Baguhin ang mga Ugaling Hindi Maipagmamalaki

Baguhin ang mga Ugaling Hindi Maipagmamalaki

Ni Apolinario Villalobos

 

Taun-taon na lang ay may New Year’s Resolution ang bawa’t isa. Ito ang dahilan kung bakit malakas ang loob ng karamihan sa atin na lumihis ng landas mula unang araw ng Enero hanggang huling araw ng Disyembre…dahil pwede naman daw magsisi bago matapos ang taon.

 

Hindi madaling magbago ng ugaling malalim na ang pagkaugat sa ating pagkatao. Kailangan ang pambihirang disiplina upang magawa ito o di kaya ay isang milagro. Ang masisisi sa ganitong bagay ay mga magulang na nagpabaya dahil hindi nila nadisiplina ang kanilang mga anak habang maliit pa lang sila upang magkaroon ng mga ugaling maipagmamalaki. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga ugaling sumisira ng pagkatao:

 

  • Ang pagiging batugan na nagreresulta sa katamaran. Nakaugalian ng karamihan na tuwing weekend ay gumising ng tanghali. Ang dahilan ay bumabawi lang dahil buong linggo naman daw ay kayod-kalabaw sila. Dahil sa ganoong pananaw, nahawa sa ganitong ugali ang mga anak na paglaki ay magpapasa rin ng ganitong maling pananaw sa kanilang mga anak. May iba diyan na dahil sa pagkabatugan, tapos nang magluto ng tanghalian ang kapitbahay, sila ay humahagok pa rin sa pagkakatulog.

 

  • Ang pagiging abusado sa mga taong tumutulong. Dapat unawain na hindi lahat ng nakakatulong lalo na yong katamtaman lang naman ang uri ng pamumuhay ay palaging nakakaluwag. Ang mga kusa nilang naibabahagi ay ekstra lamang kaya hindi palaging meron sila nito. Ang hirap lang sa ibang naabutan minsan ng tulong, ang gusto ay araw-arawin na ito ng nakatulong, kaya kapag hindi nangyari ang inaasahan nila, sasama na ang loob. Kung ang mga mayayaman nga, maliban na lang ang may mga Foundation, ay minsanan lang kung tumulong, paano pa kaya ang mga nasa “middle class” o yong mga nasa “lower class” subalit may pambihirang ugaling matulungin?

 

  • Ang pagiging “sipsip” sa boss. May mga taong sagad-buto na yata ang pagkamakasarili kaya gumagawa ng lahat ng paraan upang umangat lang, kahit pa marami silang natatapakan o nasasagasaan. Ang mga taong ito ay yong klaseng wala naman talagang ibubuga sa trabaho kaya “sumisipsip” na lang sa boss, na halos umabot sa paghimod sa puwet nito, ma-promote lang. Unfair ito sa mga kasama nila sa trabaho na karapat-dapat umangat dahil sa talino at kakayahan.

 

  • Ang pagiging pekeng makatao at maka-Diyos. Ang isa pang tawag dito ay kaipukrituhan. Ito ang mga taong umaasa ng “bayad” o “balik” o “sukli”, kapag nag-abot ng tulong sa kapwa. Ito ang mga taong palaging may kamera kapag pumunta sa mga evacuation center o mga lugar na sinalanta ng kalamidad at may mga dala rin namang relief goods. Okey lang kung malakihang operasyon na tulad ng ginagawa ng DSW o di kaya ay mga NGOs dahil dapat may maipakita silang patunay na pinamigay nila ang mga donasyon. Subalit kung kusang “tulong-kaibigan” na hindi naman big-time o malakihan, bakit kailangan pang magkodakan? Ang mga gumagawa nito ay yong may ambisyon sa larangan ng pulitika o nangangarap na maging santo o santa.

 

  • Ang pagiging abusado sa katawan. Ang pag-aabuso sa katawan ay nagiging sanhi ng pagkasira ng kalusugan. Ang mga taong abusado sa ganitong bagay ay yong may mga bisyo na kahit alam nang nakakasama ay tuloy pa rin sila sa ginagawa. Nagpapabaya rin sila pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa tamang pagkain. Ito ang mga maaarte na ayaw kumain ng gulay halimbawa, dahil hindi nila gusto ang lasa kahit alam nilang mahalaga sa kalusugan, kaya sila ay ginagaya ng mga anak na lumaki na lang sa pagkain ng hot dog at hamburger o piniritong itlog.

 

  • Ang pagiging bulagsak sa pera. Ito yong mga taong kung gumastos ay parang wala nang susunod pang mga araw na paggagastusan, kaya kung suwelduhan sila, ang natatanggap tuwing 15/30 ay sandail lang nilang nahahawakan….ang resulta – kung may mga emergency na pangangailangan, hanggang nganga na lang sila!

 

  • Ang pagiging palamura. Ang pagmumura ay talagang masama….pagsabihan ba naman halimbawa ang isang tao ng “puta ang ina mo”, o di kaya ay “anak ka ng puta”. Dapat ay baguhin na itong ugali. Kung hindi maiiwasan, putulin na lang ang mga linya…halimbawa, sa halip na “puta ang ina mo” ay sabihin na lang na “…ina mo”, at ang “anak ka ng puta” ay “….anak ka”. Huwag murahin sa Ingles ang mga walang alam sa wikang ito…huwag gawing dahilan ang kawalang kaalaman nila sa Ingles upang paliguan sila ng mga pagmumurang tulad ng, “shit”, “damn it”, “son of a bitch”, etc., dahil baka murahin ka rin sa dialect na hindi mo alam!

 

HAPPY NEW YEAR NA LANG SA MAKAKABASA…..LALO NA ANG NATUMBOK!

Ang Hamunan nina Roxas at Duterte ay Pagpapakita ng Maruming Pulitika sa Pilipinas

Ang Hamunan nina Roxas at Duterte

ay Pagpapakita ng Maruming Pulitika sa Pilipinas

ni Apolinario Villalobos

 

Ang namumukod-tanging katangian ng pulitika sa Pilipinas ay pagiging marumi nito. Ang mga kandidato ay nagbabatuhan ng mga putik. Kaya may kasabihan sa Pilipinas na kung ayaw mong mabisto ang katauhan mo ay huwag kang pumasok sa pulitika. Ang dahilan noong-noon pa ng mga pulitiko, na “pagtulong sa kapwa” ang dahilan ng pagpasok nila sa pulitika ay pinagtatawanan na ngayon. Sinasabi pa ng iba na ang pulitika ay isa sa mga larangan kung saan ay yayaman ang isang tao – na unfair naman sa mga talagang walang intensiyong mangurakot….ng malaki. Tanggap naman ang 10% na komisyon na ang tawag noon pa man ay “for the boys”, na ayaw pa ngang tanggapin ng iba dahil nakakahiya sa sinumpaan nilang tungkulin. Ang masama lang kasi sa ibang nanalo at nakaupo na sa puwesto, hindi lang 70% ang gustong kurakutin, kundi 100% dahil ang project ay hanggang papel lang!

 

Hindi sana umabot sa hamunan ang dalawang kandidato sa pagka-pangulo ng bansa kung hindi sana pinakialaman ni Roxas ang nananahimik na Davao City. Alam naman niyang alagang-alaga ito ni Duterte pati na ng mga Davaweἧo, pati ng mga taong nakatira sa mga bayang nakapaligid dito. Kung papansinin, nagpakumbaba pa nga si Duterte nang punahin ang pagmumura niya at tinanggap pa ang “lecture” ng Obispo sa Davao City. Ito ay pakita lang na okey sa kanyang punahin ang mga personal niyang pagkakamali sa mata ng mga moralista, pero ang kantihin ang inaalagaan niyang katahimikan sa Davao na kung ilang taon din niyang nilinis at pinatahimik ay maituturing na “below the belt”.

 

Nang gantihan naman ni Duterte si Roxas tungkol sa nakakadudang pag-graduate niya sa hindi naman gaanong kilalang eskwelahan sa Amerika, pumalag din siya. Ngayon ay nagsisisi siya dahil pati ang kredibilidad niya sa larangan ng edukasyon na isa sa mga pinagmamalaki niya ay nalagay sa balag ng alanganin. Dahil sa panggagalaiti niya, marami tuloy ay nagsasabing baka nga totoong hanggang kodakan lang ang pag-graduate niya  sa Amerika.

 

Ang daming maaaring ipaliwanag ni Roxas sa mga tao upang magkaroon ng linaw ang mga isyu na may kinalaman din sa sinasandalan niyang presidente ng Pilipinas…bakit hindi na lang niya dito ituon ang kanyang effort sa pangangampanya? Bakit kailangang siraan pa niya si Duterte na nananahimik na nga? Mag-concentrate na lang sana siya sa “tuwid na daan” na pinangako niyang ipagpapatuloy, para marami pang mahatak kung sakali. Huwag na niyang pakialaman si Duterte na ang kapalaran ay nasa kamay ng COMELEC. Sa ginagawa niya, halatang ninenerbiyos siya dahil malakas ang hatak pareho ni Duterte at Poe. Mukhang pumalpak na naman ang campaign machinery na tumutulak kay Roxas.

 

Sa interbyu kay Duterte sa isang radio station sa Manila tungkol sa kanyang pagkandidato, nakiusap siya sa mga sumusuporta sa kanya na maging mahinahon at itigil na ang pagbabanta ng “rebolusyon” kung siya ay ma-disqualify. Bukambibig niya ang pagtanggap ng disqualification  kung ito ang desisyon ng COMELEC, kaya sinabi pa niya na kung maaari ay ituon din ng mga sumusuporta sa kanya ang atensiyon nila sa ibang mga kandidato, upang makapili sila ng karapat-dapat kung sakali ngang siya ay ma-disqualify. Pinapakita ni Duterte na hindi siya sakim, dahil ang gusto lamang niya ay maging realistic ang mga supporter niya batay sa mga umiiral na sitwasyon. Sa isang banda, malinaw pa rin ang pahayag niya na hindi siya umuurong sa pagtakbo bilang presidente ng Pilipinas.

 

Ang Dahil kung bakit Pinagpapatay ang mga Kristiyano sa Japan noong Unang Panahon – tsismis!

Ang Dahilan kung bakit PInagpapatay

ang mga Kristiyano sa Japan noong Unang Panahon – tsismis!

Ni Apolinario Villalobos

Noong panahon ng mga Kastila, ang mga misyonaryo nilang dinala sa Pilipinas ay nakarating sa Japan. Maganda ang relasyon nga mga Jesuits at Dominicans sa mga namumuno sa Japan, lalo pa at masigla din ang pakikipagkalakalan ng mga Hapon sa mga galleon na dumadayo sa kanila. Hindi pinapansin noon ang pagdami ng mga Kastila sa Japan, lalo na ng mga misyonaryo.

Subalit, minsan ay nagyabang ang isang piloto ng galleon na San Felipe sa pagkuwento tungkol sa kung paanong lumawak ang mga nasasakupan ng mga Kastila sabay pakita pa ng mapa. Ang paraan ng mga Kastila na pinagyabang niya ay ang pagpapadala muna ng mga misyonaryo upang mang-convert ng mga tao. Kapag dumami na ang mga converts ay saka darating ang mga sundalo, kaya walang kahirap-hirap ang ginagawa nilang pananakop. Nakarating ang kwento sa mga lider ng Japan na nabahala, lalo pa at napansin nila ang pagdami nga ng mga misyonaryo sa kanilang bansa. May mga ordinaryong sibilyang Kastila rin pero ang pagkaalam nila ay interasado lamang ang mga ito sa pangangalakal.

Ang sumunod na pangyayari ay ang pagpapalayas o  pagpatay ng mga misyonaryong Kastila. Ang mga Kristiyano naman ay pinagpapatay, at isa sa mga ito na naging santo, ay ang Tsinoy na si San Lorenzo Ruiz.

Mga Mapagkunwaring hindi “raw” Nakikialam sa Buhay ng Iba…subali’t, matindi kung manlibak

Mga Mapagkunwaring hindi “raw” Nakikialam sa Buhay ng Iba
….subalit, Matindi kung Manlibak
Ni Apolinario Villalobos

Naniniwala ako sa kasabihang, kailangan natin ng isang salamin upang makita ang dumi sa ating mukha. Sa ating buhay, ang salamin ay ibang tao na magsasabi sa atin ng ating pagkakamali. Kaya para sa akin, ang magbigay ng payo o magpuna ng pagkakamali ng iba ay hindi pakikialam, bagkus ay pagtulong upang maiwasto kung ano man ang dapat iwasto sa kanyang sinabi o ginawa. Hindi yong, kung kaylan siya nakatalikod ay saka magkukuwento sa iba na isang panlilibak.

Isang halimbawa ay kaibigan kong walang sinasabi kung kaharap ang kumare niyang maraming anak na halos ay naghahagdan na sa dami. Subalit kung wala na ito ay saka naman magsasalita ng mga hindi magandang pakinggan tulad ng pangungutang nito o di kaya ay pagpalya ng pamilya nito sa pagkain dahil wala man lang bigas na maisaing – lahat itinitsismis niya sa ibang tao, pati na sa akin kaya nalaman ko. Sa tagal ng kanilang samahan ay hindi man lang niya napayuhan ang kumare niyang maghinay-hinay sa pagpabuntis sa asawa nitong pa-sideline sideline lang ang trabaho. Para kasi sa kanya ay isang pakikialam ang magbigay ng payo sa kanyang kumare tungkol sa pagbubuntis nito. Baka daw kasi sagutin siya na baka naiinggit lang siya!

Sa isang party naman, may isang babaeng dumalo na kaibigan ng kausap ko. Nagulat ako nang mapansin kong parang nakakalat ang kanyang pulang lipstick. Sinabihan ko ang kaibigan kong bulungan ang kaibigan niya na kinawayan lang nito. Ang paliwanag ng kausap ko ay baka sabihin daw ng kaibigan ko na “usisera” siya, kaya hinayaan na lang niya kahit pinagtatawanan na ang kaibigan niya. Sinadya ko na lang sabayan ang babaeng nakakalat ang lipstick upang bulungan na tsekin ang kanyang lipstick dahil “parang kumalat”. Sinamahan ko siya sa isang tabi kung saan ay naglabas siya ng maliit na salamin habang hawak ko ang kanyang pinggan. Pagkatapos ay pabirong nagsabi na gawang Tsina daw kasi ang lipstick…nagtawanan na lang kami. Nalaman kong marami palang karinderya ang babae, masuwerte sa negosyo kaya kinainggitan siguro ng kaibigan niya niya na umaasa lang sa kita ng asawang drayber ng taksi. Nagkaroon tuloy ako ng pagkakataon na maimbita siyang tumulong sa grupo namin.

Isa namang kumpare ko ang madalas magreklamo tungkol sa katamaran ng kanyang manugang na babae, na sabi niya ay parang hindi babae dahil walang alam sa mga gawaing bahay. Ang payo ko sa kanya ay kausapin ang anak niya at asawa nito, subalit sinagot niya ako ng, “ayaw ko, bahala sila sa buhay nila”. Binuweltahan ko siya ng, “ganoon pala, bakit ka naghihimutok, at sinisiraan mo pa sila sa akin?”. Sa bandang huli, dahil mga inaanak ko naman sa kasal ang tinutukoy niya ay ako na ang kumausap…at nakinig naman. Nang pasyalan ko uli sila, ang manugang na niya ang nagluluto para sa kanila.

Noong panahong lumala ang diktatorya ni Marcos, kung hindi nakialam ang mga Pilipino na naging dahilan ng pagkaroon ng People Power Revolution sa EDSA, ano kaya ang nangyari ngayon? Kung hindi seryoso sa pakialam ang mga korte sa mga anomalyang nangyayari sa gobyerno ngayon kahit pa sabihing trabaho nila, mabubulgar kaya ang mga nakawang ginagawa ng mga ibinoto sa puwesto? Kung hindi pursigidong makialam ang ibang mga senador na ibulgar ang ginagawa ng mga kawatang opisyal kahit sabihin pa ring trabaho nila, paano na lang kaya? Kung hindi sa pakikialam ng mga tao sa media, mabibisto ba ang mga anomalya sa gobyerno? Kung hindi nakialam si Hesus sa sangkatauhan na humantong sa pagligtas niya dito mula sa unang kasalanan, ano kaya ang nangyari?

May isang hindi ko makalimutang comment ng kaibigan. Ang sabi niya, baka kung makialam daw siya sa iba, baka umasenso pa ang mga ito at malampasan siya, kaya bahala na lang sila sa buhay nila! Ayaw kong banggitin ang religion niya, dahil baka magtatalo ang mga readers…