Umaayon ang mga Pagkakataon kay Pnoy na Pinaghandaan Niya

Umaayon ang mga Pagkakataon kay Pnoy

na Pinaghandaan Niya

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa pagkalaglag ni Mar Roxas mula sa kalinga ni Pnoy Aquino dahil sa hindi pagka-apruba sa dalawang libong pisong dagdag sa buwanang pensiyon ng mga retirado, wala ring problema sakaling manalo si Jejomar Binay. Dapat tandaang ang kalaban ni Binay ay ang tatlong senador na pursigidong siya ay makulong-  sina Escudero, Trillanes at Pimentel. Sa isang banda ay paulit-ulit na sinasabi ni Binay na malaki ang utang na loob niya kay Cory Aquino na siyang nagluklok sa kanya sa Makati City bilang mayor nang umupo ito bilang presidente pagkatapos ng People Power 1. Dahil diyan, malayo sa isip niya na sumuporta sa anumang balak na kasuhan si Pnoy, bilang pagpapakita ng utang na loob. Wala rin siyang probema dahil naghihintay na sa kanya ang pork barrel fund na inaprubahan ni Pnoy, na lalo pang nilakihan sa halagang nakakalula.

 

Maraming mapaggagamitan ang pork barrel fund na inaprubahan ni Pnoy, lalo na sa panunuhol upang maharangan ang anumang tangkang kasuhan siya sa kanyang pagbaba at pagkawala ng immunity. Sa Ingles wika nga ay, the road has been paved for smooth travel….o pag-absuwelto kay Pnoy mula sa anumang kaso. Majority ng miyembro ng Korte Suprema ay naimpluwensiyahan na ni Pnoy at ang iba ay iniluklok naman niya sa panahon ng kanyang panunungkulan kaya hindi maiiwasang magkaroon sila ng utang na loob sa kanya. Yong mga inuluklok ni Pnoy na nagsasabi ng, “gagawin ko lang ang trabahong itinalaga sa akin”, ay mabuti pang manahimik na lamang mula ngayon dahil siguradong sisirain lang nila ang binitiwang pangako. Hindi dapat kalimutan na ang isang bahagi ng kultura ng mga Pilipino ay matiim na nakaangkla sa “utang na loob” na siya namang dahilan kung bakit napakarumi ng pulitika sa Pilipinas.

 

Ang mga nabanggit na senaryo ay malamang na matagal nang nakikita ni Pnoy kaya kung gumawa siya ng mararahas na aksiyon na taliwas sa mga inaasahan ay ganoon na lang. Samantala, ang pag-asa na lamang ay ang kasong inilalatag sa kanya ni Juan Ponce Enrile tungkol sa direktang pananagutan niya sa madugong kamatayan ng SAF44 sa Tokanalipao, Mamasapano, sa probinsiya ng Maguindanao. Subalit kung ito ay ihahain sa Korte Suprema, tatanggapin naman kaya ng karamihan ng mga mahistrado ang “command responsibility” bilang batayan ng kanyang kasalanan? Ano ang magagawa ng isang mabigat na ebidensiya sa harap ng mga naimpluwensiyahang kaisipan na nabaluktot kaya hindi makagawa ng patas na desisyon? Nangyari na yan nang kung ilang beses….at siguradong mangyayari pa!

Dapat Bigyang-pansin din ang pag-abuso sa pag-appoint ng mga opisyal sa mga puwesto

Dapat Bigyang-pansin din ang pag-abuso

sa pag-appoint ng mga opisyal sa mga puwesto

ni Apolinario Villalobos

Maliban sa Anti-political Dynasty Bill, dapat ay bigyang pansin din ang pag-abuso sa pag-appoint ng mga kaibigan at kamag-anak sa mga puwesto sa gobyerno. Nagkakagulatan na lang kapag nalamang magkakamag-anak o matalik na magkakaibigan pala ang mga nasa maseselang puwesto ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kung ang isa ay nagkakaso dahil sa imbestigasyong ginagawa. Ang isang halimbawa ay nang magkakaso si Vitangcol. Nang mag-imbestiga, nabistong marami pala siyang malalapit na kamag-anak na nakatalaga rin sa mga maseselang puwesto at ganoon din ang kalihim ng DOTC na si Jun Abaya, dahil nalamang malapit sa isa’t isa ang dalawa.

May batas tungkol sa bagay na ito subalit napakaluwag, kaya wala ring saysay – inutil, kaya napapalusutan. Ang Kongreso at Senado ay malamang hindi maaasahan sa bagay na ito dahil ang mga bumubuo sa dalawang kapulungang ito ay apektado lahat.

Isa sa mga pangakong binibitiwan ng mga tumatakbo sa Kongreso at Senado ay ang pag-appoint sa mga tutulong sa kanila sa panahon ng eleksiyon, kaya ang kumakagat ay talagang gumagawa ng paraan upang maipanalo ang kanilang kandidato. Dahil sa ganyang sitwasyon, paano pang gagawa ng pagbabago ang mga nakaupo sa nabanggit na mga kapulungan?

Ang pinakahuling paraan ay dapat manggaling sa Civil Service Commission at Department of Labor na dapat magtulungan kung paanong mabigyan ng pangil ang mga nakatakda nang batas, upang maski papaano ay maipakitang may nagawa, kaysa naman tutunganga na lang sila at magsisihan, o di kaya ay umasa sa pagkukusa ng mga mambabatas na talagang hindi kikilos tungkol sa nabanggit na pangangailangan.

Ang isa pang nangyayaring pag-abuso ay tuwing magtatapos ang termino ng Pangulo…na ang  tawag ay midnight appointment. Maraming leksiyon na ang nangyari pero ni isa ay wala man lang natututunan dahil nagtuturuan ganoong ang talagang diperensiya ay kawalan ng tamang batas. Kawawa at napapahiya tuloy ang mga na-appoint ng bumabang Pangulo dahil natatanggal pag-upo ng bagong Pangulo.