, mga pako at nanghiram lang ng martilyo, at tulung-tulong silang mag-asawa sa paggawa ng kariton, kaya ngayon ay lalong marami silang nahahakot na papel, lata at bote, kung ihambing noon na sako o malaking plastic bag lang ang gamit.

 

Yong isang pamilyang dating isang kariton lang ang gamit sa pamumulot ng basura, nagkaroon ng isa pa nang maabutan ng tulong, kaya tag-isa na silang mag-asawa ng itinutulak na kariton, at dahil lumaki ang kita, nakaya na nilang mangupahan ng isang maliit na kuwarto…hindi na sila nakikigamit ng kubeta ng restaurant ng Intsik, at hindi na rin natutulog sa bangketa. Nakakaipon na rin sila ng iba’t ibang gamit sa bahay na napupulot sa mga basurahan dahil naikakarga nila ang mga ito sa kariton nila upang maiuwi.

 

Yong mag-asawang matanda na sigarilyo at mga kendi lang ang dating tinitinda sa bangketa, nang abutan ng tulong, nagkaroon ng maliit na mesa, dalawang thermos para sa kape, mga biscuit, at tinapay na idinagdag sa mga itinitinda. Mayroon na rin silang picnic umbrella, pananggalang nila sa init ng araw at ulan. Nang dinagdagan ang puhunan nila, nagtinda na rin ng piniritong isda at kanin na tantiyado nilang mauubos sa maghapon, nalilibre pa ang tanghalian at hapunan nila.

 

Yong mga namumulot lang dati ng mga reject na gulay sa Divisoria, may mga kariton na rin at ang tinitinda ay mga gulay na binibili nila ng maramihan sa mga papauwi nang mga mangangalakal kaya mura nilang nakukuha…nabawasan na ang hirap nila dahil hindi na sila mangangalkal pa at maglilinis ng mga reject na gulay.

 

Kung minsan mahirap unawain ang tao. Kung sino kasi ang may kakayahang pinansiyal ay sila pa yong nagmimistulang kawawa bandang huli dahil sa pinili nilang pagpapabaya sa sarili ganoong may pinag-aralan naman sila na magsisilbi sanang gabay sa paggawa nila ng mga desisyon. At, kung sino pa yong sa tingin ng iba ay walang pag-asa sa buhay dahil mga yagit sa bangketa kung ituring – walang pinag-aralan at ni walang ekstrang damit, ay sila pang nakakaraos dahil sa pagsisikap upang mabuhay ng maayos! Ibig sabihin, hindi kailangang maging titulado ang isang tao upang makagawa ng malinaw na desisyon sa buhay!

May Kabuluhan pa ang ang Bangko sa Panahon Ngayon….para sa mga ordinaryong Pilipino?

May Kabuluhan pa ba ang Bangko sa Panahon Ngayon
…para sa mga ordinaryong Pilipino?
Ni Apolinario Villalobos

Nagtatanong lang naman ako, dahil sa kakarampot na kinikita ng mga ordinaryong Pilipino ano pa ang matitira upang maitabi sa bangko? Maaaring ang pakinabang sa bangko ay ang paghawak at paglabas ng mga suweldo ng mga manggagawa. Subali’t ang problema, hindi na rin ligtas ang ginagamit na ATM cards dahil sa mga nagsusulputang iba’t ibang klaseng paraan upang ito ay magamit ng mga tiwaling tao. At ang masakit, naghuhugas- kamay ang bangko kapag nangyayari ito upang makaiwas sa pagbalik o pag-refund ng nawalang pondo ng kliyente. Itinuturo ng bangko ang kontrata sa kanila na pinirmahan ng kliyente, na sa kasamaang palad ay naka-print sa maliliit na titik kaya halos hindi na mabasa!

Dapat ang bangko ay dinideposituhan ng pera ng mga taong gustong maglaan ng maski maliit na halaga pagdating ng panahon ng pangangailangan. Subali’t ang kikitaing interes naman ay kulang pang pambayad sa buwis na pinapataw sa nakadepositong halaga.

Ang gusto lang yata ng mga bangko ay kumita sa pamamagitan ng pagpapautang ng perang nakadeposito sa kanila. Sa ganitong paraan ay kikita sila ng malaki, subali’t ang mga depositor na may-ari ng pera ay nakanganga, dahil kapag binawi na nila ang perang nakatabi, ay halos ganoon pa rin ang halaga.

May Bangko Sentral ang bansa, subali’t inutil naman sa pagbuo ng mga ideya o programa kung paanong matulungan ang mga ordinaryong mamamayan tungkol sa pinag-uusapang bagay. May pamahalaan naman ang bansa, subali’t lalong inutil din pagdating sa ganitong bagay. Ang gustong mangyari yata ng pamahalaan ay maging negosyante ang lahat na Pilipino kaya ang mga pera nila ay dapat gamitin sa pangangalakal. Anong negosyo?…negosyong naka-display sa bilao….o nakalatag sa bangketa? At, paano na ang mga Pilipinong walang gana o kaalam-alam sa pagnegosyo , kaya ayaw magbitaw ng pera sa pangambang ito ay malulusaw lang?

Kaipokrituhan ang kampanya ng pamahalaan at mga bangko na turuang mag-impok sa bangko ang mga kabataan. Bakit hindi amining ito ay panloloko lamang. Paano ngang gaganahan ang mga batang mag-impok sa bangko ganoong wala naman itong halos kikitain? Ang gusto lang ng pamahalaan sa pakikipagkutsaba sa mga bangko ay madagdagan ang pinapaikot na perang nakalagak sa kanila upang may maipautang na papatawan naman ng mataas na interes. Ganoon lang ka-simple.

Kung may ma-bankrupt na bangko, sorry na lang sa mga nagdeposito ng mahigit Php500,000, dahil maggugudbay na sa kanila ang halagang mahigit dito na siya lamang babayaran ng insurance. Paano na ang mga retirees na ang inaasahan ay interes sa naimpok na perang umaabot minsan ng mahigit Php500,000? Siyempre, ang sagot ay hati-hatiin ang halaga sa iba’t ibang bangko upang masunod ang maximum na deposit, subali’t ang malungkot ay wala pang limandaang piso ang kikitain ng bawa’t deposito sa isang buwan!

Ngayon, anong tulong ang nabibigay ng pamahalaan, Bangko Sentral ng Pilipinas, at mga bangko sa mga ordinaryong mamamayan?…may kabuluhan pa ba sila? Ang sagot ay tumataginting na WALA!!!