Magkapareho ang Pananaw ni Pacquiao at Binay Pagdating sa Katiwalian….nakakabahalang isipin!

Magkapareho ang Pananaw ni Pacquiao at Binay

Pagdating sa Katiwalian…nakakabahalang isipin!

Ni Apolinario Villalobos

 

Umaayon si Pacquiao sa pananaw ni Binay na walang katotohanan ang mga ibinebentang sa kanyang katiwalian hangga’t hindi napapatunayan. Papaanong mapatunayan ni Binay na wala siyang kasalanan kung hindi naman siya umaatend ng mga hearing? Paano niyang mapatunayan na hindi galing sa nakaw ang yaman nila kung palaging idinadahilan niya ang “immunity” ng kanyang posisyon upang hindi siya mapuwersang dumalo sa mga hearing?

 

Nakakabahala ang ganitong pananaw dahil nagpapahiwatig ito na walang kasalanan ang isang nagnakaw kahit may mga ebidensiya pero hindi napatunayan sa husgado dahil sa galing ng kanyang abogado. Ang ganitong pananaw ay nagsasalamin ng hindi mapapagkatiwalaan sistema ng hustisya na pinapagalaw ng mga abogadong “matatalino” at ang serbisyo ay mayayaman lang ang may kakayahang umupa. Dahil diyan, maraming mga inosenteng mahirap na walang pambayad ng magaling na abogado ang  nabubulok sa bilangguan.

 

Palaging may karugtong na “Diyos” at pa-English pang deklarasyon ng kanyang “faith” kuno tuwing magsalita si Pacquiao upang ipabatid na siya ay maka-Diyos, kaya tingin niya sa kanyang sarili ay isang mabuting tao. Nakakapanindig- balahibo ang ginagawa niyang pagmamalaki….kahindik-hindik, at isang karumal-dumal na kayabangan! Hindi dahil dasal siya nang dasal o di kaya ay panay ang pagbasa ng Bibliya ay mabuting tao na siya. Paano ang mga walang Bibliya dahil walang pambili? Sila ba, tulad ng mga bakla at tomboy, ay mas masahol din sa hayop dahil walang na-memorize na salita ng Diyos tulad niya?

 

Paano naging mabuti ang isang tao na nagsasabing inosente siya hangga’t hindi napapatunayan sa korte ang mga kasalanan niya, kahit sa kaibuturan ng kanyang diwa ay alam niyang may kasalanan talaga siya? Ang ganitong pananaw ay nagpapahiwatig ng karumal-dumal na kawalan ng konsiyensiya ng isang tao dahil kahit alam niyang may kasalanan siya pero kaya niyang kumuha ng isang matalino at magaling na mga abogado ay siguradong absuwelto siya.

 

Kung mananalo si Binay bilang presidente at si Pacquiao ay senador, hindi na mawawalan ng pangungurakot sa gobyerno dahil ang kasalanang ito ay kailangang patunayan PA sa korte, ayon sa kanilang pananaw. Hindi man sila ang gumawa ay gagawin ng iba dahil kaya nilang umupa ng magaling na abogado kahit mahal ang serbisyo. Yan ang sagot sa tanong kung kaylan pa may napatunayang nangurakot na malalaking opisyal sa matataas na puwesto ng gobyerno. Samantala ang mga kaso man lang ng mga kinurakot na pork barrel sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay wala pa ring linaw hanggang ngayon.

 

Nakakatakot isipin na nabubuhay tayo ngayon sa panahong naglipana ang mga taong walang konsiyensiya. Silang tingin sa sarili ay maka-Diyos at hindi asal-hayop dahil panay ang basa ng Bibliya, pagdasal, at pag-attend ng prayer meetings, kaya mga “Kristiyano” kuno…ganoong ang nasa isip pala ay inosente sila sa mga kasalanang ginawa dahil hindi napatunayan sa korte!

Ang Hamunan nina Roxas at Duterte ay Pagpapakita ng Maruming Pulitika sa Pilipinas

Ang Hamunan nina Roxas at Duterte

ay Pagpapakita ng Maruming Pulitika sa Pilipinas

ni Apolinario Villalobos

 

Ang namumukod-tanging katangian ng pulitika sa Pilipinas ay pagiging marumi nito. Ang mga kandidato ay nagbabatuhan ng mga putik. Kaya may kasabihan sa Pilipinas na kung ayaw mong mabisto ang katauhan mo ay huwag kang pumasok sa pulitika. Ang dahilan noong-noon pa ng mga pulitiko, na “pagtulong sa kapwa” ang dahilan ng pagpasok nila sa pulitika ay pinagtatawanan na ngayon. Sinasabi pa ng iba na ang pulitika ay isa sa mga larangan kung saan ay yayaman ang isang tao – na unfair naman sa mga talagang walang intensiyong mangurakot….ng malaki. Tanggap naman ang 10% na komisyon na ang tawag noon pa man ay “for the boys”, na ayaw pa ngang tanggapin ng iba dahil nakakahiya sa sinumpaan nilang tungkulin. Ang masama lang kasi sa ibang nanalo at nakaupo na sa puwesto, hindi lang 70% ang gustong kurakutin, kundi 100% dahil ang project ay hanggang papel lang!

 

Hindi sana umabot sa hamunan ang dalawang kandidato sa pagka-pangulo ng bansa kung hindi sana pinakialaman ni Roxas ang nananahimik na Davao City. Alam naman niyang alagang-alaga ito ni Duterte pati na ng mga Davaweἧo, pati ng mga taong nakatira sa mga bayang nakapaligid dito. Kung papansinin, nagpakumbaba pa nga si Duterte nang punahin ang pagmumura niya at tinanggap pa ang “lecture” ng Obispo sa Davao City. Ito ay pakita lang na okey sa kanyang punahin ang mga personal niyang pagkakamali sa mata ng mga moralista, pero ang kantihin ang inaalagaan niyang katahimikan sa Davao na kung ilang taon din niyang nilinis at pinatahimik ay maituturing na “below the belt”.

 

Nang gantihan naman ni Duterte si Roxas tungkol sa nakakadudang pag-graduate niya sa hindi naman gaanong kilalang eskwelahan sa Amerika, pumalag din siya. Ngayon ay nagsisisi siya dahil pati ang kredibilidad niya sa larangan ng edukasyon na isa sa mga pinagmamalaki niya ay nalagay sa balag ng alanganin. Dahil sa panggagalaiti niya, marami tuloy ay nagsasabing baka nga totoong hanggang kodakan lang ang pag-graduate niya  sa Amerika.

 

Ang daming maaaring ipaliwanag ni Roxas sa mga tao upang magkaroon ng linaw ang mga isyu na may kinalaman din sa sinasandalan niyang presidente ng Pilipinas…bakit hindi na lang niya dito ituon ang kanyang effort sa pangangampanya? Bakit kailangang siraan pa niya si Duterte na nananahimik na nga? Mag-concentrate na lang sana siya sa “tuwid na daan” na pinangako niyang ipagpapatuloy, para marami pang mahatak kung sakali. Huwag na niyang pakialaman si Duterte na ang kapalaran ay nasa kamay ng COMELEC. Sa ginagawa niya, halatang ninenerbiyos siya dahil malakas ang hatak pareho ni Duterte at Poe. Mukhang pumalpak na naman ang campaign machinery na tumutulak kay Roxas.

 

Sa interbyu kay Duterte sa isang radio station sa Manila tungkol sa kanyang pagkandidato, nakiusap siya sa mga sumusuporta sa kanya na maging mahinahon at itigil na ang pagbabanta ng “rebolusyon” kung siya ay ma-disqualify. Bukambibig niya ang pagtanggap ng disqualification  kung ito ang desisyon ng COMELEC, kaya sinabi pa niya na kung maaari ay ituon din ng mga sumusuporta sa kanya ang atensiyon nila sa ibang mga kandidato, upang makapili sila ng karapat-dapat kung sakali ngang siya ay ma-disqualify. Pinapakita ni Duterte na hindi siya sakim, dahil ang gusto lamang niya ay maging realistic ang mga supporter niya batay sa mga umiiral na sitwasyon. Sa isang banda, malinaw pa rin ang pahayag niya na hindi siya umuurong sa pagtakbo bilang presidente ng Pilipinas.

 

Though how Progressive a Country is, there will always be Poverty because of Corruption

Though how Progressive a Country is, there will always be

Poverty because of Corruption

By Apolinario Villalobos

 

Perfection should be ruled out in the reckoning of a progressive country, because there will always be poverty due to corruption somewhere in the system of governance. In other words, the glitter of progress cannot hide poverty. For ultra-progressive countries, the signs may be insignificant as they try to blend with the glamour of urbanity. But in other countries, especially, the third-world, the signs are very prevalent, so that there is always a massive effort to cover them up occasionally, literally, as it is done every time there are special occasions such as visits of foreign dignitaries. This practice is successful in the Philippines.

 

Practically, poverty is the shadow of progress, and literally, too, as where there are looming high-rise buildings that are pockmarks of progress, not far from them are slums or homeless citizens who huddle together under bridges and nooks. These are misguided citizens who flock to the cities after selling their homestead, that have been farmed for several generations, to deceitful land developers, at a measly price. These are the urban squatters willing to be relocated but found out that the promised “paradise” do not even have a deep well so they go back to their sidewalk “homes”. These are contractual workers who have no job securities as they earn only for five to six months, after which they leave their fate to luck while looking for another job.

 

How does corruption ever be involved in the sad fate of the exploited? Simply, by the government’s negligence  in providing decent relocation sites with job opportunities and basic facilities to those uprooted from their city abodes for more than so many years; by its cuddling of the spurious contractualization perpetrated by greedy employers; by its failure to guide and protect the rights of farmers who sell their rice fields to subdivision developers at measly prices that are not even enough to sustain them for six months; by its failure to provide the citizens with the basic necessities as funds are allowed to be pocketed by corrupt officials; and practically by looking the other way despite the availability of laws against vote buying.

 

Third- world country leaders should stop using the word “progressive”, but instead they should use “surviving” to describe their respective economy. If a country’s economy cannot sustain, much less, provide a “comfortable life” to majority of its citizens, then it is still “ailing”…hence, expect poverty to be trailing behind, just a few steps away from the pretentious allegations!

 

 

 

Ang Pagmumura at si Duterte

Ang Pagmumura at si Duterte

Ni Apolinario Villalobos

 

Dapat mag-ingat kahit kaunti si Duterte dahil tumitindi ang smear campaign laban sa kanya. Noon ay ang patagong banat sa kanya laban sa kanyang “pambabae” daw at “salvaging”. Mabuti at siya mismo ay nagsalita na tungkol sa mga bagay na ito at umamin pa, kaya wala nang mauukilkil tungkol sa mga ito upang hantarang ibabanat sa kanya. Isa sa mga tinitingnan ngayon ng mga naninira laban sa kanya ay ang ugali niyang pagmumura. Masama mang banggitin, may ginagamit na mga taga-media ang mga kalaban niya kaya sa isang iglap, kalat agad sa buong bansa kung may masambit man siyang pagmumura. Wala tayong magagawa dahil yan ang kalakaran ng pulitika sa Pilipinas.

 

Ang malas, “tinuka” niya ang pain na tanong tungkol sa pagdating ng santo papa, sa pagsagot subalit may kasamang pagmumura. Pinagpipiyestahan ng mga maninira ang ugali niyang pagmumura at pagiging prangka. Dahil sa ginagawa niyang pagmumura ay nagiging tactless siya.

 

May mga taong naging ugali na ang pagmumura kaya automatiko ang pagsambit ng maaanghang na salita na naging bahagi ng kanyang bokabularyo. Dapat baguhin ang ganitong pag-uugali na hindi man dinidekta ng puso ay masama ang epekto lalo sa mga taong banal kuno pero mahilig namang magbanggit ng “for Christ’s sake” o “for God’s sake” na mas matinding blasphemy at laban sa isa sa mga kautusan sa Ten Commandments. Ang mga banal na ito ay nagsa-sign of the cross pa kapag nakarinig ng masama o nakakita ng masama. Bakit hindi na lang sila maglagay ng busal sa mga tenga o di kaya ay maglagay ng pantakip sa mga mata na ginagamit ng mga kutsero sa kanilang kabayo para diretso ang kanilang tingin kapag naglalakad sa kalye? Pero kung marinig lang sila kung murahin nila ang kapitbahay at kasambahay kahit pa kararating lang nila mula sa simbahan dahil dumalo sa misa……..nakuuuu!

 

Upang maipakita ko ang katapatan sa binabahagi ko tungkol sa pagmumura at upang maging makatotohanan ang mga sinasabi ko, aaminin kong nakikita ko ang sarili ko kay Duterte dahil naging bahagi na rin ng pananalita ko ang pagmumura tulad ng “tangna” na pinaiksing “putang ina”, ang “belatibay” na pinaiksing “latibay” upang hindi masyadong maanghang pakinggan, at ang pabulong na “..hit” na sana ay “shit”, pero hindi pa rin nawawala ang “yodiputa”. Tulad ni Duterte, marami rin ang nagalit at nakadanas din ako ng panlilibak dahil sa pagmumura ko. Ang masakit lang, ang iba pala sa kanila ay matindi naman palang manira ng kapwa!

 

Sa mga naging president ng Pilipinas ang kilala sa pagmumura ay si Manuel L. Quezon na ang ginagamit na kataga ay mula sa wikang Kastila…maraming nagalit sa kanya noon lalo na ang mga kasama niya sa gobyerno na karamihan ay nakatikim ng pagmumura mula sa kanya. May dati akong boss na ang ginagamit na salita ay “Jesus Christ” or “Jessezzzz” sabay hawak sa kanyang noo…at ngayon ay malamang kasama na niya dahil namayapa na siya. Yong isang kaibigan ko naman ay paborito ang “damn you” at “go to hell”, patay na rin siya at malamang ay nandoon na rin siya. Yong isa pa ay “demonyo ka” o di kaya ay “demonyo” lang kung walang kausap pero nadapa o nauntog o may nakalimutan sa bahay.

 

Ang pagmumura ay isang paraan upang lumuwag ang naninikip na dibdib ng isang taong galit. Sa halip na lakas ang gamitin niya sa pamamagitan ng pagsuntok sa kausap o manira ng anumang gamit na mahawakan ay dinadaan na lang niya sa pagmumura.  May nasimulan naman sa Japan na pantanggal ng tension na sanhi ng paninikip ng dibdib, at ito ay ang pagsigaw kahit halos namamaos na. Subalit may paraan na ngayon upang mapalitan ang ganitong uri ng paglabas ng galit, sa pamamagitan ng paghinga ng malalim o “deep breathing”. Sa kamalasan, may isa akong kaibigan na sa sobran galit ay pinilit ang sunud-sunod na deep breathing kaya hinimatay dahil na-choke…kinapos ng hangin! Ayaw kong mahimatay tulad niya.

 

Ang problema sa kultura natin na may pagka-colonial pa rin, kapag ang pagmumura ay ginawa sa English o Kastila, parang wala lang ang epekto, pero kung ang pagmumura ay ginawa na sa Pilipino, ang nakakarinig, lalo na mga banal daw ay para nang natapunan ng ipot ng pusa sa mukha. Hindi ko sinasabing hindi masama ang pagmumura. Subalit dapat ay maghinay-hinay sa paghusga sa mga taong nagmumura. Mabuti nga lumabas ang masamang salita lang mula sa kanya, hindi tulad ng ibang nagbabanal-banalan na ang masamang ugali ay nagkakaugat sa puso nila at diwa kaya habang tumagatal ay yumayabong pa. Ang pagmumura namang inilalabas ay walang pagkakataong yumabong dahil….yon nga, ibinuga na ng bibig!

 

Narinig ang tape tungkol sa pagmumura ni Duterte sa santo papa, kaya malinaw na ginawa nga niya. Isa itong maituturing na “tactlessness” o kawalan ng pasubali o ugaling bara-bara sa salitang kanto….na talagang mali. Subalit si Duterte ay kilala sa paghalo ng mga biro sa kanyang pananalita, kaya malamang, para sa kanya ay joke ang sinabi niya….pero joke na masama o hindi nararapat dahil si Francs bilang pinakamataas na lider ng simbahang Katoliko ay tinuturing na banal kay tinawag na “santo papa”.

 

Kilalal sa pagbiro ang mga Bisaya, na kahit maanghang sa pandinig ay hindi naman bukal sa kalooban ng nagsabi, tulad ng pabirong “gi-atay ka”  o “lilinti-an ka” na ang mga kahulugan ay ayaw ko na lang sabihin. Mabuti na rin ang ginawang pagpuna kay Duterte, para hindi isipin ng santo papa na tino-tolerate ng mga Pilipino ang ganitong ugali…at baka hindi na siya magsalita ng blessing sa Pilipino tuwing mamintana upang magbasbas sa mga taong nag-aabang sa kanya.

 

Pero, sa isang banda, kung papipiliin ako sa pagitan ng isang taong nagmumura subalit ang layunin ay magkaroon ng pagbabago sa isang sistema ng gobyerno na may makapal na kulapol ng korapsyon at may napatanuyan na, at sa isang taong namang dahilan ng kagutuman at kahirapan ng buong bayan dahil sa kawalan ng malasakit, kahit hindi pa nagmumura at animo ay larawan ng pagkabanal at pagka-santo na pagkukunwari lang pala….ang pipiliin ko ay ang nagmumura!

 

Ang ginawa ni Duterte kahit pa maituturing na joke ay patunay sa binitiwan niyang babala noon na kung maging presidente siya ay wala siyang sasantuhin….kaya humanda na sila!

 

Ang Panukala tungkol sa mga Kabataan…kinopyang ideya, kaya sobrang palpak!

Ang Panukala tungkol sa mga Kabataan
…kinopyang ideya, kaya sobrang palpak!
Ni Apolinario Villalobos

Sa kakokopya ng mga mambabatas ng mga batas na umiiral sa Amerika, lalo na ang mga tungkol sa kabataan, nakalimutan nilang iba ang kultura ng Pilipino sa Amerikano.

Sa kultura ng Amerikano, kapantay, kung ituring ng mga kabataan ang matatanda kahit pa ang mga ito ay magulang nila. Mayroon pang tumatawag sa magulang ng first name nito. Ang ugaling ito ay lalo pang pinalala ng mga batas nila na may kinalaman sa pagdisiplina ng kabataan, kaya kung sawayin ang mga kabataan nila, kahit ang mga walang muwang ay dapat sa salita lang. Hindi sila pwedeng saktan kahit bahagya, dahil sa kulungan ang bagsak ng nanakit na magulang. Nagagawa tuloy ng mga kabataan doon na sumagot ng pabalang-balang sa kanilang mga magulang at may pananakot pang magsusumbong sila sa pamahalaan o tatawag sa 911 kung sila ay sasaktan, kahit malinaw namang may kasalanan sila.

Sa Pilipinas, maganda na sana ang paraan sa pagdisiplina ng mga kabataan dahil kung lumabis naman sa pananakit ang magulang ay maaari silang isumbong ng kapitbahay o maski sino, sa Barangay, at pwedeng ideretso din sa pulisya dahil may naka-assign namang desk upang mag-asikaso sa ganitong problem na itinuturing na hindi pangkaraniwan. Mula’t sapul, ang ganitong paraan ay katanggap-tanggap na, subalit may gustong magpa-istaring na mambatatas, kaya naisipan niyang gumawa ng panukala, kinopya naman…hindi original.

Sa pagdisiplina, hindi maiwasang saktan ng magulang ang anak lalo na ang mga paslit na hindi pa alam kung ano ang tama at mali. Hindi rin nila masyadong nauunawaan ang mga paliwanag kung sabihin sa kanila, kaya ang paraan lamang upang ipaalam sa kanila na mali ang kanilang ginagawa ay saktan ng bahagya.

Mahalagang matanim sa isip ng mga paslit o madanasan nila ang “katumbas” ng bawa’t maling gagawin nila. Halimbawa, malalaman lamang ng isang paslit na nakakapaso ang apoy sa sandaling hahawakan niya – isang karanasan na hindi na niya uulitin. Kailangan ding saktan ng bahagya ng magulang ang pasaway na paslit sa pamamagitan ng palo sa puwit upang ipabatid, halimbawa, na mali ang ang pagdumi kung saan-saan lang sa loob ng bahay, na susundan pa minsan ng pagsubo nito ng kanyang dumi.

Hindi maganda ang magiging resulta ng bagong batas dahil lalo lamang nitong palalalain ang nasisira nang disiplina ng mga kabataang Pilipino na nalulublob na sa masamang impluwensiya ng makabagong teknolohiya, mga bisyo tulad ng droga, sigarilyo, alak, at barkada.

Kahit kaylan, walang mabuting nagawa ang ibang mga mambabatas. Hindi nila pinag-iisipan ang mga ginagawang panukala, masabi lang na may nagawa sila – pantakip sa kanilang korapsyon!