Wala siyang teklado para sa letrang “M” subalit subok ang tibay dahil kahit bahayan ng langgam ang mga kalamnan ay hindi sumusurender maski pa maghapong gamitin. Ilang taon din siyang nagtiis sa pagtipa ko sa teklado ng kanyang mga letra at simbolo, yon nga lang, pagdating sa bunging bahagi para sa letrang “M” ay kailangang maingat ang aking pagpindot. Malaki ang utang na loob ko sa laptop na ito dahil lahat ng mga saloobin ko ay kinakaya niyang ipunin…i-absorb, kaya siguro kung mayroon lang siyang bituka baka palagi siyang nagsusuka, o di kaya kung may puso, ay matagal na siyang na-heart attack. Kahit halos mamuwalan na siya sa mga pinapakain kong nakakasuka at nakaka-heart attack na mga isyu, ay hindi siya nanghihina man lang.
Ang problema lang ay ang colonial niyang mentality dahil may mga salitang Pilipino na pinagpipilitan niyang baybayin sa Ingles kaya kailangan kong basahin nang paulit-ulit ang mga naisulat niya upang ang “namin” ay hindi maging “naming”, o di kaya ang “hindi maging” ay hindi maging “hind imaging”, ang “letra” ay hindi maging “letre”, at marami pang ibang salitang Pilipino na tinatarantado niya….sutil kasi.
Minsan ko na rin siyang nadunggol dahil sa sobrang antok nang bumagsak ang noo ko sa kanya, subalit hindi siya nagreklamo kahit sa pamamagitan ng pag-kuryente man lang sa akin. Nalaman kong nasaktan ko siya nang maramdaman ko sa aking pisngi ang kanyang pag-overheat makalipas ang dalawang oras ng pagkakatulog. Literally, I slept on my laptop! Siguro kung nakakatawa lang ang butiki ay hinalakhakan na ako dahil sa hindi kalayuan ay may nakita akong dalawa na halos hindi gumagalaw dahil siguro nagulat, pero nagpulasan nang tiningnan ko sila ng masama.
Hindi mitsa ng buhay ko ang aking mahal na laptop dahil old-fashion siya, luma na kasi, kaya kahit bitbitin ko siyang hubad, ibig sabihin ay hindi nakalagay sa bag, walang magkaka-interes. Parang babae rin na dahil naitatago ng pagka-old fashion ang kanyang ganda, siya ay malayo sa posibilidad na magahasa! Kaya ang mga babae ay hindi dapat magpakita ng motibo o pag-anyaya upang magahasa…magpaka-simple o magpaka-old fashion din kahit minsan….maliban na lang ang mga desperada!
Para ring tao ang aking laptop na nag-undergo ng operasyon at pagtapal dahil marami na rin siyang diperensiya maliban sa pagkabungi. Ang dating ayaw pumermanenteng pagtayo ng screen kaya nilalagyan ko pa ng suporta sa likod, ay naremedyuhan ng isang doktor ng mga laptop – may ginalaw sa kasu-kasuan o joints nito kaya nakakatayo na ngayon nang tiyeso. Ang dating sugat sa gilid dahil nabasag ay natapalan na rin ng karton kaya ngayon ay buo na siya – good as new!
Ang kuwento ng laptop ko ay maihahalintulad din sa kuwento ng alagang hayop na pinagkakautangan dapat ng loob ng nag-aalaga dahil sa dulot nilang therapeutic relief, o di kaya ay iba pang bagay na napakinabangan para sa araw-araw na pamumuhay. May utang na loob tayo sa kanila. Hindi sila dapat binabale-wala nang basta-basta pagkatapos pagsawaan o kapag nagkaroon ng bago, lalo na ngayong pasko.
Hindi din dapat ganyan ang mag-asawa na pagkalipas ng maraming taon ay basta na lang makaramdam ng pagkasawa sa isa’t isa, kaya nagkakanya-kanya na sa pagrampa upang maghanap ng ibang mapagparausan. O di kaya ay ibang mga anak na pagkatapos iluwal ng ina at palakihin ng ama ay walang pakundangan kung sila ay balewalain o ikahiya sa ibang tao dahil walang pinag-aralan o di kaya ay hindi maganda o guwapo tulad ng mga magulang ng mga kaibigan nila, o di kaya ay amoy pawis dahil sa pagtinda sa palengke, hindi tulad ng magulang ng classmate nila na nagtatrabaho sa aircon na opisina.
Pairalin natin ang utang na loob. Magbago tayo….bilang pasalubong sa bagong taong 2016!
Nang minsang papunta ako sa Tondo, may nadaanan akong tambakan ng mga basura at napansin ko ang malaking tumpok ng mga tarpaulin na pinagtabasan. Nang busisiin ko ay malalaki pala ang mga sukat at maaaring pagtagpi-tagpiin. Pumasok agad sa isip ko ang mga nakatira sa bangketa na wala man lang banig at ang mga nagkakariton na ang tanging pananggalang sa init at ulan ay mga punit na plastik. Mabuti na lang at may dumaang traysikad at nagpatulong ako sa drayber nito upang matupi nang maayos ang mga tarpaulin. Tinanong ko ang bata kung may alam siyang mananahi, tiyempo rin na may alam din siya pero tatawid kami ng Recto dahil malapit ang mananahi sa Bambang market kung saan ay matatagpuan din ang original na “ukay-ukay” sa Maynila. Pagkalipas ng halos dalawang oras ay nakayari kami ng 14 na tarpaulin na ang sukat ng bawat isa ay 4 feet by 6 feet, pagkatapos na pagtagpi-tagpiin ang mga retaso!
Minsan naman, may nadaanan akong namamasura na nag-aayos ng kanyang mga kalakal sa isang tabi. Napansin kong maraming mga notebook. Pumasok agad sa isip ko na malamang maraming pahinang wala pang sulat, na tama nga. Nakiusap ako sa nangangalakal na tulungan akong ipunin ang mga pahinang malilinis pa at babayaran ko siya ng doble sa inaasahan niyang halaga kung ipapatimbang niya sa junkshop ang mga notebook. Nang makatapos kami sa pagpilas ng mga malilinis na pahina, nakaipon kami ng mahigit dalawang dangkal na malilinis na mga pahina! Walang problema sa paghati-hati at pag-staple dahil may malaki akong stapler sa bahay. Para ang mga ito sa mga batang halos hindi makabili ng gamit sa eskwela na nakita ko sa bangketa ng Divisoria. Tamang-tama rin dahil may ipinadalang mga lapis naman ang isang kaibigan ko na nasa Amerika.
Sa tambakan naman ng basura sa tabi ng isang bodega, may nakita akong mga gomang tsinelas. Maayos pa ang karamihan ngunit nangitim lang dahil sa pagkakaimbak. May mga sapatos din na goma, maayos pa rin subalit bakbak na ang mga disenyo at marka. Naalala ko ang mga batang nakita ko na nakapaa habang namumulot ng mga lantang gulay sa Divisoria at kung pumasok sa eskwela ay nakatsinelas lang. Mabuti na lang at may isang tindahan sa hindi kalayuan na nagtitinda ng bigas, kaya may nabili akong dalawang basyong sako na pinaglagyan ng mga naipon kong tsinelas at sapatos.
Kung panahon ng baha, maraming matitiyempuhang itinapong binahang mga damit. Hindi rin ako nahihiyang ipunin ang mga maaayos at pinalalabhan ko sa asawa ng nakaibigan kong nakatira sa tabi ng Ilog Pasig, upang maipamigay naman. Yong mga kaibigan nila na gustong magkaroon, hinahayaan kong pumili, basta sila na ang maglaba. Ang mga natuyo na natira pagkatapos nilang pagpilian ay binibigay ko sa iba kong kaibigan.
Ang mga ikinuwento ko ay maaari ring gawin ng iba basta ang itanim lang sa isip ay, maliban sa makakatulong sa iba… nakakabawas pa ng matatambak sa basura. Isa sa mga paalala ng mga grupong maka-kalikasan sa Pilipinas ay “may yaman sa basura”, na para sa iba ay tumutukoy sa mga piraso ng bakal, tanso, at plastik. Subalit hindi dapat limitahan sa mga nabanggit ang pagtukoy sa yaman, kundi pati na rin sa iba pang bagay na direktang mapapakinabangan tulad ng mga napulot ko.
Isa sa dahilan kung bakit nasisira ang normal na sikulo ng panahon ng mundo ay ang walang patumanggang pagtapon ng basura, kaya ang iba’t ibang mga bansa ay nagkanya-kanya sa pagpanukala ng “recycling program”. Obligasyon ng bawa’t mamamayan ang makiisa sa ganitong uri ng panawagan na ang makikinabang ay buong sangkatauhan at malaking tulong din kay Inang Kalikasan.