Ang Trapik ay Nasa Ibabaw ng mga Tunay na Problema

Ang Trapik ay Nasa Ibabaw ng mga Tunay na Problema

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang isyu ng problema sa trapik sa malalaking lunsod ng Pilipinas lalo na sa Manila ay yong sinasabi sa Ingles na “scum” o “froth”. Kung ihahalintulad sa hindi dumadaloy na tubig sa estero, ito yong mga animo ay bumubulang nakapaibabaw sa maruming tubig, at kung sa serbesa naman ay yong lumutang na bula pagkatapos ibuhos sa baso. At, dahil lumulutang agad ay unang nakikita. Ganyan din ang trapik na nakikitang problema sa mga kalsada ng mga lunsod. Subalit, ang katotohanan ay hindi ito mangyayari kung walang problema sa bandang “ilalim” ng sitwasyon. Ang mga sumusunod ay naisipan ko lang na baka mga problema:

 

  • Kaluwagan sa pagbili ng mga bagong sasakyan dahil nagkakamurahan ng presyo….at, hindi kinokontrol ng gobyerno. Kung kontrolin naman ay sasabihin ng mga apektado na laban ito sa karapatan ng isang malayang Pilipino. Ang kagustuhan ng karamihan na bumili ng sasakyan ay bunsod ng kultura ng Pilipino na may kinalaman sa kayabangan. Kahit nangungupahan lang ng kuwarto ang pamilya, halimbawa, ng isang simpleng empleyado ay gusto pa rin ng padre de pamilya na magkaroon ng sasakyan para may pangporma at magamit sa pamamasyal sa Luneta ang pamilya.

 

Para sa mga taong ito, hindi bale nang panay ang utang sa Bombay at halos walang pamasahe sa pagpasok sa trabaho o di kaya ay alaga ng pagmumura ng may-ari ng kuwartong inuupahan dahil sa naaantalang pagbayad ng upa, basta may kotse lang na naidi-display upag kaiinggitan ng mga kapitbahay, kahit walang garahe. Nag-operasyon noon upang mag-tow ng mga sasakyang nakaparada sa tabi ng kalsada, subalit “ningas-cogon” naman dahil makalipas ang ilang araw ay itinigil na.

 

  • Pagpapabaya ng mga mambabatas sa paggawa ng mga batas na may “pangil” at makatotohanan. At, pagpapabaya rin ng mga ahensiyang dapat magpatupad sa mga batas na naipasa na. Hindi rin isinasaalang-alang ang pagtalaga ng karampatang budget sa mga naipasa nang mga batas upang hindi magamit na dahilan ang kawalan nito kaya walang mga gamit at mga karagdagang tauhan, na kadalasang dahilan ng pagtuturuan ng mga mambabatas at mga ahensiya.

 

  • Ang mabagal o makupad sa pagpapatupad ng mga proyekto tulad ng mga kalsada sa lunsod at highway sa probinsiya. At, kung nagawa na, ang mga ito ay palpak kaya madalas ang pagpapaayos agad…halatang gusto lang talagang pagkitaan ng mga tiwaling opisyal at ahensiya. Nagreresulta tuloy ito sa pagdurusa ng mga motorista at commuters …pagdurusang nagsisimula sa paggawa ng mga proyekto hanggang sa pagpapa-repair ng mga ito…samantalang ang mga kurakot ay masaya!

 

  • Ang hindi pagbibigayan ng mga motorista dahil ayaw ng bawa’t isang malamangan. Dahil sa ugaling ito ng mga Pilipinong motorista, yong traffic sign na “Yield” ay walang silbi sa Pilipinas.

 

Sa madaling salita, kaya matindi ang trapik sa Pilipinas ay dahil walang disiplina ang mga motorista, maraming butas ang mga batas na ginawa ng mga tiwaling mambatatas kaya pinagkakaperahan ng mga tiwaling taong dapat magpatupad sa mga ito, at hindi kontrolado ang pagpasok ng mga bagong sasakyan na umaapaw sa mga kalsadang hindi nadugtungan at naluwangan. At, sa mga dahilang yan…nagbubulag-bulagan ang mga nakaupong tiwali na ay kawatan pang pinagkatiwalaan ng taong bayan!

 

 

 

 

Umaayon ang mga Pagkakataon kay Pnoy na Pinaghandaan Niya

Umaayon ang mga Pagkakataon kay Pnoy

na Pinaghandaan Niya

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa pagkalaglag ni Mar Roxas mula sa kalinga ni Pnoy Aquino dahil sa hindi pagka-apruba sa dalawang libong pisong dagdag sa buwanang pensiyon ng mga retirado, wala ring problema sakaling manalo si Jejomar Binay. Dapat tandaang ang kalaban ni Binay ay ang tatlong senador na pursigidong siya ay makulong-  sina Escudero, Trillanes at Pimentel. Sa isang banda ay paulit-ulit na sinasabi ni Binay na malaki ang utang na loob niya kay Cory Aquino na siyang nagluklok sa kanya sa Makati City bilang mayor nang umupo ito bilang presidente pagkatapos ng People Power 1. Dahil diyan, malayo sa isip niya na sumuporta sa anumang balak na kasuhan si Pnoy, bilang pagpapakita ng utang na loob. Wala rin siyang probema dahil naghihintay na sa kanya ang pork barrel fund na inaprubahan ni Pnoy, na lalo pang nilakihan sa halagang nakakalula.

 

Maraming mapaggagamitan ang pork barrel fund na inaprubahan ni Pnoy, lalo na sa panunuhol upang maharangan ang anumang tangkang kasuhan siya sa kanyang pagbaba at pagkawala ng immunity. Sa Ingles wika nga ay, the road has been paved for smooth travel….o pag-absuwelto kay Pnoy mula sa anumang kaso. Majority ng miyembro ng Korte Suprema ay naimpluwensiyahan na ni Pnoy at ang iba ay iniluklok naman niya sa panahon ng kanyang panunungkulan kaya hindi maiiwasang magkaroon sila ng utang na loob sa kanya. Yong mga inuluklok ni Pnoy na nagsasabi ng, “gagawin ko lang ang trabahong itinalaga sa akin”, ay mabuti pang manahimik na lamang mula ngayon dahil siguradong sisirain lang nila ang binitiwang pangako. Hindi dapat kalimutan na ang isang bahagi ng kultura ng mga Pilipino ay matiim na nakaangkla sa “utang na loob” na siya namang dahilan kung bakit napakarumi ng pulitika sa Pilipinas.

 

Ang mga nabanggit na senaryo ay malamang na matagal nang nakikita ni Pnoy kaya kung gumawa siya ng mararahas na aksiyon na taliwas sa mga inaasahan ay ganoon na lang. Samantala, ang pag-asa na lamang ay ang kasong inilalatag sa kanya ni Juan Ponce Enrile tungkol sa direktang pananagutan niya sa madugong kamatayan ng SAF44 sa Tokanalipao, Mamasapano, sa probinsiya ng Maguindanao. Subalit kung ito ay ihahain sa Korte Suprema, tatanggapin naman kaya ng karamihan ng mga mahistrado ang “command responsibility” bilang batayan ng kanyang kasalanan? Ano ang magagawa ng isang mabigat na ebidensiya sa harap ng mga naimpluwensiyahang kaisipan na nabaluktot kaya hindi makagawa ng patas na desisyon? Nangyari na yan nang kung ilang beses….at siguradong mangyayari pa!

Ang LRT at MRT

Ang LRT at MRT
Ni Apolinario Villalobos

Ang LRT ay ginawa noong panahon ni Marcos. Hanggang ngayon, ilang dekada na ang nakalipas ay wala halos narinig na aberyang nangyari sa pagpapatakbo nito. Ang MRT ay ginawa noong panahon ni Gloria Arroyo. Iilang taon pa lang ang nakalipas, nakakapanindig-balahibong mga aberya na ang sunud-sunod na nangyari at nangyayari na ang iba ay magkasunod sa iisang araw. Ang sabi ng marami, noong panahon ni Marcos, takot ang mga opisyal na gumawa ng katarantaduhan kaya magaganda at de-kalidad ang mga proyekto. Isa lang daw kasi ang korap. Subalit pagkapatalsik kay Marcos, nawala na ang takot ng mga opisyal kaya nagkanya-kanya na ng pangungurakot na ang direktang naapektuhan ay ang kalidad ng mga proyekto – isa na diyan ang MRT.

Nitong huling mga araw, naglabasan ang mga kuwento tungkol sa mga imported na materyales pangkonstruksiyon na mahina ang klase. Nariyan ang yero na animo ay cardboard sa kalambutan at bakal na kahit sa tagal ng pagkakatambak ay “lumiliyad” sa kalambutan. Isa sa mga “sakit” ngayon ng MRT ay ang pagkakaroon ng lamat ng mga riles na bakal, kaya kamakailan lamang ay kailangang paigsiin ang oras sa pagpapatakbo nito upang magkaroon ng panahon sa pagkumpuni ng riles tulad ng pagputol ng bahagi na may lamat upang mapalitan ng bago. Ang nakakabahala dito ay hindi na buo ang riles kaya mas lalong malaki ang posibilidad na ito ay maghiwalay sa dugtungan at mangyari ang pagkadiskarel ng mga bagon! Paano na kung sa pagkadiskarel ng mga bagon ay nahulog pa ang mga ito?

Ang tanong ngayon ay kung bakit hindi iginaya ang sistema ng MRT sa maayos na sistema ng tumatakbo nang LRT, lalo na sa klase ng materyales at disenyo upang “nagkakahiraman” ang mga ito ng mga kailangang piyesa, at upang ang pagmintina ay hindi mahirap. Hindi dapat idahilan ang bidding na dapat ay mababa dahil ang nakasalalay ay ang pangmatagalang paggamit at buhay ng mga mananakay.

Kamakailan pa rin ay nagkaroon ng isyu tungkol sa pangungurakot daw ni Vitangcol na dating namuno ng MRT, kaya tuloy nahantad na ang dahilan ng paghihingalo ngayon ng mass transport system na ito ay ang walang takot na pangungurakot!

Sa ngayon pinapatakbo ang MRT kahit may agam-agam pa rin upang kahit papaano ay maibsan ang problema sa pagbiyahe ng mga taga-Manila. Subali’t hanggang kaylan sila pahihirapan ng pag-alala na anumang sandali ay may sakunang mangyayari sa kanila….na sana ay huwag naman?

(LRT – light rail transit; MRT – metro rail transit)