Magpapasko pa naman!…nakakahiyang expression ng mga Pilipino

Magpapasko pa naman!

…nakakahiyang expression ng mga Pilipino

Ni Apolinario Villalobos

 

Dapat ay isama ng mga moralista ang pagbawal sa paggamit ng expression na “magpapasko pa naman” na tumutukoy kay Hesus, tuwing may kalamidad na mangyari bago sumapit ang “pista” na ito. Halatang ang habol lang talaga sa pistang ito ay mga kasiyahang dulot ng bonus, pagkain, gifts, Christmas lights, simbang gabi, caroling, etc.

 

Tuwing may kalamidad na nangyayari bago magpasko, ang mga naaawa sa mga nasalanta ay nagsasabi ng nabanggit na expression dahil siguro iniisip ng mga “naaawa” na ito, na mami-miss ng mga nasalanta ang mga kasiyahan, at hindi dahil bertdey ito ni Hesus… isang isyu ding kinukuwestiyon. Bakit hindi na lang dumamay at magbigay ng tulong dahil kailangan ng mga nasalanta at hindi dahil sa kung anu-ano pang dahilan tulad ng pasko?

 

Ang sabi ng mga researchers, ang talagang bertdey ni Hesus ay sa unang linggo (week) ng Abril. Ginamit ng mga matataas na opisyal ng simbahang Katoliko na mga Romano ang Disyembre dahil dati na itong ginugunita ng mga pagano sa Roma…isang makamundong pista na puno ng mga kasiyahang nakikita sa pagbaha ng pagkain, alak, at kalaswaan. Ang talagang orihinal na ginugunita ng mga Hudyo noon pa man ay ang araw ng pagbinyag kay Hesus na nakatala sa mga sinaunang records na ang iba ay inilagay sa Bibliya. Walang binabanggit ang Bibliya tungkol sa eksaktong bertdey niya. Ang sinasabi lang ay panahon ng pag-census ng mga Hudyo kung kaylan ay nataon sa pagpanganak kay Hesus. Ang census na ito ang ginawang batayan ng mga mananaliksik upang matukoy ang “panahon” at ang buwan batay sa kalendaryong pinagamit ng Roma sa mga nasasaklaw ng Kristiyanismo.

 

Sa makabagong panahon, maski sinong bata ay umaasam ng mga regalo tuwing sasapit ang pasko dahil ito ang itinanim sa isip nila ng mga nakakatandang Romanong Katoliko. Inaasahan nila ang paglundo ng mesa sa bahay dahil sa dami ng pagkaing idi-display. Ang mga tin-edyer naman ay excited sa pagsapit ng simbang gabi dahil magkakabandingan na naman sila ng mga kabarkada, at ang iba naman ay magliligawan – sa labas ng simbahan. Ang mga talagang isip at asal demonyo ay may lakas ng loob pang magsuot ng mga damit na kung hindi manipis ay may plunging neckline naman, at ang lalong malaswa ay ang pagsuot nila ng short shorts na nagdi-display ng maitim naman nilang kuyukot! Ang iba naman ay magdi-displey ng mga alahas na tulad ng ginagawa nila sa pagdalo ng misa kung araw ng Linggo.

 

Ang isa pang itinuro ng simbahang Romano Katoliko upang mapilitang magsimba araw-araw ang mga kasapi ay ang pagbuo ng siyam na araw upang matupad daw ang kanilang mga hiling! Hindi ba ito katarantaduhan….dahil wala naman yan sa Bibliya? Ang dapat na itinanim sa mga kasapi ng simbahang Romano Katoliko ay ang sakripisyo na kaakibat sa pagdalo sa misa tuwing madaling araw o gabi, upang pagdating ng talagang “kapanganakan” ni Hesus, ay hindi nakakahiyang humarap sa kanya….hindi yong hihiling ng kung anu-ano para sa sarili na kalimitan naman ay pera. Pati ang mga prutas na kung ilang piraso na puro bilog ay kasama din sa kinalolokohan ng mga Pilipino…pero ito ay paganong paniniwala naman ng mga Intsik na isinabay sa pasko at bagong taon dahil nakita ng mga taong ito ang malaking kikitain na resulta ng panloloko nila…mga negosyante kasi!

 

Bakit hindi sundin ang panawagan ng mismong santo papa na si Francis na sa paggunita ng “kapanganakan” ni Hesus, dapat ay iwasan ang pagiging materialistic?…dahil ba marami ang gustong magpakita ng karangyaan? Bakit pa ituturing ng mga Katolikong “tatay” nila si Francis kung hindi rin lang siya pakikinggan?…dahil ba sagad-buto na ang kanilang pagiging makasarili?

 

At, kung seseryusuhin na talagang “bertdey” ni Hesus ang isi-celebrate bakit hindi sa isang araw lang – ang pinaniniwalaang December 25? …dahil ba ginagamit ito bilang dahilan upang mag-celebrate ng mga makamundong bagay na orihinal na ginagawa ng mga pagano sa Europe?

 

Pinagmamalaki ng mga Pilipino ang “pinakamahabang pasko” sa buong mundo, pero kung talagang iisipin ang diwa ng pasko…ang kahabaang ito ay dapat ikahiya dahil sa kahirapang dinadanas na ng mga Pilipino at kalagayan ng Pilipinas! Nakakahiyang Setyembre pa lang ay hindi na magkandaugaga ang karamihan sa paglagay ng mga palamuti na para bang “mauubusan na ng pasko”. Kanya-kanya ang mga lunsod at bayan sa pagtayo ng mga giant Christmas tree pati mga lugar kung saan ay may mga kalakalan tulad ng malls. Ang maririnig sa radio ay mga kantang pang-krismas. Ang nakikita sa mga TV screens ay mga pagkaing mararangya na pang-pasko, etc….hanggang Enero ito. Habang nangyayari ang mga nabanggit , marami namang mga Pilipino ang halos hindi makakain ng kahit isang beses sa isang araw. Ang iba, makakain lang ay namumulot ng mga tira-tira sa basurahan.

 

Ang mga Pilipinong ayaw tumingin sa katotohanang ito, simple lang naman ang mga sagot: “kasalanan ko ba kung naghihirap sila at kaya naming gumastos?”, o di kaya ay, “kasalanan nila kung bakit sila naghihirap, dahil tamad sila!”….masasabi bang tamad ang isang taong nauulanan na’t lahat at halos malapnos na ang balat dahil sa init ng araw ay nangangalkal pa rin ng basura?

 

Peace to all!!!!

 

Ang Bibliya

Ang Bibliya
Ni Apolinario Villalobos

Dahil nadikit sa imahe ng relihiyong Kristiyano ang Bibliya, ang mga hindi naniniwala sa Diyos ay umiiwas dito. Tingin kasi nila dito ay animo nagbabagang kuwadradong bakal na umuusok sa sobrang init. Sa Bibliya nakasaad kung paanong nagsimula ang unang relihiyon ng tao sa disyerto ng Israel. Ganoon pa man, hindi dapat pangilagan ang Bibliya ng isang taong hindi Hudyo o Kristiyano, dahil kinapapalooban din ito ng interesanteng mga kuwento noong unang panahon, kahit pa sabihin ng iba na ang mga ito ay “alamat”. Sa isang banda, dahil sa mga tuluy-tuloy na pananaliksik na naging matagumpay, napatunayang ang mga sinasabing “alamat” ay may katotohanan pala.

Hindi ako pantas pagdating sa Bibliya at pag-aaral nito. Ang binabahagi ko ay batay lamang sa aking mga karanasan sa pagbasa nito at kung paano kong nagawang makakuha ng kasiyahan mula sa mga pahina nito. Ang sikreto ko ay pagturing sa Lumang Tipan na parang “National Geographic Magazine” dahil puno ito ng kasaysayan. Ang Bagong Tipan naman ay itinuturing kong “Reader’s Digest”, dahil sa mga makabago nitong kuwento ng buhay.

May mga kuwento sa mga pahina ng Lumang Tipan na ang pahiwatig ay hawig sa mga pangyayaring may kinalaman sa extra- terrestrial phenomena…pumunta lamang sa mga pahina tungkol kay Ezequiel. May mga pangyayari ding hindi nalalayo sa mga nangyayari sa kasalukuyan sa Gitnang Silangan, kaya parang nagpapatunay na umuulit ang kasaysayan.

Sa Bagong Tipan din nakapaloob ang mga kuwento na hawig sa mga nangyayari sa kasalukuyan tulad ng kaguluhan dahil sa corruption, paglutang ng ilang tao upang labanan ito pati na ang pagka-ipokrito ng ilan na ang turing sa mga sarili ay bukod-tanging mapupunta sa langit dahil literal na sumusunod sila sa “utos” nd Diyos.

Upang hindi umiskiyerda ang isip sa pagbasa ng Bibliya, laktawan ang hindi masyadong maunawaan. Iwasan ding magkaroon ng “missionary complex”, isang ugaling namumuo sa isang nagmamarunong sa mga Salita ng Diyos, kahit lilimang pahina ng Bibliya pa lamang ang nabasa. Buksan din ang isip sa mga diskusyon tungkol sa Bibliya, dahil may kasabihang “two heads are better than one”, eh di, lalo na kung marami ang nagbabahaginan ng kaalaman.

Itanim sa isip ang katotohanang may Diyos kahit hindi Siya nakikita, at siya ang gumawa ng lahat ng bagay sa sanlibutan…at pati na sa sanlibutan. Kahit pa sabihin ng iba na ang mga “extra terrestials” na nakita ng mga tao noong kapanahunan ng Bibliya ang unang mga “misyonaryo”, at inakala nilang Diyos, dapat itanim sa isip na may gumawa pa rin sa mga “extra terrestials” na ito, kaya talagang may Nag-iisang makapangyarihan sa lahat.

Hindi dapat pagtalunan ng mga tao na nagkakaiba ang pananampalataya ang kaalaman nila sa Bibliya. Dapat igalang ang paniniwala sa Diyos na ang batayan ay Bibliya. Kahit pa sabihing nagkakaiba ng bahagya ang iba’t ibang bersiyon ng Bibliya, ang laman ng mga ito ay tungkol pa rin sa Diyos. Upang maiwasan ang pagtatalo tungkol sa kaalaman sa Bibliya, dapat isaisip na lang na ang mga mensahe ng Bibliya ay tungkol sa pagmamahal sa Diyos at kapwa-tao.

Ang Bibliya ay Aklat ng Buhay…Salita ng Diyos, kaya pati ang ibang nilalaman ng Koran ng relihiyong Islam ay galing dito. Ang ibig sabihin, kung ang mga Muslim ay nagbibigay galang sa Bibliya na nagpapahiwatig ng kanilang paniniwala dito, bakit hindi kayang gawin ng mismong mga Kristiyano? At, ang pinakamahalaga ay ang uulitin kong paalala na hindi dapat pagtalunan ang “kaalaman” tungkol sa Bibliya…upang sa ganoong paraan man lang ay mabibigyan ito ng respeto!