Ang Hamunan nina Roxas at Duterte ay Pagpapakita ng Maruming Pulitika sa Pilipinas

Ang Hamunan nina Roxas at Duterte

ay Pagpapakita ng Maruming Pulitika sa Pilipinas

ni Apolinario Villalobos

 

Ang namumukod-tanging katangian ng pulitika sa Pilipinas ay pagiging marumi nito. Ang mga kandidato ay nagbabatuhan ng mga putik. Kaya may kasabihan sa Pilipinas na kung ayaw mong mabisto ang katauhan mo ay huwag kang pumasok sa pulitika. Ang dahilan noong-noon pa ng mga pulitiko, na “pagtulong sa kapwa” ang dahilan ng pagpasok nila sa pulitika ay pinagtatawanan na ngayon. Sinasabi pa ng iba na ang pulitika ay isa sa mga larangan kung saan ay yayaman ang isang tao – na unfair naman sa mga talagang walang intensiyong mangurakot….ng malaki. Tanggap naman ang 10% na komisyon na ang tawag noon pa man ay “for the boys”, na ayaw pa ngang tanggapin ng iba dahil nakakahiya sa sinumpaan nilang tungkulin. Ang masama lang kasi sa ibang nanalo at nakaupo na sa puwesto, hindi lang 70% ang gustong kurakutin, kundi 100% dahil ang project ay hanggang papel lang!

 

Hindi sana umabot sa hamunan ang dalawang kandidato sa pagka-pangulo ng bansa kung hindi sana pinakialaman ni Roxas ang nananahimik na Davao City. Alam naman niyang alagang-alaga ito ni Duterte pati na ng mga Davaweἧo, pati ng mga taong nakatira sa mga bayang nakapaligid dito. Kung papansinin, nagpakumbaba pa nga si Duterte nang punahin ang pagmumura niya at tinanggap pa ang “lecture” ng Obispo sa Davao City. Ito ay pakita lang na okey sa kanyang punahin ang mga personal niyang pagkakamali sa mata ng mga moralista, pero ang kantihin ang inaalagaan niyang katahimikan sa Davao na kung ilang taon din niyang nilinis at pinatahimik ay maituturing na “below the belt”.

 

Nang gantihan naman ni Duterte si Roxas tungkol sa nakakadudang pag-graduate niya sa hindi naman gaanong kilalang eskwelahan sa Amerika, pumalag din siya. Ngayon ay nagsisisi siya dahil pati ang kredibilidad niya sa larangan ng edukasyon na isa sa mga pinagmamalaki niya ay nalagay sa balag ng alanganin. Dahil sa panggagalaiti niya, marami tuloy ay nagsasabing baka nga totoong hanggang kodakan lang ang pag-graduate niya  sa Amerika.

 

Ang daming maaaring ipaliwanag ni Roxas sa mga tao upang magkaroon ng linaw ang mga isyu na may kinalaman din sa sinasandalan niyang presidente ng Pilipinas…bakit hindi na lang niya dito ituon ang kanyang effort sa pangangampanya? Bakit kailangang siraan pa niya si Duterte na nananahimik na nga? Mag-concentrate na lang sana siya sa “tuwid na daan” na pinangako niyang ipagpapatuloy, para marami pang mahatak kung sakali. Huwag na niyang pakialaman si Duterte na ang kapalaran ay nasa kamay ng COMELEC. Sa ginagawa niya, halatang ninenerbiyos siya dahil malakas ang hatak pareho ni Duterte at Poe. Mukhang pumalpak na naman ang campaign machinery na tumutulak kay Roxas.

 

Sa interbyu kay Duterte sa isang radio station sa Manila tungkol sa kanyang pagkandidato, nakiusap siya sa mga sumusuporta sa kanya na maging mahinahon at itigil na ang pagbabanta ng “rebolusyon” kung siya ay ma-disqualify. Bukambibig niya ang pagtanggap ng disqualification  kung ito ang desisyon ng COMELEC, kaya sinabi pa niya na kung maaari ay ituon din ng mga sumusuporta sa kanya ang atensiyon nila sa ibang mga kandidato, upang makapili sila ng karapat-dapat kung sakali ngang siya ay ma-disqualify. Pinapakita ni Duterte na hindi siya sakim, dahil ang gusto lamang niya ay maging realistic ang mga supporter niya batay sa mga umiiral na sitwasyon. Sa isang banda, malinaw pa rin ang pahayag niya na hindi siya umuurong sa pagtakbo bilang presidente ng Pilipinas.

 

Ang Emotional Maturity o Kaganapan ng Damdamin ng Tao

Ang Emotional Maturity
O Kaganapan ng Damdamin ng Tao
Ni Apolinario Villalobos

Kung ang dunong at isip ay sa utak, ang damdamin naman ay sa puso. Ang damdamin mula sa puso ang nagpapalambot ng kung ano mang matigas na desisyon at pananaw ng isang tao. Ang nabanggit ang magsasabi kung anong klaseng pagkatao mayroon ang isang tao, na kalimitan ay sinasabing mabait, maunawain, mapagmahal, matulungin, atbp. – dahil puso ang pinairal. Subali’t kung ang desisyon ng utak ay pinagmatigasan ng isang tao, ibang pagkatao naman ang ipinapakita niya, subali’t damay pa rin ang puso, kaya may tinatawag kung minsan na “pusong bato” – walang damdamin, matigas. Hindi maaaring paghiwalayin ang tungkulin ng isip at damdamin dahil magkaagapay sila sa lahat ng pagkakataon.

Ang taong normal, na ibig sabihin ay walang diperensiya ang katawan, pag-iisip, at puso, ay may sinusunod na panahon upang marating ang kani-kanilang libel ng kaganapan o maturity. Inaasahang sa pagtuntong sa tamang panahon ng kaganapan, ang isang tao ay matatag na sa pagharap sa mga pagsubok ng buhay – hindi iyakin, malinaw ang mga desisyon, at malawak ang pang-unawa sa lahat ng bagay at kapwa-tao.

Subalit sa mga pagkakataon na sa murang gulang ay napasabak na sa pagharap sa mga pagsubok ang isang tao, mabilis ang pagkakaroon niya ng kaganapan ng damdamin. Dahil dito, may mga batang laki sa hirap na marunong nang gumawa ng mga malinaw na desisyon at ang damdamin ay umabot na sa libel ng kaganapan, kaya tinaguriang “isip- matanda”. May mga tao ring dahil lumaking spoiled sa magulang, kaya hindi nasanay sa pagharap sa mga pagsubok ay nagkaroon ng malamya o mahinang pagkakatao, kaya tinataguriang “isip-bata” at may “malambot na damdamin”.

Ang isa sa mga pagsubok ng buhay ay ang sitwasyon ng mga nagtatrabaho sa ibang bansa. Kahit ang isip nila ay umabot na sa kaganapan, subalit dahil sa hindi mapigilang bugso ng damdamin tuwing maalala ang pamilya, bumibigay ito at humahantong sa pag-iyak, pagkawala ng katinuan ng pag-iisip, at ang pinakamasaklap ay pagpapatiwakal. Ang isa pa ay ang sitwasyon ng isang “spoiled” na taong nag-asawa. Kahit may mga anak na ay nakasandal pa rin sa mga magulang na maya’t maya niyang hinihingan ng payo, dahil hindi siya nasanay na gumawa ng sariling desisyon kaya mahina ang damdamin. Ibig sabihin, kahit nasa hustong gulang na siya ay hindi pa rin siya emotionally- matured.

Kung sa relasyong magkapatid, ang isip ay “nakakatandang kapatid” ng damdamin o emosyon. Sa panahon ng “pagi-emote” ng isang tao, ang isip niya ang magsasabi kung siya ay tama o mali. Ito marahil ang dahilan kung bakit ang utak ng tao ay nasa ulo, bandang itaas ng katawan, at ang pusong nagpapadamdam ay nasa dibdib o kalagitnaan ng katawan…nangangahulugang mas mataas ang utak kaysa puso, kaya dapat lang na umiral kung kailangan. Sa kasamaang palad, may mga pagkakataon ding umiiral ang damdamin na nawawala sa ayos lalo na pagdating sa pag-ibig, na para bang sa magkapatiran, kung saan ang nakababata ay ayaw makinig sa nakatatanda, na umaabot sa “disgrasya” , kaya may tinatawag na mga batang babaeng “disgrasyada” – nabuntis ng wala sa panahon.

Dahil sa magandang dulot ng pag-iral ng isip sa damdamin, ang ginagawa ng mga nagtatrabaho sa ibang bansa halimbawa, ay iniisip na lang ang kapakanan ng kanilang mga anak na naiwan sa Pilipinas, na siyang dahilan kung bakit sila nagtitiis na mapalayo sa kanila. Sa ganitong paraan, ang anumang panghihina ng damdamin ay natatalo ng isip…isang uri ng ipinilit na maturity ng damdamin.

Sa pangkalahatan, ang mga nakakaapekto sa damdamin ng isang tao upang umabot ito sa kaganapan o maturity ay ang angkin niyang likas na talino, paraan ng magulang sa paghubog sa kanya, nilakhang pamilya, mga kasama sa tahanan, at ang kapaligiran ng nilakhang tahanan o ang komunidad. Ang mga nabanggit na salik o sanhing nabanggit ang makakapagdetermina sa aabuting libel o taas ng kaganapan ng isang tao.