Ang Mga Brodkaster sa Radyo

Ang mga Brodkaster sa Radyo
Ni Apolinario Villalobos

Kung minsan, hindi malaman kung seryoso ang ilang brodkaster sa radyo kapag tumalakay sila ng mga maseselang usapin. Kung hindi kasi nasusundan ng halakhak ay hagikhik ang kabuntot ng kanilang mga sinasabi. Hindi ko lang alam kung live ang mga hagikhik at mga halakhakan. Nakakadismaya ang ginagawa nilang ito dahil iisipin ng mga nakikinig na walang katotohanan ang kanilang sinasabi o biro lang. Kung broadcasting style man nila ang mga iyon… hindi maganda ang dating sa mga nakikinig.

Yong isang narinig ko, sa simula ng talakayan, akala ko ay ramdam na ramdam niya ang mga sinasabi laban sa mga Binay, subalit biglang narinig ang hagikhik pagkatapos niyang magsalita. Yong isa naman, akala mo ay pastor sa pagdiin ng mga sinasabi, subalit biglang may maririnig na halakhakan pagkatapos, ganoong ang pinag-uusapan ay tungkol naman sa isyu ng West Philippine Sea. Kung recording man ang hagikhik at halakhakan na pang-background lang, hindi maganda ang epekto. Mas maganda nga sana kung wala nang background kung nag-eeditorialize na sila para maliwanag na maunawaan ang kanilang mga sinasabi. Ang habol kasi ng mga nakikinig ay ang laman ng kanilang mga tinatalakay, hindi ang music o kung anumang background.

Sa mga programa namang may pagka-public service, kung magsalita na ang humihingi ng tulong lalo na sa paghanap ng mga nawawalang mahal sa buhay, nagpapa-background pa ng music na malungkot. Gusto yata ng anchor ng programa na umiyak ang mga nakikinig! Bakit kailangan pang may umiyak kung tutulong lang din naman sila? Para bang kung walang iyakan ay walang epek ang programa nila. Napaka-cheap na style!

Yong isang brodkaster pang isa, napakatapang sa pag-atake sa isang dating mayor na iniimbistigahan, subalit nang makausap na nito “on air” ang abogado ng nasabing mayor, biglang natamimi! May mga magkatandem pa na hindi nahihiyang magparinig sa mga binabanggit nilang mga tao at food establishments na hindi daw nila tatanggihan kung ano mang meryenda ang ipapadala. May mga humihingi pa ng pasalubong sa mga binabanggit pa rin nilang tutungo sa ibang bansa. Ang iba pang hinihingi “on air” ay mga libreng tiket sa concert, lalo na noong may mga laban si Pacquiao. Nawalan tuloy ng “sophistication” ang trabaho ng brodkaster dahil sa ginagawa nila.

Ang mas lalong nakakahiya ay ang naririnig “on air” na side comments nilang maaanghang tungkol sa mga mismong kasama nila. Sa ginagawa nilang ito, para bang ginagamit nilang panakot ang pagsasalita nila sa radyo dahil naririnig sila sa buong bansa o mundo, kaya hindi sila pwedeng salingin ninuman.

Ang pagiging brodkaster ay isang biyaya, dahil dekada kung minsan ang binubuno upang makapagsalita lang sa mikropono o maghatid ng balita mula sa kung saang lupalop. Dapat itong gamitin upang makatulong, hindi upang makapang-abuso ng kapwa. At dahil itinuturing silang instrumento sa pagpapalaganap ng mga impormasyon, dapat hindi nila pinaglalaruan ang mga tagapakinig, na ibig sabihin, kung seryoso ang tinatalakay, dapat seryoso rin ang kanilang paraan sa pagpapaabot ng mensahe, walang halong halakhak o biro.