Ang Pagpapalaganap ng Pananalig o Pananampalataya

Ang Pagpapalaganap ng Pananalig o Pananampalataya

(tungkol ito sa “chain prayer” at iba pa)

Ni Apolinario Villalobos

 

Maraming paraan ang maaaring gamitin sa pagpalaganap ng pananalig o pananamapalataya sa Diyos. Subali’t magandang gawin ito sa paraang walang karahasan o pamimilit.

 

Ang isang halimbawa ay ang ginagawa ng ISIS sa Gitnang Silangan na gumagamit ng dahas upang maisakatuparan ang hangad nilang mapalawak ang pamumuno ng “Islamic Caliphate”. Inabuso din nila ang tunay na kahulugan ng “jihad” na ginamit nilang pangbalatkayo sa pulitikal nilang layunin.

 

Ang iba naman ay gumagamit ng “literal” na kahulugan ng mga sinasabi sa Bibliya upang ipakita na malawak na ang narating sa kababasa ng nasabing libro. Hindi man lang nila naisip na ang Bibliya ay may iba’t-ibang bersiyon na ginagamit ng iba’t- iba ring relihiyon. Ang matindi pa nga ay ang sinadyang pagkaltas ng ibang bahagi ng nasabing libro upang umangkop sa layunin ng mga namumuno ng relihiyon.

 

May mga taong sumasampa sa mga bus at jeep o di kaya ay nagtitiyagang magsalita sa matataong lugar tulad ng palengke. Ang iba naman ay naghahanap ng makikinig sa kanila kaya umiistambay sa mga mall at liwasan o park tulad ng Luneta. Karamihan sa kanila ay nag-resign sa trabaho upang bigyan ng halaga ang “nararamdaman” daw nilang utos sa kanila ng Diyos, kaya ang resulta….pagtigil ng pag-aaral ng mga anak, at kagutuman ng pamilya. Ang mga nasa palengke naman ay matiyaga din, at kadalasan ay grupo sila – habang ang isa ay nagsasalita o kumakanta sa harap ng mikropono, ang mga kasama naman niya ay nakakalat hanggang sa paligid ng palengke na hindi na abot ng loud speaker, lumalapit sa mga tao habang may hawak na lagayan ng “donation”.

 

Noong wala pa ang computer, ang tawag sa daluyan ng teknolohiyang hatid ng radyo at telebisyon ay “air wave”. Ngayon naman ay may mas malawak na daluyang kung tawagin ay “cyberspace”. Kung noon ay may “air time” na binabayan ang mga maperang pastor na kung tawagin naman ay “block timer” upang magpalaganap ng mga salita ng Diyos ayon sa kanilang paniniwala, ngayon ang napakasimpleng gagawin lang ng isang tao ay magbukas ng facebook account, at presto!…mayroon na siyang venue, o outlet, o labasan ng kanyang mga saloobin.

 

Ang “facebook” naman ay para lang sana sa mga larawan ng mga magkaibigan upang maipakita nila ang  aktwal nilang hitsura o mga ginagawa lalo na ng pamilya, na maaring samahan ng maikling bagbati. Subalit dahil nakita ang lawak ng inaabot ng facebook, naisip ng mga may malakas na pananampalataya na magpalaganap ng kanilang paniniwala sa pamamagitan ng paglagay sa “frame” ng mga dasal na ginamit sa “chain” o tanikala upang marami ang marating na kaibigan. Ang nakasama ay ang “babala” o warning na kung hindi ipagpapatuloy ng nakatanggap ay may mangyayaring sakuna o kamalasan sa kanyang buhay. Ang mga may mahinang pundasyon ng pananalig ay natataranta at natatakot dahil kung minsan ang natatanggap nila ay may warning na  “dapat ay sa 50 na kaibigan” ipaabot. Kaya ang mga kawawang nakatanggap na ang kaibigan sa facebook ay wala pa ngang 10 ay  hindi na magkandaugaga sa paghanap ng iba pang tao kahit hindi gaanong kilala upang umabot lang 50 ang kanyang padadalhan! Ang iba ay hindi makatulog dahil dapat daw ay ikalat ang dasal sa loob ng 24 na oras!

 

Sa isang banda, hindi dapat ipinipilit ang pagyakap sa isang paniniwala na mula’t sapul ay ayaw ng isang tao. Hindi dapat idaan sa “chain prayer” ang pagpapalaganap ng pananalig sa Diyos, kung mismong ang nagpadala ay hindi rin gumagawa ng dapat gawin ayon sa dasal na ikinakalat niya. Paano kung ang pinadalhan ay bistado ang ugaling masama ng nagpadala? Alalahaning hindi nakokontrol ang ganitong uri ng pamamahagi o sharing at hindi maiwasang magkakabistuhan ng ugaling “plastic”. Ang mangyayari niyan, baka libakin pa ang nagpada ng “chain prayer”, ng mga pinadalhan niya dahil sa kanyang pagkukunwari. Yan ang dapat pag-ingatan sa paggamit ng “social media” tulad ng facebook.

 

At, ang pinakamahalaga….dapat alalahaning, mas malakas ang internet sa “itaas”….iba ang gusto ni Lord na mangyari, ang ipakita sa gawa at kilos ang mga Salita Niya, hindi ipakalat sa facebook na may kasamang pananakot….dahil marami nang taong pagod sa mismong pananakot ng ibang relihiyon na ang gagawa ng masama ay “mahuhulog sa nag-aapoy na impyerno”!

 

Ang Pagninilay-nilay Tuwing Semana Santa

Ang Pagninilay-nilay Tuwing

Semana Santa

Ni Apolinario Villalobos

 

Uumpisahan ko ang share na ito sa pagpuna tungkol sa ilang bagay tungkol sa ginugunita ng mga Katoliko. Tulad halimbawa ang “semana santa” na sa Ingles ay “holy week”, at kung tagalugin ay “banal na linggo” pero hindi ganoon ang nangyayari dahil ang ginagamit ay “mahal na araw” na tumutukoy sa “isang araw” lang…anong araw ito? Biyernes santo ba? Sa dasal na “Hail Mary…” kung sa Tagalog, ito ay “Aba Ginoong Maria…”. Bakit naging “ginoo” ang birheng Maria? Ang “ginoo” ay pantukoy sa lalaki. Bakit hindi, “Binibining Maria” o “Ginang Maria” at lalong sana ay “Birheng Maria” dahil siya ay babae? Sigurado kong marami ang magtataas ng mga kilay sa pagpuna kong ito.

 

Kaya ko inunahan ng mga pagpuna ang isinulat kong ito ay upang ipakita na karamihan sa mga gumugunita sa Semana Santa, ang pananampalataya ay ampaw…walang laman. Ang mga dasal, minimemorays, hindi pini-feel sa puso. Kung susunod sa mga panuntunan ng simbahan, parang wala sa sarili kung gawin ito, hindi iniisip. Kaya sa binanggit ko sa unang paragraph, maaaring kung hindi ko nasabi ay hindi rin mapapansin, dahil sa ugali ng karamihan na kung i-describe ay “parang wala lang”.

 

Maraming paraan ang pagtitika at pagninilay-nilay sa paggunita ng Semana Santa tulad ng  pagbisita Iglesia…paramihan ng pinupuntahang simbahan, subalit ang nakakalungkot ay hindi nila pagpalampas sa pag-selfie sa harap mismo ng altar! Pagkatapos ng mga pasyalang ginawa ay magpo-post sa facebook ng mga selfie, pati ng mga pagkaing nabili sa paligid o harap ng simbahan. Isa pa ring paraan ay ang tinatawag na “staycation”…ang hindi pag-alis ng bahay o bayan o lunsod kung saan nakatira, dahil marami rin namang magagawa maski hindi na lumabas pa. Sa ganitong paraan, nakatipid na ay nakapag-bonding pa sa mga mahal sa buhay, subalit karamihan pala ay nanonood lang ng mga DVD ng na-miss na mga pelikula!

 

Ang mga may perang magagastos, dumadayo pa sa mga bayang nakakaakit din ng mga dayuhang turista. At ang iba naman ay pinipili ang mga resort, swimming pool man o dagat upang mas maganda daw ang ambience ng pagninilay o pagmi-meditate….sana.  Yong iba kasi, ang pinagninilay-nilayan ay ang mga naka-bikining nagsi-swimming. Pero, ang matindi ay ang mga astig, na ang pagninilay ay ginagawa sa harap ng mga bote na ang etikitang nakadikit ay may imahe ng demonyo at ni San Miguel Arkanghel!

 

Ang mga pilosopo naman ay nagsasabi na taunan naman ang pagninilay-nilay at paghingi ng tawad o paglinis ng ispiritwal na aspeto ng pagkatao, kaya huwag mag-alala kung nakaligtaang magbisita Iglesia, magpinetensiya, o sumali sa pagbasa ng pasyon sa kasalukuyang taon dahil marami pang mga taon na susunod, at upang idiin ang pagkapilosopo, may dagdag pa na: “habang buhay…may pag-asa”.

 

Ngayon, magtataka pa ba tayo kung bakit ang mundo ay tila niyuyugyog ng mga sunud-sunod na kalamidad? Idagdag pa diyan ang mga giyera sa pagitan ng magkakapitbahay na mga bansa at pagkalat ng mga terorista sa iba’t ibang bansa upang maghasik ng karahasan? At huwag ding kalimutan ang gutom at mga sakit na ang iba ay wala pang lunas.

 

Dahil sa labis na talino at pagkagahaman ng tao, nawalan na siya ng katinuan at kinalimutan na ang Manlilikha, kaya hindi lang simpeng pitik ang nararapat kundi mararahas na pambukas ng kanyang mga mata at kaisipan!

Never Put to Test the Faith of a Person

Never Put to Test the Faith of a Person

By Apolinario Villalobos

 

Some people have the habit of putting to test the faith of others. They should take extra care as regards this kind of attitude due to the rise of so many groups that used to be part of the Roman Catholic Church, for instance, and whose primary reason for leaving is the realization that the ceremonious Mass is not for them, though their exit does not necessarily mean the erosion of their faith in God.

 

Not only are some of the Roman Catholic adherents have this kind of attitude but others who belong to other churches and the various congregations that mushroomed around, assuming different names – all in the name of Jesus. For them, those who “deprive” themselves of the “words of God” will not be saved. But then, what can these “holy” words do when they are not put into action or practiced? A fanatic person may eat the whole Bible, page by page every day, but it will not do him any good if he or she cannot even say “Hi!” to a neighbor.

 

The best test of faith founded on what Jesus really wanted done, is the test of one’s own. If one can honestly sacrifice for others, share with others, and be consistent in doing them, there is no need to look around and see what others are doing. By then, others will instead emulate what he does. That is what I call faith by practice…that everyone should do, instead of testing that of someone else’s. Do not give somebody the opportunity to put you to shame by sarcastically asking, “…how about you?”

Ang Tao Bilang Nilalang ng Diyos

ANG TAO BILANG NILALANG NG DIYOS

Ni Apolinario Villalobos

 

PAALALA: Ang blog na ito walang layuning magpasimula ng pagtatalo tungkol sa iba’t ibang paniniwala sa Diyos lalo na sa relihiyon at tradisyon, kaya WALANG KARAPATAN ANG IBANG KWESTIYUNIN ITONG MGA PANSARILI KONG PANANAW. Walang karapatang magbigay ng paalala ang mga nagmamaangan-maangang maka-Diyos daw. At, dahil wala akong binabanggit na relihiyon o tradisyon dito, ang pakiusap ko ay huwag ding magbanggit  nito ang sinumang gustong magkomento. Ituturing kong pansariling pananaw ng nagbasa ang komentong sasabihin niya, kahit hindi umaayon sa mga inilahad ko, kaya hindi ko rin dudugtungan ng tanong o komento. At, lalong ayaw kong ipilit sa iba itong mga pananaw ko.

 

  1. Ang haharap sa Diyos pagdating ng panahong mawala sa mundo ang isang tao ay ang kanyang ispiritu…HINDI ANG KANYANG KATAWANG LUPA. Pagdating ng kanyang kamatayan, HUMIHIWALAY ANG ISPIRITU SA KATAWANG LUPA. Kaya ang mahalagang gawin ng isang tao ay magpakabuti habang buhay pa upang mabawasan man lang ang kanyang mga kasalanan, nang sa ganoon, pagharap niya sa Diyos ay hindi siya mahihiya, at makaakyat siya sa langit kung meron man nito. Ang naiwang katawan na kini-cremate o nilalagay sa kabaong upang ilibing ay wala nang silbi subalit dapat respetuhin. Kahit bendisyunan o basbasan pa ito ay wala ring mangyayari kung ang iniisip ng iba ay makakatulong ang pagbendisyon upang mawala ang mga kasalanan niya, dahil ang katawan ay itinuturing bilang “lupa” na lamang, kaya sa Ingles, ang tawag sa bangkay ay “remains” – natirang bagay.

 

Sa pagkabulok ng bangkay, ito ay hahalo na sa lupa, hindi aakyat sa langit o magdudusa sa impyerno kung meron man nito. Ang Diyos naman ay maaaring “magtatanong” sa ispiritu kung ano ang pinaggagawa ng katawan niya noong buhay pa ito, at hindi magtatanong kung ang bangkay ba niya ay binendisyunan o binasbasan sa isang katedral, simbahan, kapilya, punerarya, bahay, Multi-purpose Hall, o bangketa kung saan ginawa ang lamay. Hindi magtatanong ang Diyos kung mahal ba o mura o donated ang kanyang kabaong, o di kaya ay diretsong inilibing ang kanyang bangkay, o sinunog ba, o kung marami ang nakipaglamay, o kung sino ang nagbasbas, o kung may videoke ba o nagpasugal nang gawin ang lamay upang makalikom ng pera.

 

  1. Ang mga ispiritwal na bagay ay may kaugnayan sa Diyos o pananalampalataya kaya hindi dapat ihalintulad sa mga maka-mundong gawain tulad ng pagpapatakbo ng negosyo, gobyerno, o organisasyon na magiging kadahilanan ng pagkapagod kaya kailangan ang isa o dalawang araw na day off. Hindi rin saklaw ng panahon ang mga ispiritwal na bagay kaya hindi dapat kinokontrol ng oras o araw, hindi tulad ng mga maka-mundong bagay o gawain. Ang pagpapahinga ng Diyos na sinasabi sa Bibliya tungkol sa “creation”, kung saan ay binanggit ang pagpahinga niya sa ika-pitong araw ay isang alamat o legend. Hindi ito dapat gamiting batayan upang magpahinga ng isang araw ang isang bahay-sambahan, sa pamamagitan ng pagsara ng kanilang “opisina” dahil nagagawan naman ng paraan upang maging tuloy-tuloy ang pagsilbi sa mga pangangailangang ispiritwal ng mga kasapi.

 

Kung ang namumuno sa isang bahay-sambahan ay magpupumilit ng patakaran tungkol sa araw ng pamamahinga at tatanggi sa mga suhestiyon bilang paraan kung may problema, lumalabas na siya ay makasarili o mayabang dahil gusto niyang manaig ang pansariling pamamalakad, kaya sa halip na makahikayat ng mga bagong kasapi ay magtataboy pa siya ng mga dati nang kasama…at ang gawaing nabanggit ay pagsalungat sa kagustuhan ng Diyos.

 

  1. Hindi nangangahulugang dahil namumuno na ang isang tao sa isang bahay-sambahan, ay marami na siyang alam at ang mga pinamumunuan niya ay wala o maraming hindi alam. Wala siyang karapatang kumilos na animo ay pantas sa larangan ng relihiyon, dahil ang kaibahan lang niya sa iba ay ang “diploma” lang naman mula sa eskwelahan ng pananampalataya kung saan siya kasapi. Sa makabagong panahon ngayon, marami nang paraan kung paanong mapalawak ng isang tao ang kanyang kaalaman sa anumang larangan, kasama na diyan ang tungkol sa Diyos at relihiyon, at hindi niya kailangang magkaroon ng diploma dahil dito.

 

SA MATA NG DIYOS, LAHAT NG KANYANG NILALANG AY PANTAY-PANTAY AT KUNG MAY MGA NAITALAGA MANG  “MAMUNO” KAYA KAILANGAN NILANG MAG-ARAL PA,  SILA AY HINDI DAPAT MAGYABANG DAHIL ANG MGA PINAG-ARALAN AY DAPAT GAMITIN SA TAMANG PARAAN UPANG MAKAHIKAYAT PA NG MARAMING KASAPI, AT ANG PAMUMUNO AY MAY HANGGANAN ….SA IBABAW NG MUNDO.

 

Hindi Dapat Isipin ng Ibang mga Pari na Tanga ang Lahat ng mga Katoliko

Hindi Dapat Isipin ng ibang mga Pari na Tanga

Ang Lahat ng Mga Katoliko

Ni Apolinario Villalobos

 

Akala ng ibang pari, dahil nakapag-aral sila ng mga salita ng Diyos at ng kasaysayan ng simbahang Katoliko sa loob ng kung ilang taon habang nakakulong sa seminaryo, ay sila lang ang may kaalaman sa mga ganitong bagay kaya  kung umasta sila ay aakalain mong sila lang talaga ang mga pinagpala ng Diyos dahil sa kanilang kaalaman.

 

Ang katotohanan ay marami ang tumitiwalag sa simbahang Romano Katoliko dahil naliwanagan sila pagkatapos malaman ang mga kahihiyang pilit itinatago ng Vatican, lalo na ang mga makabagong nakakadiring kasalanan ng ibang pari. Tanga ang mga paring ito kung hindi nila mauunawaan ang tulong na naibibigay ng makabagong teknolohiya sa mga Katolikong nakakakuha ng impormasyon sa internet.

 

Baka mas marami pang alam ang ibang ordinaryong Katoliko tungkol sa kasaysayan ng simbahang Romano Katoliko na hindi pa alam ng karamihan sa mga pari, kaya hindi sila dapat magyabang. Ang dapat gawin sana ng mga kaparian sa panahong ito ay magpakatotoo, magpakabait, magpakumbaba, maging tulad ni Hesus sa ugali, upang kahit papaano ay maipakita nila na ang pagkakamaling nangyari sa nakaraang panahon ay hindi na mauulit pa sa kasalukuyan. Pero ano ang kanilang ginagawa? Mas higit pang kahihiyan ang ibinibigay sa simbahang Romano Katoliko kaya ang bagong santo papa ay parang sirang plaka sa paulit-ulit nitong pagpapaalala sa kanilang mga responsibilidad at obligasyon. Kulang na lang ay murahin sila!

 

Kung may “pinapatakbo” o mina-manage na parukya ang isang pari, dapat ay magpakita ito ng propesyonalismo dahil ang isang parukya ay isang komunidad na nangangailangan din ng “proper and intelligent management”. Hindi dapat gamiting dahilan ang pagka-ispiritwal ng simbahan upang siya ay makapagdikta o magpasunod ng kanyang kagustuhan dahil gusto lang niyang maipakita na siya ang “lider”. Kung ganyan ang ugali niya, aba eh, bumabalik siya sa panahon ni Padre Damaso noong panahon ng Kastila! Wala siyang karapatang mamuno ng isang lokal na simbahang Katoliko ngayon na sirang-sira na ang reputasyon, dahil sa halip na nakakatulong siya upang makapagbago man lang kahit kapiranggot, lalo pa niyang binabahiran ng putik ang imahe nito.

 

Dapat pasalamatan ng santo papa ang mga maliliit na religious organizations sa lahat ng komunidad na siyang sumasalo at nagtatakip sa pagkakamali ng kanilang parish priest. Dahil maganda ang ipinapakita ng mga religious organizations hindi masyadong nahahalata ang mga kamalasaduhang ginagawa ng ibang parish priest. Ang mga parish priests ay napapalitan pagkalipas ng kung ilang taon, subalit ang mga religious organizations ay hindi dahil taal silang taga-komunidad kaya kung tutuusin sila ang nagbibigay ng agapay sa mga bagong naitatalagang parish priest, subali’t dahil sa kayabangan ng iba sa mga ito, kalimitan, ilang buwan pa lang pagkatapos silang maitalaga ay umaalingasaw na agad ang mabantot nilang ugali!….sila ang mga makabagong Padre Damaso!

 

Ang Nanay naming Matapang at Mahilig Mag-ampon

Ang Nanay naming Matapang at Mahilig Mag-ampon

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang pangalan niya ay Angelica pero ang palayaw niya ay “Ica”. Bunso siya at nag-iisang babae sa kanilang magkakapatid. Mabait siya pero matapang dahil kahit maliit ay marunong humawak ng itak kaya sa palengke noong maliit pa ako, kung saan may puwesto kami ng tuyo pero nalugi kaya nauwi sila ng tatay namin sa paglatag sa lupa ng ukay-ukay, ay pinangingilagan siya.

 

Naalala ko noong nasa Grade 1 ako, nagkagulo sa isang inuman ng tuba malapit sa puwesto namin dahil sa isang lasing na nagwala. Daanan ang puwesto namin papunta sa inuman ng tuba, kaya halos naglaglagan ang mga tuyo dahil sa dagsa ng mga taong nagtakbuhan. Sa inis ng nanay namin, kinuha ang itak na nakatago sa ilalim ng bangko at sinugod ang nagwawalang lasing. Nang makita siya ay parang nahimasmasan dahil kilala pala siya nito. Lalong natakot ang lasing nang makita ang itak na hawak ng nanay namin. Ang may-ari naman ng puwesto ay hindi mahagilap dahil tumakbo daw at nagtago, kaya ang nanay namin ang nag-utos sa lasing na linisin ang mga kalat tulad ng nabasag na mga maliit na garapong kung tawagin ay “Bol” na ginagamit sa pag-inom ng tuba. Ang “Bol” ay tatak ng garapong galing sa America noon at ang dating laman ay minatamis yata. Antigo na ito ngayon at mahal kung bilhin sa antique shop.

 

Nang kumandidato ang nakakatanda niyang kapatid bilang Vice-Mayor, pati ang pamilya namin ay nadamay sa mga intriga. Sa inis niya ay nag-research kung sino ang nagpasimuno ng isang intriga at nang malaman niya ay sinugod sa bahay at hinamon ng away sa kalsada. Binantaan din niyang huwag nang dumaan sa tapat namin at huwag na huwag daw magpakita sa kanya. Nagkaroon ng problema ang intrigera dahil ang bahay namin ay nasa tapat lang ng plasa kaya kung may libreng sine, ay nagtatakip ito ng turban sa ulo at mukha upang hindi makilala ng nanay namin na mahilig ding manood ng libreng sine. Ayaw makialam ng nanay namin sa pulitika at ito ang itinanim niya sa aming isip dahil para sa kanya na naunawaan din namin, sisirain lang ng pulitika ang magandang samahan ng magkakamag-anak at magkakaibigan na ang isip ay nakatuon sa hangad na makaupo sa puwesto sa anumang paraan.

 

Isang gabi ay nakita ko sila ng tatay namin na nagbibilang ng mga lumang pilak na perang Kastila na matagal na nilang naipon. Kinabukasan pinalitan ng kumpare nila ang mga pilak na pera ng bago. Pambayad pala sa naipong utang na dahilan kung bakit wala nang nagdatingang bagong stock ng mga tuyo galing sa Iloilo. Nalaman ko ring marami pala silang pinautang ng paninda na hindi nabayaran kaya nalugi ang negosyo. Sa bagay na ito, hindi ko nakitaan ng tapang ang nanay namin upang maningil dahil sa awa sa mga umutang…mga kapos din daw kasi tulad naming. Hindi nagtagal, ibinenta nila ang puwesto namin.

 

Noong ukay-ukay na ang ibinenta ng magulang namin, sinubukan din nilang dumayo sa ibang bayan. Isang gabing dumating sila galing sa dinayong tiyangge, may kasama silang buntis. Sa kuwentong narinig ko isinama nila ang babaeng nakita nilang palakad-lakad sa palengke ng Tulunan, ang dinayong bayan nang araw na yon, dahil baka daw “ihulog” ng babae ang anak niya. Ang “ihulog” ay “ilaglag”sa Tagalog o sa Ingles ay i-“abort”. Pero dahil bata pa ako ang na-imagine ko ay ang gagawin ng babae na “ihuhulog” ang anak niya sa bangin! Inampon namin ang babae hanggang sa manganak. Nang umabot na ang anak niya sa gulang na apat na taon ay pinayagan siya ng nanay namin na bumalik sa Tulunan.

 

Isang beses naman, nang naghuhugas ako ng mga reject na tuyo upang matanggal ang namuong asin ay may nakita akong batang apat na taong gulang lang yata, umiiyak sa tabi ng public toilet. Nag-iisa lang siya at ayaw sumagot sa mga tanong ko kaya sinundo ko ang nanay ko. Isinama niya ang bata sa puwesto namin at inutusan ang kuya ko na maghanap ng pulis sa palengke upang sabihan na may batang “napulot” at nasa puwesto namin. Hanggang magsara na kami ng puwesto, ay wala pa ring kumuha sa bata kaya isinama na namin sa pag-uwi. Araw-araw siyang isinasama sa puwesto upang makita ng kung sino mang nakakakilala. Nang magdesisyon ang nanay naming ampunin na ang bata ay saka naman siya nakita ng tiyuhin. Sa pag-uwi nila ay sumama kami ng nanay ko at nagdala pa kami ng maraming tuyo upang pasalubong sa mga magulang. Nakatira pala sila sa bulubundukin ng Magon malapit na sa boundary ng South Cotabato, kaya napasabak kami ng “hiking” na inabot din ng ilang oras dahil napakadalang pa ang mga sasakyan noon. Nakabalik kami sa palengke bandang hapon na. Inihatid kami ng tatay ng bata dahil sa bigat ng pinabaon sa aming maraming bayabas at guyabano.

 

Nang umuwi naman ang nanay namin galing sa Bantayan Island (Cebu) mula sa pagdalo sa pista ng nagmimilagro daw na Sto. Niἧo, may kasama siyang isang batang babae na ulila at limang taong gulang. Naging kapamilya namin ang bata hanggang sa siya ay isinama uli sa Bantayan noong mag-sasampung taon gulang na. Hindi na siya naisama pag-uwi ng nanay namin dahil nang makita daw ang bata ng isang tiyahin ay binawi. Wala namang nagawa ang nanay namin kundi ang umuwing luhaan.

 

Hindi lang tao ang nakahiligang ampunin ng nanay namin dahil nang minsang umuwi siya ay may napulot siyang tuta na nangangalkal sa basurahan ng isang bakery na nadaanan niya. Hindi pa ako nag-aaral noon kaya naging kalaro ko ang tuta hanggang sa ito ay lumaki. Ang pinaka-puwesto ng aso tuwing gabi ay ang balkonahe namin. Isang umaga ay nakita namin siyang patay at kagat pa ang leeg ng isang asong patay din at ang bunganga ay umaapaw sa laway, palatandaang ito ay isang asong ulol. Nakaakyat pala sa balkonahe ang asong ulol at kung hindi napatay ng aso namin ay malamang na kami ang nabiktima pagbukas namin ng pinto nang umagang yon.

 

Kung buhay ang nanay namin ngayon, malamang ay naipagpatayo namin siya ng isang maliit na “halfway home” para sa mga gusto niyang ampunin kahit pansamantala, pati na rin siguro ng isang maliit ding “pet shelter”. Pero masaya na rin ako dahil alam kong inampon din siya doon sa “itaas”.

Ang Pamilyang Pilipino: Misyonaryong Alagad ng Eyukarista

Ang Pamilyang Pilipino: Misyonaryong Alagad ng Eyukarista

Ni Apolinario Villalobos

 

Isang matatag na hibla ng pananampalatayang Kristiyano…ito ang pamilyang Pilipino. At, ang panata ay marubdob na pagpapalaganap ng Eyukarista, simbolo ni Hesus na nagligtas sa sangkatauhan mula sa mga minanang kasalanan. Ang malalim na pagkaugat ng pananampalataya sa bawat tahanan, payak man o nakakariwasa ay bunga ng halos limampung siglong paghubog ng mga Kastilang prayle sa kanilang mga ninuno. May sangkot mang karahasan, inunawa na lang dahil sa layuning maka-Diyos, at dahil na rin sa paniniwala na ang mga nabulagang prayle ang nagkamali noon at hindi ang simbahan.

 

Hindi lang Pilipinas ang sinasaklaw ng taimtim na pananampalataya dahil kahit sa ibayong dagat, saan man nakakarating ang mga anak, ina, o ama ng isang Pilipinong pamilya bilang dumadayong manggagawa, kipkip pa rin nila ang Bibliyang pilit pinalulusot sa mga paliparan at daungan. Sa mga bansang iba ang umiiral na pananampalataya, nagagawa pa rin nilang magtipon-tipon nang palihim upang ipadama sa isa’t isa na buo ang katatagan nila bilang mga Kristiyano na hindi nagsasawa sa mga salita ni Hesus. Marami nang naparusahan, subalit hindi hadlang ang kanilang kamatayan upang ang pagsamba nila sa Diyos ay mapigilan.

 

Ang Eyukarista na maituturing na isang pagtitipon, kung saan ay nasa gitna si Hesus… ay lalong tumatatag at lumalawak pa ang nilalambungan ng biyaya nito dahil sa pambihirang katangian ng pamilyang Pilipino. Marami nang hadlang ang kanilang nalampasan sa pag-usad ng panahon na lalo pang nagpalakas ng kanilang pananampalataya dahil sa paniniwalang walang makakatalo sa kapangyarihan ng Diyos na siyang naglalang ng lahat sa ibabaw ng mundo. Hindi sila mahirap akayin dahil sa paniniwala na kung tungo sa kabutihan ang landas na tatahakin lalo pa at ang gabay ay si Hesus, walang pasubaling sila ay susunod.

 

Hindi maiwasan kung may ibang pamilyang napapalihis ng daan dahil sa umiiral na makabagong panahon, subali’t may mga pangyayari at pagkakataon na nagpapakita ng pagbabago…at ito ang hangad sa kanila ng ibang pamilya na sa kanila ay maigting na kumakapit upang hindi tuluyang maligaw. Ang damayan ay bahagi na ng kultura ng mga Pilipino na nagpapatatag ng bawat tahanan, at isa rin itong katangian na ginagamit sa paggabay sa kanilang kapwa upang mapanatili ang katatagan ng pananampalataya. Nagsisilbi din itong lakas na ginagamit ng bawa’t pamilyang Pilipino upang maakay pabalik sa tamang landas ang mga naligaw.

 

Mapalad ako dahil ako ay bahagi ng isang pamilyang Pilipino na may matatag na pananampalataya sa Panginoon at bahagi ng pagtitipong Eyukarista… na ang kahalagahan ay pilit kong pinamamahagi sa abot ng aking makakaya. Hindi man nakakariwasa sa anumang materyal na bagay, hitik naman ang pagkatao ko ng mga bagay na buong puso kong inaalay sa Kanya. Ang puso ko ay pinatitibok ng taos kong pananampalataya, at ang aking payak na karunungan ay umaapaw sa paniniwala sa Kanyang kapangyarihan.

 

Nagpapasalamat ako dahil itinuring ako ni Hesus bilang kapatid niya…at sa pagturing na yan ay kasama ang aking pamilya. Sumasama ang aking kalooban kapag nakakarinig ako ng panlalait kay Hesus ng mga hindi nakakaunawa sa Kanya. Halos magutay ang aking puso kapag ako ay nakakakita ng mga sinasadyang paglihis mula sa itinuro niyang tamang daan. Tinatanong ko ang aking sarili kung bakit sa kabila ng paghirap at kamatayan Niya sa burol ng Golgota, ay nagagawa pa rin ng ibang siya ay itakwil.

 

Ganoon pa man,  dahil sa nakagisnan ko nang katatagan bilang katangiang bahagi ng pamilyang Pilipino, naniniwala akong sa abot ng makakaya ko… namin….at nating lahat, matatamo din ang matagal nang inaasam na kapayapaan at pagkakaisa na siyang layunin ng Banal na Eyukarista – simbolo ng pagmamahal ni Hesus sa sangkatauhan at buong mundo!

 

Dasal…dasal…at dasal pa!

Dasal…dasal…at dasal pa!

Ni Apolinario Villalobos

Sa pabago-bagong panahong dulot ay pinsala

sa halip na biyaya…

Sa harap ng kagutumang ating nararanasang

walang katapusan…

At, sa harap ng mga kinatatakutang krimen –

‘wag munang tapusin ang dasal ng “amen”.

Magdasal pa tayo ng marubdob at taimtim

‘wag magmadali…

Sa panahong ang patayan ay kalat sa mundo

piliting ‘wag masiphayo…

basta’t  namumutawi ang dasal sa ating bibig –

sa pag-asa, tayo’y nakahilig!

Dasal para sa darating na kampanyahan at eleksiyon 2016 ng Pilipinas

Dasal para sa darating na kampanyahan
at eleksiyon 2016 ng Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos

Oh, Diyos na makapangyarihan sa lahat
Naglalang sa lahat ng bagay at may buhay sa mundo
Darating na naman ang panahon ng pangangampanya
Susundan ng eleksyon 2016 na inaabangan ng buong bansa.

Ipag-adya nyo po kami sa mga sinungaling
Silang nangangako ng langit, ang mukha ay makapal
Sila na ang mga labi ay may pilit at permanenteng ngiti
Sila na maya’t maya ang pagpahid ng alcohol sa mga pisngi.

Ipag-adya nyo po kami sa pang-aakit nila –
Gamit ay nakaw na yaman mula sa kaban ng bayan
At bungkos ng salapi na sa harap nami’y iwawagayway
Na ang kapalit nama’y walang katiwasayang pamumuhay.

Harinawa naman na ang ibang malilinis pa
Ay hindi matulad sa mga bantad sa mga katiwalian
Silang malinis ang mga layunin ang tangi naming pag-asa
Upang mabawasan man lang kahit kaunti ang aming dusa.

Hinihiling namin ang mga ito sa ngalan ni Hesus
Na ang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus
Ay may layuning iligtas kami sa mga kasalanan –
Utang na loob namin sa Kanyang walang hanggan.

Amen!

The Precious Silence…that we squandered

The Precious Silence
…that we squandered
By Apolinario Villalobos

It is only in silence that we can hear
the unspoken ache in the heart of others as they suffer,
with closed eyes we could see the torment
brought to them by thirst and hunger.

It is only in silence that we can hear
the voice of God as He answers our heartfelt pleading,
with closed eyes we could feel His mercy
touching our heart, our whole being.

It is only in silence that we can hear
the sweet music that Mother Nature has been humming,
sweetness that we disregarded, neglected
appreciated only now that She’s dying.

It is only in silence that we can hear
the throbbing love, our heart harbors with utmost care,
that should be nurtured, shared unselfishly
not stifled, choked and left to flounder.

The precious silence, we squandered
a mistake, regretted at the last hour
as we grapple hard with time
and, eyes wide with anguish
as we all wallow in miseries!