Ang Laptop Kong Bungi…ka-partner ko sa pagbatikos at pagpuri

Ang Laptop Kong Bungi

…ka-partner ko sa pagbatikos at pagpuri

Ni Apolinario Villalobos

 

Wala siyang teklado para sa letrang “M” subalit subok ang tibay dahil kahit bahayan ng langgam ang mga kalamnan ay hindi sumusurender maski pa maghapong gamitin. Ilang taon din siyang nagtiis sa pagtipa ko sa teklado ng kanyang mga letra at simbolo, yon nga lang, pagdating sa bunging bahagi para sa letrang “M” ay kailangang maingat ang aking pagpindot. Malaki ang utang na loob ko sa laptop na ito dahil lahat ng mga saloobin ko ay kinakaya niyang ipunin…i-absorb, kaya siguro kung mayroon lang siyang bituka baka palagi siyang nagsusuka, o di kaya kung may puso, ay matagal na siyang na-heart attack. Kahit halos mamuwalan na siya sa mga pinapakain kong nakakasuka at nakaka-heart attack na mga isyu, ay hindi siya nanghihina man lang.

 

Ang problema lang ay ang colonial niyang mentality dahil may mga salitang Pilipino na pinagpipilitan niyang baybayin sa Ingles kaya kailangan kong basahin nang paulit-ulit ang mga naisulat niya upang ang “namin” ay hindi maging “naming”, o di kaya ang “hindi maging” ay hindi maging “hind imaging”, ang “letra” ay hindi maging “letre”, at marami pang ibang salitang Pilipino na tinatarantado niya….sutil kasi.

 

Minsan ko na rin siyang nadunggol dahil sa sobrang antok nang bumagsak ang noo ko sa kanya, subalit hindi siya nagreklamo kahit sa pamamagitan ng pag-kuryente man lang sa akin. Nalaman kong nasaktan ko siya nang maramdaman ko sa aking pisngi ang kanyang pag-overheat makalipas ang dalawang oras ng pagkakatulog. Literally, I slept on my laptop! Siguro kung nakakatawa lang ang butiki ay hinalakhakan na ako dahil sa hindi kalayuan ay may nakita akong dalawa na halos hindi gumagalaw dahil siguro nagulat, pero nagpulasan nang tiningnan ko sila ng masama.

 

Hindi mitsa ng buhay ko ang aking mahal na laptop dahil old-fashion siya, luma na kasi, kaya kahit bitbitin ko siyang hubad, ibig sabihin ay hindi nakalagay sa bag, walang magkaka-interes. Parang babae rin na dahil naitatago ng pagka-old fashion ang kanyang ganda, siya ay malayo sa posibilidad na magahasa! Kaya ang mga babae ay hindi dapat magpakita ng motibo o pag-anyaya upang magahasa…magpaka-simple o magpaka-old fashion din kahit minsan….maliban na lang ang mga desperada!

 

Para ring tao ang aking laptop na nag-undergo ng operasyon at pagtapal dahil marami na rin siyang diperensiya maliban sa pagkabungi. Ang dating ayaw pumermanenteng pagtayo ng screen kaya nilalagyan ko pa ng suporta sa likod, ay naremedyuhan ng isang doktor ng mga laptop – may ginalaw sa kasu-kasuan o joints nito kaya nakakatayo na ngayon nang tiyeso. Ang dating sugat sa gilid dahil nabasag ay natapalan na rin ng karton kaya ngayon ay buo na siya – good as new!

 

Ang kuwento ng laptop ko ay maihahalintulad din sa kuwento ng alagang hayop na pinagkakautangan dapat ng loob ng nag-aalaga dahil sa dulot nilang therapeutic relief, o di kaya ay iba pang bagay na napakinabangan para sa araw-araw na pamumuhay. May utang na loob tayo sa kanila. Hindi sila dapat binabale-wala nang basta-basta pagkatapos pagsawaan o kapag nagkaroon ng bago, lalo na ngayong pasko.

 

Hindi din dapat ganyan ang mag-asawa na pagkalipas ng maraming taon ay basta na lang makaramdam ng pagkasawa sa isa’t isa, kaya nagkakanya-kanya na sa pagrampa upang maghanap ng ibang mapagparausan. O di kaya ay ibang mga anak na pagkatapos iluwal ng ina at palakihin ng ama ay walang pakundangan kung sila ay balewalain o ikahiya sa ibang tao dahil walang pinag-aralan o di kaya ay hindi maganda o guwapo tulad ng mga magulang ng mga kaibigan nila, o di kaya ay amoy pawis dahil sa pagtinda sa palengke, hindi tulad ng magulang ng classmate nila na nagtatrabaho sa aircon na opisina.

 

Pairalin natin ang utang na loob. Magbago tayo….bilang pasalubong sa bagong taong 2016!

laptop kong bungi

 

 

 

Ang Mga Lanta o Pinatuyong Gulay at Minatamis o Pinatuyong Prutas

Ang Mga Lanta o Pinatuyong Gulay

At Minatamis o Pinatuyong Prutas

Ni Apolinario Villalobos

Hindi nangangahulugan na dahil ang gulay ay lanta na, ito ay hindi na masustansiya. May mga gulay na kailangang palantain nang kahit bahagya upang maihanda bilang isang uri ng pagkain, o di kaya ay patuyuin upang mapatagal sa pagkakatabi o pagkaimbak.

Sa paghanda ng “laing” (ginataang dahon ng gabi), ang dahon ay kailangang palantain ng bahagya, pero ang original na ganitong lutuin na nagsimula sa mga probinsiya ng Bicol, ang dahon ay kailangng tuyong-tuyo bago iluto sa gata. Kailangan namang patuyuin ng bahagya ang labanos at mustasa bago magawang “binuro”. Kung panahon ng sili, halos ipamigay na ng mga tindera ito dahil sa napakamurang halaga, subalit kung panahong bihira ito, ang presyo ay lumalampas sa isandaang piso ang kilo. Ganoon din ang nangyayari sa luya at sibuyas. Hindi naisip ng iba sa atin, na maaari silang patuyuin o buruhin sa tubig na may asin o suka upang magamit kung hindi na nila panahon. Ang masama, naging ugali na ng Pilipino na ngumalngal ng todo sa pagreklamo kapag sumirit na ang mga presyo, sabay sisi sa gobyerno!

Ang mga bansang India at Pakistan ay may mga bahagi kung saan, ang mga katutubo ay nagpapatuyo ng gulay upang maimbak at magamit pagdating ng panahong “tag-lamig”. Sa Italy, kung saan ang mga katutubo ay mahilig sa ispageti na ang pinakamahalagang sangkap ay kamatis, isa sa kanilang produkto ay “sun-dried tomato” na dinidelata o ginagarapon bago i-export sa ibang bansa. Ang Alemanya naman ay may tinatawag na “sauerkraut” na ang ibig lang sabihin ay binurong repolyo na maaari rin namang gamiting panghalo sa kahit anong klaseng lutuin. Sagana tayo sa mga nasabing gulay subalit ang gusto lang natin ay palaging sariwa, at kung panahong nagmahal sila, nagtitiis tayo sa mataas na presyo o di kaya ay nag-iingay tayo sa pagreklamo.

Dito sa minamahal nating bansang Pilipinas, malanta lang ng bahagya ang gulay, ay tinatapon na. Sa palengke, nilalangaw ang mga bulok na kamatis at lantang gulay na maaari sanang patuyuin. Nakakalungkot isipin na ang alam lang ng karamihan sa ating mga Pilipino, ay nasa sariwang gulay lamang ang sustansiya, kaya kapag naistak lang ng dalawa o tatlong araw sa ref ay sa basurahan na bumabagsak. Ang masama, ayaw pala ng iba sa atin ng nalalantang gulay, bakit bumibili ng marami at iniistak sa ref? Dahil kaya takot na baka biglang magdilubyo o di kaya ay lulubog sa baha o masunog ang palengke?

Sa prutas naman, ang ugali ng iba sa atin ay ganoon din, sa pagturing na ang sobrang hinog o overripe na prutas ay hindi na pwedeng kainin o di kaya ay para lamang sa mga mahihirap o naghihirap – yong mga namumulot sa basurahan. Hindi man lang naisip ng iba na ito ay pwedeng matamisin upang magamit na palaman sa tinapay o pamutat pagkatapos kumain. Ang mga prutas na sobrang hinog o may kaunting sira ay tinatapon na, ganoong pwede namang tapyasin ang bahaging sira at ang natirang maayos ay maaaring matamisin tulad ng nabanggit.

Para sa ibang kababayan natin, dapat ang prutas ay “maganda” ang kulay, wala maski bahagyang kulubot na tanda ng kalumaan dahil ang alam lang gawin ng ilan sa atin ay kainin ito na sariwa, at ang mga minatamis na jelly o jam ay dapat bilhing naka-garapon o naka-lata mula sa supermarket o grocery, at lalong okey kung imported pa!

Dahil sa “imported mentality” naman nating mga Pilipino, naiisahan tayo ng ibang bansa, lalo na ng Tsina. Umaangkat sila mula sa atin ng mga prutas upang tanggalan ng katas o di kaya ay patuyuin, at binebenta sa atin pagkatapos – imported nga naman! Kaya ngayon, sa mga grocery, naglipana ang mga pinatuyong iba’t ibang prutas galing Tsina, na galing din pala sa Pilipinas, tulad ng sampalok, mangga, pinya, buko, kundol, at saging. Marami ring mga fruit juice na dinelata, na ang pinanggalingang sariwang prutas ay galing sa atin. Sarap na sarap tayo sa pagkain ng mga minatamis na tuyong mga prutas na ang plastic na balot ay may tatak na “manufactured in the People’s Republic of China”, at pag-inom ng mga fruit juice na ang lata ay may ganoon ding tatak, na ibinalik lang pala sa atin bilang finished product!

Kaylan kaya tayo matututo upang maging maging mapamaraan o resourceful, hindi yong magaling lang magreklamo kung mataas na ang mga presyo? Siguro ay kung nasa ilalim na tayo ng Tsina, na gustong mangyari yata ng isang nagkakandidatong presidente…