Magkapareho ang Pananaw ni Pacquiao at Binay Pagdating sa Katiwalian….nakakabahalang isipin!

Magkapareho ang Pananaw ni Pacquiao at Binay

Pagdating sa Katiwalian…nakakabahalang isipin!

Ni Apolinario Villalobos

 

Umaayon si Pacquiao sa pananaw ni Binay na walang katotohanan ang mga ibinebentang sa kanyang katiwalian hangga’t hindi napapatunayan. Papaanong mapatunayan ni Binay na wala siyang kasalanan kung hindi naman siya umaatend ng mga hearing? Paano niyang mapatunayan na hindi galing sa nakaw ang yaman nila kung palaging idinadahilan niya ang “immunity” ng kanyang posisyon upang hindi siya mapuwersang dumalo sa mga hearing?

 

Nakakabahala ang ganitong pananaw dahil nagpapahiwatig ito na walang kasalanan ang isang nagnakaw kahit may mga ebidensiya pero hindi napatunayan sa husgado dahil sa galing ng kanyang abogado. Ang ganitong pananaw ay nagsasalamin ng hindi mapapagkatiwalaan sistema ng hustisya na pinapagalaw ng mga abogadong “matatalino” at ang serbisyo ay mayayaman lang ang may kakayahang umupa. Dahil diyan, maraming mga inosenteng mahirap na walang pambayad ng magaling na abogado ang  nabubulok sa bilangguan.

 

Palaging may karugtong na “Diyos” at pa-English pang deklarasyon ng kanyang “faith” kuno tuwing magsalita si Pacquiao upang ipabatid na siya ay maka-Diyos, kaya tingin niya sa kanyang sarili ay isang mabuting tao. Nakakapanindig- balahibo ang ginagawa niyang pagmamalaki….kahindik-hindik, at isang karumal-dumal na kayabangan! Hindi dahil dasal siya nang dasal o di kaya ay panay ang pagbasa ng Bibliya ay mabuting tao na siya. Paano ang mga walang Bibliya dahil walang pambili? Sila ba, tulad ng mga bakla at tomboy, ay mas masahol din sa hayop dahil walang na-memorize na salita ng Diyos tulad niya?

 

Paano naging mabuti ang isang tao na nagsasabing inosente siya hangga’t hindi napapatunayan sa korte ang mga kasalanan niya, kahit sa kaibuturan ng kanyang diwa ay alam niyang may kasalanan talaga siya? Ang ganitong pananaw ay nagpapahiwatig ng karumal-dumal na kawalan ng konsiyensiya ng isang tao dahil kahit alam niyang may kasalanan siya pero kaya niyang kumuha ng isang matalino at magaling na mga abogado ay siguradong absuwelto siya.

 

Kung mananalo si Binay bilang presidente at si Pacquiao ay senador, hindi na mawawalan ng pangungurakot sa gobyerno dahil ang kasalanang ito ay kailangang patunayan PA sa korte, ayon sa kanilang pananaw. Hindi man sila ang gumawa ay gagawin ng iba dahil kaya nilang umupa ng magaling na abogado kahit mahal ang serbisyo. Yan ang sagot sa tanong kung kaylan pa may napatunayang nangurakot na malalaking opisyal sa matataas na puwesto ng gobyerno. Samantala ang mga kaso man lang ng mga kinurakot na pork barrel sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay wala pa ring linaw hanggang ngayon.

 

Nakakatakot isipin na nabubuhay tayo ngayon sa panahong naglipana ang mga taong walang konsiyensiya. Silang tingin sa sarili ay maka-Diyos at hindi asal-hayop dahil panay ang basa ng Bibliya, pagdasal, at pag-attend ng prayer meetings, kaya mga “Kristiyano” kuno…ganoong ang nasa isip pala ay inosente sila sa mga kasalanang ginawa dahil hindi napatunayan sa korte!

Ang Addiction, Harakiri, at Dangal

Ang Addiction,  Harakiri, at Dangal

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang addiction ay hindi limitado lang sa alak, sigarilyo at droga. Sa Pilipinas, may mga maidadagdag pa sa listahan: addiction sa pera, addiction sa pagsinungaling, at addiction sa cellphone.

 

Ang mga sintomas ng addiction sa pera ay ang hindi makontrol na paggalaw ng mga hinlalaki (thumb) at hintuturo (thumb) sa pagkiskisan na animo ay nagbibilang ng pera, pagkataranta kapag nakarinig na kalansing ng baryang nahulog, panlalaki ng mga mata kapag pinag-uusapan ang pera, at madalas na pagkadulas sa pagsabi ng “how much are you”, sa halip na “how are you”. Talamak itong sakit sa Kongreso at Senado at iba pang mga ahensiya ng gobyerno na palaging may project (na pinagkikitaan).

 

Ang mga sintomas naman ng addiction sa pagsisinungaling ay ang hindi nawawalang ngiti sa mga labi upang ipakita sa iba na malinis ang kanyang budhi at isip, pagsambit ng pangalan ng Diyos na idinudugtong sa mga pangako, pagbanggit ng kidlat, kulog, malusaw, mamatay, at iba pang kahindik-hindik na mga salita upang idiin ang katotohanan kuno ng mga sinabi niya at yong iba ay binebetsinan pa ng “peks man” at “cross my heart”, at ang pinakamalinaw na palatandaan ay ang walang kabuhay-buhay at hindi kumukurap na mga matang nandidilat habang nagsasalita sa harap ng camera dahil nag-aalala na baka madulas ang kanyang dila.

 

At, ang addiction naman sa cellphone ay may mga sintomas na paggalaw-galaw ng hinlalaki na animo ay may pinipindot. Napapansin din ang hindi mapalagay na pagkilos ng addict kapag ang katabi ay may kausap sa cellphone dahil parang may nag-uutos sa kanyang agawin ang cellphone upang siya naman ang makipag-usap. Napapakislot din itong uri ng addict kapag may naririnig na tunog ng cellphone, na sinasabayan pa ng pagdidila ng mga labi na para bang natatakam sa pagkain. At sa isang tahanan, malalaman kung may mga addict sa cellphone kapag may nagbabangayan na maririnig hanggang kalye dahil sa pagwawala ng mga anak na gustong magkaroon ng mga bagong cellphone.

 

Kung dangal naman ang pag-uusapan, matindi ang mga Hapon sa pag-alaga nito. Nagpapakamatay sila kapag nadungisan ang kanilang dangal. Yong mga nasa gobyerno ng Japan, na nabigla o hindi sinasadyang nakagawa ng masama ay nagpapatiwakal agad kahit hindi pa nasisimulan ang imbestigasyon.

 

Kung sa Pilipinas mangyayari ang pagpapatiwalak o pagharakiri ng mga nagkasalang government officials, siguradong walang matitira….mula sa pinakamataas na puwesto hanggang sa ibaba. Pero hindi nangyayari, dahil sinanay ang mga Pilipino ng mga prayle o Spanish friars noong panahon ng mga Kastila sa paniniwalang kahit sangkaterba ang kasalanan, lusaw ang mga ito sa paulit-ulit na pagdasal ng Our Father, Hail Mary, at I Believe in God,  na ipinapataw sa nagkumpisal. Kaya ngayon, tingnan ninyong mabuti kung sino ang mga mahilig gumawa ng mga kasalanan na nakaluklok sa kawawang gobyerno ng Pilipinas!…hindi ba silang mga nananalig sa kumpisal?…dahil pagkatapos ng mga penance ay gagawa uli sila ng mga kasalanan!

Umaayon ang mga Pagkakataon kay Pnoy na Pinaghandaan Niya

Umaayon ang mga Pagkakataon kay Pnoy

na Pinaghandaan Niya

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa pagkalaglag ni Mar Roxas mula sa kalinga ni Pnoy Aquino dahil sa hindi pagka-apruba sa dalawang libong pisong dagdag sa buwanang pensiyon ng mga retirado, wala ring problema sakaling manalo si Jejomar Binay. Dapat tandaang ang kalaban ni Binay ay ang tatlong senador na pursigidong siya ay makulong-  sina Escudero, Trillanes at Pimentel. Sa isang banda ay paulit-ulit na sinasabi ni Binay na malaki ang utang na loob niya kay Cory Aquino na siyang nagluklok sa kanya sa Makati City bilang mayor nang umupo ito bilang presidente pagkatapos ng People Power 1. Dahil diyan, malayo sa isip niya na sumuporta sa anumang balak na kasuhan si Pnoy, bilang pagpapakita ng utang na loob. Wala rin siyang probema dahil naghihintay na sa kanya ang pork barrel fund na inaprubahan ni Pnoy, na lalo pang nilakihan sa halagang nakakalula.

 

Maraming mapaggagamitan ang pork barrel fund na inaprubahan ni Pnoy, lalo na sa panunuhol upang maharangan ang anumang tangkang kasuhan siya sa kanyang pagbaba at pagkawala ng immunity. Sa Ingles wika nga ay, the road has been paved for smooth travel….o pag-absuwelto kay Pnoy mula sa anumang kaso. Majority ng miyembro ng Korte Suprema ay naimpluwensiyahan na ni Pnoy at ang iba ay iniluklok naman niya sa panahon ng kanyang panunungkulan kaya hindi maiiwasang magkaroon sila ng utang na loob sa kanya. Yong mga inuluklok ni Pnoy na nagsasabi ng, “gagawin ko lang ang trabahong itinalaga sa akin”, ay mabuti pang manahimik na lamang mula ngayon dahil siguradong sisirain lang nila ang binitiwang pangako. Hindi dapat kalimutan na ang isang bahagi ng kultura ng mga Pilipino ay matiim na nakaangkla sa “utang na loob” na siya namang dahilan kung bakit napakarumi ng pulitika sa Pilipinas.

 

Ang mga nabanggit na senaryo ay malamang na matagal nang nakikita ni Pnoy kaya kung gumawa siya ng mararahas na aksiyon na taliwas sa mga inaasahan ay ganoon na lang. Samantala, ang pag-asa na lamang ay ang kasong inilalatag sa kanya ni Juan Ponce Enrile tungkol sa direktang pananagutan niya sa madugong kamatayan ng SAF44 sa Tokanalipao, Mamasapano, sa probinsiya ng Maguindanao. Subalit kung ito ay ihahain sa Korte Suprema, tatanggapin naman kaya ng karamihan ng mga mahistrado ang “command responsibility” bilang batayan ng kanyang kasalanan? Ano ang magagawa ng isang mabigat na ebidensiya sa harap ng mga naimpluwensiyahang kaisipan na nabaluktot kaya hindi makagawa ng patas na desisyon? Nangyari na yan nang kung ilang beses….at siguradong mangyayari pa!

The World is a Maze of Confusion and Conflict

The World is a Maze of Confusion

And Conflict

By Apolinario Villalobos

 

Here are some of my personal observations:

 

  1. The only “order” that can be felt and experienced in the world is the 24-hour cycle divided into night and day that further accumulates into seven days in a week, further accumulating into the 28/30/31 days in a month and finally into 12 months in a year – according to the Roman Catholic calendar, however, the Chinese, the Jews, and the Muslims have their own calendar in this regard.

 

  1. The long-respected Bible is now being touted as a source of various confusions, especially, because many religions have allegedly thwarted the original contents written in the original language, to serve their own purpose which is to prove their having the “true religion”. So, today, instead of being enlightened, many people became confused that they have gone to the extent of leaving the religion of their birth to become Atheist, Agnostic, or Satanic. They should not be blamed because they followed their own judgment, and nobody can rightly say that they are wrong, after having gone through the harrowing confusion.

 

  1. Due to survival instinct, countries have become hypocrites. Openly, leaders deal amiably with each other despite differences in ideology, and proof to this are photos splashed on the different social media where they are shown smiling at each other and shaking hands, but days after, the same leaders make pronouncements that run counter to their friendly stance shown earlier to the world. Citizens are confused which of the two “expressions” should be believed.

 

  1. Drugs are invented to prevent the onset of diseases and cure people of ailments but most of these drugs have contra-indications when used at the same time due to simultaneous inceptions of disorders. Even the long-traditionally used drugs, one of which is aspirin, are deemed to have negative effects on some organs. Most antibiotics today are also declared as ineffective and can harm many organs if used unabatedly, especially, without prescription. This confusion resulted to the loss of confidence to physicians by skeptic patients who have resorted to herbals, instead.

 

  1. Confusion did not spare the foods, as many of them are not just fit for anybody. Some people get sick when they drink milk, eat seafood, beans, and even peanut. Some people vomit when they eat any fibrous vegetable or get a sniff of banana. The list of foods that are not supposed to be eaten by some people is still getting longer by the day. This deprivation is confusing, for how can sources of nutrients for the body become poison to others? Explanations are offered by experts, but the question still remains because life is supposed to be viewed as full of promises, including health and happiness. But how can it be possible if one is deprived of things needed to live happily and glowing with health?

 

  1. Universities and colleges are supposed to breed intelligent graduates who are expected to be part of the effort in the development of their nation and betterment of society. But why are there corrupt government officials and even leaders who are supposed to have even earned Masters and Doctorates from these institutions of learning? Why are there evil-minded scientists, whose intellect and moral values have been bred in these institutions where only what’s good for mankind is supposed to be taught?

 

The confusion is compounded by greed that has muddled man’s mind making the upshots of his intellect become tools for his self-annihilation!

Ang Barbero sa Liwasang Bonifacio

Ang Barbero sa Liwasang Bonifacio

Ni Apolinario Villalobos

 

Nakasakay ako sa jeep papuntang Pasay nang matanaw ko ang isang barbero sa isang bahagi ng Liwasang Bonifacio (Lawto Plaza) at hindi alintana ang mga tao sa kanyang paligid habang naggugupit ng buhok. Bumaba ako mula sa jeep upang umusyuso lalo pa at nakita ko ang mga “kalakal” na nakalatag hindi kalayuan sa kanya. Ang mga “kalakal” ay mga junk items na napupulot sa basura o maayos pang gamit na pinagsawaan ng may-ari kaya napapakinabangan pa. Mahalaga ang mga ganitong nakalatag para sa mga taong naghahanap ng mga piyesa ng kung anong gadget na hindi mabibili saan mang tindahan o di kaya mga murang gamit.

 

“Dodong” ang pangalang sinabi ng barbero sa akin at galing daw siya sa Cebu kaya maganda ang usapan namin sa Bisaya. Kanya rin pala ang mga kalakal na nakalatag sa hindi kalayuan. Natiyempuhan ko sa mga nakalatag ang cellphone belt pack na gawa sa soft cowhide at nabili ko sa halagang beinte pesos lang. Nakabili rin ako ng backpack na pang-estudyante na ibibigay ko sa isang bata sa Leveriza, Pasay,  sa halagang treinta pesos. Swerte pa rin ako sa isang pares na safety shoes na pambigay ko sa isang guwardiya sa isang hardware store sa Recto malapit sa Divisoria dahil nakita kong halos nakanganga na ang suwelas ng kaliwang sapatos niya, at nabili ko sa halagang otsenta pesos lang. Ang guwardiyang ito ang tumulong sa amin noong last week ng Nobyembre nang mag-ikot kami ng mga kasama ko sa lugar na yon upang mamigay ng regalo sa mga bata.

 

Dahil sa kahirapan ay natigil si Dodong sa pag-aaral kaya hanggang grade four lang ang inabot niya. Tumulong siya sa kanyang tatay sa pangingisda at kung hindi sila pumapalaot ay nakagawian na niyang umistambay sa bahay ng kapitbahay nilang barbero upang manood habang nanggugupit ito. Madalas din siyang utusan ng barbero na nag-aabot sa kanya ng pera kaya para na rin siyang nagsa-sideline. Sa kapapanood daw niya ng panggugupit ay natuto siya pero ang una niyang ginupitan ay tatay niya. Okey naman daw ang resulta kaya ang sunod niyang ginupitan ay kuya niya. Sa kapapraktis ay natuto na siyang manggupit kaya kung may lakad ang kapitbahay nilang barbero ay sa kanya pinagkakatiwala ang mga kostumer nito.

 

Labing- anim na taong gulang siya nang mamatay ang kanilang tatay kaya lumipat sila ng kanyang nanay sa bahay ng kanyang kuya na may pamilya na. Dahil dagdag pasanin sila, madalas na sa palengke siya umiistambay upang mangargador. Ang bangka kasi nila ay naibenta nang magkasakit ang kanilang tatay. Dahil sa pangangargador, nakakakain siya sa maghapon at nakakakapag-uwi pa ng pagkain para sa kanyang nanay, at kung malaki ang kita ay namamalengke pa siya na ikinatutuwa naman ng kanyang hipag.

 

Nang minsang may magyaya sa kanyang tindero upang maisama sa Maynila dahil bibili ng generator, sumama agad siya. Mula noon, palagi na siyang isinasama hanggang naisipan niyang pumunta sa Maynila na nag-iisa. Masuwete siya at sa barko pa lang ay may nakilala siyang makikipagsapalaran din kaya silang dalawa ang nagsalo sa hirap na dinanas pagdating sa Maynila. Mula sa pantalan ay naglakad sila hanggang sa Divisoria. Tinipid nila ang perang baon kaya madalas ay tumitiyempo sila ng kaning tutong para mahingi at ulam na lang ang babayaran kapag kumain sa mga maliliit na karinderya. Kung minsan daw ay dinadaan nila sa biro ang paghingi ng libreng tutong.

 

Sa kalalakad nila ay nakarating sila sa Liwasang Bonifacio at doon ay nadatnan nila ang iba pang nakipagsapalaran sa Maynila na walang matuluyan kaya kung gabi ay kanya-kanya sila ng hanap ng sulok upang matulugan. May nagbenta sa kanya ng gunting na original na “Solingen” at panggupit talaga ng buhok kaya laking tuwa niya. Ang binili na lang niya ay maliit na salamin at dalawang suklay – full time na barbero na siya! Sa simula, barya barya lang ang tinatanggap niya dahil sa pakisaman at para may maipambayad lang sa may-ari ng banyo sa Intramuros kung saan sila naliligo at naglalaba. Nakakaipon din siya ng pambili ng pagkain. Unti-unti ay nagtaas siya ng singil hanggang naging treinta pesos na. Nang lumaki ang kanyang ipon ay namili na rin siya ng mga kalakal na inaalok sa kanya ng mga “scavenger” at mga istambay na nagtitinda ng gamit, hanggang makaipon siya ng maraming kalakal na nilalatag niya araw-araw.

 

Biniro ko siya na hindi lang siya barbero kundi nagba-buy and sell pa. Kapag nakaipon daw siya ng malaki ay uuwi siya sa probinsiya nila at bibili ng bangka upang makapangisda uli pero manggugupit pa rin daw siya. Excited siya sa pagkuwento dahil makakasama na niya uli ang kanyang nanay.

 

Ang punto ko rito ay ang kaalaman o skill na maaaring pagkikitaan tulad ng natutunan ni Dodong na pagbabarbero kaya kahit dayo siya sa Maynila ay nabuhay siya nang marangal, hindi naging magnanakaw o palaboy. Marami pang ibang skill na maaaring pag-aralan tulad ng pagma-manicure at pedicure, o di kaya ay pagmamasahe at pagda-drive, pati pagluto. Hindi dapat ikahiya ang mga ganitong kaalaman kaya hangga’t bata pa ay mabuting matuto na.

 

 

 

Herson Magtalas: High School Graduate pero Nakapagpatapos ng Dalawang Kapatid sa Two-Year Courses

Herson Magtalas: High School Graduate pero Nakapagpatapos

Ng Dalawang Kapatid sa Two-Year Courses

Ni Apolinario Villalobos

 

Nang araw na nakita at nakausap ko si Jaime Mayor, ang matapat na kutsero sa Luneta na iginawa ko ng tula, may lumapit sa akin, si Herson Magtalas. Siya pala ang Checker/Operations Coordinaor nina G. Mayor. Mabuti na lang at nakipag-usap siya sa akin dahil hindi ko nakausap nang matagal si G. Mayor sa dami ng mga turistang gustong sumakay sa kanyang karetela dahil Linggo noon. Pinatunayan ni Herson ang mga nabasa ko noon sa diyaryo tungkol sa pagkatao ni G. Mayor.

 

Napahaba ang aming usapan hanggang nagtanong ako kung may pamilya na siya. Sinabi niyang binata pa siya sa gulang na 28 na taon. Hindi pa raw siya mag-aasawa hangga’t hindi nakatapos sa pag-aaral ang kanilang bunso. Sa sinabi niya, naging curious ako kaya tumuloy-tuloy ang tanong ko tungkol sa kanyang buhay. Napag-alaman ko na pagka-graduate niya sa high school, hindi na siya nagpatuloy sa pag-aaral, sa halip ay nagtrabaho siya upang makatulong sa kanyang mga magulang. Nang panahong yon ay kutsero na sa Luneta ang kanyang tatay at ang kanyang nanay ay nasa bahay lang. Apat silang magkapatid at siya ang panganay.

 

Lahat ng pagkakakitaan ay pinasok niya tulad ng pagtitinda ng barbecue sa bangketa, pagpapadyak ng traysikel. Sinuwerte siyang makapasok sa factory sa sahod na 150 pesos/araw. Sa pagawaang yon ng damit siya natutong manahi. Sa kahahanap niya ng kanyang kapalaran, napadayo siya sa Laguna, kung saan ay nagtrabaho naman siya bilang machine operator ng Asia Brewery na ang sahod ay 280 pesos/araw. Nang lumaon pa ay napasok naman siya sa isang restoran bilang kitchen helper na ang sahod ay 300 pesos/araw. Naging salesman din siya ng Shoemart (SM) sa sahod na 380 pesos/araw. Nang napasok siya bilang pahinante o helper ng delivery van ay saka pa lang siya nagkaroon ng minimum na sahod. Tumuloy- tuloy ang pagtanggap niya ng minimum na sahod hanggang sa paglipat siya sa isang printing shop bilang taga-limbag o printer ng mga nakasubo sa computer.

 

Ano pa nga ba at lahat ng kaya niyang pasukan ay sinusubukan ni Herson na ang hangad ay magkaroon ng maayos na sahod dahil sa ginagawa niyang pagtulong sa kanyang mga magulang upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang nakakabatang tatlong kapatid. Nang makapasok siya sa Castillan Carriage and Tour Services bilang Checker/ Operations Coordinator ay pumirmi na siya dahil sa ahensiyang ito rin nagtagal ang kanyang tatay bilang “rig driver” o kutsero, at dahil na rin sa magandang sahod at kabaitan ng may-ari.

 

Unang napagtapos ni Herson ang nakababata sa kanya, si Herneἧa na ang linya ng trabaho ngayon ay Accounting. Sumunod naman si Heycilin na ngayon ay may magandang trabaho sa isang restaurant. Ang bunso nilang kapatid, si Homer, 16 na taong gulang ay nasa first year college at kumukuha ng Information Technology (IT). Sa pag-uusap nilang tatlong magkakapatid, napagkasunduan nilang four-year course na ipakuka kay Homer dahil kaya na nilang tustusan ito.

Sa pangunguna niya, napaayos na rin nila ang kanilang tinitirhan sa Caloocan na dati ay maliit kaya halos hindi sila magkasyang anim. Bilang panganay ay inuuna niya ang kapakanan ng kanyang mga kapatid bago ang sa kanya. Binalikat na niya ang ganitong tungkulin dahil nagkaka-edad na rin ang kanilang mga magulang. Subalit inamin niyang hanggang ngayon ay nagku-kutsero pa rin ang kanyang tatay upang hindi lang manghina dahil nasanay na sa pagbanat ng mga buto.

 

Ang paglalakbay ni Herson sa laot ng buhay ay pambihira dahil sa murang gulang ay napasabak na sa lahat ng mga pagsubok na angkop lamang sa mga nakakatanda. Sinabi niyang mula’t sapol ay wala na siyang inisip kundi ang kapakanan ng kanyang mga magulang at mga kapatid. Ni wala siyang pagsisisi o pagkalungkot kahit pa nilaktawan niya ang dapat sana ay panahon ng kanyang kabataan. Sa pag-uusap namin ay ilang beses niyang binanggit na ayaw niyang madanasan ng kanyang mga kapatid ang kanyang pinagdaanan kaya siya nagsikap. Mabuti na nga lang daw at ang bunso nila ay nakikipagtulungan naman kaya masikap sa kanyang pag-aaral. Ang ikinatutuwa pa niya, likas yata ang talino sa makabagong teknolohiya dahil kahit first year college pa lang ay nakakapagkumpuni na ng computer.

 

Larawan ng kasiyahan si Herson habang nag-uusap kami. Marami pa sana akong itatanong subalit dahil ayaw ko siyang masyadong maabala ay nagpaalam na ako subalit, nangakong mag-uusap pa kami tungkol sa operasyon ng kanilang opisina na ayon sa kanya ay marami na ring natulungan, at ang pinaiiral sa mga empleyado ay katapatan tulad ng ginawa ni Jaime Mayor na hindi nasilaw sa salaping naiwan ng turistang Pranses na naging pasahero niya.

Herson Magtalas 2

 

 

 

Baguhin ang mga Ugaling Hindi Maipagmamalaki

Baguhin ang mga Ugaling Hindi Maipagmamalaki

Ni Apolinario Villalobos

 

Taun-taon na lang ay may New Year’s Resolution ang bawa’t isa. Ito ang dahilan kung bakit malakas ang loob ng karamihan sa atin na lumihis ng landas mula unang araw ng Enero hanggang huling araw ng Disyembre…dahil pwede naman daw magsisi bago matapos ang taon.

 

Hindi madaling magbago ng ugaling malalim na ang pagkaugat sa ating pagkatao. Kailangan ang pambihirang disiplina upang magawa ito o di kaya ay isang milagro. Ang masisisi sa ganitong bagay ay mga magulang na nagpabaya dahil hindi nila nadisiplina ang kanilang mga anak habang maliit pa lang sila upang magkaroon ng mga ugaling maipagmamalaki. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga ugaling sumisira ng pagkatao:

 

  • Ang pagiging batugan na nagreresulta sa katamaran. Nakaugalian ng karamihan na tuwing weekend ay gumising ng tanghali. Ang dahilan ay bumabawi lang dahil buong linggo naman daw ay kayod-kalabaw sila. Dahil sa ganoong pananaw, nahawa sa ganitong ugali ang mga anak na paglaki ay magpapasa rin ng ganitong maling pananaw sa kanilang mga anak. May iba diyan na dahil sa pagkabatugan, tapos nang magluto ng tanghalian ang kapitbahay, sila ay humahagok pa rin sa pagkakatulog.

 

  • Ang pagiging abusado sa mga taong tumutulong. Dapat unawain na hindi lahat ng nakakatulong lalo na yong katamtaman lang naman ang uri ng pamumuhay ay palaging nakakaluwag. Ang mga kusa nilang naibabahagi ay ekstra lamang kaya hindi palaging meron sila nito. Ang hirap lang sa ibang naabutan minsan ng tulong, ang gusto ay araw-arawin na ito ng nakatulong, kaya kapag hindi nangyari ang inaasahan nila, sasama na ang loob. Kung ang mga mayayaman nga, maliban na lang ang may mga Foundation, ay minsanan lang kung tumulong, paano pa kaya ang mga nasa “middle class” o yong mga nasa “lower class” subalit may pambihirang ugaling matulungin?

 

  • Ang pagiging “sipsip” sa boss. May mga taong sagad-buto na yata ang pagkamakasarili kaya gumagawa ng lahat ng paraan upang umangat lang, kahit pa marami silang natatapakan o nasasagasaan. Ang mga taong ito ay yong klaseng wala naman talagang ibubuga sa trabaho kaya “sumisipsip” na lang sa boss, na halos umabot sa paghimod sa puwet nito, ma-promote lang. Unfair ito sa mga kasama nila sa trabaho na karapat-dapat umangat dahil sa talino at kakayahan.

 

  • Ang pagiging pekeng makatao at maka-Diyos. Ang isa pang tawag dito ay kaipukrituhan. Ito ang mga taong umaasa ng “bayad” o “balik” o “sukli”, kapag nag-abot ng tulong sa kapwa. Ito ang mga taong palaging may kamera kapag pumunta sa mga evacuation center o mga lugar na sinalanta ng kalamidad at may mga dala rin namang relief goods. Okey lang kung malakihang operasyon na tulad ng ginagawa ng DSW o di kaya ay mga NGOs dahil dapat may maipakita silang patunay na pinamigay nila ang mga donasyon. Subalit kung kusang “tulong-kaibigan” na hindi naman big-time o malakihan, bakit kailangan pang magkodakan? Ang mga gumagawa nito ay yong may ambisyon sa larangan ng pulitika o nangangarap na maging santo o santa.

 

  • Ang pagiging abusado sa katawan. Ang pag-aabuso sa katawan ay nagiging sanhi ng pagkasira ng kalusugan. Ang mga taong abusado sa ganitong bagay ay yong may mga bisyo na kahit alam nang nakakasama ay tuloy pa rin sila sa ginagawa. Nagpapabaya rin sila pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa tamang pagkain. Ito ang mga maaarte na ayaw kumain ng gulay halimbawa, dahil hindi nila gusto ang lasa kahit alam nilang mahalaga sa kalusugan, kaya sila ay ginagaya ng mga anak na lumaki na lang sa pagkain ng hot dog at hamburger o piniritong itlog.

 

  • Ang pagiging bulagsak sa pera. Ito yong mga taong kung gumastos ay parang wala nang susunod pang mga araw na paggagastusan, kaya kung suwelduhan sila, ang natatanggap tuwing 15/30 ay sandail lang nilang nahahawakan….ang resulta – kung may mga emergency na pangangailangan, hanggang nganga na lang sila!

 

  • Ang pagiging palamura. Ang pagmumura ay talagang masama….pagsabihan ba naman halimbawa ang isang tao ng “puta ang ina mo”, o di kaya ay “anak ka ng puta”. Dapat ay baguhin na itong ugali. Kung hindi maiiwasan, putulin na lang ang mga linya…halimbawa, sa halip na “puta ang ina mo” ay sabihin na lang na “…ina mo”, at ang “anak ka ng puta” ay “….anak ka”. Huwag murahin sa Ingles ang mga walang alam sa wikang ito…huwag gawing dahilan ang kawalang kaalaman nila sa Ingles upang paliguan sila ng mga pagmumurang tulad ng, “shit”, “damn it”, “son of a bitch”, etc., dahil baka murahin ka rin sa dialect na hindi mo alam!

 

HAPPY NEW YEAR NA LANG SA MAKAKABASA…..LALO NA ANG NATUMBOK!

Bakit Hindi Pwedeng Paghiwalayin ang Ispiritwal at Materyal na mga Bagay sa Tao

Bakt Hindi Pwedeng Paghiwalayin

Ang Ispiritwal at Materyal na mga Bagay sa Tao

Ni Apolinario Villalobos

 

Kaipokrituhang sabihin na dapat paghiwalayin ang mga bagay na ispiritwal at materyal sa buhay ng tao. Ang dalawa ay mga bahagi ng tao. Sa isang banda, maaari lamang mangyari ito – ang paghiwalay ng ispiritu ng tao sa kanyang katawan kung siya ay patay na. Ang tinutumbok ko rito ay mahirap ipaunawa sa isang tao ang mga salita ng Diyos kung siya ay gutom. Ang taong kung ilang araw nang gutom ay kadalasang nawawala sa sarili o di kaya ay hinihimatay dahil sa kahinaan ng katawan, kaya paano niyang mapapakinggan ang mga salita ng Diyos? Paanong mapapalakad ang isang tao patungo sa simbahan o religious rally kung nanghihina ang kanyang mga tuhod dahil sa gutom at upang matiis ay namimilipit na lang sa isang tabi? Common sense lang…dapat busugin muna ang katawan ng tao bago siya magkaroon ng hinahon nang sa ganoon ay pwede na siyang makinig ng mga salita ng Diyos dahil hindi na maingay ang kanyang bituka!

 

Ang hihilig magsabi ng mga pastor o pari o kung sino mang hangal na “okey lang basta busog ang ispiritu ng tao ng mga salita ng Diyos kahit gutom ang katawan”. Sila kaya ang gutumin ng ilang araw? Masasabi pa kaya nila ang mga kahangalang linya na nabanggit?…o di kaya ay makakaya pa kaya nilang magbukas ng bibliya dahil nagkakanda-duling na sila sa gutom?

 

Hindi dapat ipangalandakan ng mga “spokespersons” ng mga simbahang Kristiyano ang ginawa ni Hesus na pag-aayuno ng 40 na araw sa disyerto. Sabihin mang totoo ito, dapat hindi i-encourage ng simbahan ang pag-aayuno nang ganoon na lang. Dapat ay may kasamang pasubali na ang gagawa nito ay mag-ingat o magpakunsulta muna sa doktor.

 

Ang pinagpipilitan ko dito ay: dapat hindi gutom ang katawan ng tao kung siya ay makikinig sa salita ng Diyos. Dagdag pa rito, dapat makialam ang mga simbahan sa mga isyu na magiging dahilan ng pagkagutom ng mga tao, tulad ng kapabayaan ng DSW na mas gusto pang mabulok ang mga inabuloy na pagkain para sa mga sinalanta ng kalamidad, kesa ipamahagi agad. Dapat din silang makialam sa pamamagitan ng pagpuna sa mga kurakot sa pamahalaan. Hindi sila dapat dumistansiya sa mga problema ng mga kasapi nila pagdating sa kahit isyu man lang ng pagkain. Kapag patuloy silang hindi makikialam ay para na rin silang buwitre na nakatanghod sa isang tao habang ito ay unti-unting namamatay dahil sa gutom!

 

Kung sasabihin ng mga pilosopo na bawal makialam ang mga simbahan sa mga bagay na nabanggit dahil ito ang nakasaad sa Saligang Batas….aba, eh di dapat ay wala na ring eleksiyon dahil ang pagboto sa mga kandidato ay isang paraan ng pakikialam ng mga simbahan sa pulitika sa  pamamagitan ng mga kasapi nila!

 

Dahil lahat ng mga kasapi at opisyal ng lahat ng simbahan maliban na lang sa mga sektang hindi naniniwala sa eleksiyon, ang nagluklok sa mga opisyal sa pamahalaan, may karapatan silang magreklamo kung ang mga ito ay nagkamali, lalo pa at naging korap. Ang ibang sekta ay may mga programa sa radio at TV. Bakit hindi gamitin ang mga ito sa pagpuna sa mga korap na mga opisyal upang sila ay “masindak”, sa halip na puro na lang mga linya sa bibliya ang inuulit ng kung ilang libong beses ng mga nagsasalita na may kasama pang sigaw at kumpas, at paninira ng ibang sekta?

 

Ang payak kong interpretasyon sa nakasaad sa Saligang Batas na bawal ay ang pagtakbo ng mga opisyal ng simbahan para sa anumang puwesto sa gobyerno. Dapat unawaing may obligasyon ang mga opisyal ng mga simbahan na tumulong sa mga tao upang sila ay iligtas mula sa anumang kapahamakan habang sila ay nabubuhay sa ibabaw ng mundo….hindi lang mula sa hatak ng demonyo!

Ang Hamunan nina Roxas at Duterte ay Pagpapakita ng Maruming Pulitika sa Pilipinas

Ang Hamunan nina Roxas at Duterte

ay Pagpapakita ng Maruming Pulitika sa Pilipinas

ni Apolinario Villalobos

 

Ang namumukod-tanging katangian ng pulitika sa Pilipinas ay pagiging marumi nito. Ang mga kandidato ay nagbabatuhan ng mga putik. Kaya may kasabihan sa Pilipinas na kung ayaw mong mabisto ang katauhan mo ay huwag kang pumasok sa pulitika. Ang dahilan noong-noon pa ng mga pulitiko, na “pagtulong sa kapwa” ang dahilan ng pagpasok nila sa pulitika ay pinagtatawanan na ngayon. Sinasabi pa ng iba na ang pulitika ay isa sa mga larangan kung saan ay yayaman ang isang tao – na unfair naman sa mga talagang walang intensiyong mangurakot….ng malaki. Tanggap naman ang 10% na komisyon na ang tawag noon pa man ay “for the boys”, na ayaw pa ngang tanggapin ng iba dahil nakakahiya sa sinumpaan nilang tungkulin. Ang masama lang kasi sa ibang nanalo at nakaupo na sa puwesto, hindi lang 70% ang gustong kurakutin, kundi 100% dahil ang project ay hanggang papel lang!

 

Hindi sana umabot sa hamunan ang dalawang kandidato sa pagka-pangulo ng bansa kung hindi sana pinakialaman ni Roxas ang nananahimik na Davao City. Alam naman niyang alagang-alaga ito ni Duterte pati na ng mga Davaweἧo, pati ng mga taong nakatira sa mga bayang nakapaligid dito. Kung papansinin, nagpakumbaba pa nga si Duterte nang punahin ang pagmumura niya at tinanggap pa ang “lecture” ng Obispo sa Davao City. Ito ay pakita lang na okey sa kanyang punahin ang mga personal niyang pagkakamali sa mata ng mga moralista, pero ang kantihin ang inaalagaan niyang katahimikan sa Davao na kung ilang taon din niyang nilinis at pinatahimik ay maituturing na “below the belt”.

 

Nang gantihan naman ni Duterte si Roxas tungkol sa nakakadudang pag-graduate niya sa hindi naman gaanong kilalang eskwelahan sa Amerika, pumalag din siya. Ngayon ay nagsisisi siya dahil pati ang kredibilidad niya sa larangan ng edukasyon na isa sa mga pinagmamalaki niya ay nalagay sa balag ng alanganin. Dahil sa panggagalaiti niya, marami tuloy ay nagsasabing baka nga totoong hanggang kodakan lang ang pag-graduate niya  sa Amerika.

 

Ang daming maaaring ipaliwanag ni Roxas sa mga tao upang magkaroon ng linaw ang mga isyu na may kinalaman din sa sinasandalan niyang presidente ng Pilipinas…bakit hindi na lang niya dito ituon ang kanyang effort sa pangangampanya? Bakit kailangang siraan pa niya si Duterte na nananahimik na nga? Mag-concentrate na lang sana siya sa “tuwid na daan” na pinangako niyang ipagpapatuloy, para marami pang mahatak kung sakali. Huwag na niyang pakialaman si Duterte na ang kapalaran ay nasa kamay ng COMELEC. Sa ginagawa niya, halatang ninenerbiyos siya dahil malakas ang hatak pareho ni Duterte at Poe. Mukhang pumalpak na naman ang campaign machinery na tumutulak kay Roxas.

 

Sa interbyu kay Duterte sa isang radio station sa Manila tungkol sa kanyang pagkandidato, nakiusap siya sa mga sumusuporta sa kanya na maging mahinahon at itigil na ang pagbabanta ng “rebolusyon” kung siya ay ma-disqualify. Bukambibig niya ang pagtanggap ng disqualification  kung ito ang desisyon ng COMELEC, kaya sinabi pa niya na kung maaari ay ituon din ng mga sumusuporta sa kanya ang atensiyon nila sa ibang mga kandidato, upang makapili sila ng karapat-dapat kung sakali ngang siya ay ma-disqualify. Pinapakita ni Duterte na hindi siya sakim, dahil ang gusto lamang niya ay maging realistic ang mga supporter niya batay sa mga umiiral na sitwasyon. Sa isang banda, malinaw pa rin ang pahayag niya na hindi siya umuurong sa pagtakbo bilang presidente ng Pilipinas.

 

Naisahan ni Duterte ang mga Detractors sa Pag-amin ng mga Ginawa Niya…hindi siya Plastic tulad ng Iba!

Naisahan ni Duterte ang Mga Detractors niya sa Pag-amin

ng mga ginawa niya…hindi siya plastic tulad ng Iba!

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa pinakahuling sinabi ni Duterte, walang kagatul-gatol na inamin  niyang nagkaroon siya ng iba pang asawa at dinispatsa niya ang mga masasama. Ano pa ngayon ang uukilkilin sa pagkatao niya dahil ang mga bagay na ito ang mga pinag-iinitan ng mga mapagkaunwari niyang detractors na kalaban sa pulitika?

 

Sino ngayon ang asal-demonyo, si Duterte ba na ang mga babaeng naging bahagi ng kanyang buhay ay hindi niya itinuring na “kabit” kundi napamahal din sa kanya kaya hindi niya pinabayaan sa pamamagitan ng kaya niyang sustento kahit maliit lang…o ang ibang mga opisyal ng gobyernong nakaupo ngayon na maipakita lang na kunwari ay “macho” ay kung sinu-sino ang pinapalabas sa media na “kabit” nila… o lalo na yong mga walang konsiyensiyang pagkatapos buntisin ang nagsmasahe sa kanila sa massage parlor o nai-table sa beer house ay basta iiwanan, o di kaya ay makapagsustento lang ng malaki sa kerida ay nangungurakot sa kaban ng bayan?

 

Sino ngayon ang asal-demonyo, si Duterte ba na umaming nagdispatsa ng mga salot sa lipunan na maski ilang ulit nang ikinulong ay nakakalabas pa rin dahil sa piyansa ng mga big time financiers nila, kaya nakakapangholdap pa rin at nakakapagbenta ng droga na ikinasasama ng mga kabataan (take note: hindi sapat na “umamin” kaya guilty na siya, dahil legally ay wala pang napatunayang may dinispatsa siya, at malamang ay “good riddance” pa para sa mga kaanak ng mga dinispatsa na nakabistong sila ay masama talaga kaya hindi na nagreklamo pa)…o ang mga magnanakaw na mga opisyal na hindi na nakaisip na dahil sa ginagawa nila ay marami ang nagugutom at naghihirap, sa pamamagitan ng mga ghost projects at paggamit ng mga ghost NGO o di kaya ay pakikipagsabwatan sa mga ito?

 

Sino ngayon ang asal-demonyo, si Duterte ba na upang ma-monitor ang nangyayari sa lunsod na kanyang pinamumunuan (Davao City) ay nagmaneho din ng taxi sa gabi upang personal na makita ang tunay na sitwasyon…o, ang mga walanghiyang opisyal ng gobyerno na bahagi na ng pagkatao nila ang pagsisinungaling at pagmamagaling, ganoong kaya lang naman nasa katungkulan ay dahil sa dinadala nilang apelyido…o yong ni hindi nakaranas na maipit ng trapik sa EDSA…o nakatikim ng NFA rice?

 

Iba ang sitwasyon ng Davao kung ihambing sa ibang bayan o lunsod. Pinagtataguan ito ng mga taong tumatakas sa batas dahil may ginawang kasalanan sa kung saan mang lalawigan, bayan, o lunsod na nakapaligid ditong pinanggalingan nila. Pinamumugaran din ito ng mga NPA, lalo na sa Agdao isang slum area na nasa tabing- dagat, na kung tawagin noon ay “Nicaragdao”. Ang mga nakatira sa Davao ay nabibilang sa iba’t ibang kulturang Pilipino,  tulad ng Maranao, Maguindanao, Tausug, Badjao, mga tribu ng Lumad, at mga dayo galing sa Visayas at Luzon – lahat sila ay dapat pakisamahan at asikasuhin ng patas. Hindi din nalalayo ang sitwasyon ng Davao sa iba pang lugar na may mga drug pusher. Ngayon, hindi man 100% na tahimik o crime-free ay masasabing kontrolado na nang umupo si Duterte bilang mayor. Ang dating magulong Agdao ngayon ay tahimik na…panatag na ang kalooban ng mga naglalakad sa lunsod kahit hatinggabi…walang manlolokong taxi driver.

 

Walang mawawala kay Duterte kung ipilit ng administrasyon na i-disqualify siya na halata naman kahit pa sabihin ng Malakanyang na hindi sila nakikialam sa desisyon ng COMELEC. Hindi na tanga ang taong-bayan upang hindi masakyan ang mga sinasabi ng grupo ni Pnoy. Ayaw lang ng taong bayan na magkaroon uli ng mga marahas na pagkontra dahil wala din namang magandang mangyayari, tulad ng nakakahiyang resulta ng “EDSA People Power”, na bandang huli ay halos isumpa ng mga taong nagising sa katotohanan. Hindi bulag ang taong-bayan upang hindi makita ang mga nilangaw na selebrayson ng people power kuno na ito, dahil ang mga dumalo ay mga kamag-anak ng mga Aquino at mga crony nila na lumipat lang mula sa kampo ni Ferdinand Marcos noon, kaya hanggang Ayala lang sila tuwing mag-celebrate.

 

Natataranta ngayon lahat ng nasa oposisyon dahil biglang sumirit ang popularidad ni Duterte at naungusan niya ng milya-milya si Poe, isang araw lang pagkatapos niyang magdeklarang tatakbo sa pagka-pangulo. Malas na lang ng mga huling nag-over the bakod dahil mismong si Duterte ang umayaw sa kanila. Natataranta sila dahil inamin ni Duterte na walang problema kung si Bongbong Marcos ang ka-tandem niya, na alam ng lahat, na ang hatak ay “solid north”, at malaki-laki ring bahagi ng Visayas at Mindanao. Hindi maikakaila na marami pa ring namamayagpag na Marcos loyalist groups.

 

Baka sabihin ng mga detractor ni Duterte na hindi siya maka-Diyos. Tamaan na ng kidlat ang magsabi niyan, lalo na ang mga nakaupo ngayon sa puwesto! Sila ang hindi maka-Diyos na dapat ay tusukin ng kidlat dahil nasilaw sa perang ninakaw nila sa kaban ng bayan at hindi na nagsawa sa mga oportunidad na halos wala na yatang katapusan sa pagdaloy at tinatamasa nila habang sila ay nasa kapangyarihan!

 

Bilang huling hirit, baka naman sabihin ng mga desperadong mapanira na hindi macho si Duterte o di kaya ay anak ito ng pari o di kaya ay anak sa pagkakasala ng isang artista, o ng isang na-rape na madre o di kaya ay kapatid sa labas ni Ferdinand Marcos sa labandera nila, para lang may mabanggit. Ang pinakamagandang gawin sana ng mga nagmamagaling pero kuwestiyonable din naman ang pagkatao ay magpaka-disente na lang sa pangangampanya…huwag ipaling ang mga sinasabi sa mga personal na bagay. Sa halip, sana ang gawin ng mga nangangampanya ay magpaliwanag tungkol sa mga plano nilang gagawin kung sakaling manalo, tulad ng sinasabi palagi ni Duterte kung ano ang gagawin niya sa mga drug lords, mga nagnanakaw sa kaban ng bayan, etc! Huwag silang magpakita ng mala-demonyong ugali at pagkagahaman sa puwestong inaasam ngayon pa lang, kahit hindi pa tapos ang 2015!