Baguhin ang mga Ugaling Hindi Maipagmamalaki

Baguhin ang mga Ugaling Hindi Maipagmamalaki

Ni Apolinario Villalobos

 

Taun-taon na lang ay may New Year’s Resolution ang bawa’t isa. Ito ang dahilan kung bakit malakas ang loob ng karamihan sa atin na lumihis ng landas mula unang araw ng Enero hanggang huling araw ng Disyembre…dahil pwede naman daw magsisi bago matapos ang taon.

 

Hindi madaling magbago ng ugaling malalim na ang pagkaugat sa ating pagkatao. Kailangan ang pambihirang disiplina upang magawa ito o di kaya ay isang milagro. Ang masisisi sa ganitong bagay ay mga magulang na nagpabaya dahil hindi nila nadisiplina ang kanilang mga anak habang maliit pa lang sila upang magkaroon ng mga ugaling maipagmamalaki. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga ugaling sumisira ng pagkatao:

 

  • Ang pagiging batugan na nagreresulta sa katamaran. Nakaugalian ng karamihan na tuwing weekend ay gumising ng tanghali. Ang dahilan ay bumabawi lang dahil buong linggo naman daw ay kayod-kalabaw sila. Dahil sa ganoong pananaw, nahawa sa ganitong ugali ang mga anak na paglaki ay magpapasa rin ng ganitong maling pananaw sa kanilang mga anak. May iba diyan na dahil sa pagkabatugan, tapos nang magluto ng tanghalian ang kapitbahay, sila ay humahagok pa rin sa pagkakatulog.

 

  • Ang pagiging abusado sa mga taong tumutulong. Dapat unawain na hindi lahat ng nakakatulong lalo na yong katamtaman lang naman ang uri ng pamumuhay ay palaging nakakaluwag. Ang mga kusa nilang naibabahagi ay ekstra lamang kaya hindi palaging meron sila nito. Ang hirap lang sa ibang naabutan minsan ng tulong, ang gusto ay araw-arawin na ito ng nakatulong, kaya kapag hindi nangyari ang inaasahan nila, sasama na ang loob. Kung ang mga mayayaman nga, maliban na lang ang may mga Foundation, ay minsanan lang kung tumulong, paano pa kaya ang mga nasa “middle class” o yong mga nasa “lower class” subalit may pambihirang ugaling matulungin?

 

  • Ang pagiging “sipsip” sa boss. May mga taong sagad-buto na yata ang pagkamakasarili kaya gumagawa ng lahat ng paraan upang umangat lang, kahit pa marami silang natatapakan o nasasagasaan. Ang mga taong ito ay yong klaseng wala naman talagang ibubuga sa trabaho kaya “sumisipsip” na lang sa boss, na halos umabot sa paghimod sa puwet nito, ma-promote lang. Unfair ito sa mga kasama nila sa trabaho na karapat-dapat umangat dahil sa talino at kakayahan.

 

  • Ang pagiging pekeng makatao at maka-Diyos. Ang isa pang tawag dito ay kaipukrituhan. Ito ang mga taong umaasa ng “bayad” o “balik” o “sukli”, kapag nag-abot ng tulong sa kapwa. Ito ang mga taong palaging may kamera kapag pumunta sa mga evacuation center o mga lugar na sinalanta ng kalamidad at may mga dala rin namang relief goods. Okey lang kung malakihang operasyon na tulad ng ginagawa ng DSW o di kaya ay mga NGOs dahil dapat may maipakita silang patunay na pinamigay nila ang mga donasyon. Subalit kung kusang “tulong-kaibigan” na hindi naman big-time o malakihan, bakit kailangan pang magkodakan? Ang mga gumagawa nito ay yong may ambisyon sa larangan ng pulitika o nangangarap na maging santo o santa.

 

  • Ang pagiging abusado sa katawan. Ang pag-aabuso sa katawan ay nagiging sanhi ng pagkasira ng kalusugan. Ang mga taong abusado sa ganitong bagay ay yong may mga bisyo na kahit alam nang nakakasama ay tuloy pa rin sila sa ginagawa. Nagpapabaya rin sila pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa tamang pagkain. Ito ang mga maaarte na ayaw kumain ng gulay halimbawa, dahil hindi nila gusto ang lasa kahit alam nilang mahalaga sa kalusugan, kaya sila ay ginagaya ng mga anak na lumaki na lang sa pagkain ng hot dog at hamburger o piniritong itlog.

 

  • Ang pagiging bulagsak sa pera. Ito yong mga taong kung gumastos ay parang wala nang susunod pang mga araw na paggagastusan, kaya kung suwelduhan sila, ang natatanggap tuwing 15/30 ay sandail lang nilang nahahawakan….ang resulta – kung may mga emergency na pangangailangan, hanggang nganga na lang sila!

 

  • Ang pagiging palamura. Ang pagmumura ay talagang masama….pagsabihan ba naman halimbawa ang isang tao ng “puta ang ina mo”, o di kaya ay “anak ka ng puta”. Dapat ay baguhin na itong ugali. Kung hindi maiiwasan, putulin na lang ang mga linya…halimbawa, sa halip na “puta ang ina mo” ay sabihin na lang na “…ina mo”, at ang “anak ka ng puta” ay “….anak ka”. Huwag murahin sa Ingles ang mga walang alam sa wikang ito…huwag gawing dahilan ang kawalang kaalaman nila sa Ingles upang paliguan sila ng mga pagmumurang tulad ng, “shit”, “damn it”, “son of a bitch”, etc., dahil baka murahin ka rin sa dialect na hindi mo alam!

 

HAPPY NEW YEAR NA LANG SA MAKAKABASA…..LALO NA ANG NATUMBOK!

Ang Hamunan nina Roxas at Duterte ay Pagpapakita ng Maruming Pulitika sa Pilipinas

Ang Hamunan nina Roxas at Duterte

ay Pagpapakita ng Maruming Pulitika sa Pilipinas

ni Apolinario Villalobos

 

Ang namumukod-tanging katangian ng pulitika sa Pilipinas ay pagiging marumi nito. Ang mga kandidato ay nagbabatuhan ng mga putik. Kaya may kasabihan sa Pilipinas na kung ayaw mong mabisto ang katauhan mo ay huwag kang pumasok sa pulitika. Ang dahilan noong-noon pa ng mga pulitiko, na “pagtulong sa kapwa” ang dahilan ng pagpasok nila sa pulitika ay pinagtatawanan na ngayon. Sinasabi pa ng iba na ang pulitika ay isa sa mga larangan kung saan ay yayaman ang isang tao – na unfair naman sa mga talagang walang intensiyong mangurakot….ng malaki. Tanggap naman ang 10% na komisyon na ang tawag noon pa man ay “for the boys”, na ayaw pa ngang tanggapin ng iba dahil nakakahiya sa sinumpaan nilang tungkulin. Ang masama lang kasi sa ibang nanalo at nakaupo na sa puwesto, hindi lang 70% ang gustong kurakutin, kundi 100% dahil ang project ay hanggang papel lang!

 

Hindi sana umabot sa hamunan ang dalawang kandidato sa pagka-pangulo ng bansa kung hindi sana pinakialaman ni Roxas ang nananahimik na Davao City. Alam naman niyang alagang-alaga ito ni Duterte pati na ng mga Davaweἧo, pati ng mga taong nakatira sa mga bayang nakapaligid dito. Kung papansinin, nagpakumbaba pa nga si Duterte nang punahin ang pagmumura niya at tinanggap pa ang “lecture” ng Obispo sa Davao City. Ito ay pakita lang na okey sa kanyang punahin ang mga personal niyang pagkakamali sa mata ng mga moralista, pero ang kantihin ang inaalagaan niyang katahimikan sa Davao na kung ilang taon din niyang nilinis at pinatahimik ay maituturing na “below the belt”.

 

Nang gantihan naman ni Duterte si Roxas tungkol sa nakakadudang pag-graduate niya sa hindi naman gaanong kilalang eskwelahan sa Amerika, pumalag din siya. Ngayon ay nagsisisi siya dahil pati ang kredibilidad niya sa larangan ng edukasyon na isa sa mga pinagmamalaki niya ay nalagay sa balag ng alanganin. Dahil sa panggagalaiti niya, marami tuloy ay nagsasabing baka nga totoong hanggang kodakan lang ang pag-graduate niya  sa Amerika.

 

Ang daming maaaring ipaliwanag ni Roxas sa mga tao upang magkaroon ng linaw ang mga isyu na may kinalaman din sa sinasandalan niyang presidente ng Pilipinas…bakit hindi na lang niya dito ituon ang kanyang effort sa pangangampanya? Bakit kailangang siraan pa niya si Duterte na nananahimik na nga? Mag-concentrate na lang sana siya sa “tuwid na daan” na pinangako niyang ipagpapatuloy, para marami pang mahatak kung sakali. Huwag na niyang pakialaman si Duterte na ang kapalaran ay nasa kamay ng COMELEC. Sa ginagawa niya, halatang ninenerbiyos siya dahil malakas ang hatak pareho ni Duterte at Poe. Mukhang pumalpak na naman ang campaign machinery na tumutulak kay Roxas.

 

Sa interbyu kay Duterte sa isang radio station sa Manila tungkol sa kanyang pagkandidato, nakiusap siya sa mga sumusuporta sa kanya na maging mahinahon at itigil na ang pagbabanta ng “rebolusyon” kung siya ay ma-disqualify. Bukambibig niya ang pagtanggap ng disqualification  kung ito ang desisyon ng COMELEC, kaya sinabi pa niya na kung maaari ay ituon din ng mga sumusuporta sa kanya ang atensiyon nila sa ibang mga kandidato, upang makapili sila ng karapat-dapat kung sakali ngang siya ay ma-disqualify. Pinapakita ni Duterte na hindi siya sakim, dahil ang gusto lamang niya ay maging realistic ang mga supporter niya batay sa mga umiiral na sitwasyon. Sa isang banda, malinaw pa rin ang pahayag niya na hindi siya umuurong sa pagtakbo bilang presidente ng Pilipinas.

 

Do Not Feel Bad About Unfulfilled Dreams

Do Not Feel Bad

About Unfulfilled Dreams

By Apolinario Villalobos

 

There is a popular adage, “life is what we make it”. All of us have limitations, hence, it follows that the life we live is based on our best effort, but hampered by limitations. We cannot be like what others are. We can strive, yes…but the result may not be the same as what others have accomplished. The problem with some of us is that they dream to be like somebody else which is impossible. Successful people can be looked up to as models or be admired, but cannot be exactly copied.

 

Success is relative. The degree and kind of success varies. In this regard, to avoid getting disappointed, one should accept what he has accomplished based on his capability and just strive a little harder to be able to accomplish more. He should not feel bad, for instance, because he did not become a manager like his friend, or a physician like another friend, or a mayor, etc.

 

Those who develop grudge because of their “failure” supposedly, equate success to fame which is wrong. Others feel that just because they did not become famous like others, they have become a failure. I can say that such kind of feeling is a manifestation of jealousy which breeds grudge….nothing else. Success in life is the happiness and contentment one feels every morning as he wakes up to another day….it is the joy felt in what he does.

 

We should not be occupied with gawking at what others are doing or be jealous with what they have accomplished. Each one of us has a different kind of life to live and concerns much different from the rest. On the other hand, the jealous attitude is most often the result of unnecessary and unhealthy rivalry in offices and other work sites. This is called professional jealousy which affects the operation and atmosphere.

 

Finally, successful people may wonder why some friends have suddenly kept a distance from them for no reason at all that they know of. There is something for these shunned successful people to ponder about…jealousy developed by their friends who have the habit of comparing themselves with others. Such unnecessary feeling made them jealous resulting to grudge that time may not expunge easily. My suggestion: a change in attitude…by being positive in living one’s life….and changing it for the better.

 

Ang Mga Taong Mainggitin, Makasarili at Mapang-api

Ang Mga Taong Maiinggitin, Makasarili at Mapang-api
Ni Apolinario Villalobos

Sa bawat komunidad, hindi maiiwasang makakita ng mga taong may iba’t ibang ugali tulad ng pagkamainggitin, pagkamakasarili, at pagkamapang-api. Dahil dito, hindi rin maiwasan ang kadalasang pakikipagplastikan na lamang ng magkakapitbahay o magkakaibigan upang masabi lang na maganda ang kanilang samahan.

Tulad na lang ng isang kwento sa akin ng isa kong kaibigan tungkol sa isa nilang kapitbahay na noong naghihirap pa, halos lahat sa kanilang lugar ay inutangan. Madalas, umaga pa lang ay umiistambay na sa labas ng bahay ng madalas niyang mauto upang hingan ng pagkain. Subalit nang magkaroon ng pera dahil nakapagtrabaho ang mga anak sa abroad, ni hindi na makabati sa mga inutangan niya. Yong katapat lang na kapitbahay daw na madalas niyang hingan ng pagkain ay hindi man lang maimbita kung may okasyon o madalhan man lang ng sobrang pagkaing inihanda. Naging biyang sosyal daw kasi, kaya ang mga iniimbita sa bahay niya lalo na kung may okasyon ay mga kaibigang de-kotse.

Yong isang kapitbahay naman daw niya, tadtad na nga ng mga sakit, pahiwatig siguro ng Diyos na dapat baguhin niya ang masama niyang ugali, ay nagpapairal pa rin ang kanyang pagkamapang-api ng kapwa. Minsan ay nagreklamo daw ito dahil ang kubo na pinagawa ng homeowners’ association nila ay pinagpahingahan o tinulugan ng isang taong nangungupahan lamang sa kanilang lugar. Dapat nga daw ay matuwa ito dahil napapakinabangan ng lahat ang kubo. Kung inuutos nga ng Diyos na dapat ay buksan natin ang pinto ng ating bahay sa mga taong nangangailangan, ito pa kayang kubo na nasa labas ng ating bakuran na walang pinto?

Yong isa pa, umasenso lang ang kapitbahay niya na masipag magnegosyo ng kainan, kinainggitan na. Gusto yata niya, lahat ng kapitbahay niya ay gumaya sa kanyang walang ginawa kundi tumunganga sa maghapon!

Ang pakikipagkapwa-tao ay isa sa mga kautusan ng Diyos sa mga taong naniniwala sa Kanya. Kahit araw-araw pang magsimba, halimbawa, ang isang Kristiyano, hindi siya maaaring tawaging ganoon kung ang kanyang puso ay tumitibok sa pulso ng inggit, pang-api, at pagkamakasarili. Kaya nagkakagulo ang mundo ay dahil sa ganitong uri ng mga tao….

Ang Kasabihang “Mamatay Ka Sa Inggit”…tungkol ito sa taong mainggitin

Ang Kasabihang “Mamatay Ka sa Inggit”

(tungkol ito sa taong mainggitin)

Ni Apolinario Villalobos

Totoo pala talaga ang kasabihang nasa titulo. Akala ko noon ay kantiyaw lang na pabiro, yon pala ay talagang totoo. Nahuli ko ang isa kong kaibigan na idinaan sa mga kantyaw ang kanyang pagkainggit sa mga natamo ng kanyang kaibigang sikat na kolumnista. Masakit ang mga kantiyaw niya sa kanyang kaibigan. Hindi ko personal na kilala ang kolumnista pero bilib ako sa galing niya sa pagsulat kaya bukod sa diyaryo ay may lingguhan din siyang sinusulatang magasin. Ang kaibigan ko namang mainggitin pala ay walang natamo sa buhay, maliban sa negosyong pumalpak kaya nalugi. Nakarma siguro dahil s ugali niyang pagkamainggitin.

Nang minsang hindi na ako makatiis ay pinagtanggol ko ang kolumnista sa pagbatikos ng kaibigan ko kahit walang dahilan. Para bang nabubuo lamang ang araw niya kapag may naibulalas siyang masama laban sa kaibigan niyang kolumnista. Pati sa akin ay nainis na rin ang kaibigan kong maiinggitin kaya mula noon ay iniwasan ko na lang. Para namang pinagtiyap ng pagkakataon ang pagkurus ng landas namin ng kolumnista sa isang handaan. Nagulat ako nang sabihin niyang ang iba pala niyang mga sinusulat sa kolum ay hango sa mga blogs ko na nababasa niya sa internet, kaya pala napansin kong may pagkahawig ang mga ideya.

Mula noon ay nagpalitan na kami ng mga mensahe sa internet at nagtulungan sa pagbuo ng mga sinusulat namin. Ilang beses na rin niya akong nahingan ng pormal na pahintulot na magbatay ng mga isusulat niyang pananaw, sa mga naisulat ko na. Buong lugod ko naman siyang pinagbigayan.

Nang minsan namang biglang magkita kami ng kaibigan kong maiinggitin at banggitin ko sa kanya na magkaibigan na kami ng kaibigan niyang kolumnista sabay sabing nagtutulungan kami, ay napansin kong namutla siya, na para bang aatakehin sa puso. Halos wala akong narinig sa sinabi niya nang talikuran niya ako at biglang lumayo na nakatungo ang ulo. Hindi ko nasakyan ang kanyang inasal dahil ang inaasahan ko ay matutuwa siya dapat.

Makalipas ang dalawang araw, may nagbalita sa aking naospital ang kaibigan kong mainggitin dahil inatake daw sa puso, pero hindi naman natuluyan…tumabingi lang ang mukha at bulol na kung magsalita.

Ang leksiyon: huwag tayong mainggit sa tagumpay ng kaibigan natin sa larangang hindi naman natin kaya. Dapat ikatuwa natin ang tagumpay ng kaibigan natin. Ang inggit ay nangyayari kung ang isang tao ay gustong magpakitang gilas upang masabing lahat ay kaya niyang gawin, kaya ang gusto niyang mangyari ay ituring siyang nag-iisa lamang na magaling at wala nang iba. Ang isa pang gustong mangyari ng taong mainggitin ay pare-pareho na lang sila ng kanyang mga kaibigan na walang pinagtagumpayan dahil siya ay hindi rin nagtagumpay!…ang tawag sa huli kong nabanggit ay ugaling hilahan pababa!