Tokens of Love for the Beloved

Tokens of Love for the Beloved

By Apolinario Villalobos

 

One need not be rich

to show the love that throbs in his heart.

Tokens are not measured

by the weight of gold and value of paper bills…

not even by the vastness of the land he owns,

or fleet of cars in his garage.

A sincere token of love can be felt by the beloved –

even a peck on the check,

a hug that need not be chokingly tight

but warm enough,

to send a tinge of assurance

that he is just around.

 

 

Tokens of love need not be

the oft-repeated promises

broken in a fleeting second by temptations.

A sweet smile that parts the lips

and a touch of one’s finger tips

are enough for tears

to roll down the beloved’s face

and a suppressed sob –

at last, that she lets out

as his love for her…

she can no longer doubt.

6674660-man-and-woman

 

Pag-ibig sa Dulo ng Bahag-hari…natagpuan ni Thelma

Pag-ibig sa Dulo ng Bahag-Hari

…natagpuan ni Thelma

(para kay Thelma Pama- Arcallo)

ni Apolinario Villalobos

 

Makulay ang pag-ibig na kanyang natagpuan

Pangakong ligaya ay tila walang katapusan

Pangako na kanya nang nararamdaman

At pati ginhawang hindi matatawaran.

 

Sa paraisong animo ay dulo na ng bahag-hari

At sa piling ng mga katutubo – mga T’boli

Landas nila ay nagtagpo, animo’y hinabi

Pinatatag ng pagsubok, lalong sumidhi.

 

Parang t’nalak na hinabi ang kanilang buhay

Masinsin ang pagkahabi, ‘di basta bibigay

Dahil subok, t’nalak ay talagang matibay

Tulad ng sumpaan nilang ‘di mabuway!

Thelma Pama

 

 

——————

Note:

Bahag-hari – rainbow

T’boli- natives of South Cotabato

T’nalak – T’boli cloth made from abaca fibers

lalong sumidhi – became stronger

masinsin –  finely and delicately woven

mabuway – soft and easily bends; weak

 

Ang Kadakilaan ng Pag-ibig (para kay Emma Tronco)

Ang Kadakilaan ng Pag-ibig

(para kay Emma Tronco)

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa kaibuturan ng puso’y bumabalong ang pag-ibig

Mahiwagang damdamin, minsa’y hindi maunawaan

Nag-udyok sa Diyos upang buhayin ang sangkatauhan

Nagpaubaya na Kanyang palampasin, unang Kasalanan.

 

Ang kadakilaan ng pag-ibig ay hindi kayang sukatin

Ng mga pagsubok dahil sa pagduda’t pag-alinlangan

Hindi ito saklaw ng mga pasubaling minsa’y nabibitiwan

Na sa mga labi ay namumutawi, dala ng magulong isipan.

 

Sa mundong ibabaw, habang buhay ang magsing-irog

Na sa harap ng altar nagsumpaan, taimtim na nagdasal

Saksi ang pari, magulang,  iba pang sa buhay nila’y mahal –

Tiwala’y pairalin hanggang huling sandali sa kanila’y daratal.

 

Tanikala ng pagmamahal ang nagbuklod sa magsing-irog

May bendisyon ng Diyos, nagpapatibay, nagpapalakas nito

Di dapat makalas o maputol sa pagkatali ng dalawang puso –

Anumang panahon o kalagayan, umaaapaw man ng siphayo!

 

images (2)

 

 

Ano Ba Talaga ang Pag-ibig?

Ano Ba Talaga Ang Pag-ibig?

By Apolinario B Villalobos

 

 

Mula pa noong panahong nauna

Ang pag-ibig ay sinisimbolo na ni kupido

Isang  anghel na laging tangan ay pana

Nakaumang sa magsing-irog

At handang magpakawala ng palaso

Na siyang tutusok sa mga puso

Magpapatibok sa mga ito ng mabilis

Hudyat na nabaon na ang pag-ibig

At handang bigkasin ng kanilang bibig.

 

Marami na ang namatay dahil sa pag-ibig

Marami na rin ang nasiraan ng bait

Marami  rin ang napariwara

Kaya  sa murang gulang ay nagsama

Nagpadami ng supling sa mundong ibabaw

Naging  palamunin at sa kalye’y pakalat-kalat

Walang direksyon ang buhay nguni’t

Kung umasta sila akala mo’y sikat –

Mga katawang nanlilimahid sa gulanit na damit.

 

Masarap ang umibig kung isip ang magpapanaig

At hindi damdamin na malayo sa utak

Na siyang dahilan ng masakit ng pagbagsak

Kapag natauhan sa bulag na dikta ng damadamin

Na kung umiral ay animo ulap sa kalawakan –

Natatangay ng hangin at hininigop ng init

Patungo sa mga palanas na tigang

Naghihintay na kahi’t ambon ay mabiyayaan

O di kaya’y hamog sa magdamag o kinaumagahan.

 

Di dapat umasa ng kung anu-ano na dala ng pag-ibig

Dapat hintaying kusang ialay ng taong nakakadama nito

Dahil pagkasiphayo lamang ang idudulot sa umaasa

Kung hindi dumating ang minimithi
Na nakikimkim ng damdaming kimi;

Dapat ding likas na maipakita sa mga kilos

Ang marubdob na nadarama ng isang umiibig

Huwag hintaying hingan ng kanyang irog

Ng mga bagay na sa harap niya ay dapat idulog.

 

Banal ang tunay na pag-ibig

Ito ay hindi libog na sa isang saglit

Kakawala sa katawang nag-iinit;

Kaakibat nito’y pagtatanging di nagdududa

At turingang may respeto sa isa’t isa,

Ang  bawa’t tibok ng puso para sa iniirog

Dapat ay laging dumadaan  sa utak

Nang sa gayon, lahat ng naipapakita sa kilos

At nasasambit ng bibig ay napag-iisipang lubos.

4531054-two-isolated-heart-on-a-white-background-3d-image

Ang Tao, Kalinisan, Pagkain, at Iba Pa

Ang Tao, Kalinisan, Pagkain, at Iba Pa

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi maganda sa isang tao ang sobra-sobrang pagiging malinis, kaya makakita lang ng pagala-galang inosenteng ipis ay animo naholdap na kung magsisigaw. Hindi masama ang maging malinis sa paligid, lalo na sa tahanan at katawan. Dapat lang nating alalahanin na lahat ng bagay, mabuti man, ay may limitasyon, tulad ng pag-inom ng gamot at pagkain. Ang binabakuna sa katawan ng tao upang magkaroon ito ng panlaban sa virus na nagiging sanhi ng iba’t ibang uri ng sakit ay virus din, kaya ang unang epekto nito ay pagkakaroon ng lagnat hanggang “masanay” ang katawan sa pagkakaroon nito. Ibig sabihin, may mga mikrobyo ding napapakinabangan ng tao, kahit ang mga ito ay itinuturing na marumi at salot.

 

May isa akong kaibigan na sa sobrang kalinisan sa bahay ay palaging pinapansin ang nalulugas na buhok ng kanyang misis kaya tuwing magsusuklay ito ay sinusundan niya at pinupulot ang mga buhok na nalalaglag sa sahig. Isang beses sinabihan uli niya ang kanyang misis ng, “o, marami na namang buhok ang nalugas mula sa ulo mo”. Napuno na yata ang misis kaya sinagot niya ang mister ng, “mabuti…ipunin mo para maihalo sa scrambled eggs bukas!”. Pinayuhan ko ang kaibigan ko na hindi tinatanggap sa korte ang nalulugas na buhok ng asawa na kumakalat sa sahig bilang dahilan ng annulment ng kasal, nang minsang humingi siya sa akin ng payo. Sa halip ay sinabihan ko siyang kumbinsihin ang asawang magpakalbo upang maibili niya ng maraming wig na iba’t iba ang pagkaayos at kulay para umayon sa kanyang mood! Hindi ko na nakita ang kaibigan ko… sana hindi sinaksak ng misis!

 

May mag-asawa naman akong kilala na dati ay bugnutin pero hinayaan ko na lang dahil parehong mahigit 70 na ang edad. Pero nang makita ko uli ay sila pa ang unang bumati sa akin. Nang tanungin ko kung ano ang pagbabago sa buhay nila, ang sabi nila, “hindi na kami madalas maglinis ng bahay”. Noon kasi habang naglilinis sila ng bahay ay minumura nila ang alikabok, at maghapon silang nakasimangot lalo pa at nakikita nila ang pagkakalat ng dalawang apo. Nadiskubre din nila na mula noong hindi na sila madalas maglinis, tuwing umaga ay may dalawa hanggang tatlong ipis silang nakikita na nagkikisay. Sabi ko sa kanila ay malamang na-“suffocate” o nalason ng naipong alikabok sa sahig ang mga ipis na ginagapangan nila. Dagdag- paliwanag ko pa ay, kaya siguro mas gustong manirahan ng ipis sa cabinet at mga sulok ay dahil wala halos alikabok sa mga ito. Bilang payo, sinabihan ko silang mag-ball room dancing na rin.

 

Maraming ospital na hi-tech ang naglilipana ngayon saan mang panig ng mundo, kasama na diyan ang Pilipinas at nagpapataasan pa ng singil. Dahil sa kamahalan ng kanilang singil, ang nakakakaya lang magpa-admit ay mayayaman, na ang kadalasang sakit ay sa puso, kanser at iba pang sakit na pangmayaman.  Subali’t hindi maipagkakaila na ang mga sakit na nabanggit ay nakukuha rin sa mga “maruming pagkain”. Ito yong mga pagkaing ipinagbawal na nga ng doctor ay patuloy pa ring kinakain. Alam na ng lahat kung ano ang mga “maruming” pagkain kaya kalabisan na kung babanggitin ko pa. Upang pabalik-balik sa mga doktor ang mga pasyente, siyempre dahil sa kikitain mula sa mahal na konsultasyon, sinasabihan na lang nila ang mga ito na kumain ng mga dapat ay bawal na pagkain “in moderation”, o hinay-hinay, o paunti-unti. Obviously, ay upang hindi bigla ang pag-goodbye sa mundo….at tulad ng nabanggit na, tuloy pa rin ang mahal na konsultasyon!

 

Ang industriya sa paggawa ng mga pagkaing dapat ay “moderate” lang daw kung kainin ay tuloy sa paglago at pagkita ng limpak-limpak upang  masupurtahan naman ang gobyerno sa pamamagitan ng buwis na binabayad nila. Ang ilang mababanggit na produkto ay processed foods na may salitre o preservative, maraming asin, food coloring, na tulad ng hot dog, corned beef,  bacon, ham, smoked fish, at mga inuming may kulay at artipisyal na lasa.

 

Sa puntong ito, gustong ipakita ng mga Tsino na nangunguna sila sa lahat ng bagay kaya pati ang paggawa ng nakalalasong artificial na bigas, sotanghon, alak, at pati ang itinanim na ngang bawang ay inaabunuhan din ng isang uri ng fertilizer na nakakalason sa tao, upang maging “matibay” at hindi mabulok agad sa imbakan. Ang masama lang, artificial at nilason na nga ang mga pagkain ay nakikipagsabwatan pa ang mga Tsino sa mga walang puso at konsiyensiyang mangangalakal sa Pilipinas upang maipuslit ang mga ito kaya hindi napapatawan ng karampatang buwis. Kung sa bagay, paano nga namang maipapadaan sa legal na proseso ang mga produktong bawal?  Maliban lang siyempre…. kung palulusutin naman ng mga buwaya at buwitre sa Customs!

 

Ang legal namang buwis na nalilikom ay ginagamit ng gobyerno sa mga proyektong kailangan ng bansa at mga mamamayan sa pangkalahatan. Kaya masasabing may pakinabang din pala ang paggawa ng pagkaing unti-unting pumapatay sa tao…. isang paraan nga lang ng pagsi-self annihilate o pagpapakamatay…. upang makontrol ang paglobo ng populasyon…na ang ibang paraan ay giyera, kalamidad tulad ng bagyo, baha, lindol, at matinding tag-tuyot!

 

Kung hindi dahil sa nabanggit na mga paraan, baka pati sa tuktok ng mga bulkan ay may mga condominium at subdivision dahil sa dami ng mga taong aabutin ng mahigit 100 taong gulang bago mamatay…at  baka biglang mawala ang wildlife na magiging delicacy na rin dahil sa kakulangan ng pagkain…at baka magiging bahagi na rin ng pagkain ng tao ang minatamis na mga dahon at balat ng kahoy!

 

Sa Tsina ay delicacy ang talampakan ng oso o bear. Sana ang magagaling na Tsinong chef ay makadiskubre ng masasarap na recipe para sa buwaya, buwitre, at hunyango…marami kasi nito sa Pilipinas para mapandagdag sa pagkain ng mga Pilipinong nagugutom dahil ninanakaw ng mga walang kaluluwa ang pera ng bayan!

 

Hindi Matawarang Pagmamahalan…nina Gene at Maggie (Asuncion)

Hindi Matawarang Pagmamahalan
…nina Gene at Maggie (Asuncion)
Ni Apolinario Villalobos

Puno ng bantulot at alinlangan ang mga araw ng ligawan
Napapalitan naman ng abot-langit na saya kung “oo” ang kasagutan
Ang iba’y gumugol ng mga taon sa panunuyo
Mayroon namang inabot lang ng ilang linggo!

Iba ang ligawang hindi minadali, bagkus ay pinagtiyagaan –
Hindi malasado, hindi malabsa, tama lang, dahil ito ay pinaghirapan
Ganyan ang magsing-irog, sina Gene at Maggie-
Ilang dekadang pagmamahalan nila’y tumitindi!

Nagkaalaman ng gusto kaya’t nagbibigayan sila sa isa’t isa
Ano pa nga ba’t kahit sa pagkain, hindi sila nagkaroon ng problema
Hindi tulad ng ibang mag-asawa na nagkahiwalay
Dahil si babae, sa pagsaing lang ay walang malay!

Napatunayan nilang dalawang mahalaga sa buhay ang Diyos
Kaya’t walang paglibang ginagawa sa pagsamba, pilit nilang iniraraos
At kahit ang Christian fellowhip ay sa malayong dako
Pilit pa ring pinupuntahan, sa del Pan, doon sa Tondo!

Hindi nakakalimot makibahagi ng mga natamo nilang biyaya
Dahil sa anumang paraang abot- kaya nila ay talagang pilit ginagawa
Pagkain man, damit o kung anong bagay, pati mga libro
Inaabot sa mga nangangailangan, taos sa kanilang puso!

Dahil ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa ay nasa puso nila
Pinaigting nito ang pagmamahal na nahinog ng panahon para sa isa’t isa
Hindi matawarang pagmamahalan ay naipagmamalaki
Silbing inspirasyon ng iba upang makamit ang minimithi!