Magkapareho ang Pananaw ni Pacquiao at Binay Pagdating sa Katiwalian….nakakabahalang isipin!

Magkapareho ang Pananaw ni Pacquiao at Binay

Pagdating sa Katiwalian…nakakabahalang isipin!

Ni Apolinario Villalobos

 

Umaayon si Pacquiao sa pananaw ni Binay na walang katotohanan ang mga ibinebentang sa kanyang katiwalian hangga’t hindi napapatunayan. Papaanong mapatunayan ni Binay na wala siyang kasalanan kung hindi naman siya umaatend ng mga hearing? Paano niyang mapatunayan na hindi galing sa nakaw ang yaman nila kung palaging idinadahilan niya ang “immunity” ng kanyang posisyon upang hindi siya mapuwersang dumalo sa mga hearing?

 

Nakakabahala ang ganitong pananaw dahil nagpapahiwatig ito na walang kasalanan ang isang nagnakaw kahit may mga ebidensiya pero hindi napatunayan sa husgado dahil sa galing ng kanyang abogado. Ang ganitong pananaw ay nagsasalamin ng hindi mapapagkatiwalaan sistema ng hustisya na pinapagalaw ng mga abogadong “matatalino” at ang serbisyo ay mayayaman lang ang may kakayahang umupa. Dahil diyan, maraming mga inosenteng mahirap na walang pambayad ng magaling na abogado ang  nabubulok sa bilangguan.

 

Palaging may karugtong na “Diyos” at pa-English pang deklarasyon ng kanyang “faith” kuno tuwing magsalita si Pacquiao upang ipabatid na siya ay maka-Diyos, kaya tingin niya sa kanyang sarili ay isang mabuting tao. Nakakapanindig- balahibo ang ginagawa niyang pagmamalaki….kahindik-hindik, at isang karumal-dumal na kayabangan! Hindi dahil dasal siya nang dasal o di kaya ay panay ang pagbasa ng Bibliya ay mabuting tao na siya. Paano ang mga walang Bibliya dahil walang pambili? Sila ba, tulad ng mga bakla at tomboy, ay mas masahol din sa hayop dahil walang na-memorize na salita ng Diyos tulad niya?

 

Paano naging mabuti ang isang tao na nagsasabing inosente siya hangga’t hindi napapatunayan sa korte ang mga kasalanan niya, kahit sa kaibuturan ng kanyang diwa ay alam niyang may kasalanan talaga siya? Ang ganitong pananaw ay nagpapahiwatig ng karumal-dumal na kawalan ng konsiyensiya ng isang tao dahil kahit alam niyang may kasalanan siya pero kaya niyang kumuha ng isang matalino at magaling na mga abogado ay siguradong absuwelto siya.

 

Kung mananalo si Binay bilang presidente at si Pacquiao ay senador, hindi na mawawalan ng pangungurakot sa gobyerno dahil ang kasalanang ito ay kailangang patunayan PA sa korte, ayon sa kanilang pananaw. Hindi man sila ang gumawa ay gagawin ng iba dahil kaya nilang umupa ng magaling na abogado kahit mahal ang serbisyo. Yan ang sagot sa tanong kung kaylan pa may napatunayang nangurakot na malalaking opisyal sa matataas na puwesto ng gobyerno. Samantala ang mga kaso man lang ng mga kinurakot na pork barrel sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay wala pa ring linaw hanggang ngayon.

 

Nakakatakot isipin na nabubuhay tayo ngayon sa panahong naglipana ang mga taong walang konsiyensiya. Silang tingin sa sarili ay maka-Diyos at hindi asal-hayop dahil panay ang basa ng Bibliya, pagdasal, at pag-attend ng prayer meetings, kaya mga “Kristiyano” kuno…ganoong ang nasa isip pala ay inosente sila sa mga kasalanang ginawa dahil hindi napatunayan sa korte!

Ang Pagninilay-nilay Tuwing Semana Santa

Ang Pagninilay-nilay Tuwing

Semana Santa

Ni Apolinario Villalobos

 

Uumpisahan ko ang share na ito sa pagpuna tungkol sa ilang bagay tungkol sa ginugunita ng mga Katoliko. Tulad halimbawa ang “semana santa” na sa Ingles ay “holy week”, at kung tagalugin ay “banal na linggo” pero hindi ganoon ang nangyayari dahil ang ginagamit ay “mahal na araw” na tumutukoy sa “isang araw” lang…anong araw ito? Biyernes santo ba? Sa dasal na “Hail Mary…” kung sa Tagalog, ito ay “Aba Ginoong Maria…”. Bakit naging “ginoo” ang birheng Maria? Ang “ginoo” ay pantukoy sa lalaki. Bakit hindi, “Binibining Maria” o “Ginang Maria” at lalong sana ay “Birheng Maria” dahil siya ay babae? Sigurado kong marami ang magtataas ng mga kilay sa pagpuna kong ito.

 

Kaya ko inunahan ng mga pagpuna ang isinulat kong ito ay upang ipakita na karamihan sa mga gumugunita sa Semana Santa, ang pananampalataya ay ampaw…walang laman. Ang mga dasal, minimemorays, hindi pini-feel sa puso. Kung susunod sa mga panuntunan ng simbahan, parang wala sa sarili kung gawin ito, hindi iniisip. Kaya sa binanggit ko sa unang paragraph, maaaring kung hindi ko nasabi ay hindi rin mapapansin, dahil sa ugali ng karamihan na kung i-describe ay “parang wala lang”.

 

Maraming paraan ang pagtitika at pagninilay-nilay sa paggunita ng Semana Santa tulad ng  pagbisita Iglesia…paramihan ng pinupuntahang simbahan, subalit ang nakakalungkot ay hindi nila pagpalampas sa pag-selfie sa harap mismo ng altar! Pagkatapos ng mga pasyalang ginawa ay magpo-post sa facebook ng mga selfie, pati ng mga pagkaing nabili sa paligid o harap ng simbahan. Isa pa ring paraan ay ang tinatawag na “staycation”…ang hindi pag-alis ng bahay o bayan o lunsod kung saan nakatira, dahil marami rin namang magagawa maski hindi na lumabas pa. Sa ganitong paraan, nakatipid na ay nakapag-bonding pa sa mga mahal sa buhay, subalit karamihan pala ay nanonood lang ng mga DVD ng na-miss na mga pelikula!

 

Ang mga may perang magagastos, dumadayo pa sa mga bayang nakakaakit din ng mga dayuhang turista. At ang iba naman ay pinipili ang mga resort, swimming pool man o dagat upang mas maganda daw ang ambience ng pagninilay o pagmi-meditate….sana.  Yong iba kasi, ang pinagninilay-nilayan ay ang mga naka-bikining nagsi-swimming. Pero, ang matindi ay ang mga astig, na ang pagninilay ay ginagawa sa harap ng mga bote na ang etikitang nakadikit ay may imahe ng demonyo at ni San Miguel Arkanghel!

 

Ang mga pilosopo naman ay nagsasabi na taunan naman ang pagninilay-nilay at paghingi ng tawad o paglinis ng ispiritwal na aspeto ng pagkatao, kaya huwag mag-alala kung nakaligtaang magbisita Iglesia, magpinetensiya, o sumali sa pagbasa ng pasyon sa kasalukuyang taon dahil marami pang mga taon na susunod, at upang idiin ang pagkapilosopo, may dagdag pa na: “habang buhay…may pag-asa”.

 

Ngayon, magtataka pa ba tayo kung bakit ang mundo ay tila niyuyugyog ng mga sunud-sunod na kalamidad? Idagdag pa diyan ang mga giyera sa pagitan ng magkakapitbahay na mga bansa at pagkalat ng mga terorista sa iba’t ibang bansa upang maghasik ng karahasan? At huwag ding kalimutan ang gutom at mga sakit na ang iba ay wala pang lunas.

 

Dahil sa labis na talino at pagkagahaman ng tao, nawalan na siya ng katinuan at kinalimutan na ang Manlilikha, kaya hindi lang simpeng pitik ang nararapat kundi mararahas na pambukas ng kanyang mga mata at kaisipan!

Ang Addiction, Harakiri, at Dangal

Ang Addiction,  Harakiri, at Dangal

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang addiction ay hindi limitado lang sa alak, sigarilyo at droga. Sa Pilipinas, may mga maidadagdag pa sa listahan: addiction sa pera, addiction sa pagsinungaling, at addiction sa cellphone.

 

Ang mga sintomas ng addiction sa pera ay ang hindi makontrol na paggalaw ng mga hinlalaki (thumb) at hintuturo (thumb) sa pagkiskisan na animo ay nagbibilang ng pera, pagkataranta kapag nakarinig na kalansing ng baryang nahulog, panlalaki ng mga mata kapag pinag-uusapan ang pera, at madalas na pagkadulas sa pagsabi ng “how much are you”, sa halip na “how are you”. Talamak itong sakit sa Kongreso at Senado at iba pang mga ahensiya ng gobyerno na palaging may project (na pinagkikitaan).

 

Ang mga sintomas naman ng addiction sa pagsisinungaling ay ang hindi nawawalang ngiti sa mga labi upang ipakita sa iba na malinis ang kanyang budhi at isip, pagsambit ng pangalan ng Diyos na idinudugtong sa mga pangako, pagbanggit ng kidlat, kulog, malusaw, mamatay, at iba pang kahindik-hindik na mga salita upang idiin ang katotohanan kuno ng mga sinabi niya at yong iba ay binebetsinan pa ng “peks man” at “cross my heart”, at ang pinakamalinaw na palatandaan ay ang walang kabuhay-buhay at hindi kumukurap na mga matang nandidilat habang nagsasalita sa harap ng camera dahil nag-aalala na baka madulas ang kanyang dila.

 

At, ang addiction naman sa cellphone ay may mga sintomas na paggalaw-galaw ng hinlalaki na animo ay may pinipindot. Napapansin din ang hindi mapalagay na pagkilos ng addict kapag ang katabi ay may kausap sa cellphone dahil parang may nag-uutos sa kanyang agawin ang cellphone upang siya naman ang makipag-usap. Napapakislot din itong uri ng addict kapag may naririnig na tunog ng cellphone, na sinasabayan pa ng pagdidila ng mga labi na para bang natatakam sa pagkain. At sa isang tahanan, malalaman kung may mga addict sa cellphone kapag may nagbabangayan na maririnig hanggang kalye dahil sa pagwawala ng mga anak na gustong magkaroon ng mga bagong cellphone.

 

Kung dangal naman ang pag-uusapan, matindi ang mga Hapon sa pag-alaga nito. Nagpapakamatay sila kapag nadungisan ang kanilang dangal. Yong mga nasa gobyerno ng Japan, na nabigla o hindi sinasadyang nakagawa ng masama ay nagpapatiwakal agad kahit hindi pa nasisimulan ang imbestigasyon.

 

Kung sa Pilipinas mangyayari ang pagpapatiwalak o pagharakiri ng mga nagkasalang government officials, siguradong walang matitira….mula sa pinakamataas na puwesto hanggang sa ibaba. Pero hindi nangyayari, dahil sinanay ang mga Pilipino ng mga prayle o Spanish friars noong panahon ng mga Kastila sa paniniwalang kahit sangkaterba ang kasalanan, lusaw ang mga ito sa paulit-ulit na pagdasal ng Our Father, Hail Mary, at I Believe in God,  na ipinapataw sa nagkumpisal. Kaya ngayon, tingnan ninyong mabuti kung sino ang mga mahilig gumawa ng mga kasalanan na nakaluklok sa kawawang gobyerno ng Pilipinas!…hindi ba silang mga nananalig sa kumpisal?…dahil pagkatapos ng mga penance ay gagawa uli sila ng mga kasalanan!

Ang Talumpati ni Pnoy Aquino sa Mamasapano Massacre Anniversary (25 January 2016)

Ang Talumpati ni Pnoy Aquino sa

Mamasapano Massacre Anniversary (25 January 2016)

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa pagsalita ni Pnoy Aquino sa anibersaryo ng pagpatay sa SAF44 ngayong araw, 25 ng Enero, ay kung ano-ano na namang matulaing kataga ang binitwan niya. Kaylan kaya titigil ang presidente sa ganitong gawain na bistado namang puro buladas lang? Hindi makakalimutan ang mga binitiwan niyang mga pangako lalo na ang “tuwid na daan”, noong nangangampanya pa lang siya, hanggang sa siya ay umupo na. Pati ang mga “pangako” para sa mga pamilya ng mga pinatay na SAF44 ay hindi pinatawad ni Pnoy dahil sa mga bulilyaso na naman.

 

Ayon sa tatay ng isang pinatay na SAF, iilan lang sa mga pinangakong benepisyo ang kanilang natanggap. Ang pabahay ay maliit at nasa isang liblib na panig ng Laguna at hindi mararating kung walang sariling sasakyan. Ang isang benepisyo para sa dependent ay tahasang sinabi ng pamunuan ng PNP na hindi pwedeng ibigay dahil lampas na sa minimum na gulang ang tinutukoy na dependent, subalit sana ito ay ginawang exemption na lang, dahil gagamitin sa isang hindi pangkaraniwang sitwasyon…subalit hindi nangyari, sa kabila ng pangako ni Pnoy.

 

Hindi makalimutan ang hindi niya pagsalubong nang dumating ang mga labi ng SAF44, pagkatapos ay sasabihin niyang dadalhin daw niya hanggang sa hukay ang sakit na dulot ng nangyari na gusto pa niyang ituring na isang “insidente” lamang, at hindi “masaker”? Dahil sa kasanayan na niyang magbigkas ng mga kasinungalingan, akala niya lahat ng mga sinasabi niya ay totoo….napaniwala niya ang sarili sa ganito. Subalit hindi tanga ang taong bayan upang paniwalaan ang mga sinasabi niya.

 

Upang mabawasan ang bigat ng kanyang mga pagkukulang bilang presidente ay panay paninisi ang ginagawa sa nakaraan administrasyon ni Gloria Arroyo na nagpamana daw sa kanya ng mga kapalpakan. Bakit hindi na lang niya ituwid kung may mali at punan kung may kakulangan, sa halip na siya ay magdadakdak na hindi gawain ng isang lalaking tao, lalo pa at ayon sa kanya ay  “ama” siya ng sambayanang Pilipino? Ang salitang “ama” ay nanggaling din sa kanya dahil sa kahiligan yata niya sa tula, subalit hanggang turing na lang ito, dahil hindi nga niya pinapakinggan ang kanyang mga “boss” na taong bayan, ang bago na namang turing na “ama” pa kaya? Hindi lang tahasang pagbibingi-bingihan ang kanyang ginagawa, kundi pati na rin ang pagbubulag-bulagan, at lalo pa ang pagmamaang-maangan kaya marami tuloy ang nagtatanong kung may presidente ba ngayon ang Pilipinas.

 

Ang pinakamagandang magagawa ni Pnoy upang makabawi sa mga kahihiyan ay huwag nang mangako at bawasan ang paggamit ng mga matalinghagang salita sa kanyang mga talumpati. May panahon pa naman siya upang mabago kahit kapiraso ang pagtingin sa kanya ng sambayanang Pilipino at makakuha uli ng respeto…yan ay kung pakikinggan niya ang mga matitino niyang taga-payo, lalo na ang mga “boss” niya.

Umaayon ang mga Pagkakataon kay Pnoy na Pinaghandaan Niya

Umaayon ang mga Pagkakataon kay Pnoy

na Pinaghandaan Niya

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa pagkalaglag ni Mar Roxas mula sa kalinga ni Pnoy Aquino dahil sa hindi pagka-apruba sa dalawang libong pisong dagdag sa buwanang pensiyon ng mga retirado, wala ring problema sakaling manalo si Jejomar Binay. Dapat tandaang ang kalaban ni Binay ay ang tatlong senador na pursigidong siya ay makulong-  sina Escudero, Trillanes at Pimentel. Sa isang banda ay paulit-ulit na sinasabi ni Binay na malaki ang utang na loob niya kay Cory Aquino na siyang nagluklok sa kanya sa Makati City bilang mayor nang umupo ito bilang presidente pagkatapos ng People Power 1. Dahil diyan, malayo sa isip niya na sumuporta sa anumang balak na kasuhan si Pnoy, bilang pagpapakita ng utang na loob. Wala rin siyang probema dahil naghihintay na sa kanya ang pork barrel fund na inaprubahan ni Pnoy, na lalo pang nilakihan sa halagang nakakalula.

 

Maraming mapaggagamitan ang pork barrel fund na inaprubahan ni Pnoy, lalo na sa panunuhol upang maharangan ang anumang tangkang kasuhan siya sa kanyang pagbaba at pagkawala ng immunity. Sa Ingles wika nga ay, the road has been paved for smooth travel….o pag-absuwelto kay Pnoy mula sa anumang kaso. Majority ng miyembro ng Korte Suprema ay naimpluwensiyahan na ni Pnoy at ang iba ay iniluklok naman niya sa panahon ng kanyang panunungkulan kaya hindi maiiwasang magkaroon sila ng utang na loob sa kanya. Yong mga inuluklok ni Pnoy na nagsasabi ng, “gagawin ko lang ang trabahong itinalaga sa akin”, ay mabuti pang manahimik na lamang mula ngayon dahil siguradong sisirain lang nila ang binitiwang pangako. Hindi dapat kalimutan na ang isang bahagi ng kultura ng mga Pilipino ay matiim na nakaangkla sa “utang na loob” na siya namang dahilan kung bakit napakarumi ng pulitika sa Pilipinas.

 

Ang mga nabanggit na senaryo ay malamang na matagal nang nakikita ni Pnoy kaya kung gumawa siya ng mararahas na aksiyon na taliwas sa mga inaasahan ay ganoon na lang. Samantala, ang pag-asa na lamang ay ang kasong inilalatag sa kanya ni Juan Ponce Enrile tungkol sa direktang pananagutan niya sa madugong kamatayan ng SAF44 sa Tokanalipao, Mamasapano, sa probinsiya ng Maguindanao. Subalit kung ito ay ihahain sa Korte Suprema, tatanggapin naman kaya ng karamihan ng mga mahistrado ang “command responsibility” bilang batayan ng kanyang kasalanan? Ano ang magagawa ng isang mabigat na ebidensiya sa harap ng mga naimpluwensiyahang kaisipan na nabaluktot kaya hindi makagawa ng patas na desisyon? Nangyari na yan nang kung ilang beses….at siguradong mangyayari pa!

Mga Lubak at iba pa…sa Tuwid na Daan

Mga Lubak at iba pa…sa Tuwid na Daan

ni Apolinario Villalobos

 

Maihahalintulad ang buhay sa binabagtas na daan

Maaring ito ay tuwid, liku-liko, paahon o palusong

Sa araw-araw nating pamumuhay sa mundong ito

Bumabagtas tayo ng daan…hindi alam saan patungo.

 

Sa pakikibaka sa buhay ay para rin tayong tumatahak

Ng daan na hindi lang baku-bako dahil sa mga lubak

Marami ring mga sagabal – mga bato at minsa’y tinik

Na kung di maiwasa’y magdudulot ng sugat…masakit.

 

Kung minsan naman, ang daang tinatahak ay liku-liko

Para ring buhay na maraming dinadaanang pagsubok

Kung minsan ay mga pasakit na pabigat sa ating balikat

Na kailangang tiising pasanin, kahi’t dusa ang kaakibat.

 

Minsan nang may taong nag-anyaya, samahan daw siya

Sa pagbagtas sa tuwid na daa’t sinabi pa niyang nakangiti

Pangako’y puno ng kaginhawahan sa buhay, animo totoo

Subali’t kalauna’y nabatid, daa’y may lambong na siphayo!

 

Ang daa’y diretso nga, nguni’t tadtad naman ng mga lubak

Marami ring bato, tinik ng mga damo, ipot, at kung ano pa

Marami na ngang sagabal, umaalingasaw pa sa kabantutan

Kaya sa pagbagtas nitong daan daw niya, sinong gaganahan?

 

Hindi na lang sana siya nangako, dahil lahat ng daa’y masukal

Maraming sagabal dahil ito ay parang buhay, hindi matiwasay

Upang makaraos, depende na sa pagkapursigido ng isang tao

Kaya, kung Diyos nga ay hindi nangangako ng tuwid na daan –

…ito pa kayang isang tao na wala pang napatunayan?

 

Ang Isyu sa Dagdag-Pensiyon at si Binay…kung suwertihin nga naman!

Ang Isyu sa Dagdag-Pensiyon at si Binay

…kung suwertehin nga naman!

Ni Apolinario Villalobos

 

Ngayo’y may taong masaya, abot tenga ang ngiti

Dahil umaayon ang mga pagkakataon sa kanya

Hindi man siya mag-ingay o magsalita sa radyo

Tiyak lilipat ang pansin sa kanya ng mga Pilipino.

 

Ang kay tagal inasam-asam na dagdag sa pensiyon

Pag-asang hinintay at kung ilang taong pinagdasal

Na sana ay makamit dahil ito nga ay napakahalaga

Subali’t sa isang pirma lang ito ay nalusaw – nawala!

 

Si Binay ay napakasaya, si Mar nama’y natataranta

Paulit-ulit man niyang banggitin ang “daang matuwid”

Kulelat pa rin kaya nahihilo’t walang malamang gawin

Dahil mga Pilipino… sa kanya ay hindi na pumapansin!

 

Bakit o bakit, hindi man lang ito naisip ng isang tao –

Na patung-patong na ang mga kapalpakang ginawa?

Ang maliit na halagang ipinagkait sa mga pensiyonado-

Ay magiging bangungot at laging nakabuntot na multo!

 

Nakalimutan ba nila na ang alas ni Binay ay mga senyor?

Nakalimutan ba nilang may free birthday cake sa Makati?

At ito ay ibinibigay sa mga senior citizen tuwing bertdey?

Ngayon, sino baga ang naalimpungatan….?

Eh, di si Mar at may-akda ng “tuwid na daan”!

 

The Agony of Mother Nature

The Agony of Mother Nature

By Apolinario Villalobos

 

Her womb brought forth life of many sorts

On top of the list is man – wise, clever, shrewd

A creature so sharp, with ego that knows no bound

He, whose selfishness, lifted him up from the ground.

 

At the start, his simple desire brought him food

Also, skins and leaves to cover his bare fragile frame

Then, his carnal yearnings brought him abundant broods

Who later inhabited vast lands – plains, valleys and woods.

 

Man’s desire has no end, never satisfied, not a bit

He not only breached, what to others are sacred realms

Unmindful and blind to whatever will be the consequence –

He even dares to break Mother Nature’s idyllic, blissful silence.

 

Greed drove man to scalp mountains of their trapping –

Verdant and lush forests he fell by indiscriminate burning

Reverberating scream of his chainsaw fill nooks and crevices

That drowns panicky calls of birds and their desperate screeches.

 

Immaculate white and sandy beaches strewn with shells

Though, still practically fringing undiscovered islands and coves

They may no longer be what they are now, as found by those lucky

For their days are numbered just like the rest, now drowned in misery.

 

Islands pockmarked with diggings for much-coveted minerals

Pitifully belch residues to rivers, lakes, coves even gurgling springs

While man grins his widest for the cash, illicitly and cruelly-gained

Mother Nature just cringes in agony, abused, that for long she’ll pain.

 

The air that man breaths for whiffs of comfort, relief and dear life –

Now has become a mist of poison, the scourge of his irresponsibility

For bringing forth metallic contraptions belching toxin just everywhere

And even break auditory succor, shaking the world with so much clatter.

 

With Mother Nature in agony –

man is left…alone,

to determine his destiny!

Panahon na Kaya Upang Buwagin ang Commission on Human Rights?

Panahon na Kaya Upang Buwagin ang

Commission on Human Rights?

Ni Apolinario Villalobos

 

Personally, wala pa akong nalamang may ginawang kapaki-pakinabang ang Commission on Human Rights (CHR). Ang napansin ko pa, kung may isyung matunog, saka ito pumapapel upang makisalo sa interes ng madla…yon bang gigitna din sa eksena upang masapol ng limelight at mga camera.

 

Nabahaw na lang ang isyu sa masaker ng 44 na miyembro ng SAF sa Mamasapano, Maguindanao, ay hindi man lang naringgan ng pahayag ang Komisyon na ito. Dahil kaya nananantiya at tila maraming masasagasaan lalo na ang Presidente? Kahit pa sinabing may mga kakasuhan daw na kung ilan ang  DOJ – mga sundalo at mga rebelde, subali’t, ano naman ang ginawa ng CHR?

 

Nabaon  na lang din sa kalimot ang Maguindanao Massacre ay wala ring narinig na maski paswit o matinis na sipol man lamang mula sa Komisyon na ito. Ang mga Ampatuan ay tila maaambunan ng grasya, kaya ang iba ay nakapag-piyansa na, at napapansin na rin ang kaluwagan sa kanila. Ano pa ang aasahan ng mga mahal sa buhay ng mga biktima kung ganito rin lang ang mangyayari? Wala bang “human rights” ang mga biktima at mga naghihinagpis na mahal nila sa buhay?

 

Ang mga iskwater na inilipat sa mga relocation sites na wala naman palang mga pasilidad na kailangan upang mabuhay ng maayos ay lalo pang naghirap, kaya ang iba ay nagsibalikan sa lunsod kung saan ay may mapupulot na basura upang ibenta…at upang may maipambili ng pagkain. Hindi ba “human rights” ang mabuhay kahit sa paraang isang kahig isang tuka? Hanggang tungkol lang ba sa mga bagay na may kinalaman sa pagpatay ang pakikialaman ng Komisyon na ito?

 

Ang mga Badjao at mga nagra-rugby na mga kabataang nagkalat sa kalye at bangketa, bakit hindi pakialaman ng CHR, ganoong nakita namang inutil din pala ang Department of Social Welfare pagdating sa bagay na ito? Hindi pakikialam kung sumawsaw ang Commission on Human Rights sa mga gawaing para sa mga tinukoy na mga taong dapat tulungan, kundi isang “pakikipagtulungan” sa mga ahensiyang dapat ay may direktang responsibilidad tulad ng Department of Social Welfare at mga local government units. Bakit hindi inspeksiyunin ng Komisyon na ito ang mga rehabilitation facilities ng mga local government units para sa mga kabataan? Baka ang iba ay wala pa ngang maayos na pansamantalang tirahan ng mga kabataan, kaya ang  “social welfare office” ng ibang local government units ay hanggang referral lang, kahit may malaking budget naman!

 

Ang mga biktima ng mga illegal na recruiters, bakit hindi asikasuhin ng CHR, lalo pa at hindi pa sila miyembro ng OWWA? Ang mga nabibiktimang OFW sa ibang bansa, bakit ayaw pakialaman ng CHR sa tulong ng kanilang international counterpart? Akala ko ba, bawa’t bansa ay may Commission on Human Rights. Bakit hindi sila naririnig tuwing may dumadaing na mga Pilipinong OFW na pinagmalupitan ng mga amo nila sa ibang bansa? Ang mga hindi makauwi dahil tumakas lang sa pagmamalupit ng mga amo kaya nagbebenta ng laman upang makaipon ng pamasahe…bakit hindi tulungan ng CHR?

 

Pagdating ng panahon, siguradong mababanggit  sa mga pahina ng kasaysayan ng bansang Pilipinas, na minsan ay may pangulong nagtalaga ng mga tao sa Commission on Human Rights, sa ilalim ng kanyang administrasyon, pero wala palang nagawa…

Mga Inaasam na Pagbabago ng Gobyerno at mga Ahensiya Mula sa Taong 2016

Mga Inaasam na Pagbabago ng Gobyerno

At Mga Ahensiya Mula sa Taong 2016

Ni Apolinario Villalobos

 

SANA AY…

 

  • TANGGALIN ANG MGA INUTIL NA NAMUMUNO SA MGA AHENSIYA. HINDI SILA KAKULANGAN DAHIL MGA WALANG ALAM NAMAN TALAGA AT NAITALAGA LANG DAHIL MAY KAPIT SA PRESIDENTE. HINDI BALE NANG MGA OFFICER-IN-CHARGE ANG MAIIWANG MAMUMUNO, SIGURADO NAMANG MGA CAREER SERVICE OFFICERS AT TALAGANG MAY ALAM SA PAGPAPATAKBO NG MGA AHENSIYA.

 

 

  • BUWAGIN ANG COMMISSION ON HUMAN RIGHTS AT ILIPAT ANG BUDGET NITO SA PUBLIC ATTORNEYS OFFICE (PAO) UPANG MADAGDAGAN ANG MGA ABOGADONG LIBRE ANG SERBISYO. MARAMI PANG IBA….

 

 

  • PAIRALIN ANG KOORDINASYON SA PAGITAN NG MGA AHENSIYA DAHIL MAYROONG HALOS MAGKAKAPAREHO ANG MGA RESPONSIBILIDAD TULAD NG HUMAN SETTLEMENTS, DEPARTMENT OF HUMAN RIGHTS, PUBLIC ATTORNEYS OFFICE, DEPARTMENT OF SOCIAL WELFARE (KUNG HINDI MABUBUWAG). KADALASAN KASI, SA DIYARYO LANG SILA NAGKAKAALAMAN NG MGA GINAGAWA KAYA KUNG PANG-PUBLICITY AY NAGKAKASAPAWAN AT KUNG MAY BULILYASO AY NAGTUTURUAN.

 

 

  • TANGGALIN ANG INCENTIVE SA MGA AHENSIYA NA MAY KINALAMAN SA PAGTITIPID UPANG MAY MAGAMIT SA BONUS NG MGA EMPLEYADO. BISTADO NA KASI NA MARAMING AHENSIYA NA SINASAKRIPISYO ANG MGA PANGANGAILANGAN SA OPISINA UPANG MAY MATIPID NA MALAKI AT UPANG MALAKI RIN ANG BONUS. DAHIL DITO, KAHIT MALILIIT NA MGA AHENSIYA NA ANG MGA PANGALAN AY HINDI KILALA AY NATUTO NA RIN SA KATARANTADUHANG ITO.

 

 

  • AYUSIN ANG MGA OPERATIONS MANUAL NG LAHAT NG MGA AHENSIYA NA KUNG ILANG TAON NANG HINDI NA-REVIEW KAYA NAGKAKAPALPAKAN SILA SA OPERASYON. LALONG DAPAT TSEKIN ANG MANUAL NG CIVIL SERVICE COMMISSION, KASAMA NA ANG OFFICIAL NA TALAAN NG MGA PUWESTO UPANG MATANGGAL NA ANG MGA HINDI ANGKOP SA MAKABAGONG OPERASYON.

 

 

  • PALITAN NA ANG OBSOLETE NA BUREAU OF PLANT INDUSTRY NA INUTIL NAMAN DAHIL HINDI NAKAKA-KONTROL NG SMUGGLING NG GULAY. WALA RIN ITONG GINAGAWA UPANG MAKAAGAPAY ANG MGA MAGSASAKA SA MGA MAKABAGONG PARAAN NG PAGSASAKA AT WALA RING GINAGAWANG HAKBANG UPANG MAGKAROON NG KAALAMAN ANG MGA MAGSASAKA SA PAGTANIM NG MGA PRUTAS AT GULAY NG IBANG BANSA TULAD NG TSINA UPANG HINDI NA MAG-ANGKAT PA.

 

 

  • PALITAN NA ANG NAMUMUNO SA NATIONAL FOOD AUTHORITY DAHIL ANG IPINANGAKONG PAGBALIK NG MGA PRESYO NG BIGAS AY HINDI NANGYARI. ANG DATING MAHIGIT 20PESOS LANG NOON NA PRESYO NG MGA COMMERCIAL RICE NA DOMOBLE AT NAGTRIPLE ANG PRESYO, AY GANOON PA RIN HANGGANG NGAYON, MAHIGIT ISANG TAON NA ANG NAKALIPAS. KUNG DATI, ANG JASMINE AT CALIFORNIA RICE ANG MAHAL, NGAYON ANG MAGAGANDANG KLASE NG COMMERCIAL RICE AY MAHIGIT SA 40PESOS ANG HALAGA.

 

 

HIGIT SA LAHAT, SANA SA DARATING NA ELEKSIYON AY MANALO ANG ISANG PRESIDENTE NA HINDI LANG PURO PANGAKO ANG ALAM NA GAWIN.