Masarap Sana, Subali’t Nakakalito ang Buhay sa Mundo

Masarap Sana,  Subali’t Nakakalito ang Buhay sa Mundo

Ni Apolinario Villalobos

 

Masarap sana ang mabuhay sa mundo, kung hindi magulo at walang mga kalituhan. Dahil ito sa likas na ugali ng taong mapanlamang, mapag-imbot, at maramot na kadalasang  tumatalo sa mga mabubuting ugali na mapagpakumbaba, mapagbigay, at bukas-palad. Kung mapagpakumbaba ka, siguradong yayapakan ang iyong mga karapatan. Kung mapagbigay ka, siguradong itutulak ka lang sa tabi ng mga mapag-imbot. Kung bukas-palad ka kaya maluwag sa loob ang pagtulong sa kapwa, aabusuhin ka naman.

 

Dahil sa nabanggit na mga kalituhan, yong isa kong kaibigan, ay halos ayaw nang lumabas ng bahay upang makaiwas sa mga hindi magandang mangyayari sa kanya. Dahil sa ginawa niya, itinuring siya ng mga ungas niyang kapitbahay na “makasarili”. Sabi niya minsan sa akin, kung magpapaputok siya ng baril sa kalye siguradong sasabihin ng mga kapitbahay niyang “siga” siya. Sinabihan ko na lang na madaling araw pa lang ay umalis na siya at umatend ng misa sa Baclaran o Quiapo, pagkatapos ay mamigay ng tulong sa squatter’s area at kapag padilim na ay saka na lang siya umuwi – walang mga ungas na kapitbahay ang makakakita sa kanya. Sabi ko nga sa kanya ay maswerte siya at ungas lang ang mga kapitbahay niya…hindi mapagkunwari at mainggitin.

 

Hind lang sa pakikipagkapwa-tao ang may kalituhan, kundi kahit na rin sa mga bagay na kailangan upang mabuhay tulad ng pagkain. Kailangan daw ay kumain ng gulay at isda dahil masustansiya ang mga ito. Subali’t sa palengke, hindi lang isda ang nilulublob sa “formalin”,  ang kemikal na ginagamit sa pag-embalsamo, kundi pati na rin mga gulay upang hindi malanta agad. Ang karagatan at mga ilog na tinitirhan ng mga isda ay marumi na rin. Ang mga nahiwang gulay ay nilulublob sa tawas upang hindi mangitim tulad ng hiniwang langkang nakagawiang iluto sa gata at talong na tinanggalan ng bulok na bahagi, pati binalatang gabi, kamote, at patatas. Ang mga gulay sa pataniman ay alaga din sa mga chemical na pamatay-peste habang lumalago. Yong sinasabing mga “organic” daw ay hindi rin sigurado dahil maraming mga nagtitindang mahilig magsinungaling, makabenta lang. Kung totoo man, ay nakakakuha naman ang mga ito ng lason mula sa hangin.

 

Ang mga karne ay may mga anti-biotic, kaya ang akala ng isang kumpanyang nagdede-lata ng produktong karne ay bobo lahat ng mamimili dahil sinasabi ng ads nila na walang sakit ang mga baboy at manok nila – siyempre, dahil alaga sa antibiotic!…talaga din namang kumita lang, lahat ay gagawin upang makapanlinlang. At, yong mga batang lumaki sa gatas at karne ng hayop, ngayon ay may ugaling hayop na rin…dahil kung hindi man bastos ay lapastangan at suwail pa!

 

Ang mga softdrink lalo na ang “Cokes” (tawag yan ng Bisaya sa Coke”), na pampagana sa pagkain kahit bagoong, toyo, o patis lang ulam ay nakakasira ng kidney at atay. Kung mag-ulam naman palagi ng instant noodles na pinakamura at pinakamadaling iluto, subalit ginamitan ng kemikal upand hindi magdikit-dikit, ay lalo namang sisira ng kidney. Mismong bigas na sinasaing ay may mga chemical din upang hindi kainin ng uod at kuto habang nakaimbak sa bodega, kung saan ay iniispreyhan pa sila upang hindi upakan ng mga daga at ipis.

 

Ang instant na kape ay dumaan din daw sa mga paraan o process na nangailangan ng mga kemikal na hindi maganda sa katawan kahit pa sabihing nakakatulong ang inuming ito sa paglusaw ng cholesterol at bara sa daluyan ng dugo patungo sa puso. Ang asukal na puti ay mayroong bleaching chemical na nagpaputi sa dating manilaw-nilaw na katas na ito ng tubo. Naka-imbento ng artipisyal na asukal upang makaiwas sa diabetes, subalit nakakasira naman din daw ng kidney.

 

Pati mga bitamina na ginagawa sa mga laboratoryo ay pinagdududahan na rin. Kahit maliit lang ang sumobra sa naimon ay magsasanhi na ng overdose na maaari pang maging sanhi ng sakit. Sa puntong ito, ang mga gamot na akala natin ay nakakapandugtong ng buhay ay hindi rin pala magandang basta na lang iinumin, kaya mismong anti-biotic ay hindi na rin ligtas.

 

Ano pa nga ba at, animo ay nag-uunahan ang mga bahagi ng katawan natin kung alin sa kanila ang unang manghihina hanggang bumigay  dahil sa mga pagkaing akala natin ay pampahaba ng buhay, yon pala ay may mga lasong unti-unting nakakamatay. Kaya siguro, madalas na payo ng doctor sa pamilya ng pasyente na may taning na ang buhay, ay pagbigyan na lang ito sa lahat ng hihilingin niyang pagkain dahil wala na rin namang mangyayari bunsod ng lasong nagkakaiba lang ang dami sa bawat pagkain.  Ang maratay dahil sa sukdulang epekto ng lason na nakukuha natin sa mga pagkain at hangin ang ultimate na sitwasyon kung saan ay talagang angkop ang kasabihang, “no choice” at “…no turning back”.  Ang kalagayan ring ito ang nagpapakita na ang tao ay nagsi-self destruct!

 

 

 

 

Dalawang Kuwento ng Disiplina kung Paanong Napaglabanan ang Diabetes

Dalawang Kuwento ng Disiplina

Kung Paanong Napaglabanan ang Diabetes

Ni Apolinario Villalobos

Sa panahon ngayon, kahit karaniwan na ang pagkaroon ng mga sakit tulad ng kanser, diabetes, alta presyon, cholesterol, ulcer, etc., kahit papaano, nakakagulat pa ring malaman na tayo o mga kaibigan natin ay mayroon ng isa sa mga nabanggit, lalo na kung may namatay. Ang kadalasan na ginagawa ng mga tao para labanan ang mga sakit ay yong tinatawag na “reactive” na pamamaraan. Ibig sabihin, kung kaylan dumapo na ang sakit ay saka pa lamang kikilos ang taong tinamaan kaya halos araw-arawin niya ang pagpunta sa doctor, at kung maaari lang ay ubusin na sa isang lagukan ang mga prescribed na gamot. Maliban sa nahihirapang katawan, ay nabubutas din ang bulsa nila dahil sa mga gastusin. Ang nakakalungkot ay ang mga kasong napakahuli na ang reaksiyon kaya nawalan na ng pag-asang gumaling ang maysakit. Sino ang may kasalanan?…masakit mang aminin, kalimitan ay ang mga maysakit mismo dahil sa kapabayaan.

Subalit mayroon pa rin namang maituturing na masuwerte dahil kahit malala na ang sakit ay napaglabanan pa rin nila. Marami ang nagsasabi na ang pinakanakakatakot na sakit ay diabetes dahil dumadaloy ito sa dugo at lahat ng bahagi ng katawan ng tao ay tinutumbok nito. Hindi maaaring isabay ang paggamot sa diabetes sa iba pang sakit kung sabay silang umatake. Nakakatuwang malaman na may mga kuwento tungkol sa pakikipaglaban sa diabetes na ginagawa ng iba dahil sa layunin nilang mabuhay pa ng matagal, kaya lahat na lang ng paraan ay ginagawa nila.

Ang unang kuwento ay tungkol sa dati kong landlady sa Baclaran, si ate Lydia. Masasabing maganda ang landlady ko na noong kabataan niya ay lumalabas pa sa mga pelikula ni Fernando Poe Jr. Makalipas ang maraming taon, nagkita uli kami at mangiyak-ngiyak sa pagkuwento na muntik na siyang maputulan ng dalawang binti dahil sa diabetes. Nagnaknak na daw ang harapang bahagi ng kanyang dalawang binti at dahil sa nakasusulasok na amoy, isa-isang nag-alisan ang mga boarders niya. Halos maubos ang naipon niyang pera sa pagpapagamot, subalit wala ring nangyari. Dahil sa hiya, hindi na siya lumalabas ng bahay na palaging nakasara.

Isang araw daw ay dumating ang dati niyang labandera at nang makita ang kalagayan niya ay agad nagsabi na subukan daw niya ang saluyot. Mula noon, tuwing almusal, tanghalian at hapunan ay halos saluyot na lang ang kanyang kinain. Makalipas ang isang buwan, napansin niyang unti-unting natutuyo ang malalaking sugat. Pagkalipas pa ng limang buwan, gumaling ang mga sugat. Nang bumalik siya sa doktor, nalaman niyang bumaba na ang indicator ng diabetes niya, pero tuloy pa rin ang kain niya ng maraming saluyot. Noong magkita kami, halos ayaw kong maniwala sa kuwento niya dahil makinis naman ang kanyang mga binti.. Kinakantiyawan ako ng landlady ko noon dahil sa request kong palaging ulam na pinakbet, adobong kangkong, paksiw na saluyot at okra, at tortang talong. Nang magkaroon siya ng diabetes, naalala daw niya ako.

Ang ikalawang kuwento naman ay tungkol kay Ellen, naglalako ng mga dinaing na isda sa lugar namin. Noong nakaraang taon, halata ang pagkahulog ng katawan niya dahil sa sobrang kapayatan at pamumutla. Inamin niyang may diabetes siya. Kaylan lang ay nakita ko uli siya, subalit hindi na payat at maputla…bumata pa nga. Ayon sa kanya, halos mawalan na daw siya ng pag-asa dahil sa sakit niya, at nadagdagan pa ng pagtetebe o hirap sa pagdumi ng kung ilang araw. Wala naman daw siyang perang pangkonsulta palagi, at kahit anong gamot ang inumin niya ay wala rin daw epekto. May narinig siyang mga kuwento tungkol sa ashitaba at okra na nakakagaling daw ng diabetes.

Wala naman daw mawawala sa kanya kung susubukan niya. Makalipas lang daw ang ilang araw, bumalik sa normal ang kanyang pagdumi. At, makalipas naman ang mahigit isang buwan ay nagkakulay na rin siya, hindi na maputla. Kaya mula noon ay itinuloy lang niya ang araw-araw na pagkain ng ashitaba at okra. Sa umaga, apat na dahon ng ashitaba ang nginangata niya habang nagtatrabaho at pinipilit niyang siya ay pawisan, at ang okra naman ay palagi niyang inuulam. Makalipas ang ilang buwan pa, nadagdagan na rin ang kanyang timbang subalit pinipilit niyang huwag tumaba uli tulad nang dati. Nang magpakonsulta siya uli, nagulat ang doktor dahil sa kanyang pagbabago.

Sa dalawang kuwento, malinaw na kung hindi dahil sa disiplina ay hindi gumaling si ate Lydia at Ellen. Ang iba kasi, marinig lang ang “okra” at “saluyot” ay nandidiri na dahil madulas daw ang katas. Kung may disiplina ang isang tao, kahit mapait pa ang isang halamang gamot o gulay tulad ng ampalaya, dapat ay itanim lang niya sa kaisipan ang layuning gumaling…yon lang.