Magkapareho ang Pananaw ni Pacquiao at Binay Pagdating sa Katiwalian….nakakabahalang isipin!

Magkapareho ang Pananaw ni Pacquiao at Binay

Pagdating sa Katiwalian…nakakabahalang isipin!

Ni Apolinario Villalobos

 

Umaayon si Pacquiao sa pananaw ni Binay na walang katotohanan ang mga ibinebentang sa kanyang katiwalian hangga’t hindi napapatunayan. Papaanong mapatunayan ni Binay na wala siyang kasalanan kung hindi naman siya umaatend ng mga hearing? Paano niyang mapatunayan na hindi galing sa nakaw ang yaman nila kung palaging idinadahilan niya ang “immunity” ng kanyang posisyon upang hindi siya mapuwersang dumalo sa mga hearing?

 

Nakakabahala ang ganitong pananaw dahil nagpapahiwatig ito na walang kasalanan ang isang nagnakaw kahit may mga ebidensiya pero hindi napatunayan sa husgado dahil sa galing ng kanyang abogado. Ang ganitong pananaw ay nagsasalamin ng hindi mapapagkatiwalaan sistema ng hustisya na pinapagalaw ng mga abogadong “matatalino” at ang serbisyo ay mayayaman lang ang may kakayahang umupa. Dahil diyan, maraming mga inosenteng mahirap na walang pambayad ng magaling na abogado ang  nabubulok sa bilangguan.

 

Palaging may karugtong na “Diyos” at pa-English pang deklarasyon ng kanyang “faith” kuno tuwing magsalita si Pacquiao upang ipabatid na siya ay maka-Diyos, kaya tingin niya sa kanyang sarili ay isang mabuting tao. Nakakapanindig- balahibo ang ginagawa niyang pagmamalaki….kahindik-hindik, at isang karumal-dumal na kayabangan! Hindi dahil dasal siya nang dasal o di kaya ay panay ang pagbasa ng Bibliya ay mabuting tao na siya. Paano ang mga walang Bibliya dahil walang pambili? Sila ba, tulad ng mga bakla at tomboy, ay mas masahol din sa hayop dahil walang na-memorize na salita ng Diyos tulad niya?

 

Paano naging mabuti ang isang tao na nagsasabing inosente siya hangga’t hindi napapatunayan sa korte ang mga kasalanan niya, kahit sa kaibuturan ng kanyang diwa ay alam niyang may kasalanan talaga siya? Ang ganitong pananaw ay nagpapahiwatig ng karumal-dumal na kawalan ng konsiyensiya ng isang tao dahil kahit alam niyang may kasalanan siya pero kaya niyang kumuha ng isang matalino at magaling na mga abogado ay siguradong absuwelto siya.

 

Kung mananalo si Binay bilang presidente at si Pacquiao ay senador, hindi na mawawalan ng pangungurakot sa gobyerno dahil ang kasalanang ito ay kailangang patunayan PA sa korte, ayon sa kanilang pananaw. Hindi man sila ang gumawa ay gagawin ng iba dahil kaya nilang umupa ng magaling na abogado kahit mahal ang serbisyo. Yan ang sagot sa tanong kung kaylan pa may napatunayang nangurakot na malalaking opisyal sa matataas na puwesto ng gobyerno. Samantala ang mga kaso man lang ng mga kinurakot na pork barrel sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay wala pa ring linaw hanggang ngayon.

 

Nakakatakot isipin na nabubuhay tayo ngayon sa panahong naglipana ang mga taong walang konsiyensiya. Silang tingin sa sarili ay maka-Diyos at hindi asal-hayop dahil panay ang basa ng Bibliya, pagdasal, at pag-attend ng prayer meetings, kaya mga “Kristiyano” kuno…ganoong ang nasa isip pala ay inosente sila sa mga kasalanang ginawa dahil hindi napatunayan sa korte!

Baguhin ang mga Ugaling Hindi Maipagmamalaki

Baguhin ang mga Ugaling Hindi Maipagmamalaki

Ni Apolinario Villalobos

 

Taun-taon na lang ay may New Year’s Resolution ang bawa’t isa. Ito ang dahilan kung bakit malakas ang loob ng karamihan sa atin na lumihis ng landas mula unang araw ng Enero hanggang huling araw ng Disyembre…dahil pwede naman daw magsisi bago matapos ang taon.

 

Hindi madaling magbago ng ugaling malalim na ang pagkaugat sa ating pagkatao. Kailangan ang pambihirang disiplina upang magawa ito o di kaya ay isang milagro. Ang masisisi sa ganitong bagay ay mga magulang na nagpabaya dahil hindi nila nadisiplina ang kanilang mga anak habang maliit pa lang sila upang magkaroon ng mga ugaling maipagmamalaki. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga ugaling sumisira ng pagkatao:

 

  • Ang pagiging batugan na nagreresulta sa katamaran. Nakaugalian ng karamihan na tuwing weekend ay gumising ng tanghali. Ang dahilan ay bumabawi lang dahil buong linggo naman daw ay kayod-kalabaw sila. Dahil sa ganoong pananaw, nahawa sa ganitong ugali ang mga anak na paglaki ay magpapasa rin ng ganitong maling pananaw sa kanilang mga anak. May iba diyan na dahil sa pagkabatugan, tapos nang magluto ng tanghalian ang kapitbahay, sila ay humahagok pa rin sa pagkakatulog.

 

  • Ang pagiging abusado sa mga taong tumutulong. Dapat unawain na hindi lahat ng nakakatulong lalo na yong katamtaman lang naman ang uri ng pamumuhay ay palaging nakakaluwag. Ang mga kusa nilang naibabahagi ay ekstra lamang kaya hindi palaging meron sila nito. Ang hirap lang sa ibang naabutan minsan ng tulong, ang gusto ay araw-arawin na ito ng nakatulong, kaya kapag hindi nangyari ang inaasahan nila, sasama na ang loob. Kung ang mga mayayaman nga, maliban na lang ang may mga Foundation, ay minsanan lang kung tumulong, paano pa kaya ang mga nasa “middle class” o yong mga nasa “lower class” subalit may pambihirang ugaling matulungin?

 

  • Ang pagiging “sipsip” sa boss. May mga taong sagad-buto na yata ang pagkamakasarili kaya gumagawa ng lahat ng paraan upang umangat lang, kahit pa marami silang natatapakan o nasasagasaan. Ang mga taong ito ay yong klaseng wala naman talagang ibubuga sa trabaho kaya “sumisipsip” na lang sa boss, na halos umabot sa paghimod sa puwet nito, ma-promote lang. Unfair ito sa mga kasama nila sa trabaho na karapat-dapat umangat dahil sa talino at kakayahan.

 

  • Ang pagiging pekeng makatao at maka-Diyos. Ang isa pang tawag dito ay kaipukrituhan. Ito ang mga taong umaasa ng “bayad” o “balik” o “sukli”, kapag nag-abot ng tulong sa kapwa. Ito ang mga taong palaging may kamera kapag pumunta sa mga evacuation center o mga lugar na sinalanta ng kalamidad at may mga dala rin namang relief goods. Okey lang kung malakihang operasyon na tulad ng ginagawa ng DSW o di kaya ay mga NGOs dahil dapat may maipakita silang patunay na pinamigay nila ang mga donasyon. Subalit kung kusang “tulong-kaibigan” na hindi naman big-time o malakihan, bakit kailangan pang magkodakan? Ang mga gumagawa nito ay yong may ambisyon sa larangan ng pulitika o nangangarap na maging santo o santa.

 

  • Ang pagiging abusado sa katawan. Ang pag-aabuso sa katawan ay nagiging sanhi ng pagkasira ng kalusugan. Ang mga taong abusado sa ganitong bagay ay yong may mga bisyo na kahit alam nang nakakasama ay tuloy pa rin sila sa ginagawa. Nagpapabaya rin sila pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa tamang pagkain. Ito ang mga maaarte na ayaw kumain ng gulay halimbawa, dahil hindi nila gusto ang lasa kahit alam nilang mahalaga sa kalusugan, kaya sila ay ginagaya ng mga anak na lumaki na lang sa pagkain ng hot dog at hamburger o piniritong itlog.

 

  • Ang pagiging bulagsak sa pera. Ito yong mga taong kung gumastos ay parang wala nang susunod pang mga araw na paggagastusan, kaya kung suwelduhan sila, ang natatanggap tuwing 15/30 ay sandail lang nilang nahahawakan….ang resulta – kung may mga emergency na pangangailangan, hanggang nganga na lang sila!

 

  • Ang pagiging palamura. Ang pagmumura ay talagang masama….pagsabihan ba naman halimbawa ang isang tao ng “puta ang ina mo”, o di kaya ay “anak ka ng puta”. Dapat ay baguhin na itong ugali. Kung hindi maiiwasan, putulin na lang ang mga linya…halimbawa, sa halip na “puta ang ina mo” ay sabihin na lang na “…ina mo”, at ang “anak ka ng puta” ay “….anak ka”. Huwag murahin sa Ingles ang mga walang alam sa wikang ito…huwag gawing dahilan ang kawalang kaalaman nila sa Ingles upang paliguan sila ng mga pagmumurang tulad ng, “shit”, “damn it”, “son of a bitch”, etc., dahil baka murahin ka rin sa dialect na hindi mo alam!

 

HAPPY NEW YEAR NA LANG SA MAKAKABASA…..LALO NA ANG NATUMBOK!

Magpapasko pa naman!…nakakahiyang expression ng mga Pilipino

Magpapasko pa naman!

…nakakahiyang expression ng mga Pilipino

Ni Apolinario Villalobos

 

Dapat ay isama ng mga moralista ang pagbawal sa paggamit ng expression na “magpapasko pa naman” na tumutukoy kay Hesus, tuwing may kalamidad na mangyari bago sumapit ang “pista” na ito. Halatang ang habol lang talaga sa pistang ito ay mga kasiyahang dulot ng bonus, pagkain, gifts, Christmas lights, simbang gabi, caroling, etc.

 

Tuwing may kalamidad na nangyayari bago magpasko, ang mga naaawa sa mga nasalanta ay nagsasabi ng nabanggit na expression dahil siguro iniisip ng mga “naaawa” na ito, na mami-miss ng mga nasalanta ang mga kasiyahan, at hindi dahil bertdey ito ni Hesus… isang isyu ding kinukuwestiyon. Bakit hindi na lang dumamay at magbigay ng tulong dahil kailangan ng mga nasalanta at hindi dahil sa kung anu-ano pang dahilan tulad ng pasko?

 

Ang sabi ng mga researchers, ang talagang bertdey ni Hesus ay sa unang linggo (week) ng Abril. Ginamit ng mga matataas na opisyal ng simbahang Katoliko na mga Romano ang Disyembre dahil dati na itong ginugunita ng mga pagano sa Roma…isang makamundong pista na puno ng mga kasiyahang nakikita sa pagbaha ng pagkain, alak, at kalaswaan. Ang talagang orihinal na ginugunita ng mga Hudyo noon pa man ay ang araw ng pagbinyag kay Hesus na nakatala sa mga sinaunang records na ang iba ay inilagay sa Bibliya. Walang binabanggit ang Bibliya tungkol sa eksaktong bertdey niya. Ang sinasabi lang ay panahon ng pag-census ng mga Hudyo kung kaylan ay nataon sa pagpanganak kay Hesus. Ang census na ito ang ginawang batayan ng mga mananaliksik upang matukoy ang “panahon” at ang buwan batay sa kalendaryong pinagamit ng Roma sa mga nasasaklaw ng Kristiyanismo.

 

Sa makabagong panahon, maski sinong bata ay umaasam ng mga regalo tuwing sasapit ang pasko dahil ito ang itinanim sa isip nila ng mga nakakatandang Romanong Katoliko. Inaasahan nila ang paglundo ng mesa sa bahay dahil sa dami ng pagkaing idi-display. Ang mga tin-edyer naman ay excited sa pagsapit ng simbang gabi dahil magkakabandingan na naman sila ng mga kabarkada, at ang iba naman ay magliligawan – sa labas ng simbahan. Ang mga talagang isip at asal demonyo ay may lakas ng loob pang magsuot ng mga damit na kung hindi manipis ay may plunging neckline naman, at ang lalong malaswa ay ang pagsuot nila ng short shorts na nagdi-display ng maitim naman nilang kuyukot! Ang iba naman ay magdi-displey ng mga alahas na tulad ng ginagawa nila sa pagdalo ng misa kung araw ng Linggo.

 

Ang isa pang itinuro ng simbahang Romano Katoliko upang mapilitang magsimba araw-araw ang mga kasapi ay ang pagbuo ng siyam na araw upang matupad daw ang kanilang mga hiling! Hindi ba ito katarantaduhan….dahil wala naman yan sa Bibliya? Ang dapat na itinanim sa mga kasapi ng simbahang Romano Katoliko ay ang sakripisyo na kaakibat sa pagdalo sa misa tuwing madaling araw o gabi, upang pagdating ng talagang “kapanganakan” ni Hesus, ay hindi nakakahiyang humarap sa kanya….hindi yong hihiling ng kung anu-ano para sa sarili na kalimitan naman ay pera. Pati ang mga prutas na kung ilang piraso na puro bilog ay kasama din sa kinalolokohan ng mga Pilipino…pero ito ay paganong paniniwala naman ng mga Intsik na isinabay sa pasko at bagong taon dahil nakita ng mga taong ito ang malaking kikitain na resulta ng panloloko nila…mga negosyante kasi!

 

Bakit hindi sundin ang panawagan ng mismong santo papa na si Francis na sa paggunita ng “kapanganakan” ni Hesus, dapat ay iwasan ang pagiging materialistic?…dahil ba marami ang gustong magpakita ng karangyaan? Bakit pa ituturing ng mga Katolikong “tatay” nila si Francis kung hindi rin lang siya pakikinggan?…dahil ba sagad-buto na ang kanilang pagiging makasarili?

 

At, kung seseryusuhin na talagang “bertdey” ni Hesus ang isi-celebrate bakit hindi sa isang araw lang – ang pinaniniwalaang December 25? …dahil ba ginagamit ito bilang dahilan upang mag-celebrate ng mga makamundong bagay na orihinal na ginagawa ng mga pagano sa Europe?

 

Pinagmamalaki ng mga Pilipino ang “pinakamahabang pasko” sa buong mundo, pero kung talagang iisipin ang diwa ng pasko…ang kahabaang ito ay dapat ikahiya dahil sa kahirapang dinadanas na ng mga Pilipino at kalagayan ng Pilipinas! Nakakahiyang Setyembre pa lang ay hindi na magkandaugaga ang karamihan sa paglagay ng mga palamuti na para bang “mauubusan na ng pasko”. Kanya-kanya ang mga lunsod at bayan sa pagtayo ng mga giant Christmas tree pati mga lugar kung saan ay may mga kalakalan tulad ng malls. Ang maririnig sa radio ay mga kantang pang-krismas. Ang nakikita sa mga TV screens ay mga pagkaing mararangya na pang-pasko, etc….hanggang Enero ito. Habang nangyayari ang mga nabanggit , marami namang mga Pilipino ang halos hindi makakain ng kahit isang beses sa isang araw. Ang iba, makakain lang ay namumulot ng mga tira-tira sa basurahan.

 

Ang mga Pilipinong ayaw tumingin sa katotohanang ito, simple lang naman ang mga sagot: “kasalanan ko ba kung naghihirap sila at kaya naming gumastos?”, o di kaya ay, “kasalanan nila kung bakit sila naghihirap, dahil tamad sila!”….masasabi bang tamad ang isang taong nauulanan na’t lahat at halos malapnos na ang balat dahil sa init ng araw ay nangangalkal pa rin ng basura?

 

Peace to all!!!!

 

Do Not Feel Bad About Unfulfilled Dreams

Do Not Feel Bad

About Unfulfilled Dreams

By Apolinario Villalobos

 

There is a popular adage, “life is what we make it”. All of us have limitations, hence, it follows that the life we live is based on our best effort, but hampered by limitations. We cannot be like what others are. We can strive, yes…but the result may not be the same as what others have accomplished. The problem with some of us is that they dream to be like somebody else which is impossible. Successful people can be looked up to as models or be admired, but cannot be exactly copied.

 

Success is relative. The degree and kind of success varies. In this regard, to avoid getting disappointed, one should accept what he has accomplished based on his capability and just strive a little harder to be able to accomplish more. He should not feel bad, for instance, because he did not become a manager like his friend, or a physician like another friend, or a mayor, etc.

 

Those who develop grudge because of their “failure” supposedly, equate success to fame which is wrong. Others feel that just because they did not become famous like others, they have become a failure. I can say that such kind of feeling is a manifestation of jealousy which breeds grudge….nothing else. Success in life is the happiness and contentment one feels every morning as he wakes up to another day….it is the joy felt in what he does.

 

We should not be occupied with gawking at what others are doing or be jealous with what they have accomplished. Each one of us has a different kind of life to live and concerns much different from the rest. On the other hand, the jealous attitude is most often the result of unnecessary and unhealthy rivalry in offices and other work sites. This is called professional jealousy which affects the operation and atmosphere.

 

Finally, successful people may wonder why some friends have suddenly kept a distance from them for no reason at all that they know of. There is something for these shunned successful people to ponder about…jealousy developed by their friends who have the habit of comparing themselves with others. Such unnecessary feeling made them jealous resulting to grudge that time may not expunge easily. My suggestion: a change in attitude…by being positive in living one’s life….and changing it for the better.

 

Kung Pangkaraniwang Tao…Weird, Pero Kung Sikat na Tao…Kahanga-hanga!

Kung Pangkaraniwang Tao…Weird,

Pero Kung Sikat na Tao…Kahanga-hanga!

ni Apolinario Villalobos

 

Kung ordinaryong tao ang magsuot ng damit na may butas at kupas, sinasabi ng iba na weird siya at hindi marunong mag-ayos, pero kung sikat na tao ang gumawa nito, siya ay kahanga-hanga at dapat tularan. Kung isang ordinaryong tao ang gagamit ng mga herbal alternative medicines na hindi ginagawa ng iba, ang turing sa kanya ay weird kaya hindi ginagaya, pero kung artista o sino mang sikat ang gagawa nito, mabilis pa sa alas-kwatro kung sila ay gayahin.

 

Kung ang isang pangkaraniwang tao ay naglalakad patungo sa opisina o eskwela, sinasabi ng iba na poor kasi, walang pamasahe, kawawa naman, pero kung sikat na tao ang gagawa nito…good for the health daw kaya tinutularan. Kung ordinaryong misis ang magsasalita tungkol sa buhay niya o di kaya ay tungkol sa buhay ng iba, ang tawag sa kanya ay tsismosa, pero kung kilalang tao, lalo na si Kris Aquino ang gagawa nito, tawag sa kanya ay “taklesa” o walang preno o careless lang.

 

Ganyan ang ugali ng KARAMIHANG tao, tumitingin sa panlabas na anyo ng kapwa. Para bang sinasabi nila na kung hindi simpleng shorts at t-shirt lang ang suot ay ayaw na halos pagkatiwalaan. At kadalasan din na kung walang alahas na suot, etsa puwera na siya dahil walang class. At ang pinakamatindi ay ikinahihiya pa ng mga kaanak!

 

Sa isang sosyal na kainang napuntahan ko, ang nagpa-party ay nagtalaga ng mga professional receptionists na kasama sa package ng caterer. May nakasabay akong babaeng may edad na at napaka-ordinaryo ang suot, simple lang din ang ayos, yon nga lang ay nakasapatos ng lumang klase na kulay itim, pero wala rin maski mumurahing hikaw man lang. Nagpakilala siya sa receptionist pero ang apelyido niyang binanggit ay hindi kapareho ng nagpa-party kaya may pinuntahan sa di-kalayuan, may kinausap na isang babae, sabay turo sa matandang babae, na nilapitan naman ng kinausap ng receptionist. Narinig kong tinawag na “auntie” ng lumapit ang matandang babae at halos inakay  palabas ng venue, pinaupo sa isang sofa. Nang umalis ang tumawag ng “auntie”, nilapitan ko ang matandang babae at tinanong ko kung kaanu-ano niya ang nagpa- party. Ang sagot niya ay pamangkin daw, anak ng kapatid niya, at inalagaan daw niya hanggang makaalis  papuntang Amerika noong tin-edyer pa lang. Matagal na daw silang hindi nagkita kaya nang malaman niyang nasa Maynila ito ay lumuwas pa mula sa Lemery, Batangas!

 

Bisita lang din ako sa binanggit kong party, pinilit lang akong isama ng kaibigan ko upang ipakilala sa nagpa-party at sabi sa akin ay may ipapa-edit daw na blueprint ng librong isinulat niya sa States. Hindi pa ako nakilala ng nagpa-party dahil hinintay ko pa ang kaibigan kong kaibigan niya. Naisip kong pagkakataon ko na sanang kumita ng perang pandagdag ko sa pondong iniipon ng maliit naming grupo para pambili ng mga regalo sa mga natutulog sa mga bangketa bago magpasko, kaya kahit umiiwas ako sa mga party ay pinagbigyan ko ang kaibigan ko.

 

Dahil sa pangyayari, hindi ko na lang hinintay ang kaibigan ko. Ang matandang babae naman ay nalulungkot at nahalata kong namumutla kaya tinanong ko kung kumain bago umalis ng Lemery. Sabi niya ay hindi pa…at sa oras na yon na halos ay alas dose na, talaga namang mamumutla siya. Sinubukan kong imbitahing kumain sa isang karinderyang nadaanan ko nang pumunta ako sa venue ng party, at pumayag naman siya. Sa karinderya ay sinabihan ko siya na unawain na lang ang pamangkin na talagang busy lang.  Pagkatapos naming kumain, tinanong ko siya kung may balak  pa siyang magpakita sa pamangkin niya….sabi niya ay wala na. Dahil mag-aalas dos na ng hapon, tinanong ko siya kung okey lang na ihatid ko siya sa Lemery…bahala daw ako. Dahil sa sinabi niya, dali-dali kaming kumuha ng taksi na maghahatid sa amin sa isang bus terminal sa Pasay na may mga bus na biyaheng Lemery.

 

Nasa terminal na kami ng bus sa Pasay nang tumawag ang kaibigan ko upang tanungin kung nasaan na ako. Sabi ko sa kanya, saka ko na lang siya kakausapin uli para magpaliwanag, dagdag ko pa, kausapin niya ang kaibigan niya at baka nalulungkot. Pero, sa pagkakataong yon, nagdesisyon na akong hindi ko na kakausapin ang kaibigan ng kaibigan ko na pamangkin ng babaeng bago kong kaibigan. Goodbye na lang sa kikitain sana!

 

Ang Department of Social Welfare…kaylan kaya magpapakatotoo?

Ang Department of Social Welfare

…kaylan kaya magpapakatotoo?

Ni Apolinario Villalobos

 

Kaylan lang ay bumulaga sa buong Pilipinas ang balita tungkol sa nadiskubreng 20 sakong relief packs na ibinaon sa isang lugar ng Dagami, Leyte na inilaan dapat sa mga biktima ng bagyong Yolanda. Ang mga relief packs at sako ay may tatak ng DSW at ang masama, mag-iimbistiga daw ang ahensiya pero ang resulta ay ilalabas sa susunod na buwan!…ibig sabihin ay Enero 2016! Ganoon na ba kabagal kung kumilos ang gobyerno? Nang nakawin naman ang mga relief sa isang bodega sa Cebu noong nakaraang taon at nakunan pa ng video, inimbistigahan din daw, pero inabot na ng mahigit isang taon ay wala pa ring narinig tungkol dito. Malinaw na kaya malakas ang loob ng mga kawatan sa gobyerno ay parang may nagkukunsinti sa katiwaliang ito dahil wala man lang napaparusahan…na dapat ay saklaw ng batas tungkol sa “command responsibility”.

 

Ang pagkasinungaling ng DSW ay lumilitaw na naman dahil sa kabila ng sinasabi ng kalihim nito mismo na si Dinky Soliman na “inililigtas” lang daw nila ang mga batang kalye tuwing may darating na bisita ay malinaw na ganoon na nga….pagsisinungaling lang. Balik na naman sa mga kalye ang mga “batang hamog” sa iba’t ibang kalsada ng Maynila at namemehuwisyo ng mga motorista. At, ngayon dahil pasko, ay nakikipag-patintero pa sa mga sasakyan at humahabol sa mg bus at jeep na kanilang pinagkakarolingan. Nasaan ang katotohanan sa sinasabi ni Soliman na inililigtas ng ahensiya ang mga ito mula sa delikadong kalagayan ng mga kalsada?

 

Napaga-alaman pa na mismong mga “Street Facilitators”, mga seasonal contract workers ng DSW, na siyang naghahakot ng mga batang kalye tuwing may bisitang darating, hanggang ngayon ay hindi pa nabibigyan ng allowance sa serbisyo nila noong APEC. Ano ang ginagawa ni Soliman sa pondo ng DSW para sa mga ganitong proyekto?

 

Marami ang bumabatikos  tungkol sa napakalaking pondo ng DSW at kung anu-anong idinadahilang proyekto na kuwestiyonable naman ang relevance o katuturan. Pinagdududahan ng mga bumabatikos na baka ang malaking pondo ay gagamitin lang para sa kampanya ng mga manok ng administrasyon. Ayaw ko sanang maniwala….subalit ilang buwan na lang eleksiyon na at nagsimula na nga ang paglabasan ng mga ads ng mga kandidato na nangangailangan ng milyon-milyong pondo.

 

 

Ang Moralidad at Mga Moralista sa Bansang Pilipinas

Ang Moralidad at Mga Moralista

Sa Bansang Pilipinas

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang moralidad ay isang prinsipyo na may kinalaman sa pagiging tama o mali ng isang gawain batay sa itinakda ng batas o simbahan, kaya hindi ito dapat limitado sa gawaing may kinalaman lamang sa sex. Ang pagnanakaw, pagpatay dahil sa masamang dahilan, pagsisinungaling, panlalamang ng kapwa, paninira ng kapwa, at iba pang maling gawain ay maituturing na mga imoral. Ang  kabaligtaran naman ng mga nabanggit ay may kinalaman sa kabutihan at itinuturing na moral. Sa ganang ito, hindi lang ang mga taong may mahigit sa isang asawa kung siya ay Kristiyano, halimbawa, ang maituturing na imoral dahil sinusuway niya ang itinuturo ng simbahan, kundi pati na rin ang mga taong nanlalalamang ng kapwa at lalo na ang mga opisyal na nagnanakaw sa kaban ng bayan na naging sanhi ng kahirapan ng maraming mamamayan. Ang huling nabanggit na imoralidad ay ang pinakamasidhi dahil hindi lang isa, dalawa, o tatlong tao ang napaglalangan at naapi, subalit milyon-milyon!

 

Walang namumukod-tanging tao na walang bahid ng imoralidad, lalo na sa panahon ngayon. Patunay dito ang nagpuputukang mga isyu tungkol sa imoralidad mismo ng mga namumuno sa mga simbahan, lalo na ang paglipana ng mga korap na opisyal sa mga pamahalaan ng anumang bansa.

 

May mga taong marami ang kerida o kabit at hindi nila itinuturing na “asawa” kundi “parausan” lamang ng kanilang kalibugan….YAN ANG IMORAL! At lalong imoral na gawain ang pag-abandona sa mga ito dahil hindi man lang nila binibigyan ng sustento, at hindi kinikilala ang bunga ng kanilang kalibugan.

 

Bakit binabatikos ng mga “moralista” ang isang taong may tatlong asawa, ganoong umamin naman sa ginawa niya at hindi naman tumatalikod sa responsibilidad, subalit ayaw naman nilang pamukhaan ang mga opisyal ng bayan na hayagang nagsisinungaling, nagpapabaya sa gawain, lalo na ang mga nagnanakaw sa kaban ng bayan, at  may gana pang ipagmalaki ang yamang galing sa masama? Dahil ba kapartido nila?

 

Huwag nang magmaang-maangang banal ang mga taong nagdadalawang mukha o nagdodoble-kara dahil lang sa ambisyong may kinalaman sa pulitika. Alam naman nilang masama ang tinutumbok ng tinatahak nilang daan tuwid man ito o liku-liko.  Ang isang taong nagmamalinis ay hindi dapat pumasok sa larangan ng pulitika na animo ay isang maputik na kwadra ng mga hayop. Wala silang karapatang bumatikos sa mga kalaban na tingin nila ay may masamang ugali dahil ang mga kasama nila sa partido mismo, kung hindi man kasingsama ng binabatikos nila ay lalong higit pang masama.

 

Ang hirap sa mga nagmamaang-maangang taong pumasok sa pulitika na tutulong daw sa bayan ay tumitingin pa sa malayo upang makakita lang ng taong imoral daw, samantalang pinaliligiran na sila ng mga taong hindi lang simpleng imoral subalit sagad sa buto ang pagka-imoral! Nagkakabanggaan pa nga sila ng mga balikat dahil natataranta na kung ano ang gagawin dala ng nerbiyos at baka matalo!

 

 

 

Ang Pagbaba ng Standards ng Moralidad at Values…dahil naging subjective o pangsarili na ang mga ito

Ang Pagbaba ng Standards ng Moralidad at Values
…dahil naging subjective, o pangsarili na ang mga ito
Ni Apolinario Villalobos

Malaki na talaga ang ipinagbago sa ugali ng mga tao dahil sa mga makabagong pangyayari sa kanyang paligid. Katulad na lamang ng pagbaba ng standards ng moralidad at values. Kung noon, ang umiiral ay todo-todong pagmamalasakit sa kapwa, ngayon ay kawalan ng pakialam ang madalas mangyari. Ang sabi ng iba, mas maganda na daw yong hindi nakikialam upang hindi masangkot sa problema kung sakali. Subalit kung sa mga taong ito naman mangyari ang hindi maganda at walang makialam, nagagalit naman sila. Kaya masasabing ang moralidad at values ngayon ay naging “one way”, kabaligtaran ng mga dating nangyayari na nagpapakialaman upang maipairal ang tulungan o bayanihan.

Ang isang halimbawa ay mga problema na dulot ng droga. Marami nang nababalitaan tungkol dito. Pero may isa akong kaibigan na kibit-balikat lamang dahil ang mga anak daw niya ay mababait kaya walang problema sa droga. Subalit minsan ay nabugbog ang anak niyang binatilyo ng mga nangingikil na kilala sa lugar nila na mga adik. Naospital ang kanyang anak. Dahil sa pangyayari, “naramdaman” ng kaibigan ko ang masamang epekto ng droga, na kahit hindi binibisyo ng kanyang anak ay nakakaapekto din pala sa kanilang pamilya. Dahil sa nangyari sa kanyang anak, ang kaibigan ko ay galit na sa mundo!

May isang pamilya naman na lahat ng miyembro ay kumpleto sa mga bisyo, tulad ng sugal, sigarilyo, at droga. Ang katwiran ng ina, basta hindi naman sila nananakit o nakikialam sa kanilang mga kapitbahay, okey lang. Nakakaraos sila sa pakikisama sa mga katulad nilang ganoon din ang mga bisyo. May pansarili silang standards ng moralidad na pinaiiral, hindi na yong sinusunod na dapat ay may dulot na kabutihan para sa lahat.

Ang pagbaba ng moralidad ay nakikita rin sa buhay ng mga pulitiko. Ang mga pulitikong pamilya na bistado namang may ginagawang hindi maganda ay walang pakialam kahit binabatikos na. Baka sa harap ng hapunan kung magkita sila ay nagpapalakihan pa ng nakurakot sa kaban ng bayan! Kaya sa panahon ngayon, ang kasabihan sa Ingles na “it runs in the family” ay hindi lang tumutukoy sa ganda, talino, sipag, atbp…kundi pati sa pagka-corrupt!

Sa isang banda, mayroon pa rin namang iilang pulitiko na nagpipilit na magpairal ng mataas at katanggap-tanggap na antas ng moralidad at values sa trabaho nila. Mahirap man, kailangan nilang gawin ito upang hindi tuluyang mawala ang batayan ng mga nararapat na gawin ng isang tao…saludo ako sa kanila!