Ang Dalawang Uri ng Problema

Ang Dalawang Uri ng Problema

Ni Apolinario Villalobos

 

Problema ng iba’y kung anong ihahalo

Sa isang kilong karne

Samantalang ang iba…hapon na subalit

Hindi man lang nakainom ng kape.

 

Problema ng iba’y kung saan kakain

Sa Jollibee ba o MacDo

Samantalang ang iba…hanggang tanghod

ang magagawa’t laway ay tumutulo.

 

Problema ng iba’y ‘di bago ang celfon

Nahihiya sa mga kaibigan

Samantalang ang iba…isang pares na tsinelas

Ay naituturing nang isang karangyaan.

 

Problema ng iba’y saan magbabakasyon

Sa Hongkong ba o Amerika

Samantalang ang iba…malaking problema na

Ang baon at pamasahe patungo sa opisina.

 

Problema ng iba’y luma na raw ang kotse

Dapat palitan, at nakakahiya

Samantalang ang iba…wala man lang sapatos

Na magagamit sa pagpasok sa eskwela.

 

Problema ng iba’y wala daw laptop o tablet

Kailangan daw sa school nila

Nguni’t ang iba …ballpen man lang at papel

Pati notebook ay punit, ni textbook ay wala.

 

Bakit hindi muna tumingin ang iba sa paligid –

Silang nagsasabing kapos daw sa pera?

Bulag ba sila o manhid…walang pakiramdam?

O talagang sagad sa buto ang pagkaganid nila!

Ang Ulap at Pangarap

Ang  Ulap at Pangarap

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa kalawakan, nakakatuwa silang masdan

Lumulutang, animo bulak, iba’t- ibang anyo

Sa isang iglap ay napakabilis ng pagbabago

Bigay ay ligaya sa nakakaramdan ng siphayo.

 

Sa kalawakang maaliwalas at kulay bughaw

Animo ay mga gasa at mangilan-ngilan lang

Kaya’t sa kanilang kalat-kalat na kanipisan –

Langit ay mistulang hubad kung pagmasdan.

 

Mga puting ulap, minsan ay nagkukulay abo

Badya ay masamang panahon, bagyo’t ulan

Sa kapal, kalawakan nama’y nalalambungan

Na nagdudulot ng pagkulimlim sa kalupaan.

 

Ganyan din ang buhay, mayroong mga ulap –

Sila’y pangarap, maraming hugis, kaaya-aya

Silang sa buhay natin, ang dulot ay pag-asa

At sa bawa’t tao, mga hugis nila ay magkaiba.

 

Subali’t kung mamalasin ang isang nangarap

Ang magandang hugis nito’t kulay ay nag-iiba

Nagiging abo, nalulusaw, hanggang mawala –

Na sa kalooban ng iba, ang dulot ay panghihina.

 

Subali’t hindi dapat manimdim ang nakaranas

Dahil may kasabihang sa kabila nitong mga ulap

Ay may pag-asang nakalaan para sa ating lahat –

Basta magtiyaga upang matamo ang pangarap!