Ang Trapik ay Nasa Ibabaw ng mga Tunay na Problema

Ang Trapik ay Nasa Ibabaw ng mga Tunay na Problema

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang isyu ng problema sa trapik sa malalaking lunsod ng Pilipinas lalo na sa Manila ay yong sinasabi sa Ingles na “scum” o “froth”. Kung ihahalintulad sa hindi dumadaloy na tubig sa estero, ito yong mga animo ay bumubulang nakapaibabaw sa maruming tubig, at kung sa serbesa naman ay yong lumutang na bula pagkatapos ibuhos sa baso. At, dahil lumulutang agad ay unang nakikita. Ganyan din ang trapik na nakikitang problema sa mga kalsada ng mga lunsod. Subalit, ang katotohanan ay hindi ito mangyayari kung walang problema sa bandang “ilalim” ng sitwasyon. Ang mga sumusunod ay naisipan ko lang na baka mga problema:

 

  • Kaluwagan sa pagbili ng mga bagong sasakyan dahil nagkakamurahan ng presyo….at, hindi kinokontrol ng gobyerno. Kung kontrolin naman ay sasabihin ng mga apektado na laban ito sa karapatan ng isang malayang Pilipino. Ang kagustuhan ng karamihan na bumili ng sasakyan ay bunsod ng kultura ng Pilipino na may kinalaman sa kayabangan. Kahit nangungupahan lang ng kuwarto ang pamilya, halimbawa, ng isang simpleng empleyado ay gusto pa rin ng padre de pamilya na magkaroon ng sasakyan para may pangporma at magamit sa pamamasyal sa Luneta ang pamilya.

 

Para sa mga taong ito, hindi bale nang panay ang utang sa Bombay at halos walang pamasahe sa pagpasok sa trabaho o di kaya ay alaga ng pagmumura ng may-ari ng kuwartong inuupahan dahil sa naaantalang pagbayad ng upa, basta may kotse lang na naidi-display upag kaiinggitan ng mga kapitbahay, kahit walang garahe. Nag-operasyon noon upang mag-tow ng mga sasakyang nakaparada sa tabi ng kalsada, subalit “ningas-cogon” naman dahil makalipas ang ilang araw ay itinigil na.

 

  • Pagpapabaya ng mga mambabatas sa paggawa ng mga batas na may “pangil” at makatotohanan. At, pagpapabaya rin ng mga ahensiyang dapat magpatupad sa mga batas na naipasa na. Hindi rin isinasaalang-alang ang pagtalaga ng karampatang budget sa mga naipasa nang mga batas upang hindi magamit na dahilan ang kawalan nito kaya walang mga gamit at mga karagdagang tauhan, na kadalasang dahilan ng pagtuturuan ng mga mambabatas at mga ahensiya.

 

  • Ang mabagal o makupad sa pagpapatupad ng mga proyekto tulad ng mga kalsada sa lunsod at highway sa probinsiya. At, kung nagawa na, ang mga ito ay palpak kaya madalas ang pagpapaayos agad…halatang gusto lang talagang pagkitaan ng mga tiwaling opisyal at ahensiya. Nagreresulta tuloy ito sa pagdurusa ng mga motorista at commuters …pagdurusang nagsisimula sa paggawa ng mga proyekto hanggang sa pagpapa-repair ng mga ito…samantalang ang mga kurakot ay masaya!

 

  • Ang hindi pagbibigayan ng mga motorista dahil ayaw ng bawa’t isang malamangan. Dahil sa ugaling ito ng mga Pilipinong motorista, yong traffic sign na “Yield” ay walang silbi sa Pilipinas.

 

Sa madaling salita, kaya matindi ang trapik sa Pilipinas ay dahil walang disiplina ang mga motorista, maraming butas ang mga batas na ginawa ng mga tiwaling mambatatas kaya pinagkakaperahan ng mga tiwaling taong dapat magpatupad sa mga ito, at hindi kontrolado ang pagpasok ng mga bagong sasakyan na umaapaw sa mga kalsadang hindi nadugtungan at naluwangan. At, sa mga dahilang yan…nagbubulag-bulagan ang mga nakaupong tiwali na ay kawatan pang pinagkatiwalaan ng taong bayan!

 

 

 

 

Ang Mga Laglagan sa Pilipinas

Ang Mga Laglagan sa Pilipinas

Ni Apolinario Villalobos

 

Ilang buwan pa lang ang nakararaan, laglag-bala ang mainit na isyu. Ang mahigpit na pag-kontrol sa mga airport upang maiwasan ang pagpuslit ng mga deadly ammunition ay okey na sana subalit nasilipan ng butas ng ilang tiwali sa airport dahil sa paniniwala ng mga Pilipino sa bala bilang agimat. Dahil sa katiwalian na iyan, maraming tanga at may matigas na ulong Pilipino ang nawalan ng trabaho sa ibang bansa dahil napigilan sa pagsakay sa eroplano dahil lamang sa iisang balang nakita sa kanilang bagahe. Maraming tangang Pilipino ang umaming nagdadala talaga ng bala sa abroad upang pananggalang daw nila laban sa pag-aabuso ng employer. May mga natanggal na ring mga inspector ng bagahe dahil kahit obvious na talagang walang laman ang bala dahil ang tinuturing na agimat lang talaga ay ang tansong basyo, pinagpipilitan pa rin na “deadly ammunition” daw ito. Bakit nga naman nila palalampasin ang pagkakataon ganoong, ang “pakiusapan” ay may presyong mula 2 thousand hanggang 8 thousand pesos???!!!

 

Sa pinakapangit na airport pa rin sa buong mundo, ayon sa survey – ang Manila International Airport Terminal 3, laglag-kisame naman ang isyu. May nasugatan, banyagang turista pa, mabuti na lang at hindi nasaktan ang kanyang asawang Pilipina at anak. Nag-apologize ang manager ng airport subalit hindi pa rin ito sapat. Bago nangyari ang paglaglag ng kisame sa coffee shop, ay nagkaroon na rin ng laglagan bago pa man binuksan para sa operasyon ang Terminal 3, at nang nag-ooperate na, nagkalaglagan pa rin ng dalawang beses. Ibig sabihin, ang diperensiya ay ang mahinang “original” na kisame o suporta nito, kaya siguradong ang bagong kisameng ikakabit ay madadamay. “It’s more fun in the Philippines” pa rin kaya ang sasabihin ng pinakahuling nasaktan na turista?

 

Nilaglag ni Aquino si Purisima kung kaylan sobra na ang alingasaw ng amoy ng “teamwork” nila. Nilaglag din ng administrasyon si Vitangcol ang sinasabing palpak at nangurakot sa mga deals at management ng MRT, pero under investigation, as usual, at pinagduduhan pa . Latest kay Vitangcol: humihingi ng tulong sa PAO para bigyan ng libreng abogado! Ang kakapalan nga naman ng mukha kung umiral! Yan ang problema sa mga tauhan ni Pnoy, ginagawang tanga ang mga Pilipino….gusto ba namang magkaroon ng abogadong ang nagpapasuweldo ay taong bayan na sinasabing niloko niya! Walang delikadesa!

 

May mga laglagan na rin sa pulitika bago sumapit ang election 2016. Nilaglag ni Pnoy Aquino si Mar Roxas nang i-veto niya ang batas para sa dagdag na 2 libo sa pension ng mg SSS retirees. Sa mga hindi nakakahalata, binago ni Roxas ang kanyang political ad dahil sinimplehan lang, walang music background, at ang dialogue tungkol sa tuwid na daan ay dinugtungan niya ng “pupunuan ko kung may kakulangan, iwawasto ang mali, at hindi ako nagnakaw….”. Malinaw na patutsada kay Pnoy na mula’t sapul ay walang bilib sa kanya. Nilaglag din daw ni Escudero si Grace Poe subalit deny to death naman siya sa isang interview…pero truthful ba siya?

Umaayon ang mga Pagkakataon kay Pnoy na Pinaghandaan Niya

Umaayon ang mga Pagkakataon kay Pnoy

na Pinaghandaan Niya

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa pagkalaglag ni Mar Roxas mula sa kalinga ni Pnoy Aquino dahil sa hindi pagka-apruba sa dalawang libong pisong dagdag sa buwanang pensiyon ng mga retirado, wala ring problema sakaling manalo si Jejomar Binay. Dapat tandaang ang kalaban ni Binay ay ang tatlong senador na pursigidong siya ay makulong-  sina Escudero, Trillanes at Pimentel. Sa isang banda ay paulit-ulit na sinasabi ni Binay na malaki ang utang na loob niya kay Cory Aquino na siyang nagluklok sa kanya sa Makati City bilang mayor nang umupo ito bilang presidente pagkatapos ng People Power 1. Dahil diyan, malayo sa isip niya na sumuporta sa anumang balak na kasuhan si Pnoy, bilang pagpapakita ng utang na loob. Wala rin siyang probema dahil naghihintay na sa kanya ang pork barrel fund na inaprubahan ni Pnoy, na lalo pang nilakihan sa halagang nakakalula.

 

Maraming mapaggagamitan ang pork barrel fund na inaprubahan ni Pnoy, lalo na sa panunuhol upang maharangan ang anumang tangkang kasuhan siya sa kanyang pagbaba at pagkawala ng immunity. Sa Ingles wika nga ay, the road has been paved for smooth travel….o pag-absuwelto kay Pnoy mula sa anumang kaso. Majority ng miyembro ng Korte Suprema ay naimpluwensiyahan na ni Pnoy at ang iba ay iniluklok naman niya sa panahon ng kanyang panunungkulan kaya hindi maiiwasang magkaroon sila ng utang na loob sa kanya. Yong mga inuluklok ni Pnoy na nagsasabi ng, “gagawin ko lang ang trabahong itinalaga sa akin”, ay mabuti pang manahimik na lamang mula ngayon dahil siguradong sisirain lang nila ang binitiwang pangako. Hindi dapat kalimutan na ang isang bahagi ng kultura ng mga Pilipino ay matiim na nakaangkla sa “utang na loob” na siya namang dahilan kung bakit napakarumi ng pulitika sa Pilipinas.

 

Ang mga nabanggit na senaryo ay malamang na matagal nang nakikita ni Pnoy kaya kung gumawa siya ng mararahas na aksiyon na taliwas sa mga inaasahan ay ganoon na lang. Samantala, ang pag-asa na lamang ay ang kasong inilalatag sa kanya ni Juan Ponce Enrile tungkol sa direktang pananagutan niya sa madugong kamatayan ng SAF44 sa Tokanalipao, Mamasapano, sa probinsiya ng Maguindanao. Subalit kung ito ay ihahain sa Korte Suprema, tatanggapin naman kaya ng karamihan ng mga mahistrado ang “command responsibility” bilang batayan ng kanyang kasalanan? Ano ang magagawa ng isang mabigat na ebidensiya sa harap ng mga naimpluwensiyahang kaisipan na nabaluktot kaya hindi makagawa ng patas na desisyon? Nangyari na yan nang kung ilang beses….at siguradong mangyayari pa!

Ang “Chain of Command”…wala daw nito ang PNP ayon kay Purisima!

Ang “Chain of Command”
…wala daw nito ang PNP ayon kay Purisima!
ni Apolinario Villalobos

Wala daw “chain of command” sa PNP ayon kay Purisima dahil wala ang mga ganoong salita sa Saligang Batas na tumutukoy sa Philippine National Police. Kung tinuruan siya ni de Lima at Lacierda, dahil halata naman sa masyado niyang confident na pananalita sa hearing, mali sila! Dahil sa paniwala ni Purisima na “civilian” ang PNP, para sa kanya ay wala itong “chain of command”, na ang tunog ay “military”. Mabuti na lang binara siya ni senadora Miriam.

Historically, ang PNP ay nag-evolve sa Philippine Constabulary, isang sangay ng Armed Forces of the Philippines. Hindi dahil kinonvert ang ahensiya upang magkaroon ng mukhang pangsibilyan ay nawala na ang nakagawiang alituntunin nito na may pagka-miltar. Ang salitang “chain of command” ay pang-military, kaya lumalabas na upang makalusot ang mga taga-Malakanyang, si de Lima, lalo na si Purisima ay kung anu-ano na lang ang ini-imagine na paliwanag, at iniangkla ang paliwanag sa pagka-sibilyan daw ng PNP. Hinanap nila ang mga salita sa mga provision ng Saligang Batas na tumutukoy sa PNP bilang sibilyan na ahensiya. Ganoon ang takbo ng isip nila…literal, kaya puro sila semplang…dahil sa ugaling palusot!

Ang “chain of command” ay hindi naiiba sa pangsibilyan na “chain of supervision” o “chain of authority”. Kung gusto ni Purisima ay palitan ang “chain” ng “flow” para talagang maging tunog “civilian” ito. Sa isang private organization o sa isang sibilyang ahensiya ng gobyerno, hindi ba may ranking, mula sa pinakahepe o simpleng puwesto na manager hanggang sa pinakamababang puwesto? Paanong dumaloy ang poder o authority? Hindi ba kung pababa ay mula sa manager hanggang sa mga clerk, at kung pataas ay mula sa mga clerk hanggang manager? Ang ganitong prinsipyo ay may kaakibat na respeto sa nakakataas at responsibilidad ng nakakataas sa nakakababa sa kanya. Kung hindi man ito binanggit na literal sa Saligang Batas, dapat nakalagay ito sa Operating Manual ng PNP, kung meron sila nito.

Sa usaping Mamasapano massacre, kung ihahalimbawa ang simpleng daloy ng poder na pangsibilyan, ang clerk ay si Napeῆas at ang pinaka-manager ay ang OIC niya sa PNP, at ang isa pang boss niya ay ang kalihim ng DILG. Sa ganoong sitwasyon, obligado si Napeῆas na magreport sa dalawa. Bakit hindi niya ginawa? Hindi naman si Purisima ang boss niya dahil suspendedo ito, para sundin niya ang lahat ng utos. Dahil ba dikit si Purisima sa pangulo?

Ang pagpapatupad ng responsibilidad ay may kaakibat na respeto sa nakakataas, ano mang organisasyon ang kinasasaniban ng isang tao. Ito ay isang prinsipyo na nakatuntong sa common sense. May unawaan na basta subordinate ay kailangang makipag-alaman sa nakakataas sa lahat ng pagkakataon kung ano ang ginagawa niya, dahil responsibilidad siya ng nakakataas sa kanya.

Binubulasaw ng mga taga-Malakanyang at mga tauhan ng pinaghihinalaang presidente, lalo na ni Purisima at de Lima ang mga simpleng alituntunin ng mga nanahimik na ahensiya. Nanggugulo sila gamit ang kanilang pagmamarunong at pagmamagaling upang mailusot si Purisima at ang pinaghihinalaang presidente. Kung ipipilit nilang walang alituntunin na sumasaklaw sa respeto sa nakakataas sa PNP, para na rin nilang sinabi na magkanya-kanya na lang ang mga pulis ng diskarte….tanggalan ng mga rangko…lahat puro “pulis” na lang…wala nang P01 o P02 o P03, SP01 o SP02 o SP03, etc. Kung ganoon ang pinipilit nila, aba’y hayaan nang magbarilan ang mga pulis kung feel nilang gawin halimbawang mainit ang ulo nila, dahil wala naman silang nirerespetong nakakataas! Dahil sa ganitong takbo ng isip nila, nagulo na nga ang administrasyon ng kinabibiliban nilang presidente!