Ang Barbero sa Liwasang Bonifacio

Ang Barbero sa Liwasang Bonifacio

Ni Apolinario Villalobos

 

Nakasakay ako sa jeep papuntang Pasay nang matanaw ko ang isang barbero sa isang bahagi ng Liwasang Bonifacio (Lawto Plaza) at hindi alintana ang mga tao sa kanyang paligid habang naggugupit ng buhok. Bumaba ako mula sa jeep upang umusyuso lalo pa at nakita ko ang mga “kalakal” na nakalatag hindi kalayuan sa kanya. Ang mga “kalakal” ay mga junk items na napupulot sa basura o maayos pang gamit na pinagsawaan ng may-ari kaya napapakinabangan pa. Mahalaga ang mga ganitong nakalatag para sa mga taong naghahanap ng mga piyesa ng kung anong gadget na hindi mabibili saan mang tindahan o di kaya mga murang gamit.

 

“Dodong” ang pangalang sinabi ng barbero sa akin at galing daw siya sa Cebu kaya maganda ang usapan namin sa Bisaya. Kanya rin pala ang mga kalakal na nakalatag sa hindi kalayuan. Natiyempuhan ko sa mga nakalatag ang cellphone belt pack na gawa sa soft cowhide at nabili ko sa halagang beinte pesos lang. Nakabili rin ako ng backpack na pang-estudyante na ibibigay ko sa isang bata sa Leveriza, Pasay,  sa halagang treinta pesos. Swerte pa rin ako sa isang pares na safety shoes na pambigay ko sa isang guwardiya sa isang hardware store sa Recto malapit sa Divisoria dahil nakita kong halos nakanganga na ang suwelas ng kaliwang sapatos niya, at nabili ko sa halagang otsenta pesos lang. Ang guwardiyang ito ang tumulong sa amin noong last week ng Nobyembre nang mag-ikot kami ng mga kasama ko sa lugar na yon upang mamigay ng regalo sa mga bata.

 

Dahil sa kahirapan ay natigil si Dodong sa pag-aaral kaya hanggang grade four lang ang inabot niya. Tumulong siya sa kanyang tatay sa pangingisda at kung hindi sila pumapalaot ay nakagawian na niyang umistambay sa bahay ng kapitbahay nilang barbero upang manood habang nanggugupit ito. Madalas din siyang utusan ng barbero na nag-aabot sa kanya ng pera kaya para na rin siyang nagsa-sideline. Sa kapapanood daw niya ng panggugupit ay natuto siya pero ang una niyang ginupitan ay tatay niya. Okey naman daw ang resulta kaya ang sunod niyang ginupitan ay kuya niya. Sa kapapraktis ay natuto na siyang manggupit kaya kung may lakad ang kapitbahay nilang barbero ay sa kanya pinagkakatiwala ang mga kostumer nito.

 

Labing- anim na taong gulang siya nang mamatay ang kanilang tatay kaya lumipat sila ng kanyang nanay sa bahay ng kanyang kuya na may pamilya na. Dahil dagdag pasanin sila, madalas na sa palengke siya umiistambay upang mangargador. Ang bangka kasi nila ay naibenta nang magkasakit ang kanilang tatay. Dahil sa pangangargador, nakakakain siya sa maghapon at nakakakapag-uwi pa ng pagkain para sa kanyang nanay, at kung malaki ang kita ay namamalengke pa siya na ikinatutuwa naman ng kanyang hipag.

 

Nang minsang may magyaya sa kanyang tindero upang maisama sa Maynila dahil bibili ng generator, sumama agad siya. Mula noon, palagi na siyang isinasama hanggang naisipan niyang pumunta sa Maynila na nag-iisa. Masuwete siya at sa barko pa lang ay may nakilala siyang makikipagsapalaran din kaya silang dalawa ang nagsalo sa hirap na dinanas pagdating sa Maynila. Mula sa pantalan ay naglakad sila hanggang sa Divisoria. Tinipid nila ang perang baon kaya madalas ay tumitiyempo sila ng kaning tutong para mahingi at ulam na lang ang babayaran kapag kumain sa mga maliliit na karinderya. Kung minsan daw ay dinadaan nila sa biro ang paghingi ng libreng tutong.

 

Sa kalalakad nila ay nakarating sila sa Liwasang Bonifacio at doon ay nadatnan nila ang iba pang nakipagsapalaran sa Maynila na walang matuluyan kaya kung gabi ay kanya-kanya sila ng hanap ng sulok upang matulugan. May nagbenta sa kanya ng gunting na original na “Solingen” at panggupit talaga ng buhok kaya laking tuwa niya. Ang binili na lang niya ay maliit na salamin at dalawang suklay – full time na barbero na siya! Sa simula, barya barya lang ang tinatanggap niya dahil sa pakisaman at para may maipambayad lang sa may-ari ng banyo sa Intramuros kung saan sila naliligo at naglalaba. Nakakaipon din siya ng pambili ng pagkain. Unti-unti ay nagtaas siya ng singil hanggang naging treinta pesos na. Nang lumaki ang kanyang ipon ay namili na rin siya ng mga kalakal na inaalok sa kanya ng mga “scavenger” at mga istambay na nagtitinda ng gamit, hanggang makaipon siya ng maraming kalakal na nilalatag niya araw-araw.

 

Biniro ko siya na hindi lang siya barbero kundi nagba-buy and sell pa. Kapag nakaipon daw siya ng malaki ay uuwi siya sa probinsiya nila at bibili ng bangka upang makapangisda uli pero manggugupit pa rin daw siya. Excited siya sa pagkuwento dahil makakasama na niya uli ang kanyang nanay.

 

Ang punto ko rito ay ang kaalaman o skill na maaaring pagkikitaan tulad ng natutunan ni Dodong na pagbabarbero kaya kahit dayo siya sa Maynila ay nabuhay siya nang marangal, hindi naging magnanakaw o palaboy. Marami pang ibang skill na maaaring pag-aralan tulad ng pagma-manicure at pedicure, o di kaya ay pagmamasahe at pagda-drive, pati pagluto. Hindi dapat ikahiya ang mga ganitong kaalaman kaya hangga’t bata pa ay mabuting matuto na.

 

 

 

Ang Isyu sa Dagdag-Pensiyon at si Binay…kung suwertihin nga naman!

Ang Isyu sa Dagdag-Pensiyon at si Binay

…kung suwertehin nga naman!

Ni Apolinario Villalobos

 

Ngayo’y may taong masaya, abot tenga ang ngiti

Dahil umaayon ang mga pagkakataon sa kanya

Hindi man siya mag-ingay o magsalita sa radyo

Tiyak lilipat ang pansin sa kanya ng mga Pilipino.

 

Ang kay tagal inasam-asam na dagdag sa pensiyon

Pag-asang hinintay at kung ilang taong pinagdasal

Na sana ay makamit dahil ito nga ay napakahalaga

Subali’t sa isang pirma lang ito ay nalusaw – nawala!

 

Si Binay ay napakasaya, si Mar nama’y natataranta

Paulit-ulit man niyang banggitin ang “daang matuwid”

Kulelat pa rin kaya nahihilo’t walang malamang gawin

Dahil mga Pilipino… sa kanya ay hindi na pumapansin!

 

Bakit o bakit, hindi man lang ito naisip ng isang tao –

Na patung-patong na ang mga kapalpakang ginawa?

Ang maliit na halagang ipinagkait sa mga pensiyonado-

Ay magiging bangungot at laging nakabuntot na multo!

 

Nakalimutan ba nila na ang alas ni Binay ay mga senyor?

Nakalimutan ba nilang may free birthday cake sa Makati?

At ito ay ibinibigay sa mga senior citizen tuwing bertdey?

Ngayon, sino baga ang naalimpungatan….?

Eh, di si Mar at may-akda ng “tuwid na daan”!

 

Beverly Padua: Nakakabilib dahil Nakakabenta sa Internet kahit Cellphone lang ang Gamit

Beverly Padua: Nakakabilib Dahil Nakakabenta sa Internet

Kahit Cellphone lang ang Gamit

Ni Apolinario Villalobos

 

Meet Beverly or Bevs na nakakapagbenta sa internet kahit walang laptop, i-Pad o desktop computer dahil ang gamit lang ay isang simpleng smart phone. Nakakagulat, dahil sa pagkakaalam ko, ang mga on-line sellers ay umaasa sa malalaking computer na kanilang tinututukan sa loob ng 24/7, hangga’t maaari. Nang una kong makita ang shop site niya ay bumilib na ako dahil  sa linis ng pagkagawa, hindi kalat o magulo kaya hindi nakakalito. Ginawa rin pala niya ito gamit lang ang simple niyang cellphone.

 

Panganay siya sa kanilang magkakapatid at ulila na sila sa ina. Ang tatay naman nila ay sakitin kaya silang magkakapatid na kumikita kahit papaano ang nag-aambagan upang makaraos ang pang-araw araw nilang pangangailangan. Kahit madalas silang kapusin sa budget ay dinadaan nila sa matinding pagtitipid ang lahat upang masambot ang kanilang pangangailangan lalo na ang mga gamot ng kanilang tatay.

 

Single mom din siya. Wala siyang hinanakit sa ama ng kanyang anak kahit na ito ay may iba nang pamilya. Kahit sa hinagap ay hindi niya naisip ang maghabol o magalit sa dating asawa, bagkus ay dinadaan na lamang niya sa pagsisikap ang lahat  upang mapalaki nang maayos ang nag-iisang anak na naging inspirasyon niya sa buhay. Sa kabila ng lahat ay hindi natinag ang kanyang malakas na pananalig sa Diyos, at sa halip ay tinutumbasan na lamang niya ng pagpapaubaya, dahil ayon sa kanya, darating din sa tamang panahon ang taong talagang nakalaan para makasama niya habang buhay.

 

Hindi siya nariringgan ng kahit kaunting hinagpis kahit may mga pangangailangan din siya para sa kanyang kalusugan bilang isang diabetic. Ilang beses na rin siyang sinumpong nang matindi dala ng kanyang sakit subalit lahat ay kayang nalampasan, kaya ang ginagawa na lamang niya ay pag-ibayuhin pa ang pag-iingat upang hindi siya atakehin uli.

 

Masidhi ang pananampalataya ni Bevs sa kapangyaarihan ng Diyos dahil ilang beses na rin daw niya itong napatunayan. Noong nakaraang taon kung kaylan patung-patong ang pangangailangan nila sa pera ay saka naman humina ang bentahan, subalit hindi siya nagpakita ng pagkainis, sa halip ay tinanggap na lang ang sa tingin niya ay isang pagsubok. Totoo ang kanyang naramdaman dahil nitong nakaraang mga araw ay nagsunud-sunod naman ang pagpasok ng mga order sa kanya.

 

Kahit ang dapat sana’y kailangan niyang i-Pad lamang upang lumaki kahit bahagya ang screen na kanyang tinututukan ay ipinagkikibit na lamang niya ng balikat. Hindi daw priority ito, kaya bibili na lamang siya kapag may ekstra siyang naipon dahil ang mahalaga ay ang pangangailangan ng kanyang anak, isa pang kapatid na nag-aaral, at amang nangangailangan ng mga gamot.

 

Hindi siya nawawalan ng lakas kahit halos magdamag kung tumutok siya sa cellphone sa paghintay ng papasok na order dahil kapag pinalampas ng kahit ilang minuto lang na hindi nasagot agad, ay lilipat na sa ibang online shopping site ang browser. At, ang sikreto daw niya sa pagkakaroon ng lakas ay ang tiwala sa Diyos na nasa likod lang niya.

 

Magandang halimbawa si Bevs sa mga nagsisikap kahit maraming kakulangan dahil kahit simpleng smart phone lang ang gamit ay kumikita, hindi tulad ng iba na nakikipag-text at tsismisan lang sa mga barkada, ang gusto ay mamahaling cellphone o i-Pad pa, at kung hindi mapagbigyan ay magtatampo sa mga magulang o di kaya ay lalayas, at kung asawa naman ay magdadabog na humahantong kung minsan sa pagpapabaya ng mga obligasyon bilang asawa at ina.

 

(For interested shoppers, please check Princessrobe O’shop and OBe Padua facebook pages.)

Bevs Padua

 

 

Ang Tao, Kalinisan, Pagkain, at Iba Pa

Ang Tao, Kalinisan, Pagkain, at Iba Pa

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi maganda sa isang tao ang sobra-sobrang pagiging malinis, kaya makakita lang ng pagala-galang inosenteng ipis ay animo naholdap na kung magsisigaw. Hindi masama ang maging malinis sa paligid, lalo na sa tahanan at katawan. Dapat lang nating alalahanin na lahat ng bagay, mabuti man, ay may limitasyon, tulad ng pag-inom ng gamot at pagkain. Ang binabakuna sa katawan ng tao upang magkaroon ito ng panlaban sa virus na nagiging sanhi ng iba’t ibang uri ng sakit ay virus din, kaya ang unang epekto nito ay pagkakaroon ng lagnat hanggang “masanay” ang katawan sa pagkakaroon nito. Ibig sabihin, may mga mikrobyo ding napapakinabangan ng tao, kahit ang mga ito ay itinuturing na marumi at salot.

 

May isa akong kaibigan na sa sobrang kalinisan sa bahay ay palaging pinapansin ang nalulugas na buhok ng kanyang misis kaya tuwing magsusuklay ito ay sinusundan niya at pinupulot ang mga buhok na nalalaglag sa sahig. Isang beses sinabihan uli niya ang kanyang misis ng, “o, marami na namang buhok ang nalugas mula sa ulo mo”. Napuno na yata ang misis kaya sinagot niya ang mister ng, “mabuti…ipunin mo para maihalo sa scrambled eggs bukas!”. Pinayuhan ko ang kaibigan ko na hindi tinatanggap sa korte ang nalulugas na buhok ng asawa na kumakalat sa sahig bilang dahilan ng annulment ng kasal, nang minsang humingi siya sa akin ng payo. Sa halip ay sinabihan ko siyang kumbinsihin ang asawang magpakalbo upang maibili niya ng maraming wig na iba’t iba ang pagkaayos at kulay para umayon sa kanyang mood! Hindi ko na nakita ang kaibigan ko… sana hindi sinaksak ng misis!

 

May mag-asawa naman akong kilala na dati ay bugnutin pero hinayaan ko na lang dahil parehong mahigit 70 na ang edad. Pero nang makita ko uli ay sila pa ang unang bumati sa akin. Nang tanungin ko kung ano ang pagbabago sa buhay nila, ang sabi nila, “hindi na kami madalas maglinis ng bahay”. Noon kasi habang naglilinis sila ng bahay ay minumura nila ang alikabok, at maghapon silang nakasimangot lalo pa at nakikita nila ang pagkakalat ng dalawang apo. Nadiskubre din nila na mula noong hindi na sila madalas maglinis, tuwing umaga ay may dalawa hanggang tatlong ipis silang nakikita na nagkikisay. Sabi ko sa kanila ay malamang na-“suffocate” o nalason ng naipong alikabok sa sahig ang mga ipis na ginagapangan nila. Dagdag- paliwanag ko pa ay, kaya siguro mas gustong manirahan ng ipis sa cabinet at mga sulok ay dahil wala halos alikabok sa mga ito. Bilang payo, sinabihan ko silang mag-ball room dancing na rin.

 

Maraming ospital na hi-tech ang naglilipana ngayon saan mang panig ng mundo, kasama na diyan ang Pilipinas at nagpapataasan pa ng singil. Dahil sa kamahalan ng kanilang singil, ang nakakakaya lang magpa-admit ay mayayaman, na ang kadalasang sakit ay sa puso, kanser at iba pang sakit na pangmayaman.  Subali’t hindi maipagkakaila na ang mga sakit na nabanggit ay nakukuha rin sa mga “maruming pagkain”. Ito yong mga pagkaing ipinagbawal na nga ng doctor ay patuloy pa ring kinakain. Alam na ng lahat kung ano ang mga “maruming” pagkain kaya kalabisan na kung babanggitin ko pa. Upang pabalik-balik sa mga doktor ang mga pasyente, siyempre dahil sa kikitain mula sa mahal na konsultasyon, sinasabihan na lang nila ang mga ito na kumain ng mga dapat ay bawal na pagkain “in moderation”, o hinay-hinay, o paunti-unti. Obviously, ay upang hindi bigla ang pag-goodbye sa mundo….at tulad ng nabanggit na, tuloy pa rin ang mahal na konsultasyon!

 

Ang industriya sa paggawa ng mga pagkaing dapat ay “moderate” lang daw kung kainin ay tuloy sa paglago at pagkita ng limpak-limpak upang  masupurtahan naman ang gobyerno sa pamamagitan ng buwis na binabayad nila. Ang ilang mababanggit na produkto ay processed foods na may salitre o preservative, maraming asin, food coloring, na tulad ng hot dog, corned beef,  bacon, ham, smoked fish, at mga inuming may kulay at artipisyal na lasa.

 

Sa puntong ito, gustong ipakita ng mga Tsino na nangunguna sila sa lahat ng bagay kaya pati ang paggawa ng nakalalasong artificial na bigas, sotanghon, alak, at pati ang itinanim na ngang bawang ay inaabunuhan din ng isang uri ng fertilizer na nakakalason sa tao, upang maging “matibay” at hindi mabulok agad sa imbakan. Ang masama lang, artificial at nilason na nga ang mga pagkain ay nakikipagsabwatan pa ang mga Tsino sa mga walang puso at konsiyensiyang mangangalakal sa Pilipinas upang maipuslit ang mga ito kaya hindi napapatawan ng karampatang buwis. Kung sa bagay, paano nga namang maipapadaan sa legal na proseso ang mga produktong bawal?  Maliban lang siyempre…. kung palulusutin naman ng mga buwaya at buwitre sa Customs!

 

Ang legal namang buwis na nalilikom ay ginagamit ng gobyerno sa mga proyektong kailangan ng bansa at mga mamamayan sa pangkalahatan. Kaya masasabing may pakinabang din pala ang paggawa ng pagkaing unti-unting pumapatay sa tao…. isang paraan nga lang ng pagsi-self annihilate o pagpapakamatay…. upang makontrol ang paglobo ng populasyon…na ang ibang paraan ay giyera, kalamidad tulad ng bagyo, baha, lindol, at matinding tag-tuyot!

 

Kung hindi dahil sa nabanggit na mga paraan, baka pati sa tuktok ng mga bulkan ay may mga condominium at subdivision dahil sa dami ng mga taong aabutin ng mahigit 100 taong gulang bago mamatay…at  baka biglang mawala ang wildlife na magiging delicacy na rin dahil sa kakulangan ng pagkain…at baka magiging bahagi na rin ng pagkain ng tao ang minatamis na mga dahon at balat ng kahoy!

 

Sa Tsina ay delicacy ang talampakan ng oso o bear. Sana ang magagaling na Tsinong chef ay makadiskubre ng masasarap na recipe para sa buwaya, buwitre, at hunyango…marami kasi nito sa Pilipinas para mapandagdag sa pagkain ng mga Pilipinong nagugutom dahil ninanakaw ng mga walang kaluluwa ang pera ng bayan!

 

I am a Filipino, proud…yet, suffer, too

I am a Filipino, proud
…yet suffer, too

By Apolinario B Villalobos

“Let us not lose hope…”
This I have to say first
For if I won’t, but instead
Put that line at the end
I will be stirring your anger
That I will just regret later.

When foreign people
Set foot on our sacred shore
Our ancestors welcomed them –
Not just with smile
But warm embrace
Showed them kindness
Showed them love –
The way of Filipinos
As the whole world knows.

The Chinese brought pots and silk
Gave names to our islands and islets,
The Japanese brought their skill
And goods of steel,
Spain sent forth Christianity
Tainted with gracious civility,
The Americans brought more-
More than what we could muster
And all of these-
Supposed to enrich our culture
But instead, defiled our identity
Stained much of it with sheer gravity!

I hear Filipinos speak English with a twang
But should not be when they speak our language –
Filipino, the rich language of every Juan.

I see Filipinos enjoy foreign food, every bit of it
But should not be, when they push aside
Our own sinigang and pinakbet.

I hear Filipinos sing foreign songs so soulfully
It’s just nice, but not when they despise
Our own that should be sung with dignity.

Deep inside, I suffer as I see and hear them
I know that just like me, others out there
Are gritting their teeth but can’t do anything;
Proud as a Filipino, yes I am
But so many things are left undone –
Things that our heroes in the past have begun
They who put color
To the vivid pages of our history;
Things that should have been done
By our heroes of today
But who died just when a new light
Started to shine on our democracy.

Leaders, policy makers, lawmakers…
Are they…really?
They who warble promises
And steal the people’s money?
Paid with lofty sum from the coffer
Where money for those who suffer
Should have come
Should have been done
But only the few – these warblers
Enjoyed no end, they who are supposed
To be brimming with wisdom!

After the father, comes the mother
Then the daughter, and the son
Not contented, the cousins and in-laws
All in the family, to power they strut
With a taunt in their face that says:
“What are we in power for,
And you with money has none
Eat your heart out, here we come!”

Rain that used to bless the earth
Filipinos now desist
Especially those who live
Along the river banks of the cities
For with it comes the flood
A curse that only the Bible says
Shall wipe out sinners
From the face of the earth;
But why…the floods?
Simple: the money for saving projects
The conscienceless –
Unscrupulously pocketed!

Innocent lengths of asphalted roads
That for long defied the trash of nature
Helplessly wrecked by greedy contractors
So that low-grade fresh overlay can be spread
Later giving up to rain’s patters
And treading of cars, trucks, and all…

Even the precious school books are not spared
By purported educators blinded with greed
Seeing to it that new ones, yearly will be printed
Exam questions, at the end of every chapter
Are cleverly printed!
So then, closing school years would also see
These books so dear, become useless –
Thrown to the garbage, not to be used
By aspiring younger brood of the family.

I am pained by the sight
Of plates at restaurants
and food stations of the malls –
Half –finished food left with pride
By those who seem to say
“I am rich, I can squander money”
And who never thought
That out there in the dumps
Some brethren try to salvage morsels –
Precious food that could be stuffed
Into their guts so they can live
Better than nothing, or they’re dead.

I said in the beginning of this:
Let us not lose hope…
But wish for the best
If we strive together
And do what is right
Then new life for us
Will be in sight!

Ang Kawalan ng Puso at Isip ng Mga Namumuno sa Gobyerno ng Pilipinas

Ang Kawalan ng Puso at Isip ng
Mga Namumuno sa Gobyerno ng Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos

Mula nang mailuklok sa pamunuan si Cory Aquino na akala ng mga Pilipino ay magbibigay ng ginhawa pagkatapos na mapatalsik si Marcos, hanggang sa kasalukuyan ay wala ni isang kapiranggot nito na naramdaman o nadaranasan. Maliban sa kalituhan ng mga nagmamarunong na mga lider, nalambungan din ang bansa ng matinding korapsyon na animo ay kanser na tumatagos hanggang buto. Umabot sa sukdulan ang dusang dinanas ng mga Pilipino nang magsimulang mag-privatize ng mga kagawaran na ang layunin ay pangasiwaan ang mga pangunahing pangangailangan ng bansa tulad ng kuryente, langis at tubig, kaya lalong nahirapan ang mga Pilipino.

Nang ibenta ang lupaing nakatalaga para sa militar upang gawing commercial center, ang ipinaalam sa taong bayan ay gagamitin ang perang malilikom sa pag-modernize ng mga gamit ng lahat ng sangay ng military, subalit inabot ng kung ilang taon na, walang nangyari sa pangako.

Nang ibenta ang kumpanya ng langis (Petron) at sinabayan pa ng pag-deregularize ng bentahan ng langis, ang inaasahang pagsigla ng kalakalan dahil sa kumpetensiya ay hindi nangyari. Nagkaroon pa ng kutsabahan ang mga kumpanya ng langis.

Mabuti na lamang at napigilan ang pagbenta ng mga ospital pampubliko. Tulad ng dati, ang ginawang dahilan sa naunsyaming bentahan ay upang ma-modernize daw ang mga kagamitan ng mga ospital at nang sa ganoon ay maaari na silang makipagsabayan sa mga modernong ospital ng mga mauunlad na bansa. Isang katwirang baluktot! Paanong mangyari ang ganito, ay hi hindi nga makapagtalaga ng mga regular na health workers sa mga barangay health centers?!!! Ang sinasabi palagi ay walang budget. Subalit kung para sa kurakutan, ay mayroon!

At, ngayon naman ay pinipilit ng gobyerno, sa pamamagitan ni Abaya na itaas ang pamasahe sa LRT at MRT, at halatang-halata ang ginamit na paraang mapanlinlang. Hindi naman bulag ang mga sumusubaybay sa nakikitang hudyat para sa isa na namang nakaambang bentahan. Dahil sa bulok na sistema ng operasyon ng LRT at MRT, walang bibili nito, maliban na lang kung itataas muna ang mga pamasahe na magsisilbing garantiya sa kikitain ng bibili…ganoon lang naman, kaya pursigido ang DOTC na itaas agad ang mga pamasahe.

Hindi dahilan ang noon pa sanang pagtaas ng pamasahe dahil nabisto mga kwestiyonableng transaksyon ng mga namumuno dito, lalo na sa aspeto ng pagmimintina. Bakit hinayaang mamayagpag ang problema na matagal na palang nangyari? Kaya siguro hindi nagtaas ng mga pamasahe noon pa man, ay upang mapagtakpan ang mga kabulastugang nangyayari. Kung hindi pa pumutok ang isyu sa pagmamalabis ni Vitangcol, ay hindi inilantad ang korapsyon sa sistema. At, ngayon ay sinisisi ang mga mananakay ng MRT at LRT na hindi daw umuunawa sa kaawa-awang kalagayan ng mga ito!…ganoon lang? Pagkatapos makurakutan, ay ibabato sa mga tao ang sisi?

Kung walang balak ang gobyerno na ibenta ang LRT at MRT, bakit kailangang magtataas pa ng mga pamasahe ganoong sa mga naaprubahang mga badyet ay nakapaloob ang malaking subsidiya para sa mga ito? Saan gagamitin ang perang kikitain sa pagtaas ng mga pamasahe?…o di kaya ay, saan gagamitin ang inaprubahang subsidiya?

Dahil sa mga nangyayari, malinaw ang pagkamanhid ng mga nakaupo sa gobyerno sa hirap na nararamdaman ng mga Pilipino…wala silang puso…at hindi na yata nag-iisip ng kung anong maganda para sa taong bayan!